Chapter 4

2716 Words
CHAPTER 4 Zeta's POV "Ano nang gagawin natin ngayon, kuya?" Puno ng takot ang boses ko, at sa totoo lang ay kahit ang paghinga ay nahihirapan akong gawin. Sanay na akong nagkakaroon kami ng problema habang ginagawa namin ang misyon, pero ang mga problemang nararanasan naming iyon ay hanggang doon lang. Dahil kapag natapos na namin ang trabaho ay tapos na rin ang problema. Buong akala ko, iyong mga hadlang lang sa paglabas ko nooon sa bahay ni Karl ang magiging problema namin, may mas malala pa palang puwedeng mangyari na literal nang tatapos sa buhay naming grupo. Muli niya akong niyakap. "Akong bahala, bunso... akong bahala." Gaya ng sabi ko kanina may tiwala ako sa utak ni Zyx, kaya alam ko na may mainam na siyang plano para rito. "Paano sina Cahil at Wren?" tanong ko. "Ako na rin ang bahalang magsabi sa kanila, kaya huwag ka nang mag-alala." Mga magnanakaw kami, pero kahit kailan, hindi pa naging ganito kabilis ang t***k ng puso ko. Nu'ng nahuli nga ako ni Karl ay kalmado lang ako, eh. Ang huling beses na kinabahan ako ay nu'ng minsang may nakakita sa akin na pumuslit ng siopao sa isang Convenience Store. Mabuti na nga lang din at hindi ako nagawang isumbong ng lalaking 'yon, hindi ko na nga lang maalala kung paano ko 'yun natakasan. "Hindi, mas gusto ko na dalawa tayong magsasabi sa kanila," giit ko. "Zeta..." nagbabanta ang boses ni Zyx pero halata ko pa rin ang pag-aalala sa mukha niya. "Mas maiintindihan nila kapag ako ang nagpaliwanag, 'diba?" pagpipilit ko. Isinandal na lang niya ang ulo sa sandalan ng single couch, ang paborito niyang upuan. Hindi na 'ko nakarinig pa ng kahit ano sa kanya, hindi na rin ako nagsalita. Basta ang ginawa ko na lang, kinuha ko ang cellphone ko sa bulsa at agad na nag-online sa talkchat para magsabi sa group chat namin nina Cahil at Wren na pumunta sila rito sa Hideout. Pagkatapos kong gawin 'yon, wala na akong nagawa kundi titigan na lang ang hawak kong phone. Sa pagkaka-alala ko, ito ang unang bagay na binili ko para sa sarili ko galing sa trabaho namin. Naalala ko pa nu'ng binili namin ito ni Zyx, iyon din ang pagkakataon na sinabi niya sa akin na hindi dapat ako bumili ng mahal na cellphone dahil mahahalata raw kami. Kaya kahit labag sa loob ko, ito na ang binili ko. Pero limang taon na ito sa akin, ibig lang sabihin, limang taon na rin kami sa trabahong ito. Nabuhay kami na tanging mga mayayamang tao lang ang nakakaharap namin. Ang iba sa kanila ay hindi na nag-abala pang hanapin ang nagnakaw sa kanila dahil sa katwirang hindi nila kailangang pag-aksayahan ng panahon ang kaunting pera na nakuha sa kanila. Ang iba naman ay buong lakas ang ibinuhos mahanap lang kami, pero bigo pa rin na mahuli kami. Palaging ganoon ang eksena namin, tapos sabay-sabay na lang kaming tatawa kasi panalo pa rin kami at nawawaldas pa rin namin ng malaya ang perang naiuuwi namin. Pero iba ngayon, hindi lang sila mayaman kundi malakas sa pwersa at higit na masama sa amin. Magnanakaw kami pero hindi pa kami nakakapatay, pero sila... tiyak kong madami na ang napatay nila. Binitiwan ko ang cellphone ko at nagpaalam ako kay Zyx na babalik ako sa pagtulog, ayoko nang ma-stress pa lalo... may tiwala pa rin akong may plano ang kapatid ko. *** Natagpuan ko ang sarili ko sa isang madilim na eskinita. Madilim din ang kalangitan, walang ibang tao rito kundi ako lang. Mga kaluskos ng mga nagtatakbuhang daga ang naririnig ko at amoy ng basura ang umaalingasaw sa paligid. Pero kahit alam ko ang mga bagay na 'yon, walang reaksyon ang sarili ko... tila sa ibang bagay nakatuon ang atensyon ko. "Kuya?" Nilingon ko ang paligid. Naglakad ako at patuloy na binibigkas ang tawag ko sa kanya. Hindi natatapos ang kahabaan ng eskinita, napansin ko rin na maliit ang paghakbang ko. "Kuya!" muli kong sigaw. Halos hindi ako makahinga sa takot dahil hindi ko makita kahit saan ang kapatid ko. Niyakap ko ang sarili ko nang makaramdam ako ng takot na baka iniwan na niya 'ko rito. "Kuya... kuya?" patuloy kong sambit habang naghahanap pa rin ako. Umiiyak ang mata ko ngunit wala akong maramdaman na kahit ano. Panay pa rin ang paghahanap ko kahit pa alam kong hindi ko pa natutunton ang sulok ng eskinita. Pero bigla akong napahinto nang may boses na bumulong sa loob ng ulo ko... "Wala na sila..." "Huh? Bakit? Umalis ba sila?" Isang alaala, may nakikita akong isang alaala... Umiling ang unang nagsalita, tapos may tumulong luha sa kanyang mga mata. "Patay na sila..." Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang sarili ko sa harap ng isang bahay na hindi ko maipaliwanag ang itsura... Umiyak din ako... sobrang lakas ng pag-iyak ko... Hindi... hindi sila puwedeng mawala... Nandito lang sila... makakasama ko pa sila... "ZETA! Zeta huminahon ka!" Naramdaman ko na lang na may umaalog sa akin. Pagmulat ng mata ko, isang mukha ang bumungad sa akin, nakita ko rin ang kisame ng kwarto ko. Agad akong bumangon at napahawak sa mukha ko... basang-basa ang pisngi ko sa luha. Saka ko na-realize na panaginip lang pala iyon. "Kuya..." mahina kong sambit. "Si Zyx ba ang hinahanap mo? Lumabas lang siya sandali, may binili lang at maya-maya lang ay uuwi na rin 'yon. Ano bang nangyayari sa 'yo, Zeta?" Nilingon ko si Wren, napalunok ako habang nakakunot ang noo. Wala pa siyang ideya sa nangyayari kaya alam kong puno pa siya ng pagtataka, at nagkaroon din ako ng pagtataka. "Anong ginagawa mo rito sa kwarto ko?" Agad siyang tumayo. "Sorry! Ikaw kasi, narinig kitang umuungol tapos pag-akyat ko rito, nakita ko na natutulog ka kaya alam kong nananaginip ka ng masama. Tapos..." Sumama ang tingin ko sa kanya. "Tapos ano?" "Wala! Ginising na kita. Bakit ba parang kriminal ako kung tumingin ka sa akin?" Napangiwi ako. "Wow!" May kung anong nirereklamo pa si Wren pero hindi ko na iyon pinakinggan, tahimik lang ako na nagkusot ng mata. "Wala na sila... hindi na sila babalik... iniwan ka na..." Bumalik sa alaala ko ang panaginip ko kanina. Sino ba 'yun? Bakit patuloy kong nadidinig 'yun sa ulo ko? Nababaliw na ba 'ko? Bakit pakiramdam ko... naramdaman ko nang ang mawalan dati? *** "Anong nangyari sa kapatid ko?!" Natatarantang sigaw ni Zyx pagpasok niya ng bahay. Naabutan niya kami ni Wren na kumakain ng paborito kong oishi at nanonood ng TV. Si Cahil naman ay halos kakarating lang, naroon siya sa kusina at nagluluto ng popcorn. "Uhhh, gumanda lalo?" sagot ko. "Kumain ka na lang din dito, Zyx," sabat ni Wren. Sumama ang tingin ko sa katabi ko. "Hoy, ano bang ch-in-at mo sa kapatid ko?" Hindi niya ako sinagot, dahan-dahan lang siyang ngumisi at dahan-dahan ding umikot ang mata niya para tumingin sa akin. Minsan talaga naiisip ko na galing sa Mental Hospital ang lalaking ito, mas mukha siyang serial killer kaysa magnanakaw. "Wren, pagkatapos mo kumain... sumunod ka sa akin sa kwarto ko." Napakunot ako ng noo nang sumeryoso ang mukha ni Zyx pagkasabi niya n'on. Pinanood ko na lang siya na pumasok sa kwarto niya. "Naku, mapi-principal office ka, Tukmol." "Ipapakita niya lang sa akin 'yung binili niya, huwag kang OA." Ako naman ang ngumisi. "Aminin mo, kinabahan ka ng kaunti." Pagsubo niya ng hawak niyang oishi cracker ay sumunod na siya sa kwarto ni Zyx. Naiwan naman akong mag-isa sa sala at patuloy na kumakain. Naramdaman ko ang pagtabi sa akin ni Cahil kaya agad ko siyang nilingon, pero sama ng tingin ang iginanti niya sa akin. "Anong ginawa ko sa 'yo?" tanong ko. Pinigilan ko ang sarili kong matawa kasi suot na naman niya ang asar niyang tingin sa akin. Pero umiwas din siya ng tingin kaya napasimangot ako bigla, ang pangit bwisitin ni Orange, walang thrill. "May gusto ka bang sabihin sa akin?" ani Cahil. Naging seryoso ang mukha ko nang itanong niya 'yon. Bigla ko kasing na-realize na... oo nga pala, may mahalaga kaming dapat pag-usapang. Nakuha ko pang kumain ng oishi at maupo ng relax na relax kahit pa may malaki kaming problema ngayon. Isa talagang problema para sa akin ito, kasi hindi pa namin na-try nakawan ang isang member ng sindikato sa buong pagnanakaw history namin, ngayon pa lang talaga. Kaya hindi ko maiwasang hindi ma-stress, swear. Sumandal ako sa couch at isinubo ang huling piraso ng oishi na hawak ko. Hindi ako umimik kay Cahil, ayokong magsalita, ayokong sagutin 'yon. "Gaano ba kalaki ang sindikatong 'yon?" Napalingon sa likuran ko nang marinig ko ang boses ni Wren mula roon. "Teka, may alam ka na tungkol kay Karl?" gulat na tanong ko. Sinundan ko ng tingin sina Wren at Zyx hanggang sa naupo ang kapatid ko sa paborito niyang upuan, tapos ang kasama niya naman ay naupo sa arm rest nito. "Nu'ng una, wala. Pero siguro... pareho lang tayong tatlo na iba ang pakiramdam sa taong 'yon kaya nagkanya-kanya tayo ng pag-alam tungkol sa kanya," paliwanag ni Wren. "Hindi natin sigurado kung gaano kalaki ang sindikato nila, pero sapat na ang impormasyong nakarating sila ng ibang bansa para masabing hindi sila basta-basta," dagdag naman ni Cahil. "Ang Fallen Angel ay isang sindikato na nagpapanggap na isang organisasyon na tumutulong sa ibang tao, pero ang totoo ay ibebenta nila ang taong maloloko nila kapalit ng malaking halaga," ani Zyx. Lumingon ako sa kapatid ko. "Iyon lang ba ang nalaman mo tungkol sa kanila? 'Diba dapat alamin pa natin ang ibang bagay na makakatulong sa atin na solusyonan ang problema?" tanong ko. "Duwag ako, Zeta. Takot akong alamin ang lahat ng tungkol sa kanila dahil baka lalo tayong malagay sa panganib kapag ginawa ko 'yun," aniya. "Tama siya, Zeta. Mas kaunti nalalaman natin...mas ligtas tayo," sabi naman ni Cahil. Lumingon naman ako sa kanya na hanggang ngayon ay katabi ko. "Pero hindi tamang katwiran 'yan, Cahil. Paano kung inaalam na nila ang tungkol sa atin? Paano kung pinagpa-planuhan na nila tayo? Wala pa rin ba tayong gagawin?" Nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanila pero umiwas lang ng tingin si Cahil habang nakayuko lang si Wren. "Naisip ko na 'yan, at tinanggap ko nang may posibilidad na mamatay tayo kapag lumaban tayo sa kanila," ani Zyx, dama ko ang nakakabahalang tono sa boses niya. Agad akong napatayo dahil sa sinagot ng kapatid ko. "So, ano... ganoon na lang 'yon?" "Siyempre, hindi! Kaya nga tayo nag-uusap ngayon kasi may plano ako." Agad akong umismid sa kapatid ko. Ang seryoso na ng usapan, nakuha pang magbiro ng ganoon. Naupo ako at piniling makinig na lang sa sasabihan niya. "Hindi nila alam ang totoong mukha natin, kaya advantage natin 'yon. Kaya ang dapat nating gawin ngayon ay... hanapin ang mga taong may pareho ng mukha na disguise n'yo noong hinarap n'yo si Karl," suhestiyon ni Zyx. Nagsalita si Wren, "Hindi ba parang ibang bagay na yata ang gusto mong mangyari? Mandadamay na tayo ng inosente niyan, eh." Sinagot siya ni Zyx, "Hindi natin sila idadamay, ililigaw lang natin sa kanila ang atensyon ng sindikato. Siyempre, hindi naman agad-agad ay susugurin nila ang mga taong 'yon. Oobserbahan muna nila ang kilos ng mga ito at iyon naman ang pagkakataon nating makatakas," paliwanag niya. Magkaharap silang dalawa habang nag-uusap. "Paano tayo makakatakas sa planong naiisip mo?" ako naman ang nagtanong sa kapatid ko. "Aalis tayo rito, lilipat tayo ng lugar. Ganoon lang kasimple," aniya. Hindi ako kumbinsido sa planong naiisip ni Zyx, feeling ko, hindi sila ganoon katanga para hindi malaman na kami ang totoong nagnakaw sa kanila. Pero hindi ko na nagawang umimik, nagpatuloy lang ang kapatid ko sa pagpapaliwanag sa naisip niyang plano. Sandali akong napalingon kay Cahil, mula kanina ay wala siyang imik, hindi manlang siya tumutol sa naisip ni Zyx. Akala ko pa naman ay siya ang pinaka matalino sa aming apat at siya ang unang makakaisip ng bagay na iniisip ko. Hanggang sa hindi na ako nakapagsalita, sumang-ayon na lang din ako sa balak nila. Naging panatag na lang din ako kasi alam ko naman na madali lang para kay Zyx na hanapin ang mukha na gamit namin... kahit pa alanganin ako na baka wala pang nag-e-exist na mukha na gaya n'on. "Teka, paano kung wala rito sa lugar natin ang mukha na 'yon?" tanong kong muli. Agad akong tinawanan ni Wren. "Ayaw mo n'on? Mapapalayo ang sindikato sa atin, mas mapapadali ang pagkilos natin na makatakas." "Hindi ko pa rin gets ang takas na naiisip ninyo," sabi ko pa. Napatingin ako sa katabi ko nang dumakot siya ng popcorn na nasa bowl sa mesa. Feeling ko, gaya ko ay nanghihintay din ang dalawa kong kasama kung may sasabihin ba si Cahil. "Zeta, naalala mo ba 'yung laro natin dati?" tanong niya at isinubo ang piraso ng popcorn na hawak niya. Medyo nabigla lang ako sa naging tanong ni Cahil na iyon. Agad na kumunot ang noo ko. "Sa dami ng ginawa nating kalokohan... hindi ko na alam kung saan doon." Napansin ko ang pagbuntong hininga niya, nainsulto ako r'on. Kasi ang obvious naman na ang tingin niya na naman sa akin ay engot. "Naglaro tayo ng pinoy henyo, tapos ang ipinahula sa 'yo ay computer repair shop... ang sinagot mo ay computer shop lang. Tapos galit na galit ka sa akin kasi hindi ko iyon tinanggap," aniya. Parang may bumbilyang umilaw sa taas ng ulo ko nang maalala ko iyon. Birthday iyon ni Zyx at kaming dalawa ni Wren ang naghuhulaan noon, ako ang taga-hula at siya ang taga-sagot, tapos ang word nga ay 'computer repair shop' at ang clue ko ay bagay na gusto ng kapatid ko kaya ipinagpilitan ko na computer shop 'yon. Ang gunggong lang ng kalaro ko kasi akala niya computer repair shop ang bagay na gusto ni Zyx, kaya iyon natalo tuloy kami. Ayaw tanggapin nila Cahil 'yung sagot ko dahil kulang daw ako ng word na 'repair' sa sagot ko. Asar na asar pa ako lalo kasi si Zyx pa ang sumulat n'on. Wala raw kasing thrill kung walang twist. Feeling ko talaga, pinag-trip-an nila 'kong tatlo noon. "Naalala ko na, anong meron doon?" tanong ko. Iniangat niya ang tingin bago sumagot sa akin. "Itutuloy na natin 'yon." *** Naging makalat na naman ang paligid ng Hideout dahil sa mga plastic ng orange oishi na kinainan namin. Mayroon ding mga pinigang kalamansi na nasa mesa, lumagkit din ito dahil kumalat na rin ang katas. Nasa ibaba naman ng mesa ang bote ng soft drinks, naka apat kaming bote ng 1.5 liter ng coke. Pagabi na nang magpasya na umuwi sina Cahil at Wren, naiwan na naman kami ng kapatid ko rito. Nakakaasar lang kasi ako na naman ang magliligpit ng kalat dito dahil magsisimula nang magluto si Zyx para sa dinner. Habang nagliligpit, walang ibang laman ang isip ko kundi si Karl. Ngayong alam ko na miyembro nga siya ng sindikato, hindi ko maiwasang hindi manghinayang... sandali ko lang siya nakausap noon, pero... tingin ko na agad sa kanya ay mabuting tao. Sanay naman akong makakita ng mabuting tao, dahil minsan ako ang humaharap sa target kapag kailangan na babae ang kakausap dito. Sa dami ng nabiktima namin, hindi ako nakaramdam ng guilty na ninakawan namin sila... kasi ang iniisip ko, maliit lang naman na halaga 'yon, parang tulong na lang nila sa amin 'yon. Pero iba si Karl, mabuting tao siya. Kaya nga lang ay nasa isang masamang grupo siya. Paano niya nagagawang sikmurain ang ganoon kaduming trabaho? Napaupo ako para isilid sa garbage bag ang mga tirang kalat sa sahig, nahinto ako sa paggalaw nang maisip ko ang katangahan ko sa tanong na iyon... pareho lang naman kaming may maduming trabaho. Bakit ko ba iyon naging tanong sa sarili ko? "Zeta, mag-mop ka ng sahig, ha. Ang lagkit, eh." Napansin ko ang pagdaan ni Zyx sa harap ko, palabas na sana siya sa pinto pero natigil siya sa naging tanong ko. "Kapag ba nakatakas ako sa sindikato, puwede na tayong magsimula na mabuhay ng normal?" "Kahit hindi na tayo magnakaw, hindi pa rin tayo magiging normal." Hindi na ako umimik pa, hinayaan ko na lang siya na tuluyang lumabas. Napangiti ako ng tipid, itinuloy ko na lang ang pagliligpit. "Bakit ko ba iintindihin ang bagay na hindi naman dapat?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD