Chapter 57

2706 Words
CHAPTER 57 Dalawang beses. Dalawang beses na silang nakatanggap ng babala mula sa Fallen Angel. Oras na ba talaga para huminto? Sa pagmulat ni Craig ng kanyang mata, puting kisame ang unang bumungad sa kanya. Kumunot ang kanyang noo dahil hindi pamilyar sa kanya ang lugar. Agad na gumala ang mata niya sa paligid ng kwarto kung saan niya natagpuan ang sarili niyang nakahiga. Hanggang sa unti-unti ay bumalik sa alaala niya ang mga nangyari... doon niya nakita ang kabuuan ng kwarto at saka pumasok sa kanyang isip na nasa Hospital na siya. Pagbangon niya, walang kahit sino ang nasa paligid niya. Napabuntong hininga na lang siya dahil wala naman siyang dapat asahan na taong tatabi sa kanya para bantayan siya at abangang magising. Pero hindi iyon ang bagay na mas ikinabahala niya, agad niyang inisip kung ano ang lagay ng dalawang lalaking kasama niya ng gabing iyon. Hindi na niya alam ang mga sunod na nangyari pagkatapos niyang mawalan ng malay, kaya mas importanteng kanya ngayon ang lagay ng mga kasama niya. Kasabay ng pagbalik ng alaala niya ay ang pagsakit ng buo niyang katawan. Halos hindi na niya alam kung saan talaga ang masakit, pero alam niya kung saan siya banda napuruhan nang gabing makaharap niya ang ilang tao ng sindikato. Tila naging isang marka ng kahapon ang nararamdaman niya ngayon, para bang ito ang nagpapaalala sa kanya kung ano ang sinapit nila sa kamay ng mga taong hindi manlang nila nakilala kung sino. Tumayo siya para silipin ang labas, maliwanag na ang paligid. Pagtingin niya sa kanyang relo ay alas-siyete na ng umaga, oras na dapat ng pagpasok sa trabaho. Pero bago ang lahat, gusto niya munang matiyak kung gaya ba niya ay nasa Hospital pa din ang dalawa niyang kasama noong nakaraang gabi at kung kumusta ba ang lagay nilang pareho. Lumabas siya ng kwarto para hanapin sa mga katabi niyang kwarto ang pangalan ng mga kakilala niya. Dahan-dahan lang ang kanyang paglalakad dahil medyo ramdam niya pa ang hilo. Pero hanggang sa nakarating siya sa Nurse Station ay hindi niya nakita ang kwartong hinahanap niya. Kaya wala siyang nagawa kundi ipagtanong na lang ito sa Nurse na naka-duty doon. Agad naman itong itinuro sa kanya nang sabihin niyang kasamahan niya ang mga iyon. Habang papunta sa kwartong itinuro sa kanya, hindi niya maiwasang magbalik tanaw sa mga nangyari. Gusto niyang saktan ng paulit-ulit ang sarili niya dahil siya ang nagpahamak kay Zyx... kung sakaling may nangyaring hindi maganda sa kanya, tiyak na hinding-hindi mapapatawad ni Craig ang sarili niya. Paulit-ulit na bumalik sa isip niya ang tanong na, "Bakit mo nga ba gustong mahuli ang Fallen Angel?" Hindi niya masagot, hindi niya na maalala kung bakit nga ba... dahil sa trabaho? Gusto niyang hulihin ito dahil tungkulin nilang ikulong ang mga masasamang tao? Hindi alam ng binata kung mabait ba ang mga miyembrong nakakaharap niya o talagang swerte lang sila na hanggang ngayon ay hindi pa rin sila pinapatay ng mga ito kahit may dalawang beses na silang nagkaharap ng mga ito. Kalimitan, sa unang babala pa lang at hindi ka na nakinig ay wala nang pangalawa. Pero ngayong napagbigyan pa sila sa pangalawa, meron pa kayang pangatlo? Walang nakakaalam sa maaring mangyari sa hinaharap, pero ang tanging tumatakbo lang sa isip ni Craig ngayon ay, "Maaring maling desisyon nga siguro ang subukang tuldukan ang masamang ginagawa ng Fallen Angel." Mali ang ginagawa ng sindikato, mali ang ibenta ang mga inosenteng tao at ilagay lang sa kamay nila ang magiging kapalaran ng taong iyon. Madami na silang napatay, nasirang pangarap, at madaming pamilya na ang naperwisyo at nawalan ng mahal sa buhay dahil sa maling gawain nila. Karapat-dapat talaga silang pahintuin, pero paano niya magagawang iligtas ang milyong taong maaring maging sunod na biktima kung pagligtas nga lang sa iisang tao ay hindi niya magawa? Nang mabaril si Wren, tinanggap niya sa sarili niyang nagkamali siya na hinayaan niya ang mga ito na humarap sa isang gaya ni Karl. Nakumbinsi niya ang kanyang sarili na parte ng trabaho ang nangyari, at akala niya ay sapat nang mangakong wala nang masasaktan muli para harapin ang panibagong bukas. Pero isang kahibangan ang lahat, hangga't nabubuhay ang grupo at hangga't nangingialam sila ay patuloy ang pagdating ng panganib sa buhay nila. Hindi sigurado ni Craig kung tama bang sabihin na, "Maaring matatapos ang panganib kapag tinapos na rin niya ang pangingialam sa grupo." Maaring iyon ang mensaheng gustong iparating ng Fallen Angel. Nagsisimula nang makaisip si Craig ng mga rason niya para ihinto na ang pag-iimbestiga sa grupo at kalimutan na ng tuluyan ang kaso. Gusto niyang subukan na huwag nang mangialam sa grupo at mamuhay na lang ng normal. Dahil ayaw na niyang madamay pa ang mga importanteng tao sa buhay niya para lang sa sarili niyang kagustuhan na hulihin ang grupo. Nakarating siya sa isang kwarto na may pangalang "Sergio Umali" sa kanang bahagi ng pinto. Nangangahulugang ito ang kwarto ni Zyx. Bago tuluyang pumasok, ikinalma niya muna ang kanyang sarili at nag-isip ng paulit-ulit kung kaya na ba niyang harapin si Zeta at ang galit nito. Pero alam niyang wala siyang pagpipilian, kailangan niya talagang harapin ang ginawa niya sa ayaw at sa gusto niya. Pinihit niya ang doorknob. Pero pagpasok niya sa loob, wala nang tao roon. Ang tanging naabutan niya na lang ay ang naglilinis ng kwarto. "Nasaan na ang pasyente rito?" tanong niya sa babae. Inihinto ng ginang ang kanyang ginagawa para lingunin siya. "Kakaalis lang, eh," aniya. Napabuntong hininga na lang siya at nagpasalamat sa babae saka lumabas sa kwarto. Saka naman siya nakatanggap ng mensahe mula kay Dawin na nauna na siyang lumabas ng Hospital para pumasok, sinabi rin nitong bumisita muna ito sa kwarto niya bago umalis pero naabutan siyang natutulog pa kaya hindi na siya ginising para hayaan siyang magpahinga pa. *** Dumating si Craig sa opisina at naabutan niya si Dawin na nakaupo na sa harap ng kanyang computer na parang walang nangyari sa kanya. "Uy, musta? Kanina ka pa?" bati ni Dawin sa kanya pag-upo nito sa tabi niya. Inilapag ng binata ang isang basong kape galing sa vendo machine saka iniligpit ang ilang papel sa harap ng kanyang computer. "Medyo," sagot niya. "Nakita mo ba si Zyx bago ka umalis?" Bumaling ang tingin ni Dawin sa kanya. "Ang totoo, hindi ko siya pinuntahan. Wala akong lakas ng loob na harapin siya nang hindi ka kasama, eh." Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa, tila pareho nilang sinisisi ang kani-kanilang sarili dahil sa nangyari. Kahit pa alam nilang tiyak na maayos ang lagay ni Zyx, hindi pa rin nila maiwasang hindi malungkot dahil alam nilang kapabayaan nila bakit iyon nangyari. "Sa tingin mo, papayag kaya ang mga kaibigan niyang bisitahin natin siya?" Pagak na natawa si Dawin sa kanya. "Nu'ng nabaril si Wren, 'diba nakapasok tayo ng libre sa kwarto niya? Ganoon lang din ang mangyayari kapag binisita natin si Zyx." Tumango si Craig sa kanya. Maaring mas malubha at mas delikado ang nangyari kay Wren kumpara sa nangyari kay Zyx. Pero magkaibang tao sila, magkaiba rin ang nangyari sa kanila, at mas lalong magkaibang sitwasyon ang kinalagyan nila. Ang pinakamasakit n'on, wala pa silang issue ni Zeta noon at malayong-malayo na ang nangyaring iyon sa nangyayari ngayon. Bumalik sa realidad ang isip ni Craig nang hawakan ni Dawin ang balikat niya. "Ubusin mo na 'yung kape mo, tapos tara na," aniya. *** Alas-diyes kadalasang nagbubukas ang shop nina Zyx, kaya mahaba pa ang oras ni Craig para makausap ang grupo na hindi pa sila nagiging abala sa pag-asikaso sa mga customer. Kaya bago pa makarating ang binata sa lugar ay paulit-ulit na niyang kinumbinsi ang sarili na dapat niyang lakasan ang kanyang loob para harapin si Zeta, at ito na ang oras na iyon... Si Dawin ang pumindot sa door bell, si Cahil naman ang nagbukas ng gate. Malugod silang pinapasok sa loob na parang walang nangyari. Agad din silang inaya ng binata na malaya silang pumasok. Sumalubong din si Wren sa kanila na ngayon ay abala sa mga ilang bagay na hindi na masyado pang inintindi ng dalawa, pareho lang nila iyong binati. Sa madaling salita, hindi galit sa kanila sin Wren at Cahil, ganoon pa rin ang pakikitungo nila sa dalawang pulis na bagong dating. Ayon kay Cahil, nasa kwarto lang daw si Zyx at nagpapahinga. Walang lakas ng loob si Craig na itanong kung nasaan si Zeta, maski si Cahil ay hindi na rin ito binanggit. Kaya nagtuloy na lang ang dalawa na puntahan ang kanilang bibisitahin. Inasahan ni Craig na maaabutan niya si Zyx na nakahiga at nagpapahinga, pero nakita niya ito na nakaharap na naman sa kanyang computer. "Sinusubukan kong kilalanin ang mga taong pumasok sa Hideout," bungad na bati ni Zyx sa kanila, nasa boses niya ang gigil sa nangyari na para bang hindi niya matanggap na may nakapasok ng ganoong kadali sa kanilang dating hideout. Iyon na ang naging bati niya dahil nakita niya sa tingin ng dalawang bagong dating na nagtataka ang mga ito kung ano ang ginagawa niya. Naupo si Dawin si kama, habang si Craig naman ay sa isang upuan at inilapit ito kay Zyx. "Pare, gusto lang sabihin na—" "Wala kang kasalanan sa nangyari, Craig. Bago pa ako pumayag sa kasunduan nating pagtutulungan sa kasong ito, alam ko na ang panganib sa buhay ko—lalong-lalo na sa buhay nating lahat. Gawin ko man o hindi ang misyong ito, nasa hukay na talaga ang isang paa ko. Kaya huwag mo nang isipin pa na may pagkakamali ka," ani Zyx. Napangiti ng tipid si Craig at saka pasimpleng tumingin kay Dawin, nginitian din siya nito na para bang sinasabi na, "Huwag ka nang mag-alala." Dahil doon, bumalik ang tingin ni Craig kay Zyx. Sinubukan niyang tanggalin sa isip niya ang plano niyang itigil na ang pag-imbestiga sa Fallen Angel. Ngayon niya naisip na sanay na nga pala sa panganib si Zyx, nawala na sa isip niya ang naging buhay ng grupo bago niya ito muling nakita. "Siguro, mas mainam kung bumalik ka na rito sa bahay ninyo. Hindi na ligtas ang hideout para sa 'yo," ani Craig. Hindi agad nakasagot si Zyx, para bang nang marinig niya ang sinabing iyon ng kaibigan ay biglang pumait ang tingin niya rito. Dahan-dahan niyang ibinaling ang tingin niya sa kaibigan. "Craig, ang totoo kasi niyan—" Hindi na niya nagawang magsalita pa, dahil natigil siya nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto niya. Gulat na gulat si Zyx nang makita na si Zeta ang pumasok sa loob ng pinto. Naradaman ni Craig na may taong pumasok sa loob ng kwarto, at kahit hindi pa siya lumilingon ay kilala na niya kung sino iyon. Napalunok siya at inihanda ang sarili para sa pinakamalaking pagsubok na haharapi niya. At sa pagharap pa lang niya, isang sampal na ang sumalubong sa kanya. "Ang kapal ng mukha mong magpakita pa rito," ani Zeta. Mahina ang kanyang boses, sinusubukan niyang huwag itong tumaas. Pero pansin sa tono nito ang galit. Hinawakan ni Craig ang kaliwang pisngi niya na nahagip ng sampal ng kanyang kaharap. Ngayon ay masasabi na niyang pantay na ang nararamdaman ng magkabilang panga niya. Nilapitan ni Zyx ang kanyang kapatid, sa pag-aalalang baka masundan pa ang p*******t na ginawa nito kay Craig. Hinawakan niya ang magkabilang balikat nito para ilayo ng bahagya sa binata. Naging hudyat naman ang sandaling katahimikan para magpaalam si Dawin na lalabas muna siya, hindi niya kayang panoorin ang dalawa na nag-aaway. Pakiramdam niya, kapag hindi siya lumabas ay madadamay siya rito. Alam niyang may kasalanan siya, pero hindi niya kayang makatanggap pa ng panibagong sakit mula sa isang sampal. Nang makalabas siya, kay Craig na nakatuon ang pansin ni Zeta. Para bang naging hudyat ang paglabas ni Dawin para magkaroon siya ng lakas ng loob na pagsalitaan ang kaharap niya. "Si Wren nu'ng una, tapos ngayon si Zyx. Sinong sunod na ipapahamak mo, si Cahil? Lahat ba talaga ng taong importante sa akin gusto mong saktan?!" Hindi alam ni Craig kung ano ang dapat indahin, ang sampal ba na natanggap niya o ang kaunting kirot sa puso niya nang marinig niya mula kay Zeta na mahalaga ang grupo niya para sa kanya at parang ang pinapalabas niya ay walang pwesto sa dalaga ang kanyang sarili. "Zeta, sabi ko naman sa 'yo, 'diba? Pare-pareho naming hindi naisip na ganoon ang gagawin ng kalaban. Malay ba naming may plano pala silang—" "At paano kung oras-oras ay hindi ninyo alam ang plano ng kalaban? Ibig din bang sabihin ay oras-oras puwedeng mangyari ang ganoon? Pagkatapos ng bugbog, ano nang gagawin nila kapag hindi pa kayo tumigil, papatayin na kayo?" pagalit ni Zeta sa kapatid. Nangingilid na ang luha nito at alam ni Zyx na anomang oras ay iiyak na ito. "Zyx, hindi ito ang buhay na sinabi kong gusto ko! Anong silbi ng pagbabagong buhay natin kung isa-isa naman tayong mamamatay? Tama naman na!" dagdag pa niya. Napayuko si Craig. Kahit hindi siya ang kinakausap ng dalaga, ramdam niya na kasama siya sa pinagsasabihan nito. Wala mang nabanggit si Zeta ay alam niyang pinakikiusapan sila nito na itigil na nila ang kanilang ginagawa laban sa sindikato dahil mas mahalaga ang buhay nila kaysa sa pagkahuli ng mga ito. "Zeta, alam mo namang hindi tayo tuluyang magiging masaya kapag hindi nawala sa landas natin ang Fallen Angel, 'diba? Galit sila sa atin, kaya kung hindi natin sila lalabanan, tiyak na papatayin nila tayo!" giit ni Zyx. "Kapag patuloy kang lumaban, doon lang nila tayo papatayin. Hindi mo ba naisip, wala talaga silang pakialam sa kaya nating gawin! At sa totoo lang, kung hindi n'yo naman ginawa ang mga ginagawa ninyo ngayon ay hindi nila kayo sasaktan, eh. Nakita mo ba 'yung ginawa nila? Zyx, hawak nila ang buhay mo pero hindi ka nila pinatay. Kasi gusto nilang ipaintindi sa 'yo na hindi mo sila kaya! Gumising ka nga sa kahibangan mo!" Ang mga salitang iyon ay madalas nang naririnig ni Craig na sinasabi niya sa kanyang sarili mula pa nang una niyang hawakan ang kaso ng sindikato. Pero mula noon, paulit-ulit niya lang iyong binabalewala... para bang wala siyang pakialam kahit pa ano ang kahantungan niya sa huli. At ngayong may ibang nagsabi n'on, parang sa isang iglap ay nagsisi siyang umabot pa sila sa puntong muntik nang may isang buhay na naman ang mawala. Hindi pa natatapos ang galit ni Zeta sa puntong iyon, hinarap niya pa si Craig na sobrang sama ng tingin sa binata. "Kung ikaw desidido kang ilagay ang buhay mo sa peligro, huwag mong idamay si Zyx. Hindi siya gaya mo na kayang ipagtanggol ang kanyang sarili, hindi siya gaya mo na kayang harapin ang kamatayan!" aniya. "Kung makapagsalita ka, parang wala akong damdamin. Tao rin ako, Zeta. Kung inaaalala mong si Zyx ay mamamatay, mamamatay din ako sa kahit anong paraan! Bakit ka ba nagagalit, dahil ba napahamak si Zyx? Ligtas na siya, 'diba? Ano pang kinagagalit mo?" Hindi alam ni Craig kung saan niya nakuha ang mga salitang iyon, hindi niya rin alam kung bakit bigla na lang ay nagsalita rin siya ng ganoon. Ang tanging alam lang niya, masakit para sa kanya na maramdaman na 'yung taong akala niya ay may pakialam pa sa kanya noon, ay taong unang mambabalewala sa kanya ngayon. Kumunot ang noo ni Zeta sa kanya, puno ng pagtataka ang tingin niya sa uri ng tingin ng kaharap niya. Nawala ang pakiramdam niya na gusto niyang umiyak, napalitan ito ng gulat na pinagsasalitaan siya ng taong may malaking kasalanan sa kanya at sa kapatid niya. "Ano bang sinasabi mo? Akala mo dahil ligtas na siya sa nangyari kagabi dapat na tayong mag-move on lahat? Hindi iyon ganoon kasimple, Craig! Huwag ka ngang magsalita na parang tapos na ang lahat, dahil halata naman sa mukha ninyo na gusto n'yo pang gumanti... na hindi kayo papayag na sila lang ang nakapanakit sa inyo. Kaya n'yo nga ito ginagawa, 'diba? Kasi gusto ninyong patunayan na kahit gaano pa kalaki ang sindikatong iyon, kayang-kaya n'yo silang—" "Zeta, ginagawa namin ito para sa 'yo!" Sa isang iglap, tuluyan nang tumulo ang luha sa mata ng dalaga na kanina pa niya pinipigilan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD