Chapter 56

2738 Words
CHAPTER 56 Kumpara sa naging takbo nina Craig at Dawin kanina, mas mabilis ito ngayon. Wala silang ibang maaring gawin ngayon kundi ang manalangin na nasa mabuti ngang lagay si Zyx. Hindi intensyon ni Dawin na magmukhang kaskasero sa pagmamaneho, pero walang ibang paraan para madali ang takbo nila para mabilis na makarating. Hindi nila alam kung ano ang maaring abutan nila sa pupuntahan kung hindi sila magmamadali, lalo pa ngayong tiyak sila na hindi palalampasin ng kalaban na buhay ang target nila. Kanina pa rin nag-iisip si Craig kung dapat na ba niyang tawagan si Zeta para ipaalam sa kanila ang nangyari—ang biglang pagkawala ni Zyx sa linya habang nasa misyon pa silang sundan si Shiela. Pero kahit anong pilit ang gawin niya sa sarili niya para kumilos ito ay wala pa rin siyang lakas ng loob para gawin iyon, natatakot siya sa maaring maging reaksyon ng dalaga. Bukod sa takot siyang lalong lumala ang galit sa kanya nito, mas natatakot siyang baka bumalik muli ang trauma nito. Alam ng binata na kung si Mirabel ay nakapagpabalik ng trauma nito, mas mataas ang posibilidad na maulit iyon kung si Zyx ang pag-uusapan. Ayaw niyang maging dahilan siya ng anomang gulo o problema, una pa lang ay ayaw na sana niyang pumayag sa gusto ni Zyx na bumukod siya ng lugar at bumalik sa dati nilang hideout para lang magkaroon siya ng oras sapagtulong sa kanila sa kaso ng sindikato. Dahil una pa lang hindi na niya nakikitang magandang ideya ito, sa paniniwala niya ay hindi na ito kailangan pang gawin ni Zyx dahil sapat naman na sa kanya ang ginagawa nitong tulong para sa kaso. Pero dahil sa pagpilit ng kaibigan niya, at dahil sa pag-iisip na maaring may iba pa itong rason na ayaw sabihin ay hinayaan na lang niya. At iyon na ata ang pinakamalaking pagkakamali na nagawa niya—ang hayaang malayo sa mga kasama niya si Zyx. Minsan nang sumagi sa isip niya na posibleng mangyari ito, pero mas pinili pa rin niyang manahimik kaysa ang paalalahanan ang kaibigan. Iniisip pa lang ni Craig ang puwedeng mangyari ay hindi na niya ito matanggap, wala siyang ibang magawa sa ngayon kundi ang ikuyom ang kanyang kamao at gayahin na lang ang kasama na manalanging nasa mabuting lagay lang ang kaibigan nila. Bukod sa kayang gawin ni Zyx para sa kaso, malaking kawalan talaga siya kay Craig dahil siya ang pinakaunang naging kaibigan niya noong bata pa lang sila... halos isang kapatid na rin ang turing niya sa binata. Hindi niya mapapatawad ang sarili niya kapag napahamak ito nang dahil sa kanya. Bukod kay Zeta at Mirabel, si Craig ang lubos na nakakakilala kay Zyx. Tiyak niyang kung ikukumpara ang nalalaman niyang bagay tungkol sa binata sa alam nina Cahil at Wren ay mas marami pa rin ang alam niya. Sabay silang lumaki, sabay silang nagbinatilyo, kaya mas maraming taon ang naging pinagsamahan nilang dalawa. Bata pa lang sila, si Zyx na ang pinakamahina sa kanilang apat. Nang makapagsalita si Zeta ulit, siya ang madalas na nagtatanggol o nagsasalita para kay Zyx. Hindi nito alintana kahit ano pa ang itukso sa kanya ng ibang tao, tahimik lang siya at kung minsan ay iiyak na lang sa ibang gilid. Sa madaling salita, hindi siya marunong gumanti, hindi siya marunong makipaglaban, at hindi niya kayang ipatanggol ang sarili niya. Kaya kung sakaling may mangyari mang hindi maganda sa kanya, alam na ni Craig na dapat niya talagang katakutan kung ano man iyon. Hindi niya na rin gustong mawalan muli ng isa pang kaibigan, nangako siya sa kanyang sarili na huli na si Mirabel na mawawala sa kanya. Sa paglipas ng minuto, unti-unting nawawala ang sinag ng araw, nangangahulugang malapit nang mag-agaw ang liwanag at dilim. At habang lalong pinagmamasdan ni Craig ang paligid, mas lalo siyang natatakot sa maaring mangyari habang wala pa sila sa hideout. Hindi niya alam ang puwedeng mangyari habang wala pa sila roon. Pero alam niya kung gaano kasama ang mga kalaban nila, kung gugustuhin nilang bawian agad ng buhay si Zyx ay kayang-kaya nila. Gustong magwala ni Craig sa galit dahil pinabayaan niya itong mag-isa, hindi manlang sumagi sa isip niya ang puwedeng mangyari sa ginagawa nila. Hirap na hirap siyang tanggapin na wala siyang magawa ngayon kundi ang umasa na makakarating sila agad doon nang walang nangyayaring masama. Habang si Dawin naman, nagmamaneho siya pero sinusubukan niya pa ring magsalita para kausapin ang nasa kabilang linya. Ang kaso lang, wala talagang nagsasalita. Tahimik lang ang paligid sa kabilang linya na nakakapagbigay sa kanya ng lalong malakas na kaba ng dibdib. Hindi manlang niya namalayan kung naputol lang ba ang kable o kung nawalan lang ba ng kuryente si Zyx. Gaya rin ni Craig ay naghihintay siya ng update mula kay Zyx kahit manlang sa text o tawag na ayos lang siya at may nangyari lang sa computer niya o sa headset niya. Pero kanina pa niya sinusubukang kausapin ang kaibigan niya sa kabilang linya at hanggang ngayon ay wala pa ring nagsasalita. Ang masakit lang doon, nangyari ang talagang inaasahan nila—nagkaroon ng traffic. Ito ang kalimitang oras ng uwi ng mga taong galing sa kani-kanilang trabaho kaya mas madami ang sasakyang pampubliko na nasa daan. Idagdag pa sa mga iyon ay ang mga sasakyan ng mga empleyadong may pribadong sasakyan na kasama nila ngayon sa highway. "Malas talaga!" inis na sambit ni Dawin. Nahampas niya ang manibela dahil ipit na sila. *** Abala si Zyx sa pag-monitor ng lokasyon kung nasaan si Shiela. Tila inaabangan din niya kung aalis ang marka niya mula sa GPS. Habang giangawa niya iyon ay sinusubakan niya namang hagilapin ang restaurant na binanggit nina Craig para i-hack ang kanilang CCTV. Plano niya iyon para mapanood ng live kung ano ang talagang ginagawa ni Shiela at kung sino ang kausap niya. Sa ganoong paraan din ay maari rin nilang malaman kung sino ang taong kinakausap niya. Kapag nagawang makilala ni Zyx ang mukha ng kausap nito ay tiyak na may magiging bago silang lead sa kaso. Kaya lang, habang kausap niya sina Craig at Dawin mula sa kabilang linya ay bigla na lang nawalan ng kuryente. Dahil dito, ang unang bagay na ginawa niya ay tumayo at lumabas ng kwarto para sana buksan ang generator. Hindi na niya naisip kunin ang cellphone niya, dahil ang tanging dapat niya lang namang gawin ay siguraduhin ang magkaroon muli ng kuryente. Kabisado niya ang pasikut-sikot ng Hideout, kahit madilim ang paligid ay kaya niyang kumilos ng malaya nang hindi nabubunggo sa kahit saang gamit o haligi manlang. Alam niya ring puntahan ang bodega kung nasaan nakalagay ang generator. Pero palabas pa lang siya ng bahay, iba na ang nararamdaman niya... para bang may ibang tao sa paligid bukod sa kanya. Hindi natural ang ganitong pakiramdam sa kanya, ilang beses na siyang naglakad sa dilim pero ngayon lang ito nangyari. Dahil doon, agad siyang nag-ingat at nagdahan-dahan sa paggalaw. Kung kanina ay sinisuguro niyang hindi siya tatama sa kahit anong bagay, ngayon ay halos hindi na siya gumagalaw sa pwesto niya dahil sa pagbabantay niya sa paligid. Hindi kasing lakas ng pakiramdam ni Cahil ang pakiramdam ni Zyx para sa mga ganitong bagay, pero para sa kanya ay may kakaiba talaga sa paligid niya ngayon. Hindi ito multo o kung ano pa mang masamang elemento, perosa pakiwari niya ay may mga matang nakatingin ngayon sa kanya at naghihintay ng pagkakataong mahuli siya. Unti-unti ay nakaramdam ng kaba sa dibdib ang binata, sa buong buhay niya... hindi siya kailanman natakot sa dilim, lalong-lalo na ang mag-isa lang sa isang lugar. Dahil mula nang maging magnanakaw ang kanilang grupo ay iyon na ang madalas niyang ginagawa—ang magkulong sa isang kwartong madilim, habang pinapanood ang mga kasama na isagawa ang pagnanakaw. Hindi rin takot sa multo o sa ano pa mang masamang elemento si Zyx, dahil sa paniniwala niya ay mas nakakatakot ang tao—dahil ang tao ay kaya siyang saktan at kaya siyang patayin. At kung sakali mang may ibang tao nga, isa lang ang maaring gumawa nito sa kanya... ang Fallen Angel. Lalong tumindi ang kaba ni Zyx nang maisip niyang nangyayari nga iyon ngayon. Kaya imbes na puntahan ang generator, ibang bagay na ang naiisip niyang gawin: siguraduhin ang kaligtasan niya at ang makalabas sa loob ng hideout. Tiyak niyang kung may ibang tao nga sa paligid ng hideout ay sila ang may dahilan bakit namatay ang ilaw, plano talaga nilang pababain si Zyx mula sa kanyang kwarto. Ayaw na niyang isipin pa kung bakit. Hindi niya pa alam kung nasaan ang may gawa ng pagkamatay ng ilaw, hindi niya rin alam kung tama ba ang hinala niya, pero mas importante ngayon sa kanya ay masigurong walang mangyayaring masama sa kanya ngayong gabi. Kaya isang plano lang ang talagang pumasok sa isip niya... Ang grupo ni Zyx ay mga batikang magnanakaw, alam nila na maraming tao ang may galit sa kanila lalong-lalo na ang mga pulis. Kaya bago silang nagdesisyon na maging isang magnanakaw, ang unang bagay na inaral nila ay kung paano tatakas sa panganib. Kasama sa pag-iingat na iyon ay ang pagkakaroon ng mabisang hideout, mayroon itong sikretong lugar para kung sakaling may mangyari mang ganito ay may escape route sila. At ito na ang tamang pagkakataon para gamitin iyon ni Zyx. Iyon ang pupuntahan niya ngayon para makatakas. Ang sikretong daan na iyon ay nasa second floor ng hideout, sa kwarto ni Zeta. Nasa sala ngayon si Zyx, at mula sa pwesto niya ay malapit lang ito sa hagdan paakyat. Ang kaso, akmang hahakbang pa lang sana siya pabalik ay may kung sino nang sumuntok sa panga niya dahilan para mawalan siya ng balanse at humandusay sa sahig. Mahinang ungol dahil sa sakit at hilo ang unang nagawa ni Zyx, tumalsik ang salamin niya kaya lalong dumilim ang tingin niya sa paligid. Kahit may ideya siya kung sino ang maaring gumawa nito sa kanya, ay hindi niya nakikita kung ilan sila o kung sino sila. Kahit sa ganitong pagkakataon ay hiniling niya na kahit manlang sana makita niya ang mukha ng mga ito, para kung sakaling makaligtas pa siya rito ay magawa niyang mailawan kung sino-sino pa ang ibang miyembro ng sindikato. Pero sa isang banda, may isang bagay pa na tumatakbo sa isip niya ngayon. Iyon ay kung ano ang kahahantungan niya... dahil kahit hindi siya sinuntok ng kung sinoman, kahit hindi siya bumagsak sa sahig, at kahit hindi tumalsik ang salamin niya... wala pa rin siyang laban sa taong hindi marunong maawa sa kapwa, dahil sila ang uri ng mga taong handang pumatay kahit pa hindi ka pa lumalaban. Hindi na rin sinubukan ni Zyx na tumayo, dahil alam niya sa estado niya ngayon, kahit pilitin niyang tumakas ay hindi niya magagawa. Maari pang masaktan pa siya lalo kapag nagpumilit siya. Lumaban man siya o hindi, alam niyang mamamatay na din siya. "Siguro naman sa mangyayari sa 'yo, magigising na sa katotohan ang kaibigan mong pulis," sabi ng isa sa kanila. Nagmula sa lalaki ang boses, malalim ito at nakakapanginig ng balahibo. Para bang sa tono pa lang ng boses niya ay alam mo nang kayang-kaya ka niyang dalhin sa hukay. Hindi nagsalita si Zyx, hindi na siya nag-abala pang sagutin ang lalaking iyon. Ang tanging tumatakbo na lang sa isip niya ngayon ay sana hindi bumalik ang trauma ni Zeta sa mangyayari sa kanya, sana lang din ay maluwag na matanggap ng grupo kung ano man ang mangyayari sa kanya. At kahit pa mamatay siya ngayon, sana lang ay hindi pa rin itigil nina Craig ang paghuli sa Fallen Angel. Hindi dapat maging hadlang ang kamatayan niya para pangaraping makuha ang hustisya at kapayapaan na gusto nila. Bagkus, magsilbi itong palatandaan sa kanila na kapag hindi pa natuldukan ang pang-aabuso ng isang sindikatong tulad nila, maraming buhay pa ang maaring malagas. Kahit hindi na niya sinubukan pang bumangon, hindi pa rin nakuntento ang sinomang lalaking kasama niya ngayon. Nakatikim pa siya ng isang malakas mula rito at tinamaan siya sa kanyang kaliwang tagiliran dahilan para mamilipit siya sa sakit. Sa ganitong pagkakataon, kahit pa inaasahan na niya ang kamatayan niya, gusto niya pa ring umasa na maiisip nina Craig ang puntahan siya. Dahil sa pagkawala ng kuryente, alam niyang magtataka ang dalawang iyon dahil bigla siyang nawala. Kaya sana, maging hudyat iyon para maisip nilang balikan at iligtas siya. At ang hiling niya lang din kung sakaling malaman ng dalawang iyon ay maabutan pa sana siyang buhay. *** Tuluyan nang gumabi nang makarating ang magkaibigan. Halos may isang oras mahigit ang naging byahe nila dahil naipit sila sa traffic. Idagdag pa na medyo may kalayuan talaga ang lugar na pinanggalingan nila sa Hideout. Walang ilaw ang kabuuan ng bahay nang dumating silang dalawa, huminto ang kanilang kotse sa tapat ng gate ng hideout. Bago bumaba ang magkaibigan ay inihanda na nila ang kanilang baril. Bukas ang gate kaya libre silang pumasok, maingat at tahimik ang ginawa nilang paglapit sa pinto ng hideout. Walang ibang daan papasok sa loob kundi ang pinto lang sa harap, kaya hindi na naghiwalay sina Dawin at Craig. Ch-in-eck ni Craig ang doorknob ng pinto kung may tanda ba itong sinira o pinuwersa. Pero sa tingin niya, magaling ang nagbukas dahil wala itong naiwang bakas ng paraan niya paano niya napasok ang loob. Sinenyasan ni Craig si Dawin na siya ang unang pumasok at sinundan niya naman ito. Dahan-dahan pa rin ang naging pagpasok nila sa loob at nakiramdam din kung may ibang tao pa sa paligid ng Hideout. Hanggang sa nakita nilang pareho ang nakahandusay na katawan malapit sa hagdan. "Zyx?" ani Craig. Sinubukan niyang alugin ang katawan nito, pero hindi ito kumikilos o sumasagot manlang. Nakakaramdaman na ng kaba ang binata, pero nilakasan pa rin niya ang loob niya dahil alam niyang may posibilidad pa ring nandito pa ang taong gumawa nito. "Pare, dalhin mo na sa kotse si—" Hindi na natapos pa ni Craig ang gusto niyang sabihin dahil may bigla na lang matigas na bagay ang tumama sa likod niya dahilan para matumba siya. Hindi na rin nagawang maka-react ni Dawin dahil gaya ng kaibigan niya ay ganoon din ang ginawa sa kaniya. Pero kumpara kay Craig, nagawa pa ni Dawin na makaamba ng tayo para harapin ang sinomang tao na nanakit sa kanila. Pero sa kasamaang palad, hindi na niya nagawang makatayo ng husto dahil mas mabilis na tumama sa panga niya ang isang malakas na sipa, dahilan para tuluyan siyang mawalan ng malay. Sinubukang bumangon ni Craig, pero sa pagtangka niyang iyon ay may kung sino ang nagtutok ng baril sa kanyang pisngi dahilan para hindi na siya muling gumalaw. "Kung tutuusin, kaya ko kayong pataying tatlo ngayon din. Pero gusto kong magkaroon pa kayo ng pagkakataon na pagsisihan ang ginawa ninyong pangingialam sa amin, kaya ngayon pa lang magpasalamat ka na dahil naririnig mo pa 'kong magsalita," sabi ng lalaking nagtutok sa kanya ng baril. Hindi nakikita ni Craig ang mukha ng mga lalaking kaharap niya ngayon, ang tanging nakikita niya lang ay ang mga anino ng mga ito. Hindi niya sigurado, pero sa tingin niya ay nasa lima ang lalaking nakapalibot ngayon sa kanya. Gustong-gusto niyang sagutin ang lalaki, gusto niyang ipaalam sa mga ito na hindi siya natatakot at kahit kailan ay hindi niya pagsisisihan ang ginagawa niyang paghuli sa mga tulad nilang latak ng lipunan. Pero mas pinili niyang manahimik alang-alang sa mga kasama niya, hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip ng mga taong iyon. Sa ngayon, masaya pa rin siya na ligtas si Zyx at wala silang ibang ginawa sa kaibigan niya. Dahil hindi umimik si Craig, hindi na rin nagsalita ang lalaki. Sa halip ay ipanalo na lang nito ang hawak niyang baril sa kanya dahilan para muling matumba ang binata. Maswerteng hindi siya nawalan ng malay, pero sa sobrang hilo niya ay hindi niya magawang makatayo. Iniikot niya ang kanyang ulo para pagmasdan kung may iba pa bang balak gawin ang mga miyembro ng sindikato, pero bukod sa madilim ay hindi malinaw ang nakikita niyang nangyayari dala ng pagkahilo. Hindi man malinaw, nakikita niya pa ang mga ito na paalis na sa Hideout. Huminto ang isa para magsalitang muli, pero hindi na niya magawang intindihin iyon ng mabuti. Para bang hindi nakakarating sa kanya ang sinasabi nito. Pagkatapos, saka sila umalis na para bang walang nangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD