Chapter 12

2709 Words
CHAPTER 12 Ginawa ng magkaibigang pulis ang ideya ni Dawin na bantayan ang kilos ni Karl. At habang ginagawa ito ay sinisiguro nilang hindi sila makikita ng lalaking ito, dahil maaring may maging gulo pa kapag nalaman niya na sinusundan siya ng mga pulis na akala niya ay kakampi niya. Dahil mahilig si Karl sa pabango at Coffee Shop, iyon ang madalas na lugar kung saan nila nakikita ang lalaki. Para bang wala na itong ibang inintindi sa buhay kundi ang atupagin ang mga hilig niya. Lalong nagbigay kay Craig ng rason iyon para pagtakhan ang mga araw-araw na ginagawa ng binata, dahil sa pananaw niya ay hindi dapat pagliliwaliw ang ginagawa ng isang taong nakilalang may negosyo. "Ilang araw na nating sinusundan ang taong 'yan, pero panay gala lang ang ginagawa. Seryoso ba siya sa ginagawa niya?" reklamo ni Dawin. Maski siya ay napapansin na rin ang parehong bagay na napapansin ni Craig, lalo tuloy tumibay ang paniniwala niya na may hindi talaga tama sa ginagawa ng taong sinusundan nila. Nasa loob ng kotse si Dawin kasama si Craig, nakahinto sila 'di kalayuan sa isang Shop ng pabango. Halos lahat na yata ng bilihan ng pabango ay nabisita na ng dalawa dahil sa pagsunod nila kay Karl. Pero sa dami ng napuntahan nila ay nananatiling wala pa rin silang nalalaman tungkol sa binata. "Posible ring ginagawa niya ito dahil alam na niyang sinusundan natin siya," komento ni Craig. Agad siyang tiningnan ng kaibigan. "Huh? Paano niya malalaman? Ibang sasakyan gamit natin, saka isa pa, malayo naman tayo palagi sa kanya," aniya, bakas sa kanyang boses ang gulat dahil sa hinala ng kaibigan niya. Naningkit ang mata ni Craig habang nakatanaw pa rin sa Shop ng pabango kung nasaan si Karl. "Huwag mo siyang maliitin... baka nakakalimutan mong miyembro siya ng isang sindiikato. Tiyak kong mas malakas sa atin ang pakiramdam niyan. Saka malay ba natin kung matandain siya at dahil sa kakasunod natin ay alam na niya ang itsura ng kotse natin," aniya. Napabuntong hininga si Dawin nang ibalik niya ang tingin sa parehong shop na tinitingnan ng kaibigan. "Ano nang gagawin natin ngayon? Babalik na ba tayong opisina?" Hindi kaagad sumagot si Craig, tila lumipad ang isip niya sa mga posibleng ginagawa ni Karl sa kada shop na pinupuntahan niya. Maari rin kasing ginagamit niya ang pagbisita sa mga shop para r'on kitain ang mga taong kailangan niyan kausapin tungkol sa sindikato nila. Hindi kasi nakakahinalang gawin ang ganoong bagay lalo pa kung hindi naman nila kilala ang iba pang miyembro ng Fallen Angel. Ano man ang posibilidad, hindi pa rin magbabago ang katotohanang wala silang lead sa nangyayari at alam nilang pareho na wala na silang mapapala kung ganito ang palaging gagawin ni Karl. Napabuntong hininga na lang si Craig. "Sige, tara," aya niya sa kaibigan dahilan para paandarin na ni Dawin ang kotse pabalik ng opisina. Sa ngayon, ang dapat na lang muna atupagin ng dalawa ay ituloy ang paghahanap sa identity ng tatlong taong suspect nila sa pagnanakaw kay Karl. Ang problema lang, sa tingin nila ay naka-disguise ang mga taong iyon gamit ang ibang mukha kaya hindi nila ma-track kung sino-sino ang mga ito. Tila sa tingin ni Craig ay wala ring silbi kahit nabuking nila ang trick na ginamit ng mga magnanakaw dahil wala silang lead sa identity ng mga ito. Pero bilang parte ng trabaho, hindi sila puwedeng huminto. Kaya pahinga na lang muna sila kay Karl ngayon, susubukan na lang nilang hanapin muli ang mga suspek sa makakaya nilang paraan. *** "Sinabi ko na nga sa inyo, nakita namin ni Wren si Karl sa labas ng Grocery! Hindi na tayo safe rito!" tarantang saad ni Zeta. Iyon ang agad niyang bungad kina Zyx at Cahil nang makauwi sila ni Wren. Nagkatinginan na lang sina Zyx at Cahil na parehong may kunot sa noo dahil sa balitang narinig. "Paano siya nakaabot dito sa lugar natin?" tanong ni Cahil pagbaling ng tingin niya kay Zeta. Napaupo ang dalaga sa couch saka sumagot, "Hindi ko alam! Basta ang alam ko, delikado talaga tayo rito!" giit niya. Nang mapansin ni Zyx ang panginginig ng kapatid ay agad siyang nagpunta sa kusina para kumuha ng tubig. Sakto namang pasok ni Wren sa loob ng hideout nang matapos siyang i-park sa loob ng garahe. "Maaring naghahanap na naman siya ng bagong pabango, ugali niya 'yon, eh. Tapos aksidenteng napadpad siya rito sa lugar natin," ani Wren. Naupo na rin siya sa couch. Gaya ni Zeta ay nakaramdam din siya ng kaba nang makita si Karl, pero nang makalayo na sila ay nawala na ang kaba na iyon. Lumabas ng kusina si Zyx dala ang isang basong tubig at agad itong inabot sa kapatid. Dali-dali itong kinuha ni Zeta na animo'y may humahabol sa kanya nang inumin niya ito. Wala nang nagawa ang kapatid kundi himasin na lang ang likod nito para matulungang kumalma ang kapatid. Iba talaga ang takot na nararamdaman ni Zeta ngayon... para bang nang makita niya si Karl ay parang nakita na rin niya ang daan papuntang impyerno. Ni minsan, hindi siya natakot sa kahit anong trabaho nila sa pagnanakaw... minsan nga ay nagagawa pa niyang haluan ng laro ang trabaho dahil natutuwa siya sa kanilang ginagawa. Pero ibang usapan na kapag may involve na sindikato, alam na alam niyang hindi sila bubuhayin ng mga ito at mas matinik silang magparusa kaysa sa mga pulis at batas. "Ibig sabihin, kulang ang ginawa nating pag-alam sa mga lugar kung saan may miyembro silang nakakalat. Kailangan din nating bantayan kung saang lugar nagpupunta si Karl," suhestiyon ni Cahil. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Zyx, agad niyang sinilip sa computer niya ang map kung saan puwede niyang ma-locate ang mga shop na may tindang pabango. Kailangan niyang siguruhin na maiiwasan talaga nila si Karl. *** "Na-check ko na lahat ng lugar na may tindahan ng pabango. At sa totoo lang, alam n'yo na rin sigurong mas lumiit ang mundo natin dahil nagdagdag tayo ng kailangang iwasan," panimula ni Zyx. Muli silang nag-uusap sa sala tungkol sa bagong problemang kanilang kinakaharap—ito nga ay ang paglitaw ni Karl ng biglaan. Kaharap ni Zyx sina Wren at Cahil. Unang naglapag ng tanong si Wren, "Paano 'yung napili sana nating lilipatan? Sakop ba 'yon sa lugar na dapat nating iwasan?" Pagkatapos niyang itanong iyon ay bumaling ang tingin niya sa katabi ni Zyx na si Zeta, nakaupo ito ng indian seat at nakayuko. Halatang hindi pa rin maayos ang lagay niya. Mas inaalala niya ang kaibigan dahil ngayon lang niya nakitang nataranta ng ganoon ang dalaga. Bumuntong hininga si Zyx bago tumango. "Isipin na lang natin na blessing in disguise rin na nakita n'yo siya, dahil kung hindi... mas malaking problema ang kinaharap natin dahil malapit pa sa isang tindahan 'yung bahay na napili namin ni Cahil," aniya. Nilawakan na ni Zyx ang pagtingin sa mga bagay na dapat iwasan. Hindi naman ganoon kadaling makita sa mapa ang mga tindahang may partikular na tinda, idagdag pa riyan na hindi rin naman nila alam kung ano-ano bang klaseng pabango ang hinahanap ni Karl. Kaya ang tanging ginawa lang niya ay ni-locate niya ang mga trademark na makikita sa satellite map. "May iba ba kayong trip na bahay bukod doon? O kailangang maghanap ulit?" muling tanong ni Wren. Si Cahil ang sumagot sa kanya, "Tatlo ang napili namin, 'yung dalawa ay hindi na puwede dahil pareho silang may malapit na tindahan. 'Yung isa pa nga ay malapit din sa Restaurant na pinuntahan natin noong nakaraan," aniya. "Ang totoo nga niyan ay gusto naming sabihin sa inyo ang tungkol sa tatlong bahay na napili namin pag-uwi n'yo," singit ni Zyx. Bago siya nagpatuloy sa pagsasalita ay tumingin muna siya sa kapatid niya. "Kaso, naunahan n'yo naman kami sa balitang 'yan." Mula kanina na matapos uminom ng tubig si Zeta ay hindi na ito nagsalita, tila wala sa kasalukuyan ang isip niya at kung ano-ano na ang nararamdaman niya. Magulo ang laman ng isip niya na para bang walang ibang hatid kundi takot at pangamba sa kanya. Hindi na lang siya pinapakialaman ni Zyx dahil higit sa kanilang tatlo, siya ang nakakaalam kung bakit nagkakaganito ang dalaga. Mas makakabuti kasi kung hahayaan muna siyang mapakalma ang sarili niya bago niya ito kausapin muli. May tiwala siyang magiging maayos din ang kapatid niya kapag nakalipat na sila ng bahay. *** Samantala, gabi na nang makabalik sina Craig at Dawin sa opisina. Katulad ng madalas na naaabutan nila rito ay tanging ang bantay na lang ang tao. Isang ilaw na lang ang bukas at isang tahimik at malamig na kwarto na lang ang sasalubong sa kanila. Kung tutuusin, dapat ay dumiretso na lang sila ng uwi na dalawa. Pero dahil sa ugali ni Craig na hanggang hindi siya nakakaramdam ng pagod o antok ay gusto niya magtrabaho, wala na lang magawa si Dawin kundi samahan ang kaibigan. Pareho naman silang walang naghihintay na pamilyang uuwian kaya kahit dito pa sila abutan ng liwanag sa opisina ay walang magagalit sa kanila. Mabuti na lang at kahit wala nang tao pati sa Canteen ay puwede ka pa rin makabili ng kape sa Vending Machine. Ito na lang ang tanging nagbibigay ng init at sigla sa magkaibigan kapag ganitong gusto nilang magsubsob sa trabaho. "Pare, napapansin mo ba kung anong ginagawa ni Karl sa mga tindahang pinupuntahan niya?" biglang tanong ni Craig sa kaibigan nang makabalik ito galing sa Canteen. Binigyan siya ng seryosong tingin ng binata dahil sa biglang tanong nito kahit hindi pa siya nakakaupo. "Akala ko ba pabango ang hinahanap niya?" aniya nang tuluyan siyang makaupo. Hindi na niya pinalampas ang pagkakataon na tumahimik na ang kaibigan niya, agad niyang hinigop ang kapeng binili niya habang kinakalikot ang computer niya. Habang ang katabi niya naman si Craig ay nakatulala lang habang nakade-kwatro at halukipkip, tila may kung anong tanong ang namumuo sa isip niya. Nang tumagal ang sandali na hindi na muling nagsalita si Craig ay ibinaling na ni Dawin ang atensyon niya sa kaibigan. "Ano na naman bang napansin mo kanina na hindi ko napansin?" Tapos ay tiningnan niya ang kape nito saka itinuro. "Inumin mo na nga 'yan, baka kulang ka lang sa caffeine kaya kung ano-ano napapansin mo," aniya. Kagaya ng laging ginagawa ng dalawa, pinapanood na naman nila ang record footage ng nangyaring pagnanakaw sa Condo ni Karl. Doon nakatitig si Craig habang patuloy na ina-analyze ang mga nangyari kanina nang sundan nila ang lalaki. Naningkit ang mata niya nang sa wakas ay maisip na niya kung ano bang mali sa mga nakita niya. "Para kasing... hindi lang pabango ang tinitingnan niya sa kada tindahang pinupuntahan niya, eh," ani Craig. Ibinaba ni Dawin ang iniinom niyang kape at saka nagtipa as kanyang computer. "Ano naman? Huwag mong sabihing bagong brand ng kape, ibubuhos ko sa 'yo 'tong iniinom ko—" "Loko hindi ako nakikipagbiruan, may iba talaga siyang hinahanap, eh," awat niya sa kung ano mang sasabihin ng kaibigan. Muling bumaling ang tingin ni Dawin sa kanya. "Ano naman ang hahanapin niyang iba bukod sa pabango? Kung meron man, grabe naman 'yon... ilang tindahan ang pinuntahan niya ngayong araw? Gaano ba ka-importante 'yung hinahanap niya?" tanong niya. Muling bumalik ang tingin ni Craig sa screen ng monitor. "Dalawang bagay lang ang puwede niyang pagkaabalahan: una, utos iyon galing sa sindikato. At ang pangalawa, maaring may hinahanap siyang maari niyang magamit para matunton ang taong nagnakaw sa kanya," aniya. Sumeryoso ang mukha ni Dawin nang marinig iyon sa kaibigan. "Kung tungkol sa sindikato ang lakad niya, hindi naman siguro siya tanga para lantarang ipakita ang mga ginagawa niya para sa grupo, 'diba?" "Iyon din ang tingin ko..." sagot ni Craig. "Ibig lang sabihin, talagang tama rin ang hinala natin na gumagawa rin siya ng paraan para mahanap ang mga magnanakaw na 'yon." Bumaling ang tingin ni Craig sa kaibigan. "Sa tingin mo, tama kaya ang hinala natin? Kasi kung ganoon nga, bakit mag-isa lang siyang kumikilos? Hindi ba siya tinutulungan ng kinabibilangan niyang sindikato?" Tumingin din si Dawin sa kanya. "Malabo yata 'yan, pare. Ang sabi mo, miyembro lang si Karl ng Fallen Angel. Ibig sabihin, wala pa siya sa posisyon para mag-utos sa iba, maaring kahit siya mismo ay isa lang ding utusan sa grupo." Tumango si Craig bilang pag-sang-ayon sa kaibigan. "Kung tungkol nga sa mga magnanakaw ang inaasikaso niya... anong puwede niyang makita sa mga tindahan na makakatulong sa kanyang mahanap ang mga salarin?" tanong niya. Biglang namayani sa pagitan ng magkaibigan ang katahimikan. Tila pareho nilang iniisip ang sagot sa tanong na iyon. Hanggang sa... "Pare, sinabi mo ba kay Karl na hindi natin mahanap ang taong sinabi niya sa sketch ng babaeng nakausap niya?" Isang ngisi na lang ang gumuhit sa labi ni Craig dahil sa tanong na iyon. "Kung ganoon, naghahanap siya ng tindahaan kung saan nagbebenta ng mga mask na maaring pareho ng ginamit ng mga salarin," aniya. Natawa na lang din ang kaibigan niya dahil panibagong palaisipan na naman ang naresolba nilang dalawa. "Pero sa tingin ko, ang mga ganoong mask ay hindi mo basta-basta makikita sa mga tindihan. Maaring customized ang mga ginagamit nila," aniya. "Alam mo pare, sa totoo lang, naiisip ko rin na hindi lang ito ang unang beses na nagnakaw sila, eh. Sa kilos kasi nila sa camera, parang sanay na sanay na sila sa ginagawa nila," ani Craig. Kumunot ang noo ni Dawin dahil sa sinabi ng kaibigan. "Kung hindi ito, bakit ngayon lang tayo nagkaroon ng ganitong kaso?" "Maaring ngayon lang sila nagnakaw sa lugar na sakop natin, o 'di kaya ay ngayon lang natapat sa atin ang ganitong kaso." Tumango ang kausap dahil naintindihan nito ang punto niya. "Gusto mo bang tingnan natin ang ibang kaso ng robbery? Baka may makuha tayong impormasyon doon," suhestiyon nito. Umayos ng pagkakaupo si Craig. "Hindi na, sigurado naman akong kung may iba nga silang ninakawan ay tiyak na ibang maskara ang gamit nila noon. Saka unsolved cases lang din ang mga iyon, sasakit lang lalo ulo natin doon." Muling nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Pero binasag din ito ni Dawin. "Anong plano bukas, pare? Tuloy pa rin ba natin ang pagsunod kay Karl?" Pumustura si Craig na para bang nag-iisip siya sa dapat isagot niya sa kausap. "Kung ang ginagawa ni Karl ay hinahanap niya ang tindahan na nagbebenta ng mask, siyempre ang susunod na gagawin niya ay itanong doon sa may-ari ng tindahan kung sino-sino ang mga bumibili sa kanya ng mga mask. At kapag pinalad siyang malaman ang mga pangalan ng mga taong 'yon maging ang address, malamang na puntahan na niya iyon..." paliwanag niya. Tila binubuo na rin ni Dawin sa kanyang isip kung ano ang ibig ipahiwatig ng kausap. Pero nanatili siyang walang imik para hintayin kung ano mang sasabihin pa nito. "At kapag pinuntahan niya, siguradong impyerno na bagsak ng mga taong iyon. Kapag nangyari iyon... wala na tayong huli, nagkaroon pa tayo ng bagong problema," aniya. Napakamot na lang ng ulo si Dawin. "Ewan ko sa 'yo, niloloko mo na naman ako, eh. Puwede mo namang sabihin na simulan nating hanapin sa ibang lugar 'yung parehong tindahan na hinahanap niya para unahan siyang makita 'yung mga salarin, eh. Dami mo pang sinabi," reklamo nito sa kaibigan. Tawa na lang ang isinagot ni Craig sa kanya. Pera sa isip ng binata, halos maglaro na ang tanong na: "Saan kami magsisimulang maghanap at sino ang maaring makatulong sa kanila na mapabilis ang paghahanap?" Sa punto kasing ito, lalong tumatagal ang kaso. Isang simpleng pagnanakaw lang ang nangyari pero hindi pa rin nila ito matapos-tapos, ang tagal nilang mahuli ang mga suspek. Walang silbi ang pagtuklas nila sa ginawa ng mga ito dahil hindi naman nila ito mahagilap. Sa totoo lang, naiisip ng binata na maaring isa ito sa dahilan bakit hanggang ngayon ay malayang nakakalaya ang mga magnanakaw na iyon, sumusuko ang mga pulis na may hawak sa kaso dahil sa dahilang hindi nila makita 'yung mga tao o kaya ay inihinto na lang ng nagreklamo ang kaso dahil sa sobrang tagal. Pero iba si Craig, gusto niya pa rin ituloy ang pagresolba sa kasong ito dahil gusto niyang kapag nahuli ang mga salarin, si Karl naman ang mailagay niya sa kulungan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD