Chapter 13

2727 Words
CHAPTER 13 Dahil sa dami ng napuntahan nilang tindahan kahapon, halos hindi na alam ng dalawa kung saan sila magsisimula ngayon. Ang tanging alam lang nila ay mga pangalan ng tindahan na posibleng nagbebenta o gumagawa nito. Pero maliban doon, wala na silang iba pang lead. Ayon kasi sa asset nila ay madalang na lang ang gumagawa n'on sa mga lugar na malapit sa kanila. "Sa tingin mo pare, makita kaya ulit natin si Karl sa pupuntahan natin?" tanong ni Dawin sa kaibigan. Nasa byahe na sila para puntahan ang lakad nila ngayong araw. At siyempre, siya ulit ang nagmamaneho. Dahil kahit kailan, hindi niya puwedeng pagkatiwalaan si Craig sa pagmamaneho. Naalala niya ang minsan na ang kaibigan niya ang humawak sa manebela, sa galing nito sa pagmamaneho ay halos matanggal na ang kaluluwa ni Dawin sa bilis nitong magpatakbo. Pero sa kabilang banda, naiintindihan niya naman iyon dahil nang mga oras na iyon ay may hinahabol silang kriminal. Ang kaso lang, may hinahabol man o wala, may trauma na si Dawin sa uri ng pagmamaneho ng kaibigan niya. Ngumisi si Craig bago sinagot ang kaibigan, "Ano namang pakialam niya kung makita niya tayong nagpunta r'on? Pulis tayo, Pare. Karapatan nating mag-imbestiga. Siya ang dapat mahiya sa atin dahil naabutan natin siya roon, wala naman siya sa posisyon para mag-imbestiga. Siya ang dapat magpaliwanag sa atin kung magkagulatan man," aniya. Malakas ang loob ni Craig na magsalita ng ganoon dahil alam niyang nasa tama lang ang ginagawa nila, natural na sa kanila ang pagdudahan sila ng mga tao sa paligid lalo na kung may ginagawa silang imbestigasyon. Kasama na rin sa trabaho nila ang katakutan sila ng mga taong kinakausap nila na maaring pagkuhanan nila ng impormasyon. Kaya ang mga ganoong bagay ay sisiw na lang para sa binata. Ngumisi na rin si Dawin, sumagot siya sa kaibigan habang nasa daan pa rin ang tingin. "Hinay-hinay sa kayabangan Sir Dominguez, baka nakakalimutan mong miyembro ng sindikato ang lalaking iyon. Pumili ka naman ng aangasan mo," pagbibigay babala nito. Alam niya kung ano ang ibig sabihin ng kasama niya, at alam niya ring may punto ito. Pero ayaw niyang makalimutan nila kung ano ang delikadong bagay na haharapin nila ngayong desidido silang ituloy ang paghalungkat sa bagay na sinabi ng kanilang Hepe na dapat nilang hayaan na lang. Hindi nawawala ang ngisi sa mukha ni Craig. "Pare, siya ang dapat mag-ingat sa akin. Dahil ako, dalawang lugar ang puwede kong paglagyan sa kanya... kundi sa kulungan, ay sa impyerno. Pasalamat nga siya at malaya pa siya ngayon, eh. Humanda siya kapag natapos lang itong kasong hawak natin, siya naman ang aasikasuhin ko," pagmamayabang nito. Napailing na lang si Dawin dahil sa sinasabi ng kaibigan niya, alam niya namang may kakayahan talaga itong mahuli ang lalaking ito at alam niya ring ang salita lang ng C.O. nila ang pumipigil sa kanya na bulatlatin ang buhay ni Karl Christian de Guzman ng husto. Pero para sa isang magaling na pulis, sumobra naman ang bilib nito sa sarili kaya hindi na lang siya umimik pa. *** Maaga nagsigising sina Zeta dahil ngayon ang araw na bibisita silang muli sa tindahan na gumagawa ng mukhang ginagamit nila pang-disguise sa bawat pagnanakaw nila. Ang tindahan niya ay tago lang at walang ibang nakakaalam na gumagawa siya ng mga ganoong maskara. Ang tindahan niya ay isang patahian, damit ang natural na laman ng tindahan niya. Pero bukod sa damit, may ibang talento ang may-ari na ito na si Mirabel Cortez—kaya niyang mag ukit ng iba't ibang hugis ng mukha base sa kung anong itsura niya gusto at ito ang ginagamit niya para makagawa rin siya ng iba't ibang klaseng maskara. Nakilala ng grupo si Mirabel sa ampunang pinanggalingan nina Zeta at Zyx. Kasama nila ito na nakalabas doon noon at isa ring naging malapit sa magkapatid. Nangako sila sa isa't isa na hanggang sa paglaki nila ay hindi nila iiwan ang isa't isa. Kaya kahit nagkaroon ng asensadong buhay si Mirabel, hinding-hindi niya kinalimutan ang pagkakaibigan na meron silang tatlo. Ang magkapatid ang pinakamalapit na tao para sa kanya, tila nagkaroon siya ng tunay na pamilya nang makilala niya ang dalawang ito. Tanging silang dalawa lang kasi ang nakakakita ng talento niya noong mga bata pa sila. Kaya ang naging pangako ni Mirabel sa kanila ay: "Paglaki ko, gagamitin ko ang talent ko para tulungan kayo sa panahon ng pangangailangan." Kaya iyon ang naging rason bakit nagkaroon sina Zeta ng personal na malalapitan kapag kailangan nila ng bagong mukha. Mula nang magsimula sila sa ganitong uri ng buhay ay si Mirabel na ang pinagkatiwalaan nila sa paggawa ng maskarang kailangan nila sa trabaho. Alam ng dalaga kung anong klaseng buhay meron ang magkapatid, pero kahit kailan ay hindi niya naisipang isumbong ang mga ito sa mga pulis dahil bukod sa damay siya... alam niya ang pinagdaanan ng mga ito kung bakit sa ganitong trabaho sila napunta. Ang pagpapagawa nila ng maskara sa kanya ay sa tuwing may target lang sila. Kailangan kasi nilang magbago-bago ng maskara para hindi sila matunton ng pulis. 'Di baleng malaman ng pulis kung paano sila nagnakaw, huwag lang nila malalaman kung sino talaga sila. Malaki rin ang ibinabayad nina Zeta kay Mirabel dahil sa malaking tulong na ginagawa nito sa kanila. Alam ng grupo na sa ginagawa ng dalaga ay para na rin siyang kasabwat sa mga pagnanakaw, pero ganoon pa man ay ayaw nilang tuluyang madamay ito kaya ibinilin nilang wala dapat makaalam ng totoong serbisyong ginagawa nito para sa kanila. Sa tawag sila nagsasabi ng order nila kay Mirabel, tapos ay siya na lang ang tatawag kay Zeta o Zyx kapag tapos na 'yung order para kunin na lang doon. Sa pagpunta naman nila sa tindahan ay iba-ibang istilo sila, minsan ay isa lang ang pupunta, o kaya dalawa, o tatlo. At ngayon, lahat sila. Paraan nila ito para hindi sila matandaan ng mga tao. "Mirabel!" agad na bati ni Zeta nang makapasok sila sa tindahan ng dalaga. Isang yakap ang agad niyang ibinigay sa matalik niyang kaibigan. "Na-miss kita!" sabi pa niya nang bumitiw siya sa yakap nito. "Pasensya ka na kung madalang na lang kami makabisita sa 'yo rito, ha. Dami kasing customer ng karinderya ko," ani Zeta. Kailangan niyang gumawa ng eksena para kapag may nakarinig sa kanila, walang ibang iisipin kundi sila ay mga kaibigan lang ni Mirabel. Alam naman niya kung ano ang sinasabi nito, kaya bilang pagsakay ay tumawa ito at sinabing, "Ayos lang. Mabuti ka nga at nagagawa mong iwan ang tindahan mo, samantalang ako ay dito na lang yata tatanda sa paggawa at pagbenta ng damit," aniya. Mag-isa lang si Mirabel sa pwesto niya. Maliit lang kasi ang tinadahan niya at halos ang tinda niya lang ay nasa sampung damit, dipende lang sa kung anong damit ang matatapos niya bilang pambenta. Kalimitan kasi ay may nagpapagawa lang sa kanya o 'di kaya ay nagpapa-repair ng sira o maluwag na damit. Kahit ganito lang ang ikinabubuhay niya ay nagagawa niyang makaabot sa kinakabukasan dahil sa tulong ng perang iniaabot nina Zeta bilang bayad sa paggawa niya ng maskara. Pero siyempre, gaya ng mga kaibigan niya ay dapat niya rin itong gastusin na ayon sa uri ng buhay niya para hindi maghinala ang mga tao sa paligid. Hindi nawawala ang ngiti sa labi ni Zeta. "Naku, kung hindi ko nga lang naisipang bisitahin itong si Wren, hindi ako makakalabas ng bahay," sagot niya. Kumunot ang noo ni Mirabel. "Bakit naman? Ano bang meron at magkakasama kayong apat?" tanong niya habang sinusuri ang grupo. Nagtinginan ang apat, tapos ay muling nagsalita si Zeta. "Ano ka ba naman, nakalimutan mo na ba?! Birthday niya ngayon! Kaya nga kami nagpunta rito para ayain kang uminom, eh. Sige na, minsan lang naman," aniya. Natawa na lang si Mirabel dahil sa binitiwang kasinungalingan ng kaibigan, sa dami-dami ng dahilan ay iyon pa talaga ang naisip niya. "Paano naman ang tindahan ko?" tanong niya. Si Wren na ang sumagot, "Isara mo na lang muna, minsan lang naman. Alangan namang habang nag-iinuman tayo ay nananahi ka, 'diba?" Isang tawanan ang umalingawngaw sa kanilang lima. "Mga sira talaga kayo, mag-aaya kayo ng inuman kung kailan ganitong oras?" ani Mirabel. "Ano ka ba! Siyempre, mamimili pa tayo ng pangpulutan at iluluto pa natin iyon. Saka, ayaw mo ba kaming makasama ng maghapon? Sa hapon tayo iinom, kasi hindi puwede sa gabi dahil may mga pasok ang mga lalaking ito bukas. Ano, puwede ka ba?" sagot ni Zeta. Wala namang nagawa si Mirabel kundi ang tumango. "Doon na kayo sa loob, magsasara lang ako ng tindahan at kung puwede lang ay huwag kayong maingay, ha? Nakakahiya sa kapitbahay," paalala niya. Hanggang sa ginawa na nila ang paghahanda para itago ang tunay na rason ng pagpunta nila rito. Mabilis na nagsara si Mirabel ng kanyang maliit na pwesto. Kabado man dahil narito na naman ang mga taong hinahanap na ng batas ay kailangan niya pa ring magpanggap na masaya siya sa pagpunta ng mga ito para ipakita sa tao na walang anomang problema. Nang matapos siya ay hinarap na niya ang grupo. "Bakit lahat kayo nagpunta rito ngayon?! Hindi ba talaga kayo natatakot sa posibleng mangyari sa inyo?! Idadamay n'yo pa yata ako, eh!" reklamo ni Mirabel. Nakatayo siya habang nakaupo naman sa harap niya sina Zeta, Zyx, at Cahil. Tapos si Wren ay nakatayo na lang din sa tabi ni Cahil dahil hindi na sila kasya as upuan. "Kumalma ka nga, ateng! Pasensya naman..." ani Zeta. Huminto siya para tingnan ang mga kasama niya bago muling nagsalita. "Walang may gustong maiwan sa Hideout, eh," dugtong niya. Napakamot na lang ng ulo ang dalaga. "Kita n'yo, tinatablan din pala kayo ng takot!" pagalit nito. "Mirabel, hindi kami takot para sa sarili namin... takot kami, sa kung anong puwedeng mangyari sa kasama namin kapag nahiwalay sa amin," sagot ni Wren. Kinalma ni Mirabel ang sarili niya bago muling nagsalita, "Oo na, sige na... kayo na may unity. Anong plano n'yo ngayon? Huwag n'yong sabihin na kaya kayo nagpunta rito ay para magnakaw ulit? Umamin nga kayo, saan n'yo na naman balak gamitin 'yung ginawa kong maskara, ha? Ay nako, ha... maawa naman kayo sa mga sarili ninyo, mapapaaga talaga sundo sa inyo ni Satanas niyan!" "Sira! Alam naman namin 'yan, kaya kami pumunta sa 'yo rito ay para... kunin na 'yung huling maskara na gagawin mo para sa amin," ani Zeta. Agad na kumunot ang noo ni Mirabel. "Anong sabi mo?" Si Zyx ang sumagot, "Lalayo na kami rito, Mirabel. Kailangan naming makalipat na agad bago pa kami abutan ni Karl dito." "Gagamitin namin 'yung huling maskarang gawa mo para maitago pa rin ang totoong mukha namin pagdating namin doon," dagdag pa ni Zeta. "Napag-usapan din ng grupo na magbabagong buhay na kami kapag tuluyan kaming nakatakas dito, dahil kung ipagpapatuloy pa namin ang pagnanakaw... tiyak na makikita rin kami ni Karl kahit nakalayo na kami. Sapat naman ang pera namin para magtayo ng negosyo sa lilipatan naming lugar," sabi naman ni Cahil. Nabigla si Mirabel sa narinig niya, buong akala niya ay kaya lang nag-request ang grupo ng bagong maskara ay para maitago ang totoo nilang mukha habang nagtatago. Hindi sumagi sa isip niyang ganito pala ang plano niya. Alam niya ang buong kwento tungkol sa naging resulta ng pagnanakaw nina Zeta kay Karl. Alam din niya na ang taong iyon pala ay isang miyembro ng sindikato, pati na rin 'yung posibilidad na hinahanap nito ang grupo nila Zeta. Kaya nga ganoon na lang ang kaba niya kanina nang dumating sila, pakiramdam niya ay dala na rin ng mga ito ang isang panganib na maaring pumatay sa kanilang lahat. Pero hindi ibig sabihin n'on ay hindi siya nag-aalala at nalulungkot sa nalaman niya. Kahit sinabi nilang magpapakalayo sila para magtago at magbagong buhay ay hindi niya maiwasang hindi mag-alala, pakiramdam niya ay hindi pa rin magtatapos doon ang kaguluhan sa buhay nila. "Mirabel," tawag ni Wren sa kanya dahilan para linungin niya ito. Puno ng pag-alala ang tingin niya pero pinili pa rin ni Wren na ngumiti. "Mag-iingat ka rito kapag wala na kami, ha. Huwag mo pa ring ipagsasabi sa iba 'yung talento mong sa paggawa ng pekeng mukha. Pasensya ka na kung dahil sa amin ay kailangan mong itago habangbuhay ang talento mo," aniya. Hindi pa nakakasagot ang dalaga ay nagsalita na naman si Cahil. "Huwag kang mag-alala, lalakihan namin 'yung bayad namin sa 'yo ngayon para naman sulit 'yung huling gawa mo." Nagpapalit-palit ang tingin ng dalaga sa apat niyang kaibigan. "Mga sira kayo! Hindi naman 'yan ang importante sa akin, eh! Bakit naman iiwan ninyo ako rito? Paano na lang ako, wala na akong kakilala sa lugar na ito? Kayo na nga lang ang kaibigan ko tapos mawawala pa kayo?" hindi niya napigilan ang sariling mapaiyak na lang. Nataranta sina Zeta at hindi nila malaman kung dapat ba nilang aluin ang kaibigan. "Mirabel, alam mo naman ang sitwasyon namin, 'diba? Mas gusto mo ba 'yung nandito nga kami malapit sa 'yo, pero mas may chance na maging bangkay naman kami? O 'yung malayo kami pero alam mong safe kami?" Hindi rin siya nakatiis at nilapitan na ang kaibigan. "Huwag ka nang umiyak, kapag nasiguro na naming ligtas kami, bibisita kami sa 'yo ulit dito, okay?" aniya saka niyakap si Mirabel. "Kung puwede ka lang namin isama, siyempre isasama ka namin dahil parte ka na rin naman ng tropa. Ang kaso lang, wala ka namang kinalaman sa pagnanakaw at mas mapapaahamak ka lang kung isasama ka namin. Mas mabuti na 'yung nandito ka, mas panatag kaming ang alam ng lahat ay isa ka lang tindera at mananahi ng damit," dagdag naman ni Wren. "Hindi pa naman katapusan ng mundo, magpapalamig lang kami," ani Cahil. "Sabi n'yo 'yan, ha?" ani Mirabel habang pinupunasan ang luha. Pagbitiw nila ng yakap ay isang katok sa pinto ng tindahan niya ang bumasag sa moment nilang lima. Kasabay ng katok na iyon ay ang pagkabog ng dibdib nila. "Mirabel, may inaasahan ka bang bisita ngayon maliban sa amin?" nanginginig ang boses ni Zeta nang itanong niya iyon. Napalunok ang dalaga habang nakatingin sa pinto. "Baliw ka ba? Kakasabi ko nga lang, 'diba? Kayo lang ang kaibigan ko." Bumaling ang tingin niya kay Zeta. "Sino namang bibisita sa akin kundi kayo lang?" Nagtipon-tipon silang lima sa gitna dahil pare-pareho silang iba ang pakiramdam sa kung sinomang kumatok. Alam nila na imposibleng customer iyon, wala naman sigurong customer na kakatok pa kung alam nilang sarado na ang tindahan. "Anong gagawin natin?! Natatakot ako!" tarantang tanong ni Mirabel sa mga kasama. "Kumalma ka lang!" ani Wren. Iginala niya ang mata sa paligid. "May iba bang daan palabas dito liban sa pinto sa harap?" tanong niya. Tumingin naman si Mirabel sa gawing kaliwa niya, sa tabi ng inupuan nila. "May pinto riyan. Bakit? Tatakas tayo?" Napalunok si Wren. "Mahal ka namin, Mirabel at ayaw ka naming iwan. Pero sa ating lima, ikaw lang ang hindi hahabulin ng kung sinoman. Kaya kami lang ang dapat tumakas," aniya. "H-huh?! Paano kung pati ako ay damay na—" "Mirabel! Buksan mo pinto, ako ito si Juancho. May lalaki rito nagtatanong kung puwede raw ba niyang makuha muna 'yung pina-repair niya sa 'yo kahapon!" Sabay-sabay na napalingon ang grupo pabalik sa pinto. Nawala ang kaba nila nang marinig ang boses ng isang matanda mula sa labas. Halos mawalan sila ng lakas dahil sa kaba na idinulot nito. Natawa na lang si Mirabel nang harapin niyang muli ang mga kaibigan. "Customer lang naman pala, eh! Akala ko naman kung sino. Nakalimutan ko nang may nagpa-repair nga pala sa akin ng pantalon kahapon at ibinilin niyang ngayon niya kukunin," aniya saka nilapitan ang pinto. Bago tuluyang buksan ang pinto ay nagawa pa niyang harapin muli ang mga kaibigan at nasabing, "Diyan lang kayo." Pero nang buksan niya ito, isang pamilyar na lalaki ang biglang lumitaw na kasama ng kapitbahay ni Mirabel na si Juancho... walang iba kundi si Karl. "Kukunin ko na sana 'yung pinaayos kong pantalon kahapon. Pasensya na ha, nakaistorbo ba 'ko sa reunion ninyong magkakaibigan?" aniya. Isang ngiti ang sumilay sa labi niya, tapos ay tumingin siya sa grupo ng taong may malaking atraso sa kanya. "Akala n'yo ba, hindi ko kayo makikita?" Walang ibang sumagi sa isip nilang apat kundi ang lumabas sa pintong sinabi ni Mirabel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD