Chapter 11

2709 Words
CHAPTER 11 "Dominguez, kumusta ang hawak mong kaso?" Bago sumagot ay sumaludo muna si Craig sa kanyang CO. "Going good sir, may nadagdag kaming clue galing sa naging imbestigasyon namin ni Torres kahapon," aniya. Isang ngiti ang ibinigay ng kanyang C.O., tinapik siya nito sa kanyang kanang braso saka muling nagsalita, "Alam ko namang madali lang para sa 'yo ang mga ganyang uri ng kaso. At tandaan mo lang ang sinabi ko, ang tanging bagay lang na pakikialaman mo ay ang robbery case, huwag mo nang pahirapan ang sarili mo sa ibang bagay na wala namang kinalaman sa 'yo o sa kaso. Mapapahamak ka lang," paalala nito. Hindi sumagot si Craig, bagkus ay hinayaan na lang niyang makatalikod sa kanya ang kanyang Hepe para tuntunin muli ang kanyang upuan. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang pagpilit nito na huwag na siyang mangialam sa parteng nadiskubre niya tungkol sa biktima, dahil kung tutuusin ay isang mas malaking kaso ang bagay na iyon. Tila gumulo sa isipan ng binata ang naging paalalang iyon sa kanya. Sandali lang ang naging takbo ng kanilang pag-uusap, ni-report lang niya kung saan na sila nahinto sa kasong hawak nila. At kahit paulit-ulit siyang pinaalalahanan ng kanilang Hepe na si Ocampo na huwag makisawsaw sa ibang kaso ay hindi pa rin titigil si Craig sa paghukay ng malalim sa nadiskubre niya, dahil kakaiba talaga ang pakiramdam niya sa nangyayari. Ngayong umaga ay may usapan sila ni Dawin na magkikita muna sila ng opisina, pagkatapos ay sabay silang babalik sa Condo para ituloy ang pagtatanong sa mga empleyado ng building. Ginugulo man ng ilang bagay ang isip niya ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang tunay na hawak nilang kaso, kahit anong mangyari ay ayaw niyang napapabayaan ang trabaho niya. Buong byahe ay tahimik ang binata, kaya si Dawin ay nagtaka na sa kasama dahil napansin niya ang lalim ng kunot nito sa noo. Kilala niya ang kaibigan niya, alam niya na kapag ganito ang inaasta nito ay may kung anong gumugulo sa kanyang isipan. At sigurado siyang bukod pa ito sa kasong hawak nila. Sa paghinto ng sasakyan dahil sa red light ay hinarap na muna ni Dawin ang kaibigan. "Ano na naman bang panibagong problema iyan?" usisa nito. Sinamaan siya ng tingin ni Craig. "Huwag mo nga akong intindihin, 'yang pagmamaneho mo ang atupagin mo," aniya. Ngumisi ang kanyang kaibigan. "Alam mo, kaya ka inaayawan ng iba bilang partner sa trabaho dahil ganyan ang ugali mo, masungit. Tinatanong ka lang ay para ka nang mangangagat kung makatitig ka. Ano nga?!" muli niyang tanong. Tanging si Dawin lang ang nakakatagal at nakakaintindi sa ugali ni Craig, masyado kasi itong seryoso sa trabaho at parang walang balak makihalubilo sa iba kaya't ang ibang kasama nila ay ilag sa kanya. Sandali siyang tinitigan ni Craig, pagbalik ng tingin niya sa harap ay saka niya sinagot ang kaibigan, "Nahihiwagaan kasi ako kay Hepe, bakit ba pinagpipilitan niya masyadong huwag ko nang ungkatin ang buhay ng Karl na iyon? Tama bang sabihan ako n'on na parang pinapalabas niyang chismoso ako, anong magagawa ko kung talagang may tinatago ang lalaking iyon?" reklamo niya. Hindi man niya gustong sabihin iyon sa kaibigan ay wala na rin siyang magawa dahil alam niyang kukulitin din siya nitong sabihin kung ano ang gumugulo sa isip niya. Nang mag-green ang traffic light ay umandar na rin ang sasakyan nina Craig at Dawin. Saka siya sinagot ng kaibigan, "Hayaan mo na 'yon si Hepe, baka nag-aalala lang iyon sa 'yo na lalo kang mahirapan sa kasong hawak mo. Saka sabi niya naman nu'ng nakaraan, 'diba, kung tapos mo na ang kaso at may malaman ka talagang kakaiba tungkol kay de Guzman ay saka mo siya imbestigahan? Gusto lang niya malamang na matapos mo agad ang hawak mong kaso ngayon. Huwag mo nang isipin 'yon masyado," paliwanag niya. Hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo ni Craig. "Kakainin niya 'yang sinabi niya kapag nalaman niya kung sino ba 'yang Karl na 'yan, makikita niya talagang mapapahiya siya sa akin," aniya. Tatawa-tawa na lang si Dawin at hindi na lang pinatulan ang kaibigan dahil mas dapat nilang intindihin ang imbestigasyon na gagawin nila ulit. Nakarating na rin sila sa Condo at muli nilang kinausap ang Guard na nakausap din nila kahapon. Si Dawin na ang kumausap, "Sir, naalala mo pa kami?" bati niya. "Gusto lang namin ulit linawin sa 'yo 'yung bagay na sinabi mo sa amin kahapon. Nakita mo bang umalis 'yung babaeng huling sumakay sa elevator?" Dahil sa biglaang pagsulpot nina Dawin at Craig, tila hindi na nakapag-react ng maayos ang Guard. Lalo pa't agad na siyang binato ng tanong ng isang pulis na kausap niya. "Hindi ko na maalala, Sir. Ang nakita ko lang talaga ay 'yung pag-akyat niya," aniya. "Ikaw lang ba ang naka-duty sa Lobby nu'ng araw na 'yon?" si Craig naman ang nagtanong. Hinarap siya ng Guard. "Hindi, sir. Tatlo kami. Pero hanggang tanghali ay ako ang nakapwesto rito," paliwanag niya. "Kung hindi mo nakitang lumabas 'yung babae, baka naman napansin mong umalis ang nag-aayos ng maintenance?" tanong naman ni Dawin. "Naku, Sir. Hindi ko na rin 'yan napansin noon, eh. Baka kasalukuyan din akong may ginagawa nang umalis siya." Dahil wala nang iba pang gustong itanong sina Craig at Dawin ay iniwan na nila ang Guard. Humingi na rin sila ng pasensya dahil sa magkasunod na araw nilang pang-iistorbo sa kanya. Ngayong tapos na nilang usisain ang bantay sa Lobby, sunod nilang tinanong ang mga staff na nakapwesto sa information desk. Nagpakita ng printed picture si Dawin sa mga Staff, kuha ito ng babae na pumasok at lumabas sa elevator. "Kinausap ba kayo ng babaeng ito?" tanong niya. Nagkatinginan lang ang mga staff at tila mayroong pagtataka sa kanilang mga isip kung sino ba ang babaeng iyon. "Sorry, Sir. Sa dami po ng kumakausap sa amin araw-araw, hindi na po namin maalala. Lalo pa kung ganyang hindi naman malinaw ang kuha ng mukha niya," sagot ng isang Staff na babae. Wala na silang nagawa kundi iwan na lang din ang mga Staff. "Mukhang alat tayo ngayon, ah," bati ni Craig. Naglalakad sila para maupo sa couch na narito sa Lobby. Ang ibig sabihin ng 'alat' ay malas sila ngayon. Dahil mula sa naging impormasyon nila kahapon, wala silang napala ngayon. Nang makaupo sila ay sumagot naman si Dawin. "Ayos lang 'yan, ganoon naman talaga ang buhay, hindi araw-araw ay pasko. Balik na lang muna tayo ng opisina, tapos ay review-hin na lang ulit natin 'yung footage. Baka sakaling magkaroon ulit tayo ng bagong lead kapag inulit natin ng panood," suhestiyon. Malalim na naman ang kunot sa noo ni Craig. "Sino kaya ang babaeng iyon? Anong ginawa niya rito sa Condo?" tanong niya. Nag-kibit balikat ang kasama niya. "Wala naman tayong malinaw na impormasyon kung sino siya, ang alam lang natin tungkol sa kanya ay siya ang huling taong nakagamit ng elevator," aniya. Maharas na tumingin si Craig sa kanya. "Saang floor ba siya nagpunta?" usisa niya. Kumunot naman ang noo ni Dawin, tumingin siya sa ibang direksyon at tila nag-isip kung saan nga ba ang floor na naalala niyang pinuntahan nu'ng babae... at doon nila na-realize na ang pinuntahan nito ay ang same floor kung nasaan ang unit ni Karl—sa 15th floor. Pumunta sila sa Security Office para humingi ng permiso na gumamit ng isang computer doon para ulitin na panoorin ang footage. Tutok na tutok ang mata ng dalawa. "Simula rito, umakyat siya ng elevator. At mula nang maka-akyat siya, wala nang nakagamit pa ng elevator dahil may nagpigil nang taga-maintenance. Bumaba ng elevator 'yung babae sa 15th floor. Nag-cr muna siya at nag-door bell sa—" Hindi na itinuloy ni Dawin ang pag-narrate sa mga nangyari sa CCTV, agad na silang kumilos para puntahan ang unit na pinuntahan ng babae na nakita nila sa record. "May inaasahan ka bang bisita nu'ng araw na mabalitang may manakawan dito sa floor na ito?" usisa ni Craig sa lalaking nagbukas ng pinto sa unit 1502. Kumunot ang noo ng lalaki. "Teka, suspect ba ako sa nangyari?" tanong niya. Agad na umiling si Dawin. "Hindi sa ganoon. Ayon kasi sa CCTV footage na nakita namin, walang ibang umakyat sa floor na ito nang ganoong oras maliban sa babaeng nakita namin sa record. At ipinakita sa footage ang pag-door bell niya sa unit mo," paliwanag niya saka ipinakita ang printed na picture na nagpapakita ng sinabi niya. Hindi nawawala ang kunot sa noo ng lalaki. "Hindi ko siya kilala, kahit papaano naman ay pamilyar ako sa tindig ng mga katawan ng bumibisita as akin dito. At malabong isa sa mga kakilala ko ang babaeng 'yan," pag-amin niya. Isang tanong ang naglarong muli sa isip ng magkaibigan: "Kung hindi niya ito kilala, sino ito at bakit siya kumatok sa room na hindi naman siya kilala ng may-ari?" Kahit papaano ay may naging usad na rin naman ang imbestigasyon ng magkaibigan. Hapon na nang makabalik sila sa opisina at hindi pa rin sila nagpapahinga sa pag-iimbestiga sa footage. Wala silang ginawa kundi paulit-ulit na panoorin ang parehong kuha ng footage. "Pagkatapos niyang mag-door bell sa unit, umalis na rin naman siya agad. Baka naman nagkamali siya ng pinuntahan kaya umalis na lang siya?" ani Dawin. Masama ang tingin ni Craig sa screen. "Hindi, pare. May nangyari pa pagkatapos niyang mag door bell sa unit 1502," aniya. Ni-pause niya ang parte na sumakay na ang babae sa elevator para bumaba. "Replay na lang ang parte na ito at kita mo namang p-in-lay lang siya ng pabalik. Ibig sabihin, ang kuhang 'yan ay galing lang sa pag-akyat niya. At kung maalala mo, hindi na napansin ng Guard 'yung taga-maintenance pagkatapos ng ilang sandali na umakyat 'yung babae sa 15th floor," dagdag pa niya. Nasa screen na rin ang tingin ni Dawin. "Ibig sabihin, nag-stay sa 15th floor ang babae. Maaring na-hack ang CCTV at kontrolado nila ang monitor na 'yan kaya hindi napansin ng taga-Security. Maaring nang sumakay siya sa elevator..." "Hindi talaga siya bumaba. Naalala mo 'yung sinabi ng Guard na minsang may sira ang pinto ng elevator na 'yan? Ginamit niya ang pagkakataong iyon para mahubad ang disguise niya..." patuloy ni Craig. "At pagdating ng damit niya sa baba, 'yung taga-maintenance ang nagsuot ng damit para ipakita sa CCTV ng lobby na pagkatapos mag-door bell ng babae ay umalis na ito." Isang ngisi ang gumuhit sa labi ni Dawin pagkatapos niyang sabihin iyon. "Kung naiwan ang babae sa taas at umalis ang taga-maintenance, maaring may isa pa silang kasabwat—ang taong 'yon ang nag-hack sa CCTV at siya rin ang nagtuturo sa dalawa kung ano ang dapat gawin," sabi naman ni Craig. Hindi pa rin naaalis ang tingin ni Dawin sa screen. "Hindi kaya ang hacker din na iyon ang dahilan kung paano napasok nu'ng babae ang unit ni Karl?" "Posible..." sandali siyang natahimik. Pero napangisi siyang muli nang maisip niya ang isang bagay. "At isang bagay lang ang tiyak natin ngayon... 'yung babaeng sinasabi ni Karl na magpapakamatay sa tapat ng bintana niya, ay ang parehong babae na nagnakaw sa unit niya," dagdag niya. Bumaling na ang tingin sa kanya ng kausap. "Teka, 'diba ang sabi ni Karl ay wala siyang nakita na hawak na kahit ano nu'ng babae? Saan niya nilagay 'yung ninakaw niya?" "Hindi ba't nauna nang lumabas 'yung lalaki na nasa maintenance at nagpanggap na 'yung babaeng bumaba galing sa 15th floor? Malamang 'yon kaya nasa bintana ang babae ay inihagis na niya r'on ang ninakaw niya at saka nagpanggap na magpapakamatay." Bumaling ang tingin ni Craig sa kaibigan habang nakangisi. "Kahit miyembro ng sindikato ang Karl na iyon ay nagawa pa rin siyang utuin ng isang babaeng magnanakaw. Ipinagtanggol niya pa sa atin 'yung babae, hindi niya alam iyon na pala ang nanloob sa kanya," aniya. Dahil nagkaroon na sila ng linaw sa mga nangyari, ang huling bagay na ginawa nilang dalawa ay kumpirmahin sa ibang footage kung lusot ba ang alibi na sinabi ng babaeng nakauasap ni Karl. Dito ay tuluyan na nilang napatunayan na hindi perpekto ang alibi ng babae at siya na ang itinalang suspect sa pagnanakaw as unit ni Karl kasama 'yung lalaking nagpanggap na nag-aayos ng elevator. Bukod pa rito, may hinihinala pa silang isa pang kasabwat ng dalawa na isang hacker. Ginawan na nila ng report ang kabuuang imbestigasyong nagawa nila. Ipinaalam din nila kay Karl ang mga ito, gulat man ay hindi inasahan ng binata na nagawa siyang nakawan ng babaeng akala niya ay kakawa at nangangailangan ng tulong. Buo ang desisyon ni Karl na ituloy ang paghahanap sa grupo na nagnakaw sa pera niya. Ayon sa kanya, interesado siyang makilala ang grupong ito na perpektong nahulaan ang mga pasikot-sikot sa kanyang bahay. Hindi rin niya itinanggi sa mga pulis na hanga siya sa abilidad ng mga ito. Ngayong nagkaroon na ng final report ang imbestigasyon, sunod na inasikaso ng dalawa ang paghahanap sa kanilang mga suspect. Dito sila lubos na matatagalan at mahihirapan... dahil walang kahit sinong tao ang tumugma sa sketch na ipinasa ng biktima. "Sa tingin mo, ano kayang gagawin ni Karl sa mga suspect kapag nahuli natin?" biglang tanong ni Dawin. Gabi na pero heto ang dalawang magkaibigan at nagtatrabaho pa rin, nasa opisina pa rin sila. "Kung ano mang naiisip niya, bakit naman nating hahayaang magawa niya?" tanong pabalik naman ni Craig. Tumango na lang si Dawin sa naging sagot ng kaibigan. Nang matapos ang imbestigasyon ay naging malinaw sa isip ng magkaibigan na kaya hinayaan ni Karl na mag-imbestiga ang mga pulis sa nangyaring pangloloob sa bahay niya ay para iba ang maglaan ng oras sa paghahanap sa mga suspect. At tiyak nilang kapag nakita nila ang mga ito, hinding-hindi sila mapapatawad ni Karl. Kahit walang atraso sa sindikato ang grupong iyon, tiyak na kasama na sila sa listahan ng mga dapat nilang burahin sa mundo. "Ano palang plano mo ngayon? Itutuloy mo ba ang pag-iimbestiga kay Karl Christian de Guzman?" tanong ni Dawin sa kaibigan. Humalukipkip si Craig at tila nag-isip ng isasagot niya. "Sa ngayon, mas gusto kong mahanap muna ang mga suspect at masigurong sa kulungan sila babagsak at hindi sa kamay ng sindikato. Dahil kahit kriminal sila, may karapatan pa rin silang iligtas kung nanganganib ang buhay nila." Bumaling ang tingin niya sa kausap. "Hindi dahil sinabi ni Karl na tayo nang bahala sa paghahanap sa mga suspek ay wala na talaga siyang gagawin para mahanap ang mga ito. Maaring ginagamit niya tayo para mas madami ang paraan niyang mahanap ang mga ito, pero malay natin... may sarili rin siyang lakad para mahanap ang mga iyon," dagdag niya. Walang personal na galit si Craig sa mga kriminal, kaya kahit alam niyang masasama ang mga ito ay tao pa rin ang tingin niya sa kanila. Para sa kanya, batas ang dapat humusga at magbigay ng parusa mga ito base sa kasalanang nagawa nila at hindi dapat ilagay sa kamay ng sinoman ang batas na iyon. May tamang proseso para sa lahat. Tango na lang ang naging sagot ni Dawin sa sinabi ng kausap. Suportado niya ang desisyon ng kaibigan niya dahil wala rin namang dahilan para laliman nila ang paghalungkat sa buhay ni Karl. Dapat lang na matapos muna ang unang kaso bago nila usisain kung anong klaseng sindikato ba ang Fallen Angel. Pero alam nilang pareho na hindi rin dapat tuluyang maalis ang tingin nila sa taong 'yon. Alam din nilang dapat ding bantayan kung ano ang magiging hakbang nito labag sa batas. Maaring wala pa silang nakikitang anumalya sa ngayon, pero dahil isa siyang miyembro ng sindikato... hindi puwedeng wala silang gagawin. "Pare, kung sa tingin mo ay ginagamit lang tayo ni Karl para mapadali ang paghahanap niya sa mga suspect at maaring may ginagawa rin siyang hakbang para hanapin ang mga taong may atraso sa kanya... bakit hindi natin gayahin ang istilo niya?" nakangising tanong ni Dawin sa kaibigan. Agad na kumunot ang noo ni Craig sa kanya. "Anong ibig mong sabihin?" aniya. "Sundan natin si Karl, tingnan natin kung ano ba ang ginagawa niya. Sa ganoong paraan, nabantayan na natin ang kilos niya, maaaring siya pa ang magturo sa atin sa mismong suspek. Kung ginagamit niya tayo, e 'di gamitin din natin siya, 'diba?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD