Chapter 18

2711 Words
CHAPTER 18 "Isang taon na 'yang kaso, Dominguez. Pero hanggang ngayon hindi mo pa rin nahuhuli 'yung mga magnanakaw na 'yan!" muling pagalit ng C.O. ni Craig sa kanya. Nasa loob ngayon ng opisina ng Hepe ng pulisya ang mag-partner at magkaibigan na sina Craig at Dawin dahil kada buwan ay hinihingian sila ng report tungkol sa hawak nilang kaso. At kada buwan ding nakakatanggap ng sermon ang dalawang ito dahil hanggang ngayon ay wala silang maipresintang kriminal. "Sir, sinabi ko naman sa inyo, mula nang tumakas sila nu'ng shoot out ay walang nagkaroon ng pagkakataon na humabol sa kanila dahil kaharap namin si Karl Christian de Guzman at ang sindikato. Kaya—" Ilang beses na iyong ipinaliwanag ni Craig sa kausap, pero ilang beses na rin nitong tinanggihangpaniwalaan ang paliwanag niya. Tila hindi ito tumatanggap ng rason kung bakit tumagal ng ganito ang kaso, at naiintindihan naman niya iyon. Dahil sa dami ng kasong idinudulog sa kanila tungkol sa pagnanakaw, tanging itong kaso lang na ito ang tumagal ng isang taon sa kanila. Tila isa na iyong kahihiyan sa departamento nila. "Puro ka dahilan! Kasalanan ko pa bang mga tatanga-tanga ang mga tauhan mo at natakasan kayo ng apat na mahihinang magnanakaw lang?! Palibhasa kasi, ibang bagay ang inaatupag mo at hindi ang kasong hawak mo!" muling sigaw ng kanyang C.O. Gusto nang sumagot ng pabalang ni Craig dahil sa taon na lumipas na siya ang C.O. niya, ni minsan ay hindi siya nakatikim ng papuri rito maski may nagawa siyang tama. Idagdag pa na sa tuwing may pagkakamali siya sa nagiging misyon niya, kulang na lang ay ipahiya siya sa buong departamento nila. Bukod pa rito, hindi niya maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay mainit pa rin ang dugo nito sa plano niyang pagkilala kay Karl para aralin ang bagay na nadiskubre rin niya tungkol dito noong nakaraang taon din. Tila iyon ang inilalaban niya sa binata kaya hindi nakakausad ang kaso, kahit ang totoo ay iyon na lang ang inaatupag ni Craig mula pa noon. "Sir, ang nangyaring engkwentro laban sa grupo ni de Guzman ay bagay na hindi ko naman inasahan. Pumatay siya ng sibilyan, natural lang na posasan siya ng mga tao ko. Hindi ko naman akalain na darating pa sa puntong may makakalaban kaming ibang miyembro ng sindikato—" "Ang dami mong sinasabi! At bakit mo ba ipinipilit na sindikato si de Guzman?! Ano bang ebidensyang hawak mo para akusahan siyang isa siyang miyembro ng sindikato?" pagalit na suway sa kanya ng kayang CO. Napalunok si Craig nang marinig ang tanong na iyon. Pasimple siyang tumingin kay Dawin pero hanggang pag-ikot lang ng mata ang kaya niyang gawin dahil kaharap niya ang kausap. Ayaw niyang mapansin ito at magkaroon pa ng pag-iisip ang Hepe niya na may itinatago silang dalawa sa kanya. "Sir, de-baril lahat ng nakalaban namin. Ilan sa mga tao ko ang pinatay nila. Hindi pa ba sapat na dahilan iyon para matawag siyang isang miyembro ng—" "Lahat ng negosyante, may sariling tauhan at bodyguard. Hindi dahil may hawak nang baril ang mga tao ni de Guzman ay isa na agad siyang sindikato! Bakit ikaw, may hawak a ring baril, 'diba? Ibig bang sabihin niyan miyembro ka rin ng sindikato?! Ipinagtanggol lang nila ang amo nila at natural na trabaho iyon ng isang bodyguard!" giit nito. Asar na asar na si Craig dahil hindi manlang siya nito pinagbibigyan ng pagkakataon na matapos ang kanyang sinasabi. "Ano man ang trabaho nila, kriminal pa rin si de Guzman dahil nakapatay siya at maging ang mga tauhan niya. May kaso pa rin siya!" matapang na saad ni Craig. "May kaso man o wala, hindi mo na pakialam 'yon. Saka mo sila imbestigahan kapag naging hawak mo ang kaso nila. Kung makapagsalita ka, akala mo alam mo na lahat. Hindi mo nga magawang matapos ang kasong hawak mo, eh. Akala ko ba magaling kang pulis? Ano't inaamag ka na yata?" Isang insulto para kay Craig ang narinig niyang iyon. Pigil na pigil siya sa kanyang sarili nang sumagot siya. "Sinasabi ko lang ang totoo, Sir. Kahit ipagtanggol n'yo pa siya ng paulit-ulit, hindi magbabago ang tingin ko sa kanya at patutunayan ko sa inyong tama ako!" giit nito. Naging masama ang tingin ng Hepe sa kanya. "Dominguez, I'm warning you... huwag ka nang mangialam sa problema ng iba. Ang asikasuhin mo, 'yang kaso mo. Ilang beses ko bang uulitin sa 'yo na tapusin mo muna ang trabaho mo bago ka humawak ng ibang bagay?! Taon na ang binibilang mo sa serbisyo pero parang bago ka pa rin kung umasta!" muling sigaw nito. "Get out!" sabi pa niya at itinuro pa ang pinto ng opisina niya. Kahit pikon, pinilit pa rin ng magkaibigan na magbigay ng saludo sa kanilang Hepe bago sila maayos na lumabas ng opisina. Nakabusangot ang mukha ng dalawa hanggaang makarating sila sa kanilang opisina. Noon pa man ay nagtitiis na lang sila sa sama ng ugali ng Hepe nila sa kanilang dalawa. Padabog na naupo sa swivel chair si Craig. "Hindi ko maintindihan 'yang matandang kalbo na 'yan kung bakit ganoon na lang niya ipagtanggol ang de Guzman na 'yan!" aniya. Galit man ay pinipilit niyang huwag malakasan ang kanyang boses. Seryoso naman ang mukha ni Dawin nang maupo siya. Kung dati ay pinapalampas lang niya ang mga sinasabi at ipinapakita ng kanilang Hepe kay Karl, iba na ang napapansin niya ngayon. "Tama ka, Pare. Para bang ayaw niyang maakusahan 'yung hayop na 'yon kahit kitang-kita naman na ugaling kriminal 'yon. Kung tutuusin nga, mas mukha pa siyang kriminal kaysa sa hinahabol nating mga magnanakaw, eh," ani Dawin. Kumunot ang noo ni Craig nang lingunin niya ang kaibigan niya. "Sa tingin mo, Pare, ituloy kaya natin ang pag-iimbestiga kay de Guzman? Alamin natin kung bakit ganoon na lang ang pagtatanggol ni Hepe sa kanya kahit pa pumatay sila ng ka-baro natin," suhestiyon niya. Mula nang araw na mapatay ang isang sibilyan na nagngangalang Mirabel Cortez na nakilala bilang isang malapit na kaibigan ng grupo ng magnanakaw na hinuhuli nila, lalong naging mainit ang mata ni Craig kay Karl. Tila lalo siyang nangati na alamin ang lahat ng tungkol sa taong iyon at gustong-gusto niyang mapatunayan na isa siyang miyemrbo ng sindikato. Kahit walang hawak na ebidensya ang dalawa tungkol sa akusasyon nila tungkol sa pagkatao nito, ipinaglaban pa rin nila ang kanilang paniniwala dahil sa ginawa nitong pagpatay sa mga pulis at sa isang sibilyan. Aminado si Craig na naging personal na ang galit niya kay Karl. Pagkatapos ng araw na makatakas ang mga suspek niya, nawala ang atensyon niya sa mga iyon at nabaling sa lalaking iyon. Ngayon lang siya nagkaroon ng personal na intensyong makulong ang isang kriminal dahil hindi makatao ang nakita niyang ginawa ni Karl. Pinilit niya ang kanyang CO na ibigay sa kanya ang kaso ng nangyaring shoot out, pero hindi siya pinayagan dahil ang katwiran nito ay kasalukyan pa siyang may hawak na kaso. Pero ganoon pa man, hindi pa rin nawawala ang kagustuhan niyang alamin ang lahat ng tungkol sa taong iyon. Kahit labag sa kanyang loob, ibinalik niya ang kanyang atensyon sa kasalukuyan niyang kaso na paghahanap sa mga magnanakaw na hinahanap niya. Pero sadyang mahirap para sa kanya na hagilapin ang mga ito lalo pa't hindi naman niya gustong hanapin ang mga iyon. Napabuntong hininga si Dawin nang marinig iyon sa kaibigan. "Pare naman, alam mo namang mapapagalitan lang tayo sa gagawin mong 'yan, eh," aniya. Umayos ng upo si Craig, na para bang paraan niya ito para ipakita sa kaibigan na desidido siya sa gusto niya. "Pare, ebidensya lang ang kailangan natin. Isang matibay na ebidensya na puwede nating iharap kay Hepe para matigil na siya sa pagtatanggol sa lokong iyon. Sawang-sawa na ako sa kakahintay na dumating ang araw na mapunta siya sa kulungan, eh." Napakamot na lang ng ulo si Dawin, hindi niya alam kung paano pa niya ibabalanse ang katwiran niya bilang kaibigan ni Craig at bilang pulis na nanganganib mawala sa serbisyo kapag ipinilit pa nila ang bagay na hindi puwede. "Craig, nakakalimutan mo yatang ibang grupo ang may hawak sa kaso ni Karl tungkol sa nangyaring shoot out noong isang taon? At alam mo namang matagal nang sarado ang kasong iyon," ani Dawin, iyon na lang ang sinabi niya. ' Isang ngisi ang sumilay sa labi ng binata. "Sinara nila ang kaso dahil kriminal naman daw ang taong napatay ni Karl at 'yung tungkol sa mga pulis na namatay ay mga bayani na nagbuwis kuno ng buhay para sa paghabol sa mga kriminal. Dawin, sobrang linaw naman sa 'yo na malaking kasinungalingan iyon 'diba?" giit ni Craig. "Alam ko! Hindi naman ako tanga at hindi ako bulag. Pero ano namang magagawa natin doon? Hindi naman tayo ang trumabaho noon at 'yung may hawak doon ay pinili na lang din isuko 'yung kaso dahil wala naman daw silang maiharap na matibay na ebidensya. Alam kong pinaglaruan lang nila ang batas at hindi nagkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng mga kasamahan natin. Pero, Craig, wala tayo sa posisyon para mangialam. Sa kabilang banda, tama naman si Hepe... huwag na tayong mangialam," aniya. Napalunok na lang si Craig at hindi na nagawang makapagsalita pa. Umiwas na lang siya ng tingin sa kaibigan. Dahil sa inasta niya, kumunot ang noo ni Dawin sa kanya. "Bakit ba parang ibang level na ang galit mo kay de Guzman? At bakit bigla kang nawalan ng gana hanapin 'yung grupo ng mga magnanakaw pagkatapos nu'ng nangyaring shoot out? Ano ba nangyayari sa 'yo? Dati naman ikaw pa nagbibigay ng plano sa akin paano ma-corner ang mga 'yon," tanong niya. Hindi agad makasagot si Craig, iyon ay dahil ayaw niyang malaman ng kaibigan ang totoo niyang dahil. Nanatili siyang nakatingin lang sa kawalan. "Dahil ba natapakan ang pride mo na si de Guzman ang nakahanap sa kanila nang araw na iyon imbes na tayong dalawa? O nainis ka dahil may namatay na isang sibilyan at ilang mga kasamahan natin tapos wala kang nagawa para makulong ang totoong may kasalanan?" tanong muli ni Dawin. Dito ay bumaling na ang tingin ni Craig sa kanya. "Alam mo naman pala, eh. Bakit ka pa nagtatanong—" "Kasi alam kong higit pa roon ang rason mo, Craig," putol niya sa sinasabi ng kaibigan. "May bagay na kung ano tungkol sa 'yo na hindi mo sinasabi sa akin, ano ba 'yon? Pare, matagal na tayong magkaibigan... college palang tayo magkakilala na tayo... kilalang-kilala na kita. Kaya bakit hindi mo sabihin sa akin 'yung totoo?" Muli na namang umiwas ng tingin si Craig sa kaibigan niya dahil sa mga tanong na iyon na ayaw niya talagang sagutin. Pero sa huli, alam niyang mapagkakatiwalaan niya naman ito at dapat ding sigurong may kahit isang tao na makaalam ng problema niya. Kagat labing humarap muli si Craig sa kausap. "Ayoko sanang idamay ka sa problema ko dahil baka kapag nalaman mo, madamay ka rin dito. Pero alam ko namang kukulitin mo lang din ako kaya sige, sasabihin ko sa 'yo..." panimula niya. Napangiti na lang si Dawin sa kanya habang nag-aabang kung ano ang sasabihin ng kaisa-isang kaibigan niya. "Alam mo naman na ampon lang ako, 'diba? Alam mo na rin na sa ampunan talaga ako lumaki. At sa ampunan na iyon, may mga naging kaibigan ako," ani Craig. "Oo, inamin mo 'yan sa akin nu'ng unang beses kong makilala ang mga magulang mo nu'ng Graduation Ball. Kasi napansin kong hindi mo sila kahawig, kaya dumating ka sa puntong inamin mo na lang kasi buking ka na. Gaya ngayon..." aniya. Hindi iyon pinansin ni Craig, itinuloy niya ang kwento niya, "Isa sa mga kaibigan kong 'yon... ay si Mirabel Cortez," pag-amin niya. Tila binuhusan ng malamig na tubig si Dawin nang marinig ang rebelasyong iyon. Sa isang iglap, biglang naintindihan niya kung bakit naging ganoon katindi ang galit ng kaibigan niya kay Karl. "Ang masakit, huli ko na 'yon nalaman... ini-report lang sa akin na ilang araw na ang nakalipas pero wala pa ring pamilya ang kumuha sa bangkay niya as Morgue para paglamayan. Doon ko nga nalaman ang pangalan niya. Kaya ako na ang umasikaso ng pagpapalibing sa kanya," kwento ni Craig. Napatango si Dawin. "Kaya pala bigla kang nagprisinta na ikaw na ang mag-aasikaso ng libing niya at handa ka pang bayaran iyon. Akala ko talagang naawa ka lang kasi walang kumuhang pamilya." Umiling ang kaibigan niya at itinuloy ang kwento niya. "At ang mas masakit pa... 'yung grupo ng magnanakawa... 'yung lalaking nagtanong sa akin ng pangalan ko... kilala ko siya...." Naikuyom niya ang kanyang kamao. "Isa rin siya sa naging kaibigan ko sa ampunan kasama si Mirabel. At malamang, 'yung isang kasama nilang babae... ay... si Zeta. Silang tatlo ang naging pamilya ko sa ampunan bago ako naging isang Dominguez." Napayuko na lang si Dawin dahil sa mga rebelasyong naririnig niya. Hindi niya akalain na ganito pala kabigat ang pinagdadaanan ng kaibigan niya, isang taon niya itong kinikimkim. Tila nakonsensya siya na palagi niya itong pinipigil tungkol sa balak nitong ipakulong si Karl. "Sising-sisi ako, pare. Ang tagal ko silang hinanap... ang tagal kong nagbaka sakali na darating ang isang araw makikita ko rin sila. Pero nu'ng dumating 'yung araw na pinakahihintay ko, pare, pinakawalan ko pa. Tinawanan ko pa si Sergio, pare!" pailing-iling na sambit ni Craig. Lumapit ng bahayga si Dawin sa kaibigan at hinakawakan ito sa kanyang balikat. "Wala ka namang kasalanan doon, pare. Noong mga oras na 'yon, wala ka pa namang alam, eh. Hindi mo naman inasahan na siya na pala 'yung kaibigang hinahanap mo ng matagal. At si Mirabel, hindi mo naman maiisip na usisain siya dahil may trabaho kang inaasikaso noon at may nangyari pa sa mga kasama natin. Kung buhay lang siya o kung nandito man ang mga dati mong kaibigan, alam kong hindi rin sila magagalit sa 'yo," aniya. "Nu'ng napagtahi-tahi ko 'yung mga nangyari, hindi ko talaga alam ang unang kong gagawin. Alam kong sila 'yung mga magnanakaw, pero hindi ko sila kayang ikulong. Kaya kahit gusto ko silang makita at hanapin, hindi ko magawa. Kasi alam ko, kapag nakita ko sila, kailangan kong gawin 'yung trabaho ko bilang pulis. Pare, pamilya ko sila, kaibigan ko sila... hindi ko 'yun kaya!" ani Craig. Sa tagal ng pagkakaibigan nilang dalawa, ngayon lang nakita ni Dawin na nagkaganito si Craig. Hindi niya inasahan na may pusong mamon din pala ang kaibigan niya na nasasaktan. Nakilala niya itong matigas at istrikto na tanging trabaho lang ang inaatupag sa buhay. Palagi lang nitong bukambibig ay ang magiging susunod nilang hakabang sa kanilang propesyon. Pero ngayon... tila ibang tao ang kasama niya. Hindi niya inaalis ang kamay niya sa balikat ng kaibigan. "Naiintindihan kita, pare. At alam kong kaya ka nagkakaganyan dahil nag-aagawa sa 'yo 'yung responsibilidad mo sa magkaibang aspeto. Kaya bakit hindi mo na lang ipasa sa iba 'yung kaso? Kapag ginawa mo 'yon, puwede mo nang buksan 'yung kaso ni Karl at puwede mo nang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Mirabel, 'diba?" suhestiyon ni Dawin. Tumingin sa kanya si Craig. "Sa tingin mo ba hindi ko naisip 'yan? Siyempre, 'yan ang una kong binalak gawin. Pero kapag ginawa ko 'yan, maaring maghinala sa akin ang buong departamento... kung bakit ako nagpasa ng kaso sa iba. Pare may dangal akong iniingatan bilang pulis, ayoko namang matapakan iyon dahil sa pag-iisip nilang hindi ko kayang iresolba 'yung kaso. Siyempre, hindi ko naman puwedeng aminin sa kanila na kaibigan ko ang dalawa sa grupo, lalo silang malalagay sa alanganin n'on. Kaya nga kahit isang taon na itong kaso, inililalaban ko pa rin, eh," paliwanag niya. Inalis na ni Dawin ang hawak niya sa balikat ng kaibigan niya. "Sige, iintindihin ko ang katwiran mo. Pero ang tanong, ganyan na lang ba ang plano mo habang buhay? Wala kang ibang gagawin? Akala ko ba iniingatan mo ang dangal mo bilang pulis, hindi mo ba naisip na habang tumatagal sa 'yo ang kaso, unti-unti na ring nasasagasaan ang sinasabi mong iniingatan mong dangal. Craig, kailangan mong maresolba ang kaso kahit sabihin mo pang kaibigan mo sila," aniya. Napayukong muli si Craig. Alam niyang nasa katwiran ang sinabi ni Dawin. Pero ganoon pa man, nanatili siyang walang ideya sa kung ano ang dapat niyang gawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD