Chapter 19

2723 Words
CHAPTER 19 Dalawa ang shop nila kaya kailangang maghati sila ng trabaho sa pagbabantay nito. Dahil abala si Zyx sa pagbabantay kay Zeta at naiintindihan naman iyon ng dalawa pa niyang kaibigan ay hinayaan na nila itong ituon na lang ang lahat ng oras niya sa dalaga. Habang pinaghatian naman nilang dalawa ang pagbabantay sa mga nasabing shop nila, si Wren ang tao sa Computer Shop at si Cahil naman sa Repair Shop. Hindi naman problema sa kanila ang trabaho kahit mag-isa lang sila sa shop, dahil pareho naman nilang hilig ang kani-kanilang trabaho, idagdag pa na nalilibang din sila sa ginagawa nila. Gustong-gusto ni Wren na siya ang tao sa Computer Shop nila para maghapon din siyang nakakapaglaro. Kahit nakikipagpalit minsan si Cahil sa kanya ay hindi siya pumapayag dahil ang katwiran niya ay mas madaldal siya at mas alisto sa mga batang naglalaro. Hindi na lang din umaangal si Cahil dahil ayaw na lang din niyang makipagtalo. Isa pa sa rason bakit gusto ni Wren na siya ang nagbabantay sa Computer Shop ay dahil maraming bata o binatilyo rito ang nauuto niya sa pustahan. Kaya bukod sa kinikita nila sa shop na binabantayan niya ay nakakakuha pa siya ng sideline sa mga batang nauuto niya na gusto siyang matalo sa laro, pero kahit anong pilit nila ay si Wren pa rin ang nananalo. Dahil bago pa man maging isang magnanakaw ang binata ay lumaki na siya sa loob ng Computer Shop. "Ano, laro ba? Kapag nanalo ka, libre na oras mo. Kapag talo ka, magbabayad ka doble sa oras mo," ani Wren. Nakangisi pa ito sa batang inuuto niya. Kahit natatalo siya ay wala namang problema iyon dahil palagi namang puno ang Computer Shop nila, hindi sila nauubusan ng customer kaya hindi naman siya nalulugi kung may isang customer siyang ilibre ng oras. "Anong laro ba?" tanong ng bata, tila naniniguro na baka isahan na naman siya ni Wren. Kilala rin kasi nila itong nandaraya para makalamang din. Pero dahil gusto rin naman ng mga bata ang mga naiisip niyang panglilibre, umiisip din sila ng paraan paano iisahan si Wren. "Yung gunstrike, 'diba alam mo 'yon?" Sandaling nag-isip 'yung bata, pero ilang segundo lang iyon dahil sumagot siya agad ng, "Sige, tara!" aniya saka pumwesto na sa isang bakanteng pc. Sa mga usong laro ay hindi nagpapahuli si Wren. Lahat ay alam niya halos laruin dahil bilang bantay ng Computer Shop, dapat may alam din siya sa mga ganitong bagay para makasabay sa mga customer at para hindi rin naman siya ma-boring sa pagbabantay. Kahit may mga batang naglalaro sa Computer Shop nila ay hindi naman ito 'yung uri ng mga batang parang napadaan lang at naisipang pumasok sa loob. Ang tanging pinapasok lang kasi ni Wren dito ay 'yung mga batang kilala na niyang nagbabayad o 'di kaya ay 'yung sigurado niyang magbabayad nga. Bukod sa mga bata at binatilyong naglalaro rito ay may mga nagiging customer din silang mga dalagita na nag-browse lang sa internet o nanonood ng mga paborito nilang palabas na maaring ma-search sa internet. Bukod pa rito ay may customer din silang estudyante babae man o lalaki para gumawa ng research nila at magpa-print ng kanilang assignment. Kaya disiplinado ang mga customer dito, bawal ang masyadong maingay para respeto sa ibang tao na tahimik lang na nagrerenta ng PC. Malinis at maganda ang record ng kanilang negosyo sa barangay nila, halos pati ang mga taga-ibang barangay ay gustong makasubok na magrenta ng PC sa kanila dahil sa ganda ng serbisyong ibinibigay nila sa tao. Mura ang kanilang singil at hindi pa mainit sa loob ng shop, malinis din dito at maganda ang ambiyansa ng paligid. Nagsimula nang maglaro si Wren at ang bata, maayos ang kanilang naging laro dahil wala ring ibang bata na nakikigulo o nakikinood sa kanila. Hindi rin kasi sila nagpapasok ng tambay si Wren sa loob para iwas siksikan sa loob. "Panalo ako! Talo ka!" ani Wren habang pumapalakpak pa na parang bata. Pero mabilis din siyang tumahimik nang ma-realize niyang siya lang ang maingay. "Tiyamba lang 'yon, tara isa pa!" sabi ng bata. Tila hindi niya tanggap ang pagkatalo niya. Habang nag-uusap sila ng bata, hindi agad napansin ni Wren na may isang babae ang pumasok sa Computer Shop. "Bayad ka muna, hoy!" sabi pa ni Wren. "Excuse me, kuya," singit ng babae. "Ha—" Tila nautal na lang ang binata nang makita ang isang napakagandang babae na nakatayo sa harap niya ngayon. "Ito na bayad, doble na 'yan. Pero babawi ako, dalawang oras!" sabi ng bata. Hindi naaalis ang mata ni Wren sa babae. "Hindi, mamaya na ulit. May customer pa," aniya. Agad na ngumiti ang babae sa kanya dahil alam niyang siya ang tinutukoy nito. Maputi, maganda, at katamtaman ang haba ng buhok ng babae. Naka-shirt ito at hindi masyadong maiksi ang suot niyang short. Nakapangbahay lang ito pero sa paningin ni Wren ay parang litaw na litaw na agad ang kagandahan nito sa ganoon lang na suot. "Kuya, kayo po ba 'yung nag-aayos ng laptop dito?" tanong ng babae, nanatili pa rin ang ngiti sa labi niya. Ipinakita niya pa ang dala-dala niya. Bumalik sa realidad ang isip ni ng binata nang makita ang laptop na hawak nito. Para siyang sinampal ng katotohanan na hindi siya ang kailangan nito. "Ah—magpapa-ayos ka laptop? Halika, samahan kita," ani Wren at dali-daling umalis sa Counter. Sumama ang tingin ng bata sa kanya. "Hoy, bakit sasamahan mo pa? Puwede ko namang ituro na lang sa kanya nasa kabila lang naman 'yung shop—" "Huwag ka ngang magulo," saway ni Wren sa bata at agad niya pang tinakpan ang bibig nito. Wala na lang nagawa ang bata kundi patuloy na samaan siya ng tingin dahil alam niya na hinding-hindi iniiwan ng binata ang counter maski may gaya ng babae na nagkakamali ng tanong sa kanya tungkol sa pagpapa-ayos ng software o hardware ng laptop o PC nila. Itinuturo niya lang sa mga ito na paglabas ng Computer Shop ay katabi lang ang Repair Shop sa loob ng compound. Ngumiti si Wren sa babae. "Halika sasamahan kita sa kaibigan kong bantay sa Repair Shop. Medyo masungit kasi 'yon baka tarayan ka bigla mahirap na," pagdadahilan nito. Hindi nawawala ang ngiti sa labi ng babae. "Sige, kaso paano itong pwesto mo rito—" "Huwag kang mag-alala, wala namang mawawala riyan dahil naka-lock screen ang server at naka-lock din ang drawer. Saka, babalik naman ako agad, ihahatid lang kita," aniya at hindi na rin nawala sa mukha ni Wren ang kanyang ngiti. Mahinang natawa ang babae. "Sige, tara," aniya at nauna na itong lumabas ng Shop. Dali-dali naman siyang sinundan ni Wren dahil gusto niyang siya ang magbukas ng pinto ng computer shop at gusto niya ring sabayan ito sa paglalakad papunta sa kabilang shop kahit na ilang lakad lang naman ang pagitan ng dalawa. "Bago ka lang ba rito sa amin? Ngayon ka lang napasyal sa shop namin, ah," tanong ni Wren sa babae. Pinapanatili pa rin ang ngiti sa kanyang labi. "Hindi, taga-rito talaga ako. Hindi lang ako mahilig lumabas ng bahay dahil busy din ako sa school. Graduating student na kasi ako," paliwanag ng babae. "Ah, estudyante ka palang pala. Puwede bang malaman ang pangalan mo?" lakas loob niyang tanong. "Kristel." Tila nabuhayan ng loob ang binata nang sagutin nito ang tanong niya. Tapos ay ipinagbukas na niya ito ng pinto papasok sa Repair Shop nila. Sumalubong sa kanya ang masamang tingin ni Cahil. "Anong ginagawa mo rito? Sinong bantay sa kabilang shop?" agad nitong tanong. Agad na nawala ang ngiti sa mukha ni Wren. "Eh, sinamahan ko siya rito sa Shop nating isa, eh. Magpapaayos daw siya ng laptop," aniya saka tumingin kay Kristel at bumulong, "Sabi sa 'yo masungit, eh. Mabuti na lang at sinamahan kita rito," sabi niya. Natawa na lang ng mahina ang dalaga. "Ayos lang naman." "Bakit sinamahan mo pa? Puwede mo namang ituro na lang na dapat ay dito siya pumunta. Bumalik ka na r'on!" utos ni Cahil. "Ang sungit mo naman, nagmagandang loob lang 'yung tao, eh. Buti nga at dito ko siya hinatid, hindi sa—" Hindi na niya nagawang ituloy ang gusto niyang sabihin dahil agad siyang tiningnan ng diretso ni Cahil. Iyon ang uri ng tingin na kinakatakutan nilang pareho ni Zeta. Maya-maya naman ay biglang pumasok ng shop si Zyx galing sa pinto na konektado sa bahay nila. "Cahil, alam mo ba kung saan nagpunta si—anong ginagawa mo rito?! Walang tao sa kabilang shop!" aniya nang mapansin na nandito 'yung taong hinahanap niya. Sandaling napatingin si Wren sa katabi niyang babae at muli napatingin kay Zyx. Tatawa-tawa ito nang magsalita, "Pare, nakalimutan mo na ba sinabi mo sa akin?" tanong niya. Agad na kumunot ang noo ni Zyx sa sinabi ng kaibigan niya. "Anong sinabi ko—?" Mabilis na lumapit si Wren sa kanya, inakbayuan siya nito at itinalikod kay Kristel. "Pare, 'diba pinagbati ko kayo ni Cahil nu'ng isang araw tapos ako rin ang nagkalma kay Zeta nu'ng umiyak siya kasi nakita niya kayong nag-aaway?" aniya habang nakangisi. Tumingin sa kanya si Zyx na may halong pagtataka. "Ano namang mayroon doon?" Sandaling tumingin si Wren kay Kristel na hanggng ngayon ay nakatayo na para bang hinihintay siyang matapos kausapin ang kaibigan niya. Sinenyasan niya naman ito ng 'sandali lang' at tumango naman ang dalaga. Ibinaling na ni Wren ang tingin sa kausap. "Baka naman puwedeng ikaw muna ang magbantay ng shop hanggang sa umalis lang 'yung magandang babae. Sige na, ngayon lang naman, eh!" giit niya. Napangiwi na lang si Zyx at hindi na inintinding tingnan 'yung kasama ni Wren. Hindi man niya naiintidihan ay alam niyang ginawa naman talaga ni Wren ang sinabi nito nu'ng isang araw na nagtalo sila ni Cahil. Sa totoo lang, kung hindi iyon ginawa ng binata para sa kanya ay malamang hindi sila nagkaayos ni Cahil at hindi nakatulog ng maayos si Zeta. Kaya kahit wala siyang ideya sa nangyayari ay pumayag na lang siya. "Bilisan mo lang, o-order lang ako ng pagkain natin sa shop tapos babalikan ko na si Zeta pagdating ng pagkain," ani Zyx. "Iyon! Salamat pare, love you!" biro nito sa kaibigan at animo'y hahalik pa sa pisngi ni Zyx. Nakaiwas lang agad ang binata at pumasok na ulit sa bahay para pumunta sa kabilang shop. Humarap na si Wren kay Kristel. "Ano nga ulit 'yung ipapaayos mo?" tanong niya habang nakangiti. Bumaling naman ang tingin ng dalaga sa kanya. "Ah, itong laptop ko kasi... nagha-hang, eh. Baka naman puwede pa itong maayos kasi ayokong mawala 'yan sa akin, nandiyan kasi 'yung soft copy ng thesis namin, eh," aniya at iprinisinta pa niya sa binata ang dala niyang laptop niya. Inabot ni Wren ang laptop at tahimik na pumunta sa loob ng counter. Nagtaka man si Cahil sa ginagawa ng kaibigan ay hinayaan na lang niya dahil tiwala naman siyang magagawa rin ni Wren ang sira ng laptop na dala ng babae. Pare-pareho naman silang tatlong lalaki na may alam pag-ayos ng sofware o hardware ng laptop, kaya may kumpiyansa si Cahil na magagawa ni Wren ang sira nito. Ayaw din niyang mangialam dahil napapansin niya na ang kakaiba sa kilos ng kaibigan niya. "Ayan, ini-scan ko lang para makita ko kung may virus ba ang laptop mo," ani Wren paglingon niya sa babae. "Scan? Hala, baka mawala ang mga files ko?" alalang tanong naman ni Kristel. "Huwag kang mag-alala, hindi mawawala ang files mo. Akong bahala," aniya na para bang isa siyang bayani sa isang pelikula. Napapangiwi na lang si Cahil dahil sa nakikita niyang ginagawa ng kaibigan niya. Tila hindi niya inasahan na magkakaganito ito dahil lang sa isang babae. "Oo nga pala, kung naiinip ka, puwede ka naman mag-rent din ng PC sa kabila habang hinihintay mo itong laptop mo," suhestiyon ni Wren. Bumaling ang tingin ni Kristel sa gawi kung nasaan ang computer shop. "Puwede naman, kaso lang... madami yata tao sa shop at wala rin akong dalang pera—" "Huwag mo nang problemahin 'yon, ako nang bahala," masiglang sambit ni Wren saka lumabas sa counter. Pinanood lang siya ni Cahil sa pinaggagawa niya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil biglang nag-ibang tao si Wren para sa paningin niya. Sanay kasi siya na nakikipagpustahan pa ang kaibigan niya huwag lang itong malamangan sa pera. At ni minsan, hindi pa ito nanlibre sa kanilang magkakaibigan... pero ngayon, tingin ni Cahil ay sagot pa yata niya ang oras ng renta ni Kristel. Hindi na nakaangal pa si Kristel, hinayaan na lang din niya kung ano ang alok sa kanya ni Wren dahil aminado naman siyang gusto niya ring sumubok ng PC dito, para malaman kung totoo bang maganda nga ang quality ng mga computer dito gaya ng sinasabi ng iba. Bago sila makalabas ng Repair Shop ay natigil sila sa sinabi ni Cahil. "Hoy, paano 'tong laptop niya?" tanong niya. Sandaling nag-isip ng isasagot si Wren. "Ikaw na bahala, pare. Kayang-kaya mo naman 'yan, 'diba?" aniya saka ngumisi na lang saka umalis kasama si Kristel. Wala na lang nagawa si Cahil kundi gawin ang sinabi ng kaibigan, hinayaan niya na lang ito dahil bukod sa may punto naman ito ay ngayon niya lang nakita si Wren na nagkaroon ng interes sa babae bukod kay Zeta. Pagbalik nina Wren at Kristel sa Computer Shop ay nakaupo pa rin si Zyx sa counter. "O, tapos na ba ayusin 'yung laptop niya?" bungad na tanong ng binata. Sandaling ch-in-eck ni Wren ang mga PC kung may bakante ba, at nang masiguro niyang meron ay ngumiti na lang siya at hinarap si Zyx. "Hindi pa, si Cahil na lang daw ang bahala kaya rito na lang muna siya at mag-renta na lang ng PC," aniya at ngumisi ng nakakaloko sa kaibigan, alam na agad ni Zyx ang ibig nitong mangyari. "Oo nga pala, nakatawag ka na ba para um-order ng pagkain?" tanong pa niya. Napakamot na lang ng ulo si Zyx. "Oo," aniya. Napansin kaagad ni Wren na parang malungkot ang boses ng kaibigan. "May problema ba kay Zeta, pare?" "Ah, hindi. Naiisip ko lang kasi na nagsasawa na ako sa pagkaing nao-order natin. Sana manlang may iba tayong puwedeng mabilhan ng pagkain dito." "Pagkain? Naghahanap kayo ng mabibilhan ng pagkain?" Sabay na napalingon sina Wren at Zyx kay Kristel nang sumingit ito bigla sa usapan nila. Kumunot ang noo ni Wren nang sagutin niya ito. "Oo, sana. Kasi halos isang taon na yata kaming sa pag-order lang ng pagkain umaasa dahil bihira lang namin maharap ang pagluluto dahil busy dito sa dalawang shop at may sakit pa ang isa naming kasama. Ayos lang naman ang um-order dahil masarap naman at madaming pagpipilian. Kaso, gusto lang din namin matikman ualit 'yung lutong bahay," paliwanag niya. Agad na napangiti si Kristel. "Tamang-tama! May karinderya kami at puwede ko kayong dalhan dito lagi ng ulam at kanin kung gusto ninyo. Pasasalamat ko na rin sa pag-assist mo sa akin at pagtulong ko na rin sa business namin," magiliw nitong sambit. Tila mas maging masaya si Wren nang marinig niya iyon, dahil kung gagawin iyon ni Kritel para sa kanila, mas mapapadalas na makita niya ito. "Sige! Kung gusto mo samahan pa kaming mag-pick up sa bahay n'yo. Hatid sundo pa kita!" alok pa ng binata. Sumingit sa usapan si Zyx. "Hindi na, Pare.Kahit ako na lang ang gumawa n'on kasi ikaw na nagbabantay dito sa shop—" "Ako na, pare! Ayos lang naman sa akin. Kung gusto mo, ikaw na lang ang magbantay sandali ng shop kapag mag-pick up ako ng pagkain sa kanila. Saka isa pa, kailangan mong bantayan si Zeta, 'diba? Paano kung bigla ka niyang hanapin nang wala ka, problema pa natin 'yon. Kaya para less hassle, ako na lang," pagpipilit ni Wren. Pinigilan na lang si Zyx ang sarili niya na matawa dahil sa mga ginagawang diskarte ni Wren makasama lang 'yung babae. Gaya ni Cahil, hindi niya rin inasahan na may iba pa palang babae na magugustuhan si Wren bukod kay Zeta. Habang nag-uusap sina Wren at Kristel, hindi maiwasan ni Zyx na mapaisip kung ano kayang magiging reaksyon ng kapatid niya kapag nakita nito na sa wakas ay may babae nang nagugustuhan si Wren. Kaya ngayon ay may bago na naman siyang ikukwento sa kapatid niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD