Chapter 17

2716 Words
CHAPTER 17 Ang alaalang iyon lang ang mayroon si Zyx tungkol sa nakaraan—ang buhay nila ni Zeta sa kulungan. Dahil mula naman nang magkakilala sila ay sa ampunan ay sa pagnanakaw lang umikot ang mundo nilang dalawa. Wala silang ibang alam na trabaho, at alam din nilang pareho na walang tatanggap sa kanila sa kahit saang trabaho na subukan nilang pasukan dahil hindi naman sila nakapagtapos ng pag-aaral. Hindi rin naman nila gusto ang gumawa ng masama para mabuhay, pero dahil sa pagkalam ng kanilang sikmura ay wala na silang ibang nagawa kundi lunukin ang prinsipyo nila na hindi sila gagawa ng masama. Kaya lang, minsang bumabalik sa isip ng binata ang tanong na, "Kung hindi ba kami magnanakaw, hindi maghihirap ng ganito ang kapatid ko?" Kahit pa anong pagkaabalahan niya ay hindi niya pa rin maiiwasang isipin ang kalagayan ng dalaga. Sa kondisyon ni Zeta, palagi lang siyang hinahayaan ng mga kasama niya na manatili sa loob ng bahay nila. Ayos lang kahit maupo o tumayo siya sa kahit saang parte ng bahay, pero hindi nila ito pinapayagan na makalabas pa ng bahay. Maari kasing malingat sila at may ibang tao na pagkatuwaan siya o 'di kaya ay dalhin siya kung saan. Isang taon na sila Zyx sa bago nilang bahay at isang tao na rin mula nang bumalik ang truma ng kanyang kapatid. Hindi niya alam kung mas matagal ba ito sa dati niyang naging trauma noong mga bata pa sila dahil nakilala niya ito na ganoon na ang sitwasyon. Pero sa panahon na magkasama na sila, mas mabilis niyang nasolusyunan ang dating kaso nito kumpara ngayon. Sa bagong nalipatan nila ay hindi ganoon kalaki ang pinagbago nito sa dati nilang tinitirhan. Binili nila ito bilang lote at ipinatayo nila ang bahay na parehong-pareho ang disenyo ng dati nilang tinitirhan, ginawa nila ito para hindi mabago ang ambiyansa ni Zeta at hindi niya maisip na nasa ibang lugar na siya. Ang tanging nabago lang ay ibang gamit o kulay na hindi na nila mahanap kagaya sa dati nilang bahay, tapos ay medyo lumaki rin ito sa dati dahil nga nadagdag ang kwarto nina Wren at Cahil. Bukod sa pagbabagong iyon at bukod din sa kwarto ng dalawa, nadagdag na rin siyempre ang negosyong gusto nila. Kadikit ng bahay ay ang Repair Shop at Computer Shop. Mula sa pwesto ng bahay, may dalawang pinto sa magkabilang gilid ng sala. Kapag nakaharap ka sa TV, nasa kaliwang pinto ang Computer Shop at nasa kanang pinto naman ang Repair Shop. Kumbaga, nasa gitna ng dalawang ito ang pinakabahay nila. At bago ka makapunta sa mismong labas sa may garahe, kailangan mong dumaan muna sa isa sa dalawang shop na ito. Malawak ang kanilang garahe, dahil bukod sa kanilang sasakyan ay maari ring tumambay dito ang mga customer nila. Minsan din nilang ginagamit ang esspasyong ito para sa mga gamit nila sa Repair Shop. Popular ang kanilang dalawang shop dahil sila ang kauna-unahang pwesto rito sa nilipatan nila na may ganitong uri ng negosyo. At dahil popular sila, alam na rin ng mga tao na ang grupo nila ay magkakaibigan lang na nagkaroon ng pangarap magkaroon ng negosyo gaya nito na magkakasama. Sa totoo lang, perpekto at masaya na sana ang buhay nilang apat dahil nakamit na nila lahat ng gusto nila... tanging kondisyon na lang ni Zeta ang problema. Madaming customer na malapit sa kanila ang nakakita na ng lagay ni Zeta, hindi nila inilihim sa mga tao na nagkaganito si Zeta dahil nakita niya kung paano namatay ang isa pa nilang kaibigan na si Mirabel. Ang tanging bagay lang na binago nila ay ang totoong dahilan paano ito namatay bilang pag-iingat sa totoo nilang pagkatao. Dahil pinili na ng grupo na magbagong buhay na at itigil na ng tuluyan ang pagnanakaw, totoong mukha na ang gamit nila sa pagharap sa mga tao. Naniniwala ang grupo na pagkatapos ng nangyari noong nakaraang taon at sa tagal na nila rito, hindi na sila matutunton ng pulis o ng sindikato. Isa pa, wala na rin namang gagawa ng maskara para sa kanila. Hanggang alas-diyes ng gabi bukas ang Shop nila, pero ang halos tutok sa dalawang shop ay sina Wren at Cahil dahil si Zyx ang umaasikaso sa kapatid niya. Wala naman kaso sa dalawang lalaki iyon dahil naiintindihan nila ang sitwasyon ni Zeta, kailangan niya talaga ng dobleng atensyon sa pagkakataong ito. Sinusubukan ni Zyx na dalasan ang pakikipag-usap kay Zeta sa tuwing dadalhan niya ito ng pagkain. Ikinukwento niya ang bawat nangyayari sa shop at binabalikan na rin niya ang nakaraan nila. Pero sa loob ng isang taon na ganito ang ginagawa niya, walang nangyari. Isang gabi muli ang dumating at oras na para magsara ng shop. Naunang magpaalam si Zyx sa dalawa na kailangan na niyang tingnan si Zeta para ayain nang matulog. Pagkatapos ay babalik siya para sumabay sa kanila sa hapunan. "Pare, sa tingin mo kaya may pag-asa pang maibalik 'yung dating sigla ni Zeta?" tanong ni Wren nang makaupo sila sa hapag-kainan ni Cahil. Hindi agad nakasagot si Cahil, tila nakiramdam siya kung pabalik na ba ang kaibigan nila dahil ayaw niyang may marinig ito na maaring makasakit sa kanya o sa kapatid niya. Nang masiguro niyang wala nang tao ay saka niya hinarap ang kausap. "Bakit ganyan ang iniisip mo? Alam mo naman kung bakit siya nagkaganoon at narinig mo naman ang sinabi ng doktor na gagaling siya paglipas ng panahon," sagot ni Cahil. Inihahanda na nila ang kanilang kakainin ngayong gabi. Panay lang sila order ng pagkain sa labas dahil wala naman isa sa kanilang tatlo ang magagawa pang makapagluto dahil pare-pareho silang abala sa kani-kanilang trabaho. Hindi kagaya noon na palaging si Zeta ang nagluluto. Kinuha ni Wren ang isang order para sa kanya. "Nalulungkot ako kapag wala si Zeta para mangulit, kung sana ay mas mabilis na paraan para mapagaling siya... sana kasama na natin siyang kumakain ngayon at sana siya na ulit ang nag-aasikaso sa atin," ani Wren. Hindi na nagawang makasagot ni Cahil sa kanya. Ayaw lang niyang kumibo pero pareho lang sila ng nararamdaman ng kasama niya. Nami-miss niya na 'yung pagkakataon na inaasar siya ni Zeta at 'yung pagtawag nito sa kanya bilang 'Father Orange'. Madaming bagay ang ginagawa ng dalaga na nagbibigay ng sigla at kulay sa pang-araw-araw nilang buhay. Nang magsimula ang trauma ni Zeta, doon lang napansin ng magkakaibigan na boring pala ang buhay nila kung wala siya sa paligid para mangulit. Hinarap muli ni Wren si Cahil dahil hindi ito sumagot. "Ano kaya kung sabihan natin si Zyx na magpalit-palit tayo ng posisyon sa pakikipag-usap kay Zeta? Baka mas makatulong iyon," suhestiyon niya. Tumingin sa kanya ang kanyang kausap at binigyan siya nito ng isang ngiti. "Gusto ko ang ideya mo, puwede nga 'yan," aniya. Nakakuha na silang dalawa ng pagkain nila at tapos na rin nilang ayusin ang mga ito. Nagsimula na rin silang kumain dahil kung hihintayin nila ang pagbalik ni Zyx, maaring lumamig na ang pagkain. Hanggang sa bumalik si Zyx, kagaya ng madalas na ekspresyon nito ay malungkot ito at tila parang ano mang oras ay iiyak na. Mula nang bumalik ang dating kondisyon ni Zeta ay naging pirmi na ang ganitong itsura niya, dahil siya talaga ang pinaka apektado sa nangyari sa kapatid niya. Umupo si Zyx sa pagitan nina Cahil at Wren. Nakahanda na ang pagkain niya kaya hindi na siya nagdalawang isip na magsimula na ring kumain. Nagkatinginan ang dalawa na para bang nagtuturuan sila kung sino ang magsasabi sa bagong dating kung ano ang naiisip nilang plano. Tila naramdaman ni Zyx na may nais ang mga kaibigan niya kaya nagpapalit-palit ang tingin niya sa mga ito. "Ako na ang magliligpit. Pasensya na kung ito na lang ang nagagawa ko rit sa bahay," aniya. Muli na namang nagkatinginan ang dalawa dahil iba ang impresyon nito sa nangyayari. Lalong bumigat ang ambiyansa ng paligid dahil sa lalim ng boses ni Zyx. "Pare, hindi naman kami magrereklamo tungkol sa bagay na 'yan, eh. Kung tutuusin nga ay nagpapasalamat pa kami sa 'yo kasi hindi mo pinapabayaan si Zeta. Gaya mo, gusto rin namin siyang mapabuti dahil kapatid na rin ang turing namin sa kanya," paliwanag ni Wren. Kalimitan, sa mga ganitong pagkakataon ay sumasagot si Zyx sa mga usapan sa paligid niya. Pero ngayon, wala siyang isinagot doon. Si Cahil naman ang sunod na nagsalita, "May maitutulong ba kami para sa mabilis na paggaling niya?" tanong niya. Ayaw niyang direktang sabihin na gusto nilang sila naman ang gumawa ng mga ginagawa ni Zyx dahil maaaring ikasama na naman niya iyon. Mas naging sensitibo kasi siya mula dahil sa bigat ng kanyang problema. Naghintay silang dalawa sa sagot ng kaibigan nila sa naging tanong ni Cahil, pero makalipas ang ilang segundo ay walang naging sagot ang binata. Tila ba, kahit anong marinig niya ay wala na siyang ganang magsalita. Dahil dito, pinilit na lang din intindihin muli ng dalawa ang pinagdadaanan ni Zyx. Pero bago matapos kumain sina Wren at Cahil ay nagsalita si Zyx, "Paano kung lumantad na lang ako at magpakita kay Craig?" aniya. "Zyx!" sabay na sambit ng dalawa niyang kaibigan. Nanatili sa pagkain ang tingin ni Zyx, pero isang ngisi ang gumuhit sa labi niya bago sumagot. "Payag kayo kahit wala akong oras sa negosyo natin basta alagaan ko lang ang kapatid ko at mapagsalita ko lang siya ulit dahil sabi n'yo, gusto n'yo na siyang makasama ulit. Pero hindi kayo payag na gawin ko ang kaisa-isang paraan para mapagaling siya? Hindi ko kayo maintindan," aniya habang naiiling. Si Cahil na ang sumagot sa kanya, "Pare, kami ang hindi mo maintindihan. Kapag lumantad ka, tapos lahat ng pinaghirapan natin!" giit niya. "Isa pa, hindi nga tayo sigurado kung ang lalaking iyon ba ang sinasabi mong Craig na nakilala n'yo sa ampunan noon, 'diba? Madaming tao ang maaring maging kapangalan niya na gusto ring maging pulis!" dagdag naman ni Wren. Ibinagsak ni Zyx ang kutsara at tinidor na hawak niya dahilan para makagawa siya ng ingay ng pagdadabog. "Anong gusto n'yong gawin ko?! Hayaan na lang na maging ganoon ang kapatid ko habang buhay kahit may alam naman akong paraan para mapagaling siya?" Nagpapalit-palit ang tingin niya sa kanilang dalawa. "Pare, si Craig ang nagkapagpabalik ng boses ni Zeta noon at hindi ko alam kung paano niya 'yon nagawa. Hindi ko 'yon itinanong sa kanya kasi malay ko bang mauulit na naman 'to?! Intindihin n'yo naman ako, siya lang ang puwedeng makatulong sa kapatid ko!" giit niya. Alam ni Zyx kung ano punto ng dalawang kasama niya at alam niya ring tama naman ang sinasabi nila. Pero handa siyang isakripisyo ang sarili niyang kalayaan masiguro lang na mahanap niya ang kaisa-isang paraan para mapagaling ang kapatid niya. Sa kabilang banda, alam din naman nina Cahil at Wren na naiintindihan sila ng binata. Sadyang desperado lang talaga itong makagawa ng paraan para kay Zeta. Aminado naman silang gusto rin nilang subukan ang ideyang iyon, pero sobrang delikado kaya hangga't maari ay gusto nilang pigilan ang kaibigan. Hindi nawawala ang tingin ni Cahil kay Zyx. "Pare, baka nakakalimutan mong siya ang pulis na may hawak sa kaso natin? Kapag nakita ka niya, kahit siya man ang Craig na kababata ninyo, gaano ka kasigurado na tutulungan ka nga niya? Malamang niyan, hingin niyang kapalit ang makulong tayong lahat," aniya. Nakatingin sa kawalan si Zyx nang sagutin niya ito, "Nakakalimutan mo yatang miyembro rin ako ng grupong ito, marunong din akong magsinungaling gaya ninyo kahit hindi ako nakakasama sa field. Puwede ko naman siyang kumbinsihin na nagwatak-watak na tayo, maniniwala 'yon dahil isang taon na rin tayong pahinga," giit niya. Napabuntong hininga si Wren dahil sa narinig niyang katwiran ng kaibigan nila. Masakit para sa kanya ang sakripisyong naiisip ni Zyx, dahil ayaw niyang maging rason ang gusto nito para magkahiwa-hiwalay silang apat. "Zyx, hindi lang ito tungkol sa kalayaan namin ni Cahil. Tungkol din ito sa 'yo at kay Zeta. Gusto mo bang gumaling nga ang kapatid pero makukulong naman kayo? Kasi kung kami ni Cahil ang tatanungin mo, mas gusto pa naming maghintay na lang na dumating 'yung araw na kaya na niya muling magsalita kahit pa gaano katagal iyon," sagot niya rito. Marahas siyang nilingon ni Zyx. "Para sa 'yo madaling sabihin 'yan dahil hindi mo kapatid si Zeta, hindi mo alam ang pakiramdam na araw-araw ko siyang nakikitang tulala dahil sa kasalanang ako naman talaga ang nagsimula!" tumaas na ang boses nito. Hindi napigilan ni Cahil ang sarili niya dahil sa narinig, mabilis itong napatayo sa upuan at mabilis na kinuwelyuhan si Zyx dahilan para mapatayo na rin ito. "Pare, bawiin mo sinabi mo!" sigaw din niya. Agad na umawat si Wren, pilit niyang pinaghiwalay ang dalawa pero malakas si Cahil kumpara sa kanya kaya hindi niya ito basta-basta mailayo kay Zyx. "Tama na 'yan, pare! Puwede namang mag-usap ng maayos, eh!" aniya sa pagitan ng pag-awat niya. "Para sabihin ko sa 'yo, Zyx! Hindi lang ikaw ang nahihirapan at nasasaktan kapag nakikita ang kalagayan ni Zeta. Pare, pare-pareho tayo ng nararamdaman dito! Kung maka-asta ka, parang ikaw lang ang malapit sa kanya, nandito rin kami! Hinahayaan ka lang namin na solohin ang pag-aalaga sa kanya dahil alam namin kung gaano siya ka-importante sa 'yo at nirerespeto naming mas matagal ang pinasamahan ninyong dalawa! Pero hindi ibig sabihin n'on, wala lang sa amin ang lahat. Kung kapatid ang turing mo kay Zeta, Pare, ganoon din kami! Sana alam mo 'yan," ani Cahil saka binitawan ng marahas ang kwelyo ni Zyx. Napatulala na lang si Zyx matapos marinig ang mga salitang iyon. Ngayon ay nagising siya sa katotohanan na may karamay siya rito at may kagaya siyang naghihirap din sa kalagayan ni Zeta. Kinain siya masyado ng lungkot at panlulumo sa nangyari sa dalaga, sa pagdilim ng mundo niya ay ganoon na rin ang nangyari sa paningin niya. Para bang nawala na sa kanya ang lahat sa ganoon lang kadaling pangyayari. "Zyx," tawag naman ni Wren sa kanya dahilan para mapatingin siya rito. "Pare, hindi mainit ang ulo ko at ayaw kitang patulan. Pero paalala lang, pare-pareho tayong hindi natin kadugo si Zeta pero iisa lang ang tingin natin sa kanya—nakakabatang kapatid at bunso. Nagkataon lang na mas mahaba ang pinagsamahan ninyo, pero 'yung koneskyon namin sa kanya, pareho lang din ng iyo. Kaya huwag mong ipamukha sa amin na parang wala lang sa amin 'tong nangyayari," aniya. Napayuko na lang muli si Zyx. Tila wala na siyang mukhang maiharap sa mga kaibigan pagkatapos ng mga nangyari, ni magbanggit manlang ng 'sorry' ay hindi niya magawa dahil sa pagsisisi ng mga nasabi niya. Hindi niya alam na ganito na pala kalala ang mga nangyayari at nakalimutan na niya ang naging samahan nilang apat. Sa limang taon nilang magkakasama, ngayon lang sila nagkaroon ng ganitong pagsubok at ngayon lang din sila nagkaroon ng ganitong away. At ang hindi inaasahan ni Zyx ay ganitong uri pa ng away ang mangyayari—tungkol sa lagay ni Zeta. Dahil sa pagkailang, bumuntong hininga na lang si Wren. Napakamot siya ng ulo dahil napansin niyang pareho lang ang dalawa niyang kaibigan na nagkabiglaan sa mga nangyari. Iniangat niya ang dalawa niyang kamay dahil sa balak niyang itulak ang dalawa sa harapan niya para magkalapit at magkaayos na. "Tama na nga 'yan, mag-ayos na kayo—" Pero bago pa niya magawa ang balak niya, isang nakakapanghina na eksena ang bigla na lang bumulaga sa magkakaibigan. Unang napatingin si Wren sa kanyang kaliwa, sa pinto papunta sa sala. Natulala na lang siya doon at hindi na nakapagsalita. Nang mapansin ni Cahil ang inasta ng kaibigan ay napatingin na lang din siya gawing iyon, sa harapan niya dahil nasa kaliwa niya si Wren. Nanlaki ang mata niya dahil sa nakita. At ang huli, si Zyx. Siya ang pinakahuling nakapansin sa nangyayari dahil bukod sa nakayuko siya, nakatalikod pa siya sa pinto papuntang sala. Kaya nang umangat ang tingin niya at bumaling sa lukaran niya... halos madurog ang puso niya nang makita si Zeta na nakatayo roon habang umiiyak. Tila kahit nasa pinakadulo ang kwarto niya ay narinig niya ang naging away nilang tatlo at nasaktan ito na naging dahilan siya ng away nila. Hindi man siya makapagsalita ay may pakiramdam at pang-unawa pa rin siyang nasasaktan at naaapektuhan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD