Chapter 14

2706 Words
CHAPTER 14 Halo-halong emosyon ang naghahari ngayon sa grupo, tila hindi nila alam kung ano ang unang dapat gawin dahil naipit sila sa nangyayari. Nakakapanghina man na pagkatapos nilang gawin ang lahat ng makakaya nila ay tila parang nadagdagan pa rin ang problema nila, at ang kasalukyang problemang ito... ay isang halimbawa na talagang nakakatakot harapin. Bago pa man nila magawang makalabas sa bahay ni Mirabel, nagawa na agad magbanta ni Karl. "Subukan ninyong humakbang pa ng isang beses, kakalat ang utak ng kaibigan ninyo sa sahig mismo ng shop niya," pananakot nito. Hindi lang basta pananakot ang nagawa niya, kitang-kita nilang apat na ngayon ay hawak na ni Karl ang kaibigan nilang si Mirabel. Walang nagawa ang dalaga kundi ang mangatog at maiyak na lang sa takot nang maramdaman niya ang malamig na bunganga ng baril sa sindito niya. Hawak siya ng binata sa kanyang leeg at pwesahang inilabas sa kanyang tindahan. Kahit anong pilit niya sa sarili para manlaban ay walang kahit kaunting lakas na dumadaloy sa kalamnan niya, para bang naging daan ang pagtutok ng lalaki sa ulo niya para huminto rin ang buong sistema niya. Ang tanging bagay na lang na mgagawa niya ngayon ay umasa na makakatakas pa siya at mabubuhay pa siya. Paglabas ay nalipat ang panunutok ni Karl sa mga taong nasa paligid. "Umalis na kayo rito habang wala pa sa utak ko ang idamay kayo," mahinahong utos niya. Hindi na nagawang makasigaw pa ng mga saksi, walang kahit na sino sa kanila ang nakalikha ng kahit anong ingay maski ang paghingi ng tulong. Para silang mga laruang de susi na sumunod na lang kay Karl dahil sa takot nilang mabutas ang kanilang katawan kapag nagkataong nagpaputok ito. Ayaw man nilang iwan ang kakilala at kapitbahay nilang si Mirabel sa lalaking may hawak ng baril, wala naman silang magagawa kundi ang iligtas na lang ang buhay nila. Isa pa, wala rin naman silang kaalam-alam sa mga nangyayari. Nang tuluyang mawala ang mga tao sa paligid ay muling bumalik ang tingin ni Karl sa apat na taong naiwan sa loob ng tindahan. "Puwede na kayong lumabas, wala nang makakakita sa inyo rito," aniya habang nakangiti. Walang ibang nagawa ang grupo kundi ang sundin ang sinasabi niya, para na rin silang utus-utusan ng lalaki. Kahit hindi nila maintindihan kung bakit ganoon na lang ang pananalita nito na para bang iniingatan pa niya ang pagkatao nila ay sumunod pa rin sila para sa kapakanan ng kaibigan nilang hanggang ngayon ay hawak pa rin niya. Tila pati ang pag-iyak ay kinakatakot nang gawin ni Mirabel, nakatulala lang siya at halos hindi na maramdaman ang buong katawan dala ng panlalamig. Halos manhid na rin ang katawan niya dahil sa kaba na dulot di ng inabot niya ngayon. Kahit nakikita ng mata niya ang grupo ng mga taong itinuring niyang kaibigan ay wala namang tumatakbong kahit ano sa isip niya, tulala lang ito na animo'y nawala na sa kanyang sarili. Hindi nawawala ang ngisi sa labi ni Karl, para bang normal lang sa kanya ang lahat. "Ang hirap ninyong hanapin, ha. Halos ikutin ko na ang buong Pilipinas mahagilap lang kayo, iyon naman pala ay dito ko lang kayo makikita. Kumusta naman ang pagtatago ninyo? Siguro naman sa ilang araw kong paghahanap ay nagkaroon na kayo ng panahon na ma-enjoy ang buhay ninyo..." Sandali siyang huminto sa pagsasalita para ngumiti ng mas malapad pa. "dahil ngayon, ihahatid ko na kayo kung saang impyerno kayo dapat mapunta," dagdag niya. Walang sinoman sa grupo ang may ideya kung paano nila haharapin si Karl, tama na mag-isa lang ito at kaya nila itong labanan ng mano-mano. Pero ibang usapan na ang may hawak siyang baril at ginagamit niya pa si Mirabel bilang panakot. Hindi nila maaring isugal ang buhay ng kaibigan nila lalo na kung alam nila kung gaano ka-demonyo ang taong may hawak sa kanya. Ibinaba sandali ni Karl ang hawak niyang baril habang nakaakbay kay Mirabel. "Teka, iyan na ba ang tunay n'yong mukha? O panibagong disguise na naman 'yan?" tanong niya. Tumingin naman siya sa babaeng inaakbayan niya. "Ang galing talaga ng kamay mo gumawa ng pekeng mukha, napaniwala mo akong iyon talaga ang itsura nila. At dahil sa ginawa mo, nahirapan ang mga pulis na hanapin ang mga 'yan at nahirapan din ako." Ngumisi siya nang humigtpit ang pagkakahawak niya sa leeg ng dalaga. "Kaya kung inaakala mong dinadamay lang kita rito, pwes tama lang na 'yan ang isipin mo. Kasi dapat ka talagang madamay dahil may atraso ka rin sa akin!" sigaw niya. Dahil sa sigaw na iyon, tila nabuhay din ang dugo ni Mirabel at napasigaw din siya sa takot. Sandaling napahagulgol ang iyak niya pero natigil din siya nang sigawan siya ni Karl ng, "Tigil!" Sa nakikitang takot ni Zeta sa mukha ng kaibigan, alam niyang may dapat siyang gawin para kumalma ito at para maintindihan niyang gagawa sila ng paraan para mailigtas siya. Ang problema lang, kung ano ang takot na nararamdaman ni Mirabel ngayon ay ganoon din ang nararamdaman niya... hindi niya magawang kausapin ni lingunin manlang ang mga kasama niya para ipaalala na kailangan muna nilang makuha ang kaibigan nila bago sila magsama-samang tumakas. Nang matikom na ang bibig ni Mirabel ay marahas nang tumingin si Karl sa kanilang apat, kasabay nito ay ang pagtutok niyang muli sa bibig ng barili sa kanang sentido ng kanyang hostage. "Ano? Ganyan na lang ba kayo? Wala ba kayong sasabihin? 'Diba... mga magnanakaw kayo na magaling magsinungaling? Bakit hindi n'yo ako utuin ulit ngayon? Tingnan natin kung makukumbinsi n'yo akong ibigay sa inyo ang kaibigan ninyo," aniya. Galit ang boses niya pero hindi pa rin nawawala ang ngisi sa kanyang boses. Bago pa magasalita ng ganoon si Karl, kanina pa talaga sinusukan ni Zyx na mag-isip ng paraan paano niya masisigurong makakaligtas kahit manlang si Zeta. Wala siyang pakialam kahit siya ang mapahamak, basta masiguro niya lang na maliligtas ang kapatid niya. Alam niya kasing ito ang pinakadelikado sa kanilang lahat dahil siya mismo ang kumuha ng pera ni Karl at siya rin ang nangloko sa kanya tungkol sa pagkukunyari niyang pagtalon sa tapat ng bintana niya. Maski si Wren ay sumusubok na ring magkalkula, iniisip niya kung paano niya mababawi si Mirabel nang hindi napapansin ni Karl. Aminado siyang kabado siya at nanginginig ang tuhod niya. Pero hindi niya rin matitiis na tumayo na lang habang ang kaibigan niya ay nakikita niyang nasa panganib na ang buhay. Naniniwala ang binata na kapag nagawa niyang mabawi is Mirabel ay magagawa na nilang takasan ang binata. Habang ang lahat ay kabado at nag-iisip kung paano nila haharapin si Karl, si Cahil naman ay nakapamulsa lang at dahan-dahang kinakapa ang kanyang cellphone upang mag-dial ng emergency call. Hindi man niya makausap ang sasagot sa kabilang linya ay binabalak niya na lang na iparinig ang nangyayari rito. Hindi man niya gustong tumawag ng pulis ay ito na lang ang tanging paraang naiisip niya para takasan ang kamatayan. Tunay na limang taon na silang magnakakaw at noon pa man ay kasama na sa uri ng trabaho nila ang panloloko ng tao para makuha ang kailangan nila. Ang kaso lang, ni minsan, hindi pa sila nakaranas na mapunta sa ganitong sitwasyon na halos nasa hukay na ang isa nilang paa. Ibig sabihin, hindi pa nila alam ang dapat gawin kapag ganito na kalala ang mga nangyayari. Alam ng grupo na hindi nagbibiro si Karl at hindi rin siya nagloloko lang. Mataas ang posibilidad na patayin niya si Mirabel o isa sa kanila sa isang iglap lang. Ibang demonyo si Karl kumpara sa kanilang lahat... siya ang uri ng taong wala nang kinakatakutan, kayang-kaya na rin niya ang pumatay na walang iniisip na kahit kaunting awa. Kaya iyon ang pinakadahilan kung bakit hanggang ngayon ay walang makaimik sa kanilang apat. Napalunok na lang si Zeta nang marinig ang sinabi ng kanilang kaharap. Kahit takot na takot, kailangan niya pa ring magpanggap na kaya niyang harapin ang lalaki. May kaunti siyang kumpiyansa sa sarili na magagawa niyang lokohin muli ang lalaking minsan na niyang napaniwala sa mga kasinungalingan niya. Kinalma ng dalaga ang kanyang sarili bago nagsalita, "Bakit si Mirabel ang gusto mong maunang patayin? Bakit hindi ako? Ako ang kumuha sa pera mo, 'diba?" aniya habang nakatingin sa mata ni Karl. "ZETA!" halos sabay-sabay na sigaw ng tatlong lalaking kasama niya. "Ano bang sinasabi mo, Zeta?! Walang dapat mamatay sa ating lahat! Bakit ba parang isinusugal mo ang buhay mo?!" pagalit sa kanya ni Zyx. Sa puntong ito, tumulo na ang luhang kanina pa niya pinipigil nang harapin niya ang kanyang kapatid. "Kasi ako naman nagpasimula nito, 'diba?! Ako ang nagsabing nakawan natin siya, ako rin ang mismong nakahula ng password ng vault niya, ako rin ang nagnakaw, at higit sa lahat... ako rin ang huling taong nakaharap niya!" Bago pa humantong sa puntong ito ang lahat, sobra na ang pagsisisi ni Zeta. Halos hindi na siya pinapatulog ng konsensya niya dahil sa nangyari. Kung kaya niya lang bumalik sa nakaraan ay gagawin niya huwag lang matuloy ang pagnanakaw na ginawa nila. "Zeta, tama na! Tayong lahat ang may kasalanan n'on kaya huwag mong sisihin ang sarili mo!" giit ni Zyx. Imbes na pakinggan ang kapatid, pinili pa niyang makipagtitigan kay Karl. "Nagtatanong ka kung paano ka namin kukumbinsihin na pakawalan si Mirabel, 'diba?" Napalunok siya bago muling nagsalita, "Ako ang kunin mo, huwag siya. Sa aming dalawa, mas mabigat ang kasalanan ko sa 'yo..." Hindi na niya napigilan ang sariling mapahagulgol nang tuluyan. Halos magmakaawa siya sa tingin na kung maari ay pakawalan na ni Karl ang kaibigan niya. "Alam kong hindi mo na nanaising bawiin 'yung kinuha namin, at kahit pa bawiin mo 'yun... alam kong hindi 'yon sapat sa 'yo. Kaya kung gusto mo mang patayin ang isa sa amin o lahat kami, mas gugustuhin ko pang ako na ang mauna. Kasi hindi ko kayang makita sila na mamatay, at hindi ko na rin kaya itong malaking katangahang nagawa ko! Dapat lang na ako ang unang mamatay!" Halos ilapit na ng dalaga ang sarili niya kay Karl dahil desidido na talaga siyang ipalit ang sarili sa posisyon ni Mirabel, pero agad siyang pinigil ng mga kasama. Kasabay nito ang pagsigaw nila ng, "ZETA!" Naging masama ang tingin ni Cahil sa paligid dahil hanggang ngayon ay wala pa rin ang pulis na tinawagan niya. Sa totoo lang ay natatakot siyang isipin na baka hindi naniwala ang tinawagan niya o 'di kaya ay hindi talaga siya nakatawag. Natatakot siyang baka wala nang dumating na pag-asa. Isang halakhak mula kay Karl ang nagpatigil sa apat sa nangyayaring kaguluhan. Puno ng pagtataka ang kanilang mga mukha dahil sa inasta nito. "Magaling ka talagang artista, Hija. Kaya nga una palang ay gusto na kitang makuha." Lalong lumalim ang kunot ng noo nilang apat dahil sa sinasabi ng kanilang kaharap. Kaya para malinawan, ay muli siyang nagsalita, "Wala naman talaga akong balak na patayin ang isa sa inyo. Ginagawa ko lang naman ito para masiguro kong hindi na kayo makakatakas pa, ang hirap n'yo kayang hagilapin..." aniya. Tila nagbago ang ambiyansa ng paligid nang biglang nagbago ang tono ng boses ng taong inaakala nilang gustong pumatay sa kanila. Isang ngiti ang gumuhit sa labi ni Karl nang harapin niya muli ang apat. "Gusto ko kayong kunin bilang dagdag tao ko sa loob ng Fallen Angel. Kapag tinanggap n'yo ang alok ko, kahit sinong tao pa ang nakawan ninyo... hinding hindi na mauulit ang ganitong pangyayari. Basta gagawin n'yo lang ang gusto kong mangyari," alok nito. Nagkatinginan silang apat. Magkakaiba ang reaksyon nila, pero wala ni isa sa kanila ang gustong masgsalita tungkol as narinig. Pero ang pinaka malaking tanong nila sa kanilang isip ay: "Dapat bang pagkatiwalaan ang sinasabi nito?" "Huwag kayong maniniwala!" Tila nagising ang diwa nilang apat nang marinig nila ang boses ni Mirabel. "Ang sabi n'yo sa akin kanina, magbabagong buhay na kayo... sabi n'yo, may balak kayong magsimula ulit kapag nakalipat na kayo. 'Diba nga, gusto n'yo pang magtayo ng sarili n'yong negosyo? Huwag kayong padadala sa alok niya kasi puwedeng niloloko niya lang kayo—" "Manahimik ka!" ani Karl, bigla niyang diniinan ang pagkakasakal sa leeg ng kaawa-awang dalaga. "Mirabel!" sigaw naman ni Zeta. Pilit na naman niyang inaabot ang kaibigan pero agad siyang pinigil ng mga kasama. Kaya wala siyang nagawa kundi tumingin sa kanilang kaharap. "Tama na!" pagmamakaawa niya kay Karl. "Ano? Sagot! Payag ba kayo sa alok ko o hindi?!" sigaw nito. Muling nagkatinginan ang magkakaibigan. Pare-pareho silang walang malinaw na desisyon sa alok ni Karl. Dahil alam nilang kahit maganda pa ang magiging kapalit ng gusto nitong mangyari, hindi pa rin matitiyak na mabubuhay pa sila roon. Isa lang silang maliit na grupo na magnanakaw, ang tanging alam lang nilang gawin ay pasukin ang bahay ng kanilang biktima. Bukod doon, wala na silang alam na iba pang krimen. Masyadong delikado para sa kanila ang masama sa grupo ng sindikato. "Ang tagal n'yo namang sumagot!" muling sigaw ni Karl. Nataranta sila at halos hindi na nakapag-isip pa si Zeta sa kanyang isasagot. "Hindi mo ba kami puwedeng bigyan ng oras para makapag-isip manlang?" tanong niya. Isang ngisi na naman ang gumuhit sa mukha ng kausap. "Ano ako, tanga? Hindi n'yo na 'ko muli maiisahan. Malay ko ba kung anong puwedeng n'yong gawin sa oras na pagbigyan ko kayo. Saka puwede ba, ako ang may hawak ng alas dito. Wala kayong karapatan mag-demand dahil ako ang dapat masunod!" aniya. Napalunok na lang si Zeta. Handa na sana siyang sumagot pero mabilis na sumingit si Zyx. "Ibibigay namin sa 'yo ang sagot kung pakakawalan mo si Mirabel," aniya. Hindi nawawala ang ngisi sa mukha ni Karl. Kagaya ng sabi niya, hindi na niya muling mauuto ng grupong iyo. Totoo na gusto niyang makuha ang mga ito para magamit sa loob ng sindikato dahil hindi naman maitatanggi na may potensyal talaga ang mga ito. Balak din niyang gamitin ang oportunidad na ito para makaganti sa grupo sa pagpapahirap sa kanila. Pero sa puntong ito, alam na niyang hindi na niya makukuha ang gusto niya sa mga ito. "Iyon lang ba? Sige!" pagkatapos sabihin iyon ni Karl ay walang kaabog-abog niyang itinulak si Mirabel sa kanila. Pero bago pa nila mabawi ang kaibigan, isang putok muna ng baril ang umalingawngaw sa buong paligid... Tila huminto ang buong mundo ni Zeta nang makita ang dugong tumulo as bibig ng kaibigan niya. Wala na siyang nagawa kundi ang titigan na lang ang pagbagsak nito sa lupa. At ang tanging nagawa na lang niya ay sumigaw nang... "MIRABEL!" Nataranta na sila at hindi na alam kung paano pa kikilos. Damang-dama nila ang galit ni Karl Christian de Guzman sa kanila... hindi sila ang tinamaan ng bala, pero isang sakit at hapdi ang bigla na lang nagparamdam sa kanila. Halos gustuhin na lang nilang maglaho sa kinatatayuan nila dahil sa takot sa puwede pang mangyari... ngayon, alam na nila kung paano maningil ng atraso ang isang miyembro ng sindikato. "Huwag kayong mag-alala dahil ilang segundo lang ang lilipas at lahat kayo ay susunod na sa kanya—" "de Guzman! Ibaba mo ang baril mo!" Tila isang himalang maituturing ang pagdating ng mga pulis. Nakaramdam ng pag-asa ang grupo dahil sa pagsulpot ng isang grupo ng kapulisan, lahat sila ay nakatutok ang baril kay Karl. "Kalma lang!" ani Karl. Sa ngisi at postura niya ay talagang kalmado lang siya. Nagtaas siya ng kamay bilang pagpapakita ng pagsuko niya pero kaduda-duda ang pagkilos niya. Ganoon pa man, nilapitan pa rin siya ng mga pulis para dis-armahan, maposasan, at madala sa Prisinto. Hindi nagawang makagalaw ng apat dahil nakakita sila ng pulis, tila litong-lito na sila sa nangyayari. Nang tuluyan nang maposasan si Karl ay tumingin pa siya kina Zeta. "Sandali lang, ikukulong n'yo ako dahil nakapatay ako ng kriminal? Hindi ba dapat ikulong n'yo rin 'yang apat na 'yan dahil sila ang nagnakaw sa pera ko? Maaring mamamatay-tao ako, pero hindi naman ako papayag na 'yung mga taong nagtulak sa aking pumatay ay hindi ko makakasama sa kulungan," aniya. Sa puntong iyon, lalong lumiit ang mundo nina Zeta. Dahil lahat ng pulis, sa kanila na nakatingin. Tila ba, tanggap na nilang ito na talaga ang katapusan ng lahat sa kanila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD