Chapter 16

2754 Words
CHAPTER 16 Isang bagong buhay ang nakamit nina Zyx nang tuluyan silang nakatakas nang araw na iyon. Natupad pa rin ang pangarap nilang makapagsimula ng isang tahimik na buhay sa mas malayong lugar kung saan walang nakakakilala sa kanila. Pare-pareho nilang hindi inakala na posible rin pala ang imposible. Hindi nila alam kung ano ang plano ng tadhana sa kanila, kung bakit pinatakas sila at kung bakit pinagbigyan sila sa kagustuhan nilang ito... pero kung ano man iyon ay hindi na nila iniisip... dahil mas importante ngayon sa kanila ay ang pangatawanan ang buhay na pinili nila. Makalipas ang isang taon, nakamit na rin nila ang pangarap nilang magkaroon ng negosyo... mayroon na silang sariling Computer Shop at Repair Shop. Magkakasama na rin silang nanirahan sa isang bahay na nabili nila. Lalo silang na-engganyo na ituloy ang normal nilang buhay dahil sa loob ng taong lumipas ay wala nang miyembro ng sindikato ang nakatunton sa kanila... para bang tuluyan na silang nanalo sa laban ng taguan. Gamit pa rin nila ang pangalang Zeta, Wren, Cahil, at Zyx. Kilala sila ng mga tao sa lugar nila bilang magkakababata at sama-samang nag-ipon para makapagpatayo ng sariling negosyo ng magkakasama. Hindi sila nagpakampante sa paligid nila, dahil hindi nila alam kung kailan darating muli ang problema. Palagi pa rin silang handa para sa maaring masamang mangyari. Masaya at kumpleto na sana ang lahat, kaya lang... nanatili ang kondisyon ni Zeta na hindi na muling kumibo matapos makita ang pagkamatay ni Mirabel. Isang taon na ang nakalipas pero ang sugat ng kahapon ay nananatili pa rin sa kanyang isipan. Kung meron mang kulang sa kanila, iyon ay ang pinagkaitan sila ng lunas sa kondisyon ng dalaga. Walang araw na hindi hiniling ni Zyx na sana ay dumating ang isang araw na gigising sila sa umaga na maayos na ang lagay ng kapatid niya. Minsan na nilang ipinatingin ang dalaga sa mga doktor sa bagong lugar na nalipatan nila, pero ang tanging nasabi lang sa kanila ng kanilang nakausap na eksperto ay: "Tanging panahon lang ang makakagamot sa kanya. Kailangan lang nating maghintay na dumating ang araw na kaya na niyang tanggapin ang mga nangyari." Masakit para kay Zyx na wala siyang magawa para iligtas ang kapatid. Sumariwa sa alaala niya ang nakaraan nang minsan nang magkaganito si Zeta... iyon ay noong mga bata pa sila. Ang totoo, hindi talaga tunay na magkapatid sina Zeta at Zyx. Iyon lang ang inakala ng dalaga dahil mula noon ay sila ang laging magkasama. Wala namang kasong iyon kay Zyx dahil gaya niya ay ulila na rin siya, naging sandigan nila ang isa't isa at nakaramdam sila na para bang nagkaroon sila ng bagong buhay nang magkakilala sila. Nagkakilala sina Zyx at Zeta sa ampunan labing-walong taon na ang nakakalipas. Limang taon pa lang si Zeta noon at pitong taon naman si Zyx. Bago dumating sa buhay niya ang dalaga ay mag-isa lang siya at palaging naging tapunan ng tukso dahil mas maliit nga siya sa ibang mga bata na kasing edad niya ng mga panahon na iyon. Wala siyang naituring na kaibigan noon, walang ibang gustong makipaglaro sa kanya dahil mas gusto nilang siya ang pinaglalaruan. Hanggang isang araw, nakita niya na lang si Zeta na nakaupo sa isang upuan malapit sa kwarto ng mga batang babae sa ampunan. Noong una ay hindi niya ito pinapansin dahil wala namang rason para kausapin niya ito. Pero nang mapadalas ang pagkakataon na nakikita niya ang dalaga sa upuan na iyon nang mga panahong iyon, doon na siya nagtaka at nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan at kausapin ito. Ang pagiging tahimik ni Zeta ang nagtulak kay Zyx na lapitan siya, akala niya ay mahiyain lang ang batang ito at naghihintay lang ng taong kakausap sa kanya kaya siya na ang naglakas ng loob na magkusang lapitan ito. Nagbabaka sakali rin siya na si Zeta na ang unang magiging kaibigan niya sa Bahay Ampunan. Pero nang subukan niyang kausapin ang batanrg iyon... tila napansin niyang hindi siya nito sinasagot. Akala niya nu'ng una ay ayaw lang talaga siyang kausapin, pero kakaiba ang pagiging tahimik nito at para bang nakatulala lang sa hangin. Dala ng kuryosidad, itinanong ni Zyx sa mga Facilitator ng Ampunan kung bakit hindi nagsasalita si Zeta. At dito niya nalaman na ang batang babaeng iyon pala ay biktima ng mapait na nakaraan. Pinatay ang mga magulang ni Zeta sa harapan niya mismo ng mga magnanakaw na nanloob sa bahay nila. Sabi ng nakausap niya, maaring nakita raw ni Zeta ang nangyari kaya nagkaroon ito ng Trauma. Bilang isang bata, ang alam lang ni Zyx nang marinig niya iyon ay isang nakakaawang bata si Zeta. Hindi alam ni Zyx ang pakiramdam ng mawalan ng magulang dahil hindi naman niya naranasan magkaroon ng magulang. Nagkaisip at lumaki siya sa Ampunan na ang tanging nakakasama lang ay kapwa bata niya na inabandona na rin ng kani-kanilang mga magulang. Pero naiintindihan niya na masakit at malungkot ang sinapit ni Zeta dahil sa ilang araw niyang nakikita ito, kahit hindi nagsasalita at kahit palagi lang tulala sa kawalan, kusang tumutulo ang luha sa mga mata niya. Isang patunay na hindi madali ang pinagdadaanan niya. At dahil wala namang ibang kaibigan si Zyx sa loob ng Ampunan at naaawa siya kay Zeta, hindi na siya umalis sa tabi ng batang iyon. Kahit tulala at walang imik ay tila nakakaintindi naman si Zeta kahit papaano kapag inaaya siya ni Zyx na mamasyal sa paligid. Pinagtiyagaan niyang kausapin ang batang iyon kahit alam niyang hindi ito sasagot sa kahit anong sabihin niya. Ganoon pa man, masaya si Zyx kapag kasama niya si Zeta. Ito ang nagparamdam sa kanya na hindi na siya nag-iisa ngayon, mayroon na siyang kaibigan at kasama. Ilang buwan na ang pagkakaibigan nilang dalawa, pero biglang dumating ang pagkakataon na naulit ang pangbu-bully kay Zyx. Ngayon, hindi na lang siya ang na-bully, kundi pati ang kaibigan niyang si Zeta na walang nagawa kundi ang umiyak na lang dahil sa natatamong sipa mula sa ibang bata. Gustong-gusto ni Zyx na tumayo at tulungan ang kaisa-isa niyang kaibigan pero wala siyang magawa dahil gaya nito ay sinisipa rin siya ng ibang kasama nila. Hanggang sa isang batang lalaki ang dumating at tinulungan silang dalawa, iniligtas sila sa mga batang nang-aapi sa kanila. "Hoy! Bakit kayong nang-aaway, ha?! Bad 'yan, ah!" sigaw ng bagong dating na bata. Hinarap siya ng anim na batang umaapi kina Zyx. "Bakit, sino ka ba? Bakit ka nangingialam dito? Hindi ka naman kasali, ah?" sigaw pabalik ng isa sa anim na bata. Sumama ang tingin ng batang lalaki sa anim na lalaking nang-aaway sa dalawang kawawang bata. "Ah, gan'on pala, ha!" aniya saka matikas na nilapitan ang grupo. Una niyang tinulak ang batang lalaki na sumagot sa kanya. Tapos ay sinipa at sinuntok niya ang ilan sa nagtangkang pigilan siya. Habang dalawang bata naman ang bigla na lang tumakbo dahil sa takot. "Sa susunod na mang-away kayo, pipitikin kita sa ilong! Masakit ako pumitik, alam mo ba 'yon?!" sigaw ng batang nagligtas sa kanila sa batang nang-away sa kanila. Wala nang isinagot ang batang kanina lang ay nangbu-bully. Bagkus ay madali siyang bumangon sa pagkakaupo at tumakbo palayo sa kanila. Manghang-mangha si Zyx sa kanya dahil nagawa nitong labanan ang mga nang-aapi sa kanya. Ka-edad lang ni Zyx ang batang iyon pero triple ang tapang at lakas nito sa kanya. At mas malaki rin ito sa kanya. Nilapitan sila nu'ng bata at agad na nag-alok ng tulong para makatayo sila. Nang makatayo si Zyx ay agad niyang itinayo si Zeta at pinagpagan ang damit nitong maduming-madumi na dahil sa nangyari. Iniupo niya ito sa isang bato saka hinarap ang batang tumulong sa kanila. "Bakit hindi ka lumaban? Nasaktan tuloy kayo ng kapatid mo," sabi nu'ng bata. Nu'ng una, nagulat si Zyx kung bakit pinagkamalan silang magkapatid nu'ng bata. Pero hindi na niya ito binawi, ayos na rin sa kanya na maging kapatid si Zeta. "Hindi ko sila kayang labanan, eh." Humawak sa beywang ang bata. "Dapat kaya mo!" aniya. Yumuko na lang si Zyx dahil sa hiya, alam niya kasing kahit kailan ay hindi niya kakayanin iyon. Hindi niya magagawang maging isang malakas gaya ng batang tumulong sa kanila. "Anong pangalan mo?" tanong ng bata. Umangat ang tingin niya na may kunot sa noo. "Sergio," banggit niya sa kanyang pangalan. Isang ngisi ang gumuhit sa mukha ng batang kaharap niya. "Ako si Craig pogi!" aniya. Tapos ay hinarap niya ang batang babae na nakaupo sa bato. "Ikaw, anong pangalan mo?" Nawala ang ngisi sa mukha ni Craig dahil hindi sumasagot ang batang kausap niya. Kaya hinarap niya si Zyx at tinanong ang, "Bakit hindi siya nagsasalita?" Gulong-gulo ang kanyang tingin sa kausap. "Anong pangalan niya?" "Zenaida Takkie ang totoong pangalan niya, pero Zeta ang tawag ko sa kanya," ani Zyx. Pagkatapos ay ikinuwento na rin niya kay Craig ang nangyari kay Zeta, kung bakit ito tulala at hindi nagsasalita. Kaya ipinangako ni Craig na mula raw nang araw na iyon ay palagi na silang magkakasama para siya ang magtatanggol sa kanilang dalawa kapag may mang-aapi sa kanila. At tutulungan niya ring maibalik si Zeta sa normal. Ikinuwento na rin ni Craig sa kanya ang buhay niya, nasabi rin nitong kakarating lang daw niya sa ampunan at saktong ang away na iyon na kinasangkutan nina Zeta at Zyx ang nakita niya. Isa na ring ulila si Craig kagaya ni Zeta, namatay ang mga magulang niya sa isang aksidente nang dapat ay susunduin siya nito sa kanyang school. Pareho sila ng kalagayan na wala nang ibang kamag-anak na maaring kumupkop kaya nauwi sila sa ampunan. Tila naging isang blessing in disguise ang nangyaring pangbu-bully sa kanilang dalawa dahil sila ang naging kaibigan ni Craig. Palagi na silang magkakasamang tatlo. "Paano kaya natin mapapagsalita si Zeta?" tanong ni Craig. Nakaupo silang tatlo sa isang upuan kung saan laging nakaupo si Zeta. Nasa gitna siya nina Craig at Zyx. Tumambay lang sila rito dahil paggising nilang dalawa sa umaga ay si Zeta ang agad nilang pinupuntahan para kumustahin at naaabutan nila itong nakaupo na rito na para bang inaabangan na ang pagdating nila. Tumingin si Zyx kay Zeta bago sinagot ang tanong ng kaibigan. "Ang sabi nila dapat lang lagi siya kakausapin, eh," aniya. Pinandilatan siya ng mata ni Craig. "Ha?! Lagi naman natin siya kinaukausap, ah?!" Tapos ay tumingin siya kay Zeta. "Hoy, 'diba?! Lagi ka namin kinakausap!" sabi pa nito. Hanggang sa tumagal ng isang taon ang samahan nilang tatlo... na hindi pa rin nakakapagsalita si Zeta. Nawawalan na ng pag-asa si Zyx na gagaling pa ito, pero si Craig ang laging nagsasabi na dapat lang silang maniwala na may pag-asa pa. Dumating ang isang araw na nagkasakit si Zyx, hindi niya magawang makabangon dahil sa sama ng pakiramdam niya. At alam din niyang hindi siya puwedeng lumapit kay Zeta nang ganito ang kondisyon niya. "Ikaw na muna ang bahala sa kapatid ko, ha?" ani Zyx, binibilinan niya si Craig na ngayon ay handa nang lumabas sa kanilang kwarto para puntahan si Zeta. Nakatayo si Craig sa gilid ng kama ni Zyx habang nakahiga ito at inaapoy ng lagnat. Isang ngisi ang ibinigay niya sa kaibigan niyang may sakit. "Oo naman! At paggaling mo, magaling na rin si Zeta!" aniya. Malaki ang tiwala ni Zyx kay Craig na magagawa niya ang sinabi nito, dahil minsan na niyang nakita na ngumiti si Zeta nang dahil sa kanya. Higit kanino man, silang dalawa ang may gusto na marinig nang magsalita si Zeta. "Zeta! Tayo muna ang mamasyal ngayon, ha? May sakit kasi ang kuya mo, eh," bati ni Craig sa kanya pag-upo nito sa tabi niya. Kagaya ng dati, nakatulala pa rin ito at tila wala pa ring balak na umimik. Napabuntong hininga na lang si Craig dahil doon. "Sana, marinig ko na ang boses mo," aniya habang nakatingin sa batang kasama niya. "Hindi ko alam kung bakit ka naging malungkot kasi nawala mama at papa mo. Ako nga di umiyak, eh," pagmamalaki nito. "Pero kahit naging malungkot ka... puwede ka naman namin pasayahin ulit. Hihintayin ko na kausapin mo na kami. Hindi ka na ulit malulungkot kasi nandito na kami ni Zyx," muling sambit ni Craig. Nakatingin pa rin siya kay Zeta. Ito ang unang beses na nakasama niya si Zeta na sila lang dalawa, palagi kasing kasama si Zyx kahit saan niya maisipang dalhin si Zeta. Dala ng matagal niyang pagtitig kay Zeta, kusa na lang kumilos ang kamay ni Craitg para hawakan ang kamay nito. "Kapag nakapagsalita ka na, pangako... pakakasalan na kita." Dalawang araw ang naging pahinga ni Zyx mula sa sakit. At nang gumaling siya, agad siyang pumunta sa kwarto ng mga batang babae para sunduin si Zeta. Pero pagdating niya r'on, walang batang babae na nakaupo sa dating pwesto nito. Hanggang sa dumating na rin si Craig, nagtaka rin ito na wala si Zeta r'on. Wala na lang silang nagawa kundi ang maupo na lang din sa upuan at magbaka sakaling lumabas si Zeta. "Hindi kaya nahawa si Zeta sa lagnat mo kaya siya naman ang may lagnat ngayon?" ani Craig. Gulat na tumingin sa kanya si Zyx, napatayo pa ito sa gulat. "Paano naman siya mahahawa? 'Diba nga kayo ang magkasama ng dalawang araw? Tiinis ko nga na mag-isa lang ako sa kwarto ko para hindi ko siya mahawaan, eh!" giit nito. Nanatiling nakaupo si Craig habang ikinukuyakoy niya ang kanyang paa. "Naku, paano kung walang mag-alaga sa kapatid mo? Hindi pa naman niya masasabing may sakit siya kasi hindi siya makapagsalita. Tapos 'diba wala siya ibang kaibigan kundi tayo lang dalawa, nandito tayo sa labas ng kwarto niya. Paano kung—" "Tumigil ka nga! Tinatakot mo ako, eh! Lalabas siya! Hihintayin ko siya rito hanggang—" "Kuya..." Isang hindi pamilyar na boses ang kanilang narinig mula sa gawi ng kwarto. Dahan-dahang lumingon ang magkaibigan... at sa gulat nila, sila naman ang hindi makapagsalita. Hindi nila inasahan na darating pa ang araw na pinakahihintay nila... ang araw na nakapagsalita si Zeta. Mula nang araw na iyon, naging madaldal at bibo na si Zeta. Malayong-malayo sa dating tahimik at nakatulalang bata na may trauma ng masakit na nakaraan. Dahil bata pa siya noon, inakala niya talagang nakakatandang kapatid niya si Zyx. At hinayaan na lang din niya ito dahil gusto niya rin naman maging kapatid si Zeta. Pagkalipas ng limang taon ay saka nila nakilala si Mirabel, sampung taon na si Zeta noon at labing-dalawang taon naman si Craig at Zyx. Mahiyaing bata si Mirabel at si Zeta lang ang bukod tanging bata na kumausap sa kanya noon. At iyon na nga ang simula ng masayang pagkakaibigan nilang apat. Tuluyan nang nakalimutan ni Zeta ang mapait na nakaraan, sa paningin niya... si Zyx na lang ang pamilya niya at masaya siya na mayroon pa siyang dalawang kaibigan. Pero lahat ng saya ay may hangganan... dumating ang araw na may pumuntang mag-asawa sa ampunan at naghahanap sila ng batang lalaki na maaring maampon. At ang nakakalungkot... si Craig ang kanilang kinuha. Doon na natapos ang masaya nilang pagsasama. "Paglaki ko, kapag naging pulis na ako, hahanapin ko kayo ulit... pangako 'yan!" ani Craig bago tuluyang umalis. Pinanghawakan nila ang pangakong iyo kahit wala silang ideya kung saan muli makikita ang kaibigan nila. Hindi nga rin nila alam kung makakalabas pa ba sila ng ampunan. Isa pang nakakalungkot na pangyayari ang dumating... ang araw na may umampon na rin kay Mirabel. Ang mabuti lang doon ay ibinigay ng aampon sa kanya ang address nila kina Zyx para kung sakaling makalabas sila ng ampunan ay mabisita nila ang kaibigan nila. Kaya lang, sa tuwing may gustong umampon kay Zeta o Zyx, ayaw nilang pumayag na maghiwalay sila. Gusto nilang magkasama silang aampunin. Kaya hanggang sa magdalagita na si Zeta ay walang umampon sa kanya o kay Zyx. Dito na nila naisipang tumakas sa ampunan, mamuhay ng sarili at matutong magsikap. Tuluyan silang nawalan ng pag-asa na may mga mag-asawa pang nangangailangan ng mga malalaki na gaya nila. Nang lumabas sila sa ampunan ay una nilang hinanap si Mirable. Pagkatapos ay nakilala na nila sina Wren at Cahil. At ito na ang simula ng kanilang patagong trabaho. Hanggang sa tumagal ng limang taon ang trabahong iyon at ngayon ay tuluyan na nilang naisip na itigil ito at magsimula ng bagong buhay. Napangiti na lang si Zyx nang maalala ang nakaraang buhay nila ni Zeta. At ang alaala na rin na iyon ang nagbigay sa kanya ng ideya kung paano mapapagaling ang kanyang kapatid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD