Chapter 15

2709 Words
CHAPTER 15 Agad na kumapit si Zeta kay Zyx... walang ibang maramdaman ang dalaga kundi ang takot na baka magkahiwalay na sila ng kapatid niya. Iyon ang isang bagay sa buhay niya na hindi niya kakayanin... Sa isang iglap, biglang may kung anong boses na naman ang nagsalita sa isip ng dalaga na para bang binibigyan siya nito ng rason paral lalong katakutan ang nangyayari... "Iiwan ka na niya... magkakalayo na kayo..." Iyon ang patuloy na bumubulong sa isip niya, tila paulit-ulit nitong ipinaparamdam sa kanya ang takot na magiging mag-isa na lang siya pagkatapos ng tagpong ito. Wala siyang ideya kung kanino ang boses na naririnig niya, pero isang bagay lang ang sigurado niya... parte ito ng nakaraan niya na ayaw na sana niyang maalala, pero sa isang pangyayari lang ay bigla na namang bumalik ang bangungot ng kahapon sa buhay ni Zeta. Hanggang sa naramdam niya ang isang yakap mula sa iisang pamilya na meron siya. "Huwag kang mag-alala, hindi kita iiwan, hindi tayo magkakahiwalay..." ani Zyx. Masakit para kay Zyx na nawalan sila ng isang kaibigan dahil sa pagkakamali nila sa pagpili kay Karl. Pero ang mas masakit doon, ay parang sunod-sunod na karma na ang nangyayari sa kanila. Ngayon ay parang sinampal na sila ng katotohanan na hindi na nila matutupad kailanman ang plano nilang magbagong buhay at magtayo ng negosyo. Hindi niya akalain na ganoon pala kahirap abutin ang simpleng pangarap nilang iyon. At alam niyang wala siyang karapatang kwestiyunin ang mga nangyayari, dahil una pa lang ay sila naman ang nagbigay ng problema sa grupo nila. Wala na ring magagawa ang pagsisisi dahil huli na para r'on. Kailangan niyang maging matatag para sa kapatid, kahit ang totoo ay lugmok na lugmok na rin siya dahil sa mga kaganapan. Alam niya na kung mabigat para sa kanya ang mga nangyari, mas mahirap ito kay Zeta... Naramdaman niya naman ang kakaibang nginig ng katawan ng kapatid niya. Huling beses na nagkaganito ang dalaga ay noong mga bata pa lang sila—nang araw na mawala ang mga magulang nito. Ilang taon ang ginugol ni Zyx para ibalik sa normal ang huwisyo ni Zeta noon, dahil sa kanya kaya nagawa ng dalaga na makahanap ng bagong pag-asa sa buhay... kaya hindi niya hahayaang maulit ang nakaraan. Habang magkayakap ang magkapatid, nakatulala naman sina Wren at Cahil sa katawan ni Mirabel na ngayon ay binubuhat na ng mga taong lumabas galing sa bagong dating na ambulansya. Hindi sila makapaniwala na 'yung kaisa-isang kaibigan nila mula sa tunay na mundo, ay wala na ngayon. Masakit lang isipin na hanggang sa huling hininga ng kaibigan nila, kapakanan pa rin nila ang inisip nito... hindi manlang niya inalala muna kung paano niya ililigtas ang sarili niya sa kamay ni Karl. Alam ng grupo na malaki ang naging kasalanan nila kay Mirabel, sila ang kumuha sa kanya ng normal nitong buhay. Dahil sa kanila, nawalan ito ng oportunidad na ipamalas sa iba ang talentong meron siya. Halos sa kanila na naubos ang buhay niya. Naikuyom ni Wren ang kanyang kamao, kahit alam niyang wala siyang laban ngayon ay desisdido pa rin siyang ipaghiganti ang kaibigan. Hindi niya hahayaan na hanggang doon na lang ang lahat. Habang si Cahil naman ay hindi malaman kung dapat ba siyang magsisi sa ginawang paghingi ng tulong sa mga pulis, ngayong nabuking na rin sa mga ito na sila ang grupong nagnakaw kay Karl. Pinanood lang nila ang pag-alis ng ambulansya. Mula kanina ay hindi sila umaalis sa pwesto nila at tila nag-aabang na lang na damputin na rin sila ng mga pulis. Binabantayan naman sila ng ibang kapulisan, pero si Karl ay nasa loob na ng mobil. Hindi pa lang sila nakakaalis dahil naghihintay ng sasakyan na susundo sa grupo para dalhin sila ng sabay-sabay sa prisinto. Maya-maya lang ay dalawang sasakyan ang dumating, isang kotse at isang L300. Narito na ang sundo nina Zeta. Huminto ito sa likod ng kotse kung saan nakasakay si Karl, sa likod naman ng L300 ay doon naman huminto ang isa pang kotse. Inanyayahan sila ng limang pulis palapit sa bagong dating na sasakyan. Wala pa ring posas ang mga kamay nila, at alam naman nilang kahit wala iyon ay wala na rin silang takas ngayon. Bago makarating sa L300 na sasakyan nina Zeta ay dumaan muna sila kung nasaan si Karl. Bukas ang pinto ng kotse at kitang-kita ng apat ang isang ngisi mula sa taong tuluyang sumira ng buhay nila. Kung kanina ay takot ang nararamdaman nila para kay Karl, ngayon ay isa na itong galit na unti-unting lumalago. "Huwag kayong mag-alala, magkikita-kita pa rin naman tayo," aniya dahilan para mapahinto ang grupo sa harap niya. "Malay n'yo, meet up lang itong nangyari ngayon. Tapos mamaya, uuwi na rin tayong lahat," dugtong pa niya. Kumunot ang noo ni Cahil sa ipinahayag ng lalaking kaharap nila, para bang may ibig sabihin siya r'on. Kabado man sa kung ano man ang gusto niyang sabihin ay pinili na lang niyang manahimik. "Tama na 'yan, sumakay na kayo para makaalis na tayo. Marami pang gagawin dito!" utos ng isang pulis na kasama sa nag-assist sa grupo nila pasakay sa bagong dating na L300. Bago makasakay sa sasakyan ang grupo, sakto naman na bumaba ang dalawang pulis na sakay ng kotse na nasa likod nito. "Sila na ba 'yung mga magnanakaw na nanloob sa Unit ni de Guzman?" tanong ng lalaking bumaba galing sa passenger seat sa isang pulis na kasama nina Zeta. "Apat pala sila Craig, eh," sabi naman ng kasama nitong lalaki na nanggaling naman sa driver's seat. "Craig?" ani Zyx. Tumingin siya lalaking unang nagsalita. "Craig ang pangalan mo?" paniniguro niya. Binigyan siya ng kunot noong tingin ng pulis na kinakausap niya. "Oo, bakit? Gagamitan mo rin ba 'ko ng galing mo sa pagsisinungaling para magmakaawang pakawalan kayo?" tanong nito habang nakangisi. Saka naalala ni Zyx na nakasuot nga pala sila ng disguise ngayon, hindi siya nito makikilala. O maaring nagkamali lang siya ng iniisip na kilala niya nga ang lalaking ito. Hindi na lang siya muling umimik dahil nagtawanan na ang ibang pulis na kasama nila. Tahimik ang grupo nang makasakay na sila. Habang si Zeta ay tulala na lang at nakahawak pa rin sa braso ng kapatid. Tila wala nang pakialam sa mga nangyayari. Sumakay na rin ang mga pulis, ang tanging naiwan na lang sa Crime Scene ay ang mga mag-iimbestiga sa nangyari. Maging sina Craig ay sumakay na ulit ng kotse. "Tara na!" sigaw ng pulis na magmamaneho ng L300 bilang aya sa mga kasamahan na bantay naman ni Karl na hanggang ngayon ay nagbibiruan pa. Pero sa pag-andar ng makina ng sasakyan ng grupo ng dalaga, isang putukan ang bigla na lang umalingawngaw at tila mabilis na inulan ng bala ang mga pulis na nasa harapan nila Zeta. Nagkagulo ang ibang pulis at nagkanya-kanya ng tago habang hinahanap kung saan nanggaling ang putok. Ang iba, kagaya nina Craig, Dawin, at mga pulis na kasama nina Zeta sa sasakyan ay mabilis nang nakakilos para pumusisyon na handa nang gumanti ng putok sa kalaban ano mang oras. Walang naging sigaw o kahit ingay manlang sa grupo nina Zeta, mabilis lang silang yumuko sa loob ng sasakyan para itago ang sarili sa biglaang putukan. "Ano ba! Mag-iingat naman kayo, baka tamaan ako!" isang sigaw ang pumukaw sa atensyon ng lahat. Ang sigaw na iyon ay galing kay Karl. Lahat ng pulis na nakapaligid sa kanya ay naliligo na sa sarili nilang dugo at wala nang buhay. Bago kasi makasakay ang mga pulis na nagbabantay sa kanya sa sasakyan ay naunang nangyari ang putukan, dahilan para lahat sila ay tamaan ng mga balang iyon na para bang sinadya talagang sila ang putukan para makalabas ng malaya si Karl. Prenteng bumaba sa sasakyan ang binata, tila ba tiwalang-tiwala siya na walang makakasaling sa kanya at ayos lang na bumaba ng kotse na parang wala lang ang lahat. Nakangiti pa ito habang nakaharap sa mga pulis na nakatago. "Hindi n'yo ba ako pipigilang tumakas?" hamon nito. Itinaas pa ang dalawang kamay na hanggang ngayon ay nakaposas pa rin. "Anak ng—" Balak na sana ni Dawin na lumitaw mula sa pagtatago sa gilid ng sasakyan nila ni Craig, pero agad siyang pinigil ng kasama. "Kapag lumitaw ka, maaring—" Hindi na natapos ng binata ang kanyang sinasabi dahil biglang nagkaroon na naman ng palitan ng putukan mula sa panig nila at sa panig ng grupo ng kalaban. Nakatago pa rin hanggang ngayon sina Zeta sa loob ng sasakayan at humihiling na sana ay hindi sila madamay sa nangyayaring shoot-out. Swerte na rin siguro na nakababa agad ang mga pulis na nakasakay sa sasakyan nila para pumusisyon ng ganti sa pagputok kaya wala sa sasakyang iyon ang atensyon ng kalaban. Maaring masabi na ligtas sila sa pwesto nila ngayon. Habang nagkakaroon ng putukan, nakatayo lang sa gitna ng kalsada si Karl, tila wala itong pakialam sa nangyayaring putukan ng magkabilang panig. Para bang ginagamit niya ang sarili niyang katawan para bigyan ng rason ang mga pulis na gumanti pa rin ng putok para magbaka sakaling makuha pa rin siya. Habang sa panig naman niya ay pinoprotektahan siya ng mga kasama niyang miyembro ng sindikato. Isang tawa ang pinakawalan ng walang pusong lalaking ito dahil hanggang ngayon ay walang tumatamang bala sa kanya, hindi siya maaring barilin dahil hindi na siya armado at wala naman siyang ginagawa laban sa mga pulis. At siyempre, hindi rin naman siya babarilin ng mga kasama niya kahit pa nakatalikod siya sa mga ito. Sa pagitan ng mga putukan ay lamang ang mga kalaban dahil nakapwesto sila sa lugar na hindi madaling makalusot ang mga bala. Habang ang pwesto ng mga pulis ay alanganin, wala sila masyadong matataguan. Napansin iyon ni Craig. Kaya agad niyang sinenyasan ang kasama niyang si Dawin para lumapit pa sa mga kasama, ito ay hindi para isugal ang buhay nila... kundi para magdagdag ng suporta. Sila lang kasi ang nasa posisyong makakalapit sa kalaban. Pero makaposisyon man sila para gumanti sa kalaban, hindi na nila magagawang mabawi pa si Karl. Sinalamantala niya na kasi ang pagkakataong iyon para makatakbo at makapagtago sa pwesto ng mga kasama niya. Tagumpay ang plano nilang maitakas pa rin siya. Samantala, sa gitna ng putukan, mapapansin ni Cahil ang ginawang pag-alis nina Craig at Dawin. Ibig sabihin, libre ang pwestong iyon para makatakas sila. Agad niyang hinarap ang mga kasama niya. "Tumakas na tayo habang nagkakapatayan pa sila!" aniya. Nagkatinginan sina Zyx at Wren. Tila nagtatanungan kung tama bang sundin ang suhestiyon ng kasama. "Alanganin yata tayo riyan, alam mo namang galit sa atin ang mga sindikato. Baka palabas palang tayo may may nakaabang nang puputok sa atin. Mas masisiguro pa natin ang kaligtasan natin kung mananatili tayo rito, kaysa susubukan nating tumakas na buhay naman natin ang maaring maging kapalit," sagot ni Zyx. "Pare, isipin mo ang lagay ni Zeta... may trauma pa siya sa pagkawala ni Mirabel. Huwag mo namang dagdagan iyon," dagdag ni Wren. Naiintindihan ni Cahil ang sinasabi ng dalawa, nang tumingin siya kay Zeta ay lalo niyang naintindihan na mahirap nga ang gusto niyang mangyari. Hindi niya sigurado kung bakit nananahimik ang dalaga, pero alam niyang dapat nga itong alalahanin. Pero sa kabilnang banda, gusto niya pa ring ipilit ang gusto niya. "Pare, nasa gawing kaliwa nanggagaling ang putukan. Dito naman tayo dadaan sa kanan, hindi na siguro tayo mapapansin n'on. Saka, ayaw n'yo bang subukan 'yung pagkakataon na makatakas tayo? Pare, ayokong makulong!" giit niya. Tumingin muna si Zyx sa kapatid, kahit nakaupo sila rito para magtago ay nakakapit pa rin sa kanya si Zeta. Alalang-alala na ito sa kalagayan ng dalaga dahil hindi ito nagsasalita. Ayaw man niyang isipin o sabihin ay alam na niya kung ano ang kalagaya nito ngayon. Napalunok ito bago nagsalita. "Si Craig, 'yung isang pulis na Craig ang pangalan... parang kilala ko siya, parang naging kaibigan din namin siya noon nina Zeta at Mirabel nu'ng mga bata pa kami," aniya. Walang masyadong alaala si Zyx sa dati nilang buhay ni Zeta noong mga bata pa sila. Pero kahit papaano naman ay may kaunti pa rin siyang naalalang tao na nakasalamuha nila noon. Sa tingin niya, isa si Craig sa nakasama nila noon sa ampunan bago sila naging palaboy ni Zeta. Agad na kumunot ang noo ni Cahil sa kanya. "Ano namang kinalaman niyang sinasabi mo sa pagtakas natin?" aniya. "Puwede tayong makahingi ng tulong sa kanya para makaalis tayo rito!" masiglang sambit ni Zyx. Hindi naiwasan ni Wren ang matawa sa sinabi ng kaibigan. "Sira ka ba? Ganitong nagkakaroon ng putukan sa tingin mo makakalapit ka pa sa kanya para makahingi ng tulong? At sabihin na nating nakalapit ka nga kung saan man siya riyan sa labas, paano ka naman makakasigurong tutulungan ka nga niyang tumakas? Kanina nga lang na binanggit mo ang pangalan niya na parang kilala mo siya, halatang ginawa niya lang biro ang sinabi mo dahil hindi ka niya kilala. At higit sa lahat: pulis siya, Zyx... kriminal tayo. Iba ang mundo nila sa mundo natin, kahit kailan ay walang pulis na tutulong sa isang kriminal," paliwanag niya. Natahimik na lang si Zyx nang marinig ang sinabi ng kasama niya. Hindi niya mapagkakailang tama ang sinabi nito, imposible talaga ang bagay na gusto niyang mangyari. Maaring kahit iyon pa ang Craig na iniisip niyang kaibigan nila noo ay hindi na siguradong ito pa rin ang parehong tao na nakasama nila, maraming puwedeng magbago sa paglipas ng panahon. "Hayaan mo na, ang importante ay ituloy natin ang balak nating makatakas dito," ani Cahil. Nagpagala-gala ang tingin ni Wren sa paligid. "Paano?" tanong niya na may kunot sa kanyang noo. Tumingin din siya sa paligid, patuloy pa rin ang palitan ng putukan sa pagitan ng mga pulis at mga sindikato kaya maingat sila sa mga kilos nila sa takot na baka may makapansin sa kanila. Muling tumingin si Cahil kay Wren. "Mas madali kung makakababa isa para imaneho itong L300. Nasa susian pa 'yung susi, makakatakas tayo kung makakapunta ang isa r'on," suhestiyon niya. "Ako na lang," ani Zyx dahilan para mapatingin silang dalawa sa kanya. "Sa tingin ko ay kasya ako sa butas na 'yan papunta sa manibela. Bantayan n'yo na lang ang kapatid ko." Kinalimutan na niya ang balak niyang kausapin si Craig. Nagkatinginan sina Wren at Cahil, alam naman nilang marunog magmaneho si Zyx. Pero nag-aalala silang magkakasya ito sa bintana rito sa loob ng L300. "Hindi puwede ang ideya mo, Zyx. Masyadong delikado, baka ma-stuck ka pa at lalong mas malaking problema iyon," sabi ni Wren. "Kung ganoon, anong naiisip n'yo?" tanong niya sa dalawa. Tumingin si Cahil sa kotse nina Craig. "Change plan, mas madali siguro kung doon na lang tayo sasakay," aniya. Hindi naging madali ang paglipat nila sa kabilang sasakyan, sinabayan nila ng pagtakbo ang bawat palitan ng putok para walang makapansin sa ginagawa nila. Kabado man, pero hindi sila dapat magpatalo sa kaba kung gusto pa nilang mabuhay. Nang makalabas sina Wren at Cahil, isang problema para sa kanila kung paano itatawid si Zeta dahil nga tulala ito at parang walang alam sa mga nangyayari. Hinarap siya ni Zyx. "Zeta, kailangan mong makinig kay kuya, kailangan nating tumawid sa kabilang sasakyan. Sumunod ka sa akin, ha?" Walang nakuhang sagot ang binata, nakatulala pa rin ito. Kaya wala siyang ibang nagawa kundi sabayan ang kapatid na makatawid sa kabila. At matagumpay ang ginawa nilang paglipat. Mabilis silang sumakay sa sasakyan ni Craig. Si Wren na ang magmamaneho dahil naunang sumakay si Cahil sa kanya. Habang sina Zeta at Zyx naman ang nasa likod. "Susi! Walang susi!" tarantang saad ni Wren. "Madali lang 'yan!" ani Cahil, mabilis na kinalikot ang mga wire sa ibaba ng manibela. Hanggang sa kusa na lang umandar ang sasakyan. Natulala si Wren dahil sa ginawa ng kaibigan. "Pare, mamaya ka na mamangha! Umalis na tayo rito habang may pagkakataon pa!" sigaw ni Cahil. At gaya ng sinabi nito, mabilis na pinaandar ni Wren ang sasakyan. Magkahalong kaba at saya ang nararamadaman ng grupo dahil nagawa nilang makaalis sa lugar nang walang nasasaktan sa kanila. Walang ibang laman ang isip nila kundi ang: "Sa oras na makalayo kami sa lugar na ito, gagawin na namin ang plano naming manahimik na ng tuluyan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD