Chapter 28

2709 Words
CHAPTER 28 "Mag-iingat ka r'on, ha? Balik ka agad, mami-miss kita." Para sa araw na ito, nagprinsinta na si Kristel na siya na ang mag-aasikaso kay Zeta. Gusto niyang makasama ito hanggang sa huling sandali nito sa shop bago ito umalis. Napalapit na ng husto ang loob niya rito at kung siya lang ang tatanungin ay gusto niyang sumama sa kung saan man siya pupunta, pero gaya ng nakasanayan na niya ay ayaw niyang ipilit ang bagay na hindi naman sinabi sa kanya. Lalo pa't ayaw niya talagang manghimasok sa personal na buhay ng iba kung hindi naman ito sinasabi ng kusa sa kanya. Kaya imbes na isipin pa ang mga ganoong klaseng bagay ay itinuon na lang niya ang buo niyang atensyon para asikasuhin ang bago niyang naging kaibigan, hindi niya alam kung aalis na ba ito ng tuluyan o kung gaano siya katagal sa pupuntahan... kaya gusto na niyang sulitin ang ilang oras na nakikita pa niya ito. Ngayon na kasi ang araw na dadalhin na si Zeta sa dati nilang Hideout para r'on ay makita at makausap na siya ni Craig. Nalulungkot man si Kristel na mahihiwalay na sa kanya ang dalaga ay wala naman siyang magagawa dahil alam din niyang kailangan ito ni Zeta para sa paggaling niya. Nasa kwarto ang dalawang dalaga, nakangiti si Kristel habang sinusuklayan niya si Zeta na ngayon ay nakaupo at nakaharap sa isang salamin. Gandang-ganda siya rito dahil siya mismo ang pumili ng damit na isusuot nito. Walang ideya si Kristel kung sinong tao ba ang dapat humarap kay Zeta, pero alam niyang lalaki ito at alam din niyang espesyal ito kaya kailangang maging espesyal din ang itsura ng bago niyang kaibigan. Habang patuloy niyang sinusuklayan si Zeta ay may kumatok sa pinto ng kwarto. Hindi na siya nagsalita pa para sumagot, kusa na lang itong binuksan ng kumakatok at iniluwa ng pinto si Zyx. Agad na bumagsak ang tingin ng binata sa kapatid niya at wala na siyang nasabi, isang ngiti na lang ang ipinakita niya dahil para bang nakikita niya sa mukha ng kapatid niya ang aliwalas nito na sa wakas ay magkikita silang muli ni Craig. "Okay, ready na siya!" anunsyo ni Kristel, nakangiti siyang tumingin kay Zyx. Bumaling ang tingin ng binata sa kanya. "Salamat sa lahat ng tulong mo. Pangako, kapag gumaling si Zeta, ibabalik ko siya rito para maka-bonding mo siya na nakakapagsalita na siya ulit," ani Zyx. Pagak na natawa si Kristel, bumaling ang tingin sa katabi niya at sinabing, "Excited na akong makipag-girls talk sa 'yo! Bilisan mo ang paggaling, ha?" masayang-masaya ang tunog ng kanyang boses. Sumunod namang sumilip sa pinto sina Cahil at Wren. Halos itulak nila si Zyx para tuluyan silang makapasok sa loob ng kwarto. "Ready na ba si Ze—wow!" gulat ang naging reaskyon ni Wren pagtingin niya sa dalaga, naging tunay na babae ito sa paningin niya dahil inayusan pa ito ni Kristel. "Para kang a-attend ng kasal sa make up mo, Zeta!" puri niya pa. Si Cahil naman ay hindi na lang umimik, humalukipkip na lang siya habang pinagmamasdan ang kaibigan niya habang iniisip kung paano magsisisigaw si Zeta sa naging komento ni Wren sa kanya. Alam niya na malapit nang dumating ang oras na pinakahihintay nila na makakasama na nilang muli ang dating Zeta. Nang matapos na ihanda ang lahat ay isinakay na rin nila si Zeta sa sasakyan. Lahat sila ay aalis papunta sa Hideout kaya kailangang isarado muna ang shop. "Babalik din kami pagkalipas siguro ng tatlong araw, promise ko sa 'yo bibilhan kita ng pasalubong," ani Wren pagharap niya kay Kristel. Nakangiti lang ang dalaga sa kanya, hindi ito umaasa sa bagay na sinasabi ng kausap. Ang tanging gusto niya lang ay mabalitaan na pagkatapos ng tatlong araw, sana ay magaling na si Zeta. "Sige, ingat kayo!" ani Kristel. Ibinaling niya rin ang tingin sa iba pang kasama ng kausap niya. Hanggang sa pagsakay nila ay nakatanaw lang si Kristel, kumaway na lang siya nang tuluyan nang umandar ang kotse. Walang ibang laman ang isip kundi ang pag-asa na babalik ang bago niyang kaibigan na tuluyan na itong magaling. *** Puno ng tensyon ang loob ng sasakyan. Ang tensyong ito ay namuo dahil sa takot nila sa maaring mangyari kapag nakaharap na ni Zeta si Craig. Wala silang ideya sa kung ano ang puwedeng mangyari, pero hindi nila maiwasang hindi umasa na sa oras na makita palang ni Zeta si Craig ay babalik na ito sa normal. Bago sila magdesisyong gawin ang bagay na ito ay kumunsulta muna sila as doktor na tumitingin kay Zeta. Ibinalita nila ang tungkol kay Craig at sa kwento ng nakaraan na ito rin ang taong nakapagpabalik sa dalaga sa pagsasalita noon. Kaya walang ibang sinabi ang doktor kundi, "Walang masama kung susubukan natin. Hopefully, ito na nga ang kailangan ng pasyente ngayon." Sa backseat nakaupo si Zeta, sa pwesto niya sa likod ng driver's seat. Katabi niya si Zyx, habang si Wren naman ang nasa passenger's seat at si Cahil muli ang nagmamaneho. Mula nang umalis sila sa bahay ay tahimik lang silang tatlo, kung ano-anong takot at pag-aalala ang tumatakbo sa isip nila pero mas lamang pa rin ang umaaasa silang epektibo ang gagawin nilang ito. Malapit nang magdilim, sakto ang oras na ito para ilabas si Zeta dahil hindi siya masyadong makikita sa liwanag. Hindi kasi sila komportableng ibalik ang dalaga nang may liwanag pa dahil sa takot na baka may makakita sa kanila at ano pa ang mangyari. Pagdating nila sa Hideout ay isang himala na wala pa sina Craig dito, inasahan kasi nila na gaya ng dati ay manggugulat ang dalawang ito na bigla ay nasa loob na sila ng bahay. Pero ngayon, wala silang naabutang tao sa loob. "Ayos, makakapahinga pa si Zeta bago siya dumating," ani Wren. Siya ang nagbukas ng pinto. Habang inaalalayan naman ni Zyx si Zeta papasok. "Welcome back sa dati nating Hideout!" anunsyo ni Wren nang tuluyan nang makapasok si Zeta sa loob, masigla ang sigaw niya habang nakangiti pa sa dalaga. Pinanood nilang tatlo ang magiging reaskyon ni Zeta ngayong nakabalik na ito sa dati nilang Hideout. Pero walang ibang naging rekasyon ang dalaga kundi ang kaunting paggalaw lang ng ulo na para bang ipinapakita niyang na-recognize niyang nasa ibang lugar na siya. Isang taon kasi siyang nasa bahay lang nila sa bago nilang hideout, ngayon na lang ulit nakabalik ito rito. Makalipas ang ilang segundo ay wala pa ring nagbabago kay Zeta, kaya napagdesisyunan na ni Zyx na ideretso na si Zeta sa loob ng kwarto niya rito. Naupo na lang sila sa couch pagpasok ng dalaga, nag-aabang ng pagdating ni Craig. "Hindi ba parang late ang lalaking iyon?" tanong ni Wren, tumingin siya sa pareho niyang kaibigan. Napabuntong hininga si Zyx bago sumagot, "Nagtataka nga rin ako. Ang ine-expect ko ay excited siyang makikita na niya si Zeta, pero ngayon parang tayo pa ata ang paaasahin niya," aniya at mahina pang nailing ang kanyang ulo. "Out niya sa trabaho, eh. Baka kinausap pa siya ng C.O. niya o di kaya ay may emergency bigla. Darating din 'yon," ani Cahil. Hindi nagtagal ang usapan at dumating di naman ang hinihintay nila, hingal na hingal si Craig na para bang tumakbo lang ito galing kung saan. Kunot noo ang salubong ng tatlong magkakaibigan sa kanya dahil sa ikinilos niya, idagdag pa na hindi niya kasama si Dawin. "Pasensya na, na-late ako. May kailangan kasing puntahan si Dawi na emergency kaya nag-commute ako papunta rito," ani Craig nang tuluyan siyang makapasok sa bahay. Hindi na lang umimik ang tatlo tungkol sa bagay na iyon. Itinuro na lang ni Zyx kung nasaan si Zeta at sinabing puwede na niya iyong puntahan. Wala nang pinalipas na oras si Craig, dumiretso na siya sa kwarto ng dalaga at naabutan niya itong nakaupo sa kama habang diretso ang tingin. Habang pinagmamasdan ni Craig si Zeta, bumalik sa ala-ala niya ang mga nakaraan nilang tawanan at kulitan na dalawa noong mga bata pa sila, gusto niyang makita muling tumawa si Zeta kagaya niyon... gusto niyang gumawa muli ng bagong alaala kasama siya. Sa pagtabi niya kay Zeta ay wala itong naging reaksyon. Napangiti na lang si Craig dahil napansin niyang inayusan ito dahil sa make up na bakas sa kanyang mukha at mas mapula ang kanyang labi. "Nu'ng unang beses tayong nagkakilala, ganito ka rin. Ngayong nagkita ulit tayo, ganito ka ulit. Bakit naman gan'on?" biro ng binata. Kagaya nila Zyx, umaasa si Craig na babalik agad ngayon sa dati si Zeta. Pero may parte sa kanya na iniisip niyang maaring maulit lang din ang nakaraan na lilipas muna ang panahon bago muling matanggap ni Zeta ang muli nilang pagkikita, ilang buwan muna ang dadaan bago niya maramdaman ang presensiya ni Craig sa tabi niya. "Naalala mo pa rin ba 'yung sinabi ko sa 'yo nu'ng bago ka nagkaroon ng malay noon? Totoo 'yon, gagawin ko 'yon..." May mga bagay na gustong sabihin si Craig na hindi niya kayang sabihin ng harapan kay Zeta kung sakaling babalik na ito sa dati, pero may ilang bagay din naman na gusto niyang sabihin sa dalaga kapag nagkamalay na ito. Hindi siya nagmamadali, alam ni Craig na lahat ng gusto niyang sabihin ay masasabi niya pa rin sa mga susunod pang pagkakataon. Nanginginig ang kamay ni Craig nang hawakan niya ang kamay ni Zeta. Sumilay ang isang ngiti sa labi niya dahil napagmasdan niya at nahawakan na niya ang kamay nito na ngayon ay malaki na ang pinagkaiba kumpara noong huling beses niya itong nahawakan. "Hindi ka nagsusuot ng singsing?" Bumaling ang tingin niya kay Zeta. "Tinupad mo talaga 'yung usapan natin na ako ang dapat na unang magbibigay sa 'yo?" dagdag niya. Lumapad ang ngiti sa mukha ni Craig, unti-unti ay natatanggap ng sistema niya na kasama na niyang muli ang babaeng hinanap niya ng kay tagal. Hindi nasayang ang pagod niya para lang mag-commute papunta rito. Napawi ang sakit ng paa niya mula sa pagtakbo papunta rito dahil lang sa wala siyang masakyan. "Naalala mo rin ba 'yung sabi ko na kapag naging pulis na ako, susunod kong aabuting pangarap ay 'yung magkaroon tayo ng sarili nating mundo? Iyon ang gusto mo kasi sabi mo, kapag nagkaroon tayo ng sarili nating mundo... wala nang mang-aaway sa atin doon at wala nang manggugulo sa atin. Kapag gumaling ka, abutin na natin 'yung pangarap na iyon, ha?" Biglang bumalik sa alaala ni Craig ang ipinangako niya sa kanyang C.O. Hindi niya maiwasang hindi malungkot kapag naiisip niya na magkaiba na ngayon ang mundo nilang dalawa. "Ang kaso, parang hindi mo na yata ako hinintay... mayroon ka na yatang sariling mundo ngayon. Hindi ba 'ko puwede riyan? Isama mo naman ako..." Maaring hindi alam ni Zeta ang nangyayari ngayon sa paligid niya, maaring wala siyang alam kung ano ang kinakaharap ang grupo na malaking problema. Pero ayaw ni Craig na maging dahilan ang problemang iyon para lalong makulong sila sa magkaibang mundo... handa siyang isugal maski ang sarili niyang buhay para lang muling magtagpo ang landas nila at magkasamang bumuo ng bagong mundo na magkasama na sila. "Mula nu'ng umalis ako sa ampunan, walang ibang laman ang isip ko kung paano ko tutuparin ang mga gusto mo... pinagtatawanan ko na nga lang ang sarili ko kapag minsang nakikita ko ang ginagawa kong paglilista ng mga bagay na sinabi mo sa aking gusto mong gawin nating dalawa ng magkasama, habang hindi ko sigurado kung magkikita pa ba talaga tayo..." Nagsimulang tumulo ang tubig mula sa mata ni Craig... sa buong buhay niya, ngayon na lang ulit siya umiyak. "Kung alam ko lang na darating pala talaga 'yung araw na magkikita tayo ulit, sana pala itinuloy ko 'yung paglilista. Sana ngayon, tinupad ko na 'yung iba..." Agad na nagpahid ng luha si Craig. Ayaw niyang ipakita sa dalaga na nanghihina siya sa nakikita niya ngayong lagay ni Zeta. Gusto niyang manatiling maging masaya sa harap nito para maiparating niya sa dalaga na gusto na niya talagang gumaling ito. "Pero sige, ganito na lang..." Hinawakang muli ni Craig ang magkabilang kamay ni Zeta, hinalikan niya ito upang iparating sa dalaga na dapat niyang pakinggan ang sunod niyang sasabihin. "Pagaling ka na... para ikaw mismo magpaalala sa akin nu'ng mga gusto mong gawin natin, tapos sabay nating ililista at sabay nating susubukan na gawin nang magkasama. Mas okay naman 'yong naisip ko, 'diba?" Nananatiling walang imik at walang pagkilos si Zeta. Naalala ni Craig na sinabi ni Zyx na marunong nang makaramdam ang dalaga kapag may kumakausap sa kanya at kaya na niyang lingunin iyon. Pero ngayon, hindi niya pa iyon nakikita sa kanya. Hinakawan ni Craig ang dalawang pisngi ni Zeta para iharap sa kanya. Hindi na niya mapiglang muling maiyak nang makita niya ang mata nitong walang buhay, tila walang balak na papasukin ang kung sino sa kanyang isip. "Gusto ko nang marinig ang boses mo, gusto ko nang marinig kung paano ka na mang-asar ngayon, gusto ko nang marinig ang mga kwento mo, at gusto ko nang marinig na tinatawag mo ulit ang pangalan ko. Please... balik ka na sa akin..." Ipinagdikit niya ang noo nilang dalawa. Hinayaan niyang lumabas ang luha sa kanyang mga mata na para bang gusto niyang umasa na kapag narinig ni Zeta ang hagulgol niya, matatauhan ito at magugulat na lang siya na magkaharap na silang dalawa ngayon. Pero gaya ng inaasahan niya, paglingon niyang muli kay Zeta, wala pa rin itong naging pagbabago... para bang panahon pa rin ang makakapagsabi kung kailan ito muling babalik sa kanila. Pinunasan niyang muli ang luha niya sa kanyang mga mata, ayaw niya pa ring maging mahina kahit na pagod na pagod na siya... Sinubukang ngumiti ni Craig, isang ngiti na gaya ng ngiti niya noong nakita at napagmasdan niya si Zeta sa park. Wala na sa isip niya ang Zeta na nakita niya noon sa isang bahay na kasama sa naging biktima nila. Ngayon ay walang pagsisisi si Craig na hindi niya agad nakilala si Zeta noon, para bang ipinagpapasalamat niya pang hindi sila nagkakilala noon dahil masakit para sa kanya kung nangyari iyon. Para bang iyon ang nagsilbing patunay na magkaiba na talaga ang mundo nilang dalawa ngayon. Habang patuloy na suot ang isang matamis na ngiti sa labi, muling hinawakan ni Craig ang magkabilang pisngi ni Zeta. Dahan-dahan niya muling ibinalik ang tingin ng dalaga sa kanya. "Hindi ko pa yata ito nasasabi sa 'yo, pero lalo kang gumanda. Mas maganda kaysa dati. Parang iyan pa nga yata ang ginagamit mo para hindi ka mahuli, eh," biro niya. Ilang minuto tumagal ang pagtitig ni Craig sa mukha ni Zeta. Para bang sa tingin niyang iyon ay kinakabisado niya ang bawat parte ng mukha nito... na kahit sinong babae ang iharap sa kanya ay mukha pa rin ni Zeta ang makikita niya. "Ang perpekto ng mukha mo, parang ginawa talaga para titigan ko," komento pa niya. Hanggang sa kusa na lang lumapit ng unti-unti ang mukha niya sa mukha ni Zeta... at sa paglipas ng ilang sandali, naglapat ang kanilang mga labi. Mula pa nang mga bata sila, ito ang tanging bagay na gustong gawin ni Craig—ang maramdaman at malasahan ang labi ng kaisa-isang babae na naging laman ng puso niya. Tila hindi niya napigilan ang sarili na gawin iyon kahit pa ang gusto sana niya ay gagawin niya iyon kapag nakikita na siya muli ni Zeta. Sa pagbitiw ng kanilang labi at kaunting paglayo ni Craig sa mukha ng dalaga, isang gulat na reaksyon ang bigla na lang gumuhit sa mukha ng binata... iyon ay dahil may nakita siyang pagtulo ng luha ni Zeta sa kanyang mata. Napalitan ang gulat na reaskyon na iyon ng isang tawa. "Nararamdaman mo na 'ko?!" sigaw niya. Naging rason ang sigaw niyang iyon para biglang pumasok sa kwarto ang tatlo pa nilang kasama, sa pag-aakalang napagaling na ni Craig si Zeta. "Umiyak siya, ibig bang sabihin n'on ay nakita niya na 'ko?!" masiglang tanong ni Craig sa kanilang bagong dating. Walang sumagot sa tanong niya, pero nananatili ang ngiti sa labi niya. Hanggang sa napangiti na lang din silang tatlo, para bang naging senyales na rin para sa kanila iyon na sa wakas ay may bagong proseso na si Zeta.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD