Chapter 29

2717 Words
CHAPTER 29 Ilang sandali nilang hinintay na magsalita si Zeta, pero sila na lang nainip dahil talagang walang naging pagbabago sa dalaga. Ganoon pa rin ang posisyon niya mula kanina, nakaupo at nakatulala lang sa kung saan. Walang bakas na may balak itong magsalita, ni hindi rin ito tumitingin sa kanila gaya ng sinabi Zyx na kaya nang gawin ngayon ni Zeta kapag may kumakausap sa kanya. Nakaramdam ng bahagyang kalungkutan si Craig dahil sa nakikita niyang naging resulta ng paghihirap nilang lahat. Maaring maliit lang na bagay kung titingnan na muli silang nagkita na dalawa, pero sa kanyang paningin ay madami muna siyan ginawa at pinatunayan para umabot siya sa puntong malapitan niyang muli ang dalaga. Pero kahit na nakaharap at nakatabi niya na ito ngayon, dahil sa kondsisyon nito ay parang wala pa ring pinagbago... magkalayo pa rin sila at tila magkaiba nga ng mundo. "Baka naman bukas pa siya puwedeng magsalita?" ani Wren, humarap siya kay Zyx bago itinuloy ang sinasabi niya. "Ganoon 'yung kwento mo sa amin, 'diba? Pagkatapos kausapin ni Craig, kinabukasan pa siya ng umaga nakapagsalita?" dagdag niya. Nagkaroon ng kaunting pag-asa si Craig sa bagay na iyon, dahil may punto naman ang sinabi niya... hindi rin naman kaagad nagsalita si Zeta noong araw na mag-usap din silang dalawa gaya ng nangyari ngayon. Balak na sana niyang sang-ayunan ang sinabi ng binata, pero hindi na niya naituloy ang sasabihin niya nang makita niya ang dismayadong mukha ni Zyx. Hindi pinansin ng binata ang sinabi ni Wren, bagkus ay tumingin lang siya sa kapatid niya na ngayon ay nakaupo pa rin at katabi pa rin ni Craig. "Patulugin na lang siguro natin si Zeta," sabi niya na lang. Tumayo na siya at inayos ang higaan ng kapatid. Masakit para kay Zyx ang umasa na magsasalita na si Zeta, pero ang ending ay hindi pa rin. Aminado siyang nawawalan na siya ng pag-asa na magsasalita pa ang kapatid niya at gagaling pa ito, pero may kaunti pa rin siyang pinanghahawakang dahilan para huwag tuluyang bumitiw sa paniniwalang babalik ang dating sigla ng kapatid niya. Tumayo na rin si Craig at pinanood na lang si Zyx sa ginagawa nito. Hanggang sa kalabitin na siya ni Cahil para ayain nang lumabas sa kwarto ni Zeta para makatuloy na ito ng pahinga. Si Craig naman, mas malakas pa ang paniniwala niyang babalik si Zeta sa dati dahil kahit ngayon niya lang ulit nakausap ang dalaga ay wala itong pinagbago sa dati nitong kondisyon noong bata pa sila. Ganoon din kawalang buhay ang ipinapakita ni Zeta, pero paglipas ng panahon ay nagawa pa rin nitong makapagsalita. Kaya kung sakali mang hindi pa rin makapagsalita bukas ang dalaga, naniniwala siyang matagal lang proseso nito. Kailangan lang ng sipag at tiyaga sa paghihintay. Lalo na ng pananalig na darating din ang araw na magiging ayos din siya. Dapat lang ay ituloy-tuloy lang ang pakikipag-usap sa kanya gaya ng ginagawa ni Craig noong mga bata pa sila. Dumiretso sila sa sala, naghanda na rin ng maiinom si Wren habang hinihintay ang paglabas ni Zyx mula sa kwarto ni Zeta. Tahimik lang silang tatlo, lalo na si Craig. Iniisip niya pa rin kung ano ang magiging lagay ni Zeta ngayong nakausap at nakita na niya ulit ito. Wala siyang ibang hiling kundi ang mangyari ang sinabi ni Wren na kinabukasan ay magagawa na ng dalaga na bumalik sa dati. "Gusto mo bang dito na lang muna matulog?" ani Wren habang nakaharap kay Craig. Hindi kaagad na-proseso ni Craig na siya pala ang kinakausap nito, kasi hindi niya inakala na may magsasabi talaga sa kanya ng ganoon. Nang mapansin niyang walang ibang sumasagot sa tanong ni Wren ay saka lang niya ito tiningnan na may gulat na reaksyon sa mukha. Bago niya ito sinagot ay nilingon niya rin si Cahil, nakatingin din ito sa kanya na para bang hinihintay na lang ang sagot niya. Ibinalik ni Craig ang tingin niya kay Wren habang nakangiti. "Sige, salamat," aniya. Ngayon naramdaman ni Craig ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga kaibigan ni Zeta, tunay ang pagkakaibigan nilang apat at alam niyang nasa mabuting lagay ang dalaga dahil sila ang kasama niya. Masaya siya na ganito rin ang trato sa kanya ng mga ito kahit pa sabihing isa siyang pulis at isa siyang kalaban para sa mga gaya nila. Para kay Zeta, tila wala na sa kanila kung ano man ang propesyon niya. Hanggang sa lumabas na si Zyx mula sa kwarto ni Zeta. Agad siyang kinumusta ni Cahil kung nakatulog na ba ang dalaga, agad naman siyang sinagot ng kausap ng tango. Hinintay ni Craig ang pag-upo ni Zyx sa gitna ng dalawa niyang kaibigan. "Puwede ba nating pag-usapan ang tungkol sa binanggit mo sa akin nu'ng nakaraan, Zyx?" agad niyang tanong. Nakaupo si Craig sa single couch at nakaharap siya sa tatlo. Nang itanong niya iyon ay nagkatinginan naman ang magkakaibigan na para bang nagtatanungan kung sino ang magsasalita para saguti ito, may ideya naman sila pare-pareho kung ano ang tinutukoy ng kasuap nila. Napabuntong hininga si Wren, ramdam niya kasi sa mga tingin ng mga kaibigan niya na wala namang ibang puwedeng sumagot sa tanong na iyon kundi siya dahil siya rin ang kasama ni Karl nang araw na nanakawan nila ang taong iyon. Naramdaman naman ni Craig ang ikinilos niya, bumaling ang tingin niya sa binata na para bang alam na niyang ito ang sasagot sa tanong niya. "Anong mga napag-usapan ninyo nang araw na iyon? Naalala mo pa ba lahat?" muli niyang tanong, idiniretso niya na sa dapat maging takbo ng kanilang usapan. "Ang orihinal na plano namin, pabango ang gagamitin kong rason para mapansin niya ako. Sinadya ko siyang banggain para maamoy niya ang pabangong gamit ko, tapos umubra naman ang plano dahil iyon nga ang napansin niya," panimula ni Wren. Kumunot ang noo ni Craig sa kanya, naging hudyat iyon para lalong maging seryoso ang usapan nila. "Paano mo nasigurong papansinin niya ang pabango mo? Kung siya ang tipo ng taong mahilig sa pabango, hindi naman ibig sabihin n'on ay lahat ay magkakaroon siya ng interes. Paano n'yo 'yon nagawa?" usisa niya. Tumingin muna si Wren kay Zyx habang nakangisi, isang tingin na nagpapahiwatig na bumilib siya sa kaibigan niya dahil ito ang nag-isip ng paraan kung paano. "Inalam ni Zyx ang mga uri ng pabangong nasubukan na niya," aniya pagharap muli kay Craig. "Tapos swerteng nabanggit sa isang article kung anong mga klaseng pabango ang gusto niya. Kaya mula sa mga ganoong uri ng pabango, sunod na inalam ni Zyx ay kung ano pa roon ang hindi pa nasusubukan ni Karl. Iyon ang ginamit ko bago ko siya binangga, kaya hindi naging mahirap na makuha ang atensyon niya," paliwanag niya. Napatango na lang si Craig, hindi niya maiwasang hindi mamangha sa galing ng mga kausap niya. Lalo siyang nakukumbinsi na talagang pang malakasan ang paraan nila ng pagnanakaw at talagang maski siya mismo ay hindi ganoon kadaling malalaman ang mga taktikang ginagamit nila. "Nabanggit ni Zyx na pumunta raw kayo sa Coffee Shop, sinong nag-aya? Siya ba, o ikaw?" Kumunot ang noo ni Wren sa kanya habang natatawa. "Kailangan din ba 'yon? Kasi nakalimutan ko na, eh," aniya. Kamot ulong tumingin si Craig kay Zyx, nanghihingi ng payo kung paano nila iyon mareremedyohan. Ang pananw niya kasi ay kailangan nilang malaman bawat detalye ng kwento para malaman nila kung paano ba manghimok ng miyembro si Karl. "Ayos lang siguro kahit hindi na maalala iyon, ang importante lang naman ay kung ano ang naging usapan nila pagdating nila sa Coffee Shop," sabi naman ni Zyx, naramdaman niya ang tingin sa kanya ni Craig. Dahil sa sinabi niya, nagtiwala naman ang pulis na kausap nila. Kampante naman siyang maraming utak pa rin ang tutulong sa kanya na mag-isip ng taktikang ginagamit ni Karl. Ibinalik ni Craig ang tingin kay Wren. "Kung ganoon, paano nagsimula ang usapan ninyo?" "Nagsimula siyang magtanong sa akin tungkol sa pabangong gamit ko pagtapos naming um-order at ipakilala ang sarili sa isa't isa. Lahat ng isinasagot ko sa kanya ay pinag-aralan ko na at na-practice rin namin. Kapag naman minsang may itinatanong siya na hindi kasali sa naaral ko, agad naman akong tinutulungan ni Zyx," paliwanag muli ni Wren. Napatangong muli si Craig, hindi niya maisip kung paano nasasalo ni Zyx ang mga kasama niya kapag nagkakaroon ng ganoong pagkakataon. Para bang sa trabaho niya, wala pa yatang nakakagawa ng ganoon kabilis na research. Hindi niya maitatanggi na magagaling talagang tunay ang mga kaharap niya. "Paano kayo napunta sa usapang Fallen Angel?" usisa muli ni Craig. Sandaling natahimik si Wren, tila inaalala niya kung paano nga ba napunta roon ang usapan. Dahil sa pagkakatanda niya, ito na 'yung pagkakataon na nagkaroon sila ng kaunting problema sa ilang sibilyan na naroon. "Sa pagkakatanda ko, itinanong niya lang kung ano ang trabaho ko. At dahil kailangan ko rin namang pahabain ang usapan namin, tinanong ko na rin ang sa kanya. Hanggang sa nauwi ang usapan sa pagkwento niya ng naging umpisa ng buhay niya hanggang sa napunta raw siya sa pagnenegosyo at nabanggit niya rin na Fallen Angel ang tumulong daw sa kanya na lalong umasenso." Tumingin sa ibang direksyon si Craig na para bang pinoproseso ng utak niya kung paano ba ang naging takbo ng pangyayari at kung ano ang punto ni Karl sa parteng iyon. "Kung ganoon, ang una niyang paraan ay kukwentuhan ang mga tao tungkol sa dati niyang buhay hanggang sa naisipan niyang magnegosyo," komento niya. "At ididiin niya sa mga kausap niya na ang Fallen Angel ang totoong nagbuhat sa kanya para makarating kung nasaan siya ngayon," dagdag naman ni Cahil. Dahil sa pagsali niya sa usapan, bumaling ang tingin sa kanya ni Craig pero hindi niya ito kinusap. Sandali lang niya itong tiningnan dahil naalala niya nag ginawa nitong pagpapanggap bilang taga-ayos ng maintenance noon. Hindi niya maiwasang hindi maalala ang mga panahong iniisip nila ni Dawin ang mga posibleng nangyari nang araw na iyon. Halos lagpas sa kalahating porsyento ang nahulaan nila ng tama, pero malaki pa rin ang porsyento na may hindi sila nalaman sa pag-iimbestiga nila. "Ganoon din ang ginagawa niya sa mga interview niya na napanood ko at nabasa ko sa mga article sa internet. Pinagmumukha nilang tagaligtas talaga ang organisasyong iyon, pinababango nila ng husto ang pangalan nito," dagdag pa ni Zyx paglingon niya kay Cahil. "Ang agent ang nagsisilbing promoter na rin nila, pinapasikat nila ang organisasyon para mas madaming tao ang maakit. Kapag dumami ang taong naakit, mas madami silang biktima. At mas magiging legit ang tingin ng iba sa kanila. Simpleng taktika pero mahusay," komento muli ni Cahil. Tumingin muli si Craig kay Wren, "Ibig bang sabihin, buong pag-uusap ninyo ay ikinuwento niya lang ang tungkol sa naging buhay niya sa loob ng Fallen Angel? Wala ba siyang ibang nabanggit na importante?" aniya. Habang tumatagal ang pag-uusap, lalong lumilinaw kay Craig kung bakit mga negosyanteng tao ang pinupuntahan ni Karl. Mas madali silang maloko dahil gusto nilang kumita ng mas mabilis kagaya ng nangyari sa kanya. "Oo, ganoon lang ang naging takbo ng usapan namin. Ipinipilit niya lang kung gaano kaganda 'yung Fallen Angel at kung ano ang mga nagawa niya mula nang sumali siya rito. Hindi ko lang talaga pinakinggan ng husto dahil mas iniisip ko noon sina Zeta na nagkakaroon ng problema sa Condo," ani Wren. Tumango na lang si Craig sa kanya at humarap naman siya kay Zyx. "Sa tingin mo, 'yung ibang agent kayang gaya ni Karl ay mga negosyante rin ang target?" tanong niya. Hindi kaagad sumagot si Zyx, inisip niya muna kung ano pa ang mga ibang alam niya tungkol sa sindikato. "Kung pagbabasehan natin ang listahan na nakuha namin sa Restaurant noon, puro negosyante talaga ang nakikita ko. Kasi nga ang layunin ng Fallen Angel ay maging isang daan para sa mabilis na pagyaman," aniya. "Pero hindi lang naman mga negosyante ang may gustong yumaman. Kahit ang isang housewife ay gustong kumita ng pera kahit nasa bahay lang. Kung tutuusin nga ay mas madaling maloko ang mga gaya nila," sabi naman ni Cahil. Tumango si Craig. "Sang-ayon ako, maaring may ibang agent na iba naman ang target." Napahawak sa baba si Zyx. "Ibig sabihin, kahit isang housewife ay puwedeng miyembro na rin ng sindikato," aniya. Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang apat. Tila naramdaman nilang naging mas komplikado ang ginagawa nilang pag-uusap ngayong maaring tama ang sinabi ni Zyx. "Kailangan nating paliitin ang range, masyadong mahirap kung pati 'yan ay iisipin din natin," sabi naman ni Wren. Tumingin naman si Cahil kay Craig. "Sandali lang, ano ba talaga ang inaalam natin dito? 'Yung mga agent ba ng Fallen Angel? O may iba pa?" tanong niya, may kunot ang kanyang noo. Nagkatinginan naman sina Zyx at Craig dahil sa tanong niyang iyon, tila pareho silang nalayo sa bagay na kailangan nilang alamin dahil sa naging takbo ng usapan. "Kailangan lang nating malaman kung paano ba mag-imbita ng tao si Karl," sagot ni Zyx sa kaibigan. "Iyon naman pala, nasagot na ang tanong na iyan sa kwento ni Wren, dahil nasubukan niya ring maimbita ni Karl. Ngayong narinig na natin iyon at alam na natin kung paano, ano nang sunod nating dapat gawin?" ani Cahil. Nasa tono niya ang pang-aatat sa mga kasama niya sa magiging aksyon nila sa pinag-uusapan nila, pero sa tulong niya ay bumalik naman sa utak nina Zyx at Craig ang mga dapat nilang gawin. "Hindi ko alam kung magugustuhan ninyo ang ideya ko," panimula ni Craig, bumaling ang tingin sa kanya ng tatlong lalaking kausap niya nang magsalita siya. Naging hudyat iyon para ituloy niya ang sinasabi niya, "Kailangan nating alamin ngayon kung sino pa ang ibang agent nila, at gaya ng ginawa ninyo kay Karl ay dapat ma-attract din siya sa inyo at maisip ng agent na iyon na imbitahan kayong sumali sa Fallen Angel," suhestiyon ni Craig. Nagtinginan silang tatlo, alam nila pare-pareho na walang ibang dahilan para ipagpatuloy ang planong ito kundi ang gawin ang ideya ni Craig. "Ang problema na lang natin ngayon ay kung paano..." sagot naman ni Wren. Tahimik na sumang-ayon si Craig, hindi pa nila nagawa ni Zyx na mag-imbestiga tungkol sa kung sino pa ang ibang agent dahil noong nakaraang imbestigasyon nila ay ang tanging nalaman lang nila ay ang mga lugar o tao na biktima ni Karl, mali sila ng akala na ang mga iyon ay mga agent din. Samakatuwid, wala talaga silang clue kung paano iyon malalaman. "Ang clue natin ay may simbolo sila na leon na may pakpak, 'diba? Tapos bukod kay Karl, ang alam nating meron noon ay 'yung Restaurant," ani Cahil, "e 'di, balikan natin ang parehong lugar. Magbaka sakali tayo baka may iba tayong mahanap na clue kapag binalikan natin iyon," suhestiyon niya. "Pare, nagpapakamatay ka ba? Kung gusto mo agad makarating ng impyerno, ikaw na lang. Idadamay mo pa kami, eh," reklamo ni Wren sa kaibigan. Masama pa ang naging tingin niya rito, ibig lang sabihin ay ayaw niya talaga ng ideyang iyon. "Kung hindi natin iyon gagawin, ano pang puwede nating gawin?" tanong naman sa kanya ni Cahil. Hindi umimik sina Craig at Zyx kahit nagtatalo na ang dalawa, alam nilang pareho na may punto ang sinasabi ng mga kaibigan nila. "Kung ang plano ay balikan ang dalawang lugar na alam natin, sa tingin ko naman ay mas ligtas ang Resturant. Walang nabalita na nalaman nilang may nakapasok sa opisina ng Owner, 'diba? Kasi wala namang nawala, kumopya lang tayo ng impormasyon doon," sabi naman ni Zyx. Hindi masyadong alam ni Craig ang detalye ng ginawa nilang pagpasok sa Restaurant, ang tanging alam lang niya ay pinasok nila ito para kunin ang isang listahan na inakala nila Zyx na ibang miyembro ng Fallen Angel. "Zyx," tawag ni Craig. Agad namang lumingon ang binata kasama na ang dalawa nitong katabi. "Malalaman mo ba kung natapos nang puntahan ni Karl ang mga taong nasa listahan na hawak mo?" tanong niya. Kumunot ang noo ng binata sa kanya. "Oo naman, may kopya pa naman ako nu'ng na-track kong GPS sa inyo at kay Karl, nasa akin pa rin naman 'yung listahan. Bakit?" tanong niya, puno ng pagtataka ang tunog ng boses niya. Isang ngisi ang sumilay sa labi ni Craig. "May ideya na ako sa susunod nating plano," aniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD