Chapter 47

2722 Words
CHAPTER 47 Mainit at tirik ang araw pero nasa labas ang magkaibigan, sa tapat ng isang hindi gaanong kilalang kainan. Halos hindi nalalayo ang pwesto nito sa Police Station. Wala silang ibang pagpipilian kundi ang lumabas kahit galit na galit ang araw dahil may kailangan silang asikashin at ngayon lang ang oras na puwede itong gawin. Pero dahil kaaway ng balat nila ang sinag ng araw ay nasa loob lang naman ng kotse ang dalawa habang matiyagang naghihintay sa kanilang kikitain ngayong araw. "Isang paraan para hindi na nating kailanganin ang tulong ng grupo ni Zyx sa delikadong misyon, pero magagawa pa ring imbestigahan ang kilos ni Marcel Delos Reyes nang hindi napapansin ng Fallen Angel. Wow, hindi ko inasahan sa 'yo na maiisip mo ito," komento ni Dawin habang pailing-iling at nakangisi sa kaibigan. Nang ipaliwanag sa kanya ni Craig ang planong naiisip niya ay agad siyang bumilib. Matagal naman na siyang tiwala na kahit gaano kahirap ang problema ay nagagawang solusyunan ng kaibigan niya, pero sa paningin niya ngayon ay lalo na itong humuhusay. Tunay nga na karanasan ang hahasa sa kakayahan ng isang tao. Ganoon din ang ginawa ni Craig sa kanya, ngumisi lang din ito at napailing na lang na para bang sinasabi ng tingin niya na, "Dapat ka lang bumilib sa akin." Pero pinili niyang huwag nang magsalita, dahil alam niya naman sa sarili niyang madami pa siyang ideya bukod dito na mas nakatulong sa mga kasong nahawakan nila at hindi napansin ng kaibigan niya. "Anong oras ba darating si Mrs. Delos Reyes? Kanina pa yata tayo rito, ah," muling sambit ni Dawin habang tumitingin sa kanyang relo. Kahit nasa loob sila ng sasakyan ay nararamdaman pa rin niya ang init ng paligid, dahil kapag nakikita niya kung gaano katirik ang init sa labas ay para bang nakakapasok na ito sa loob ng sasakyan niya na nagdudulot ng pag-init din ng buga ng aircon. Kung magtatagal pa sila sa loob nito ay parang matutusta na rin sila, kaya gusto na niyang makaalis dito sa lalong madaling panahon. "Maya-maya lang ang nandiyan na siya, maghintay lang tayo ng ilan pang sandali. Alam kong hindi niya tayo bibiguin, walang ina na makakatiis sa kanyang anak," sagot naman ni Craig. Sanay na siya sa palaging reklamo ng kaibigan niya. Hindi gusto ni Craig na kunin ang tiwala ng ginang gamit ang kahinaan nito—ang pagkawala ng kanyang anak. Pero sa kabilang banda, ito lang ang tanging paraan na alam niya para malaman ang lahat ng tungkol kay Marcel at sa sindikato. Kinukumbinsi niya na lang ang sarili niya na para rin naman ito sa pagtulong niya sa ginang na mahanap ang kanyang anak. At hindi nga siya nagkamali, ilang sandali lang ang lumipas ay nakita nilang dalawa ang isang pamilyar na ginang na mabilis na naglalakad papasok sa pinag-usapan nilang lugar. Nakasuot ito ng belo para takpan ang sarili maharil sa init ng araw at nakasuot din ito ng sunglasses. Bago ito tuluyang pumasok sa loob ng kainan ay nagpalinga-linga pa ito sa paligid na para bang may hinahanap o tinitingnan. Nang tuluyan na siyang makapasok sa loob ay hudyat naman iyon para sumunod ang magkaibigan. Gaya ng tipikal nilang postura kapag sila ay nasa labas ay hindi sila nakasuot ng kanilang uniporme. Agad na umupo ang dalawa sa lamesa kung saan nakaupo rin si Mrs. Delos Reyes, kagaya kanina ay palinga-linga pa rin ito sa paligid na para bang nag-aalala siyang may ibang makakakita sa kanya rito. "Sir, tumakas lang ako sa asawa ko at hindi niya alam na makikipagkita ako sa inyo. Ayoko rin sanang maglihim sa kanya, pero kailangan. Kaya sana, huwag ninyong sayangin ang pagsisinungaling ko sa kanya," bati ng ginang sa dalawang pulis na kausap niya. Halata sa kilos ng babae na hindi niya talaga ugali ang makipagkita sa kung kanino ng palihim gaya ng ginagawa niya ngayon, tila puno ito ng takot at pangamba na baka nasundan siya ng asawa niya o 'di kaya ay may nakakita sa kanya na kakilala niya na nagpunta rin sa lugar kung nasaan siya. Sumagot si Craig, "Bakit kailangan n'yo pang tumakas sa kanya? Wala naman tayong pag-uusapan na ikakagalit niya, tungkol naman sa anak ninyo ang ipinunta n'yo rito," kunot noo niyang tanong. Hindi pa rin mapakali ang ginang, tila hindi talaga siya kumportable na narito siya habang walang ideya ang asawa niya sa kanyang ginagawa. Sa pakiramdam niya ay parang pinagtaksilan na niya ito unang beses sa buong buhay niya. Hinarap siya ni Mrs. Delos Reyes saka sumagot, "Ayaw na niyang umasa ako na mahahanap ko pa si Shaira, matagal na niyang kinalimutan ang anak namin. Ang katuwiran niya ay mas madali raw para sa amin kung huwag na kaming aasa na makakabalik pa siya dahil alam daw niyang tuluyan nang nawala sa amin ang bunso namin. Pero ako, Sir, ayokong mawalan ng pag-asa... gusto ko pa ring umasa na makikita ko pa siya kahit maliit na pag-asa lang ang meron ako," aniya. Naging emosyonal ang ginang, tila hindi niya alintana kung sino ang mga kaharap niya. Limang taon nang nawawala ang kanyang anak, pero hanggang ngayon ay parang sariwa pa rin para sa kanya ang nangyari. Para sa isang ina na kadugtong ng pusod ng isang anak, hindi basta-basta lang ang pagkalimot sa pagkawalay nito sa kanya. Handa siyang gawin ang lahat para lang sa kanyang anak. Napalunok si Craig, awa ang nararamdaman niya sa kaharap niyang ginang. Hindi niya man alam ang nararamdaman nito ay sapat nang makita niya ang luha sa mga mata ng ginang para masabi kung gaano niya kagustong mabawi muli ang kanyang anak. "Misis, hindi ko kayang ipangako sa inyo na makikita nga natin ang inyong anak. Pero, gusto kong subukan... gusto kong makatulong sa inyo dahil nakikita ko sa inyo kung gaano ninyo gustong makasama siyang muli." Hindi arte o dahil lang sa kaso kaya iyon sinabi ni Craig, dahil mula talaga sa puso ang mga salitang iyon... Aminado siyang kaso ang rason bakit niya tinawagan ang ginang at bakit niya naisip gawin ito, pero ngayong nakikita niya ang nakakaawang lagay nito ay para bang nadagdagan ang rason niya para hanapin ang dalagita. "Salamat... salamat. Handa akong makipagtulungan, mahanap lang ang anak ko! Kahit anong kailangan ninyo, ibibigay ko. Kung kinakailangan ninyo ng pera, handa ako. Hanapin n'yo lang si Shaira..." ani Rita, hindi na niya mapigilan ang sarili na lalong mapaiyak. Dahil sa awang nararamdaman ni Craig ay sumagi sa kanyang isip ang asawa ng ginang na si Marcel, dahil sa mga narinig niya ay hindi niya maiwasang lalong isipin na talagang wala nang pakialam pa sa anak ang ginoo dahil mas importante sa kanya ang posisyon niya sa sindikato. Si Dawin naman ang sumagot, "Misis, hindi namin kailangan ang pera. Hahanapin namin ang anak ninyo sa abot ng aming makakaya at hindi kami hihingi ng pera bilang kapalit. Tinawagan ka namin para magtulungan tayong mahanap siya, at ang kailangan n'yo lang gawin ay bantayan ang kilos ng asawa ninyo." Natigil sa pag-iyak ang ginang at kunot noong tumingin sa binata. "Bakit kailangan kong bantayan ang kilos ng asawa ko? Anong kinalaman niya sa pagkawala ng anak ko?" naguguluhan niyang tanong. Nagtinginan ang magkaibigan, tila nagtanungan sila sa pamamagitan ng tingin kung sino ang dapat sumagot sa tanong ng ginang. Hanggang sa si Craig na lang ang nagsalita, "Misis, bago namin sagutin ang tanong ninyo ay may kailangan lang akong kumpirmahin sa inyo. Puwede ba naming malaman kung saan nanggaling ang display ninyo sa bahay na leon na may pakpak?" aniya. Hindi nawawala ang kunot sa noo ni Rita, hindi na niya maintindihan kung bakit doon na napunta ang usapan. Papalit-palit ang naging tingin niya sa dalawang pulis, tila inuusisa kung ano ba talaga ang nangyayari. "Misis, kailangan namin ng sagot ninyo. Magtiwala lang kayo sa amin, makakatulong sa paghahanap namin sa anak ninyo ang magiging sagot n'yo sa lahat ng bagay na itatanong namin sa inyo," dagdag naman ni Dawin. Totoo ang sinasabi niya, hindi naman nila kailangang sabihin ang buong detalye sa ginang sa tunay na rason kung bakit sila nagtatanong. Pero kailangan pa rin nilang makasiguro na paniniwalaan sila ng kausap para makipagtulungan ito sa kanila. Napaiwas ng tingin ang ginang. Bago sumagot ay napalunok pa ito na para bang iniisip niya kung ano ang dapat niyang isagot. Kahit naguguluhan ay wala naman siyang magagawa kundi ang magtiwala na lang din, ganoon siya kadesperadang mahanap ang kanyang anak. Isa pa, wala naman siyang nakikitang rason para itago ang totoo hinggil sa itinatanong ng dalawang pulis. "Asawa ko ang bumili n'on, sabi niya lang ay may nag-alok lang daw nito sa kanya at nahiya siyang tanggihan kaya kinuha niya. At ang totoo, suwerte sa amin ang leon na may pakpak na iyon. Dahil mula nang dalhin ng asawa ko ang display na iyon sa bahay namin ay guminhawa ang buhay namin. Naging sunod-sunod ang swerte namin sa buhay kaya napa-aral namin ang mga anak namin sa magandang eskwelahan," kwento niya. Muling nagtinginan ang dalawa nang marinig nila ang isinagot ng ginang, lalo silang natuwa dahil may bago na naman silang nalaman ngayong araw. Pero hindi nila ipinahalata na ikinatuwa nila ang sinasabi ng ginang, nanatili pa rin siyang seryoso sa harap nito. "Sinasabi n'yo bang nagsimula ang pagyaman ninyo mula nang dumating ang display na iyon sa bahay ninyo?" tanong ni Dawin. Umiling ang ginang. "Hindi naman sa ganoon, nagsimula ang swete namin sa buhay noong na-promote sa trabaho ang asawa ko. Pero naniniwala siya na dahil sa leon na may pakpak na iyon kaya siya na-promote. At dahil nagsisimula pa lang din kami noon sa buhay ay nagawa naming makapag-ipon mula sa sweldo niya at iyong pera na naipon namin ay naipatayo namin ng maliit na pwesto ng tindahan noon. Kaya hindi nagtagal ay naniwala na rin akong swerte nga ang bagay na iyon sa amin. Hanggang sa unti-unti ay dumami ang customer ko, nagtatrabaho pa rin si Marcel noon. At iyon nga, nakapag-franchise na kami ng fast food restaurant. Lalo pa kaming pinagpala dahil ngayon ay dalawa na ang na-franchise naming restaurant." Tumango si Craig. "Ibig ninyong sabihin, isa pa lang ang na-franchise ninyo nu'ng nawala ang anak ninyo?" tanong niya. Agad na tumango ang ginang. "Oo, ganoon nga, isa pa lang ang nabili namin noon nang ma-kidnap ang anak ko sa school. Grade 4 pa lang siya noon kaya madali lang siyang nadampot ng walanghiyang lalaking iyon. Handa naman kaming ibigay ang ransom money na kailangan niya para lang ibalik niya ang anak ko, pero... hindi ko inasahan na hindi na siya makakauwi pa." Muling naiyak ang ginang. Hindi na nakaimik pa si Craig, tugma ang mga kwento ni Rita sa mga impormasyong nabasa nila tungkol sa pamilya nila na na-research ni Zyx bago sila makipagkita sa ginang. Tila lalong napatunayan ng binata na tama ang hinala niyang isang miyembro nga ng Fallen Angel ang asawa nitong si Marcel. Tugma rin ang simula ng pag-angat nila sa buhay mula nang mapunta sa kanila ang display na leon na may pakpak na iyon. Ibig lang sabihin ay tunay ngang isang palatandaan ang bagay na iyon para masabing isa nang opisyal na miyembro ang taong iyon sa kanilang sindikato. Maaring ginagamit nila iyon para makilala ang isa't isa na kapwa sila miyembro ng isang ornagisasyon. Hindi na lang pinansin ng magkaibigan ang paniniwala ni Rita na swerte ang display na iyon sa buhay nila, kailangan nilang maiwasang makapagbigay ng impormasyong walang kinalaman sa kaso ng anak ng ginang. "Pero, Sir, ano ba talagang kinalaman ng mga itinatanong ninyo sa pagkawala ng anak ko?" muling usisa ng ginang sa kanilang dalawa. Nakakunot muli ang kanyang noo sa dalawang binatang kaharap niya. Si Craig ang sumagot sa kanya. "Dahil may kutob kaming may itinatago sa inyo o sa amin ang asawa ninyo, isa na roon ay ang pagkawala ng anak ninyo," pag-amin niya. Bahagi na rin ng pag-iingat ay hindi na kailangan pang malaman ni Rita ang buong detalye ng kanilang imbestigasyon, dahil wala rin namang kinalaman ang ginang sa nagiging takbo ng kaso. Ang tanging kailangan lang nilang ipaalam sa kanya ay ang bagay na konektado sa asawa niya at sa anak nila. "Anong sinasabi ninyong may itanatago ang asawa ko tungkol kay Shaira? Alam niya kung nasaan ang anak namin?!" tumaas ng bahagya ang boses niya, tila nadala siya ng bugso ng damdamin. Nakaramdam siya ng galit habang iniisip na tutol na ang asawa niya sa paghahanap sa kanilang anak, para bang ang namumuong duda niya ngayon tungkol sa salita ng kanyang asawa ay lalong tumitindi. "Hindi sa ganoon, Misis. Ang hinala lang namin ay maaring may kinalaman ang pagkawala ng anak ninyo sa bagay na maaring itinatago ng asawa ninyo. Kaya nga namin hinihingi ang tulong ninyo ay para linawin ang tungkol sa bagay na ito," paglilinaw ni Craig. Kailangan din nilang iwasan na makapag-isip ng hindi maganda si Rita, dahil bukod sa maaring makasira ito sa mga plano nila ay maaring maging rason pa ang mga sinasabi nila para magka-away ang mag-asawa. Sumingit din si Dawin sa usapan, "Ang kailangan lang ninyong gawin ay bantayan ang kilos ng asawa ninyo. I-report ninyo sa amin kung saan siya nagpupunta, kung ano ang ginagawa niya bukod sa trabaho, at kung sino ang mga nakakausap niya. Pero mag-iingat kayo, huwag na huwag ninyong ipapaalam sa kanya na may usapan tayong babantayan ninyo ang kilos niya, dahil sa oras na malaman niya ang ginagawa nating paghihinala sa kilos niya ay mawawala na rin sa atin ang pagkakataon na masagot ang mga bagay na maaring makatulong sa atin sa paghahanap sa anak ninyo. Maliwanag po ba iyon, Misis Delos Reyes?" Mabilis na tumango si Rita sa kanya. "Gagawin ko ang sinabi ninyo, basta mahanap n'yo lang ang anak ko ay gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para makatulong sa inyo. Kung ang asawa ko ang susi para mapabilis ang paghahanap sa kanya, gagawin iyon. Maasahan ninyo ang tulong ko," paniniguro niya. Natuwa ang magkaibigan dahil mabilis silang naintindihan ng kausap, napabuntong hininga pa si Craig habang iniisip na mabuti at naintindihan sila ng ginang. Magandang simula ito para sa plano nila. "Salamat, Misis Delos Reyes. Aasahan namin ang salita ninyo," ani Dawin. Saka siya nakipagkamay sa ginang. Ganoon din ang ginawa ni Craig. "Salamat din. Aasahan ko rin ang magandang balita tungkol sa pagkawala ng anak ko. Sana ay makita ninyo talaga siya," ani Rita. Pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay tumayo na ang ginang at mag-isang umalis sa Restaurant. Naiwan naman ang magkaibigan sa lamesa. "Sa tingin mo, magagawa niya kaya talaga ang ipinag-utos natin sa kanya? Baka mamaya pag-uwi pa lang niya sa kanila ay awayin na niya ang asawa niya at akusahan sa mga nalaman niya sa atin," ani Dawin. Nakatingin sa kawalan si Craig, tila pinoproseso pa ng kanyang isip ang mga bagay na narinig niyang kwento ni Rita. Para bang naging hudyat ang mga sinabi niyang iyon para muling mag-isip ng sunod nilang dapat gawin sa ngayon. "Magtiwala na lang tayo na desperada siyang mahanap ang anak niya. At kahit awayin niya ang asawa niya tungkol sa narinig niya sa atin, makampante kang walang malalaman si Marcel sa kanya," paniniguro ni Craig. Kampante siya dahil wala silang binanggit na ibang bagay tungkol sa Fallen Angel. Ang buong pag-uusap nila ay umikot lang tungkol sa kanilang pamilya. Tumango ang kasama niya. "Sabagay, ang tanging alam lang naman niya ay may itinatago ang asawa niya na maaring may kinalaman sa pagkawala ng anak niya. Ibig lang sabihin, ang tatakbo lang sa isip ni Rita ay may alam si Marcel tungkol sa pagkawala ng anak nila," aniya. Sumang-ayon doon si Craig sa pamamagitan ng pagtango, hindi na niya napansin kung nakita ito ng kaibigan niya o hindi. Pero hindi naman iyon ganoon kaimportante kaya hinayaan na lang niya. Nakangising humarap si Dawin sa kaibigan bago muling nagsalita. "At dahil magaling ang ideya mo ngayon, ililibre na kita ng tanghalian. Sayang naman ang pagtambay natin dito kung hindi tayo kakain, 'diba?" aniya. Hindi nagbibiro ang binata, tumawag siya ng Waiter at nag-order nga ito ng tanghalian nila. Kahit nagtataka si Craig na gagastos si Dawin para sa kanya ay hindi na lang siya tumangi dahil sinabi naman nitong libre. Kaya sa pagkakataon na iyon ay inubos nila ang oras nila sa pag-enjoy ng kanilang tanghalian.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD