Chapter 39

2717 Words
CHAPTER 39 Ilang linggo ang nakalipas at nagawa nang makapag-adjust ng grupo sa set-up nila ngayon, lalo na si Zeta, kaya na niyang gumalaw ng maayos sa bahay at alam na niya ang mga dapat at hindi dapat gawin sa shop. Maski ang mga dati ay si Wren lang ang close ay close na rin niya ngayon. Hindi siya nahirapan na gawin ang bawat utos sa kanya ni Zyx dahil gusto niya rin ang ginagawa niya. Bukod sa nalilibang siya sa ginagawa niya ay naalala na niyang ito ang pangarap nilang grupo noon pa. Hindi niya pa man alam kung paano biglang paggising niya isang araw ay nasa harapan na niya ang pangarap na iyon ay mas pinili niyang huwag nang itanong sa kapatid o sa mga kaibigan niya, dahil ramdam din naman niyang ayaw din iyong banggitin sa kanya. Hindi pa masyadong malinaw sa kanya ang mga nangyayari, pero may ideya na siya kung bakit biglang nagkaroon ng malaking pagbabago sa paligid niya ngayon. Masaya naman ang tatlo dahil sa nakikita nilang progreso sa pakikipag-usap ni Zeta, hindi lang nila sinasabi o hindi lang nila napag-uusapan, pero alam nilang tatlo na tuloy-tuloy na ang pagbalik ng kaibigan nila sa dati. Magandang senyales ito para lalo silang magpatuloy sa ginagawa nila, dahil hindi nila nakitaan ng hirap si Zeta sa pag-adjust sa mga nangyayari. Ang tanging hiling na lang nila sa ngayon ay wala na sanang mangyari pa gaya ng nangyari noon, ayaw na nilang makita ulit ang dalaga sa ganoong estado. Bukod dito, nagawa rin ni Zeta na makipagkaibigan kay Kristel. Mas madalas na silang dalawa na ang magkausap at magkasama kaysa kay Wren dahil nga madalas ay nagpapahinga ito kapag napupwersa ang katawan niya. Hindi pa siya ganoon kagaling kaya hindi rin siya masyadong nakakatambay sa shop. Ito rin ang unang beses na nagkaroon ng kaibigang babae si Zeta—bukod kay Mirabel. Mula kasi noon, tanging si Mirabel lang ang nakakausap nitong babae. Dahil sa propesyong napili nila, walang panahon ang dalaga para magkaroon ng ibang kaibigang babae kaya masaya silang dumating na rin ang pagkakataon na nagkaroon si Zeta ng ganitong oportunidad. Maaring maliit lang na bagay ito sa iba, pero para sa grupo, lalo na kay Zeta, malaking bagay na iyon. Wala na silang ibang mahihiling ngayon, kundi ang sana ay magtuloy-tuloy lang ang saya at payapang buhay na tinatamasa nila. Lalo nilang hinahangad na huwag nang bumalik sa dati nilang buhay at makuntento na lang sa kung ano ang meron sila ngayon. Ang pagkakahuli kay Karl ay isang tanda ng bagong simula para sa kanila, para bang iyon na ang bagong kabanata ng buhay nila... at ipinangako nila sa kani-kanilang mga sarili na hindi na sila muli gagawa ng mali mula ngayon. Hanggang sa dumating ang isang gabi nap muling nakabisita sina Craig at Dawin sa kanila, nagkaroon muli ng kaunting kasiyahan ang grupo na kasama si Kristel dahil ngayon na lang sila ulit nagkita-kita na grupo. "Kumusta ang kaso ni Karl?" tanong naman ni Wren, tila wala na itong kontrol sa pagsasalita kaya kahit narito pa si Kristel at Zeta ay nakapagtanong na ito agad. "Ayos lang, huwag kang mag-alala. Hindi na makakalabas ang taong umaway sa 'yo!" sagot naman ni Dawin sa kanya. Nagkaroon ng tawanan sa pagitan nilang dalawa, tila sila lang ang nagkakaintindihan at parang hindi na iniintindi ang mga iba nilang kasama. Kung saan-saan lang napunta ang usapan nila at kung ano-ano na lang din ang naging biruan ng dalawa. Hanggang sa nagpaalam na lang si Kristel, "Guys, uuwi na ako, ha. Maaga rin kasi ang pasok ko bukas, eh," aniya. "Ah, ganoon ba? Sige, hatid na kita," alok naman ni Zyx. Sanay na siyang ihatid si Kristel pauwi kapag hindi puwede si Wren. "Samahan kita hanggang sa gate, Kris!" ani Zeta. Magkakasama sila nina Zyx at Kristel na lumabas. Naiwan si Cahil at Craig sa lamesa, tila nakikinig lang sila sa asaran at kulitan ng dalawa na. Hinayaan na lang nila ito, dahil alam nilang pare-pareho na ngayon na lang ulit nangyari na nagkaroon sila ng kasiyahang tulad nito dahil lahat sila ay abala sa kani-kanilang buhay. "Bye, Zeta! Kita na lang tayo bukas!" paalam ni Kristel habang kumakaway ito. Kumaway pabalik si Zeta sa kanya, pero bago tuluyang umalis ay hinila muna ng dalaga ang kapatid niya para bulungan ito, "Zyx, binabalaan kita. Kay Wren si Kristel, ha," aniya. "Ihahatid ko lang, Zeta! Wala 'kong binabalak na masama," giit nito. Dahil doon ay binitiwan na niya ang kapatid niya ay ngumiti muli kay Kristel at saka muling nagpaalam. Pinanood niya na lang ang dalawa sa paglalakad hanggang sa mawala na ito sa paningin niya. Kahit hindi na niya natatanaw ang dalawa ay hindi pa rin natitinag si Zeta sa kinatatayuan niya, hindi ito dahil sa balak niyang hintaying makabalik si Zyx. Sadyang hindi niya lang talaga gustong bumalik muna sa loob dahil wala rin naman siyang gagawin doon, sina Wren at Dawin lang din naman ang nag-uusap at hindi niya naman ramdam na sumali sa usapang iyon, lalo na kung maging si Cahil ay nakita niyang tahimik lang. Nakasandal lang ang dalaga sa haligi ng kanilang gate, nakatanaw lang sa labas habang lumilipad ang kanyang isip. Para bang ginagamit niya ang pagkakataong ito para ma-refresh ang sarili dahil sa dami ng nainom niya at nakain ngayong gabi. Hindi man aminin ng dalaga ay isang rason pa kung bakit ayaw niyang bumalik muna sa loob ay hindi niya ramdam na kasama siya sa grupo kapag nandoon sina Dawin at Craig. Kababata niya si Craig, pero hindi niya ramdam nag koneksyon nilang dalawa na gaya ng koneksyon na meron sila noong mga bata pa sila. Naniniwala si Zeta na sa tagal ng panahon ay talagang magbabago ang tao, maaring hindi na sila maaring maging gaya ng dati. Pareho rin kay Dawin ang nararamdaman niya, hindi niya alam kung kailan pa naging close ang lalaking iyon sa mga kaibigan niya ngayon. Pero hindi ganoon kadali para sa kanya na matanggap siya sa grupo. Maaring madaling sabihin na kwela at makulit din ito gaya ni Wren, pero hindi niya magawang makibagay dito dahil siguro sa pinagkaiba ng mundo nila... isang magnanakaw at isa pulis. Kahit kailan, hindi niya naisip na magiging magkaibigan ang dalawang magkaibang tao gaya nila. Hanggang ngayon ay hindi pa rin kumbinsido si Zeta na mayroon ngang namumuong pagkakaibigan sa pagitan ng grupo niya at ng dalawang pulis na kasama nila ngayon. Pakiramdam niya ay sinasamantala lang ng dalawang ito ang alam nila at ang kayang gawin ni Zyx na tulong para sa kanila na mahuli ang sindikato kaya nagtitiis ang mga ito na makisama sa kanila. At naniniwala siyang darating din ang araw na kapag nakuha na nito ang gusto nila sa kanila ay babalik na sila sa pagiging magkalaban. Ayaw kontrahin ni Zeta kung ano ang gustong gawin ng mga kasama niya, hindi niya gustong maging mitsa ang pagdududa niya para malayo siya ng husto sa mga ito. Kaya desidido siyang tahimik na mag-obserba para makakuha ng sapat na ebidensya para patunayan na tama ang hinala niya na hindi talaga magandang mapalagay ng husto ang loob nila sa dalawang iyon. Kailangan niyang gawin ito para masigurong kapag nagsalita siya ay tiyak na maniniwala sa kanya ang mga kaibigan niya at hindi siya mapapahiya. Madami ring nagbago sa paligid niya na hanggang ngayon ay hindi niya pa nabibigyan ng sagot, pero nananatili siyang walang imik dahil nakikita niya ang grupo na masaya naman sa kung ano ang ginagawa nila. Tila hindi pa pumapasok sa isip niya ang lahat, pero sinusubukan niyang maintindihan para magawa na niyang makasabay sa kanila ng tuluyan. "Akala ko sumama ka sa paghatid kay Kristel." Agad na nagitla si Zeta nang marinig ang boses na iyon mula sa likuran niya. Madali niya itong nilingon at wala siyang ibang nakita kundi si Craig na ngayon ay palapit na sa kanya. Patay ang ilaw nila sa garahe, pero sa tulong ng liwanag ng buwan at ng poste ng ilaw sa labas ay nagawa ni Zeta na mamukhaan ang lalaking bagong dating, nakangiti ito sa kanya nang tuluyan itong makatabi sa gilid niya. Ibinaliik ni Zeta ang tingin niya sa kalsada, tila iniiwasan niyang tingnan ang binata. "Hindi, nagpapahangin lang ako. Bihira ko lang kasi ito magawa, kaya sinusulit ko na," sagot niya sa kausap. Tumingin sandali si Craig sa kanya na may kaunting awa sa mga tingin niya. Ayaw niyang banggitin ang iniisip niya, pero naramdaman niya ang lungkot dahil sa sinabi ni Zeta. Para bang bumalik sa alaala niya ang dating naging buhay ng dalaga na kailangan nilang magtago palagi para lang masigurong ligtas sila. Idagdag pa riyan ang panahon kung kailan bumalik ang trauma niya, alam ni Craig na maaring hindi iyon gustong pag-usapan ni Zeta pero tiyak niyang kasama na iyon sa sinabi niya. Ginaya ni Craig si Zeta na nakatanaw lang sa kalsada, ramdam niyang ilag ito sa kanya at hindi malinaw sa kanya ang rason. Kaya gusto niyang kunin ang pagkakataon na ito para alisin ang pader sa pagitan nilang dalawa at maging simula ito ng pagbabalik ng pagkakaibigan nila noon. "Noong mga bata pa tayo, mahilig ka ring tumulala ng ganito sa labas. Ang kaibahan lang, ang gusto mo noon ay maranasan ang makalabas sa ampunan kaya lagi kang nakatanaw sa labas." Yumuko si Craig bago niya tinapos ang kanyang sinasabi, "Ngayon kasi, hindi ko na alam ang rason," aniya, humina ang kanyang boses. Tipid na ngumiti si Zeta, tila alam na niyang gaya niya ay ramdam din ni Craig na malaki na ang agwat nila sa isa't isa. Sumagot ang dalaga, "Nakalabas man ako sa ampunan, hindi ko pa rin ramdam na malaya ako. Kung tutuusin nga, parang mas gusto ko pa ang nasa ampunan na lang ako... nasa loob man ako ng mga bakod, wala naman akong kasalanan sa mundo," aniya. Hindi tuminag si Craig sa pagkakayuko, masakit para sa kanya na marinig mula sa kausap ang mga salitang iyon. Para bang gusto niyang sisihin ang sarili niya dahil iniwan niya ito at hindi niya ito nasamahan sa loob ng ampunan na iyon. Walang ibang tanong sa isip niya kundi: "Kung hindi ba ako umalis, sa tingin mo ganito rin ang buhay mo ngayon?" Naramdaman niya ang tingin ni Zeta sa kanya. Tumingin din siya pabalik. Doon niya napagtanto na imbes na isarili niya lang ang tanong na iyon ay nasambit niya pala talaga dahilan para marinig ng kausap. Napalunok si Craig nang makita niya ang kunot sa noo ni Zeta. Para bang gusto niya itong alugin na magsalita na ito agad para sagutin ang itinanong niya. Dahil kahit hindi niya intensyong itanong iyon, hindi niya pinagsisisihang narinig iyon ng kausap niya. Hangang sa umiwas na lang ng tingin si Zeta, hindi niya kayang tagalan na makipagtinginan sa katabi niya. "Kung hindi ka umalis, hindi ka rin magiging masaya. Hindi mo maaabot ang pangarap mong maging pulis," aniya. Muling ibinalik ni Craig ang tingin niya sa kanyang paa. Hindi niya alam kung paano pa sasagutin ang sinabing iyon ni Zeta. Hindi na niya kayang sabihin na hindi niya nagawang maging masaya sa buong buhay niya dahil napalayo siya sa kanya. Naiintindihan ng binata kung ano na ang sitwasyon nilang dalawa ngayon, at dahil sa pagiging pulis niya... lalong naging malabo na magkaroon pa ng pag-asa na pagdikitin ulit sila ng tadhana gaya noong mga bata pa sila. Alam ni Craig na gaya niya ay ramdam din ni Zeta na may isang malaking pader na nakaharang sa pagitan nilang dalawa... isang pader na kahit kailan, hindi nila magagawang tawirin dahil magkaibang landas ang tinatahak nila. "Saka isa pa, bagay sa 'yo ang maging isang pulis," sabi pa ni Zeta. Bumaling ang tingin niya sa binata habang nakangiti, tila dumagdag sa ganda ng gabi ang ganda ng kanyang ngiti. Hindi nakaimik si Craig, nakatingin lang siya sa kausap habang naghihintay ng sunod nitong sasabihin. "Naalala mo ba nu'ng mga bata pa tayo, ikaw ang laging nagtatanggol sa amin ni Zyx kapag may nang-aaway sa amin. Hanggang ngayon, ikaw ang nagtatanggol sa amin. Pinakulong mo si Karl, dahil sa 'yo ay ligtas kami mula sa kanya!" sabi pa ni Zeta. Pagak na natawa si Craig, tila naramdaman niya ang pasasalamat ng dalaga sa bagay na ginawa niyang iyon. "Ginagawa ko lang ang trabaho ko. At sa totoo lang, nagpapasalamat ako na dahil sa pagtupad ko sa tungkulin ko ay nagawa kitang makita muli," aniya. Tumango si Zeta sa kanya. "Kaya ngayon, pareho na tayong may gustong buwagin ang sindikatong iyon. Kapag nawala na sila sa landas namin, ligtas na kami sa kamatayan. Habang ikaw naman, magagawa mo ang trabaho mo. Ang galing, 'diba!" masigla niyang sambit. Hindi na umimik si Craig, napangiti na lang siya habang iniisip na masaya na rin siya sa kaunting oras na nakausap niya si Zeta ng sarilinan gaya nito. Hindi man tungkol sa kanilang dalawa ang pinag-usapan nila, gusto pa rin niyang itago ang alaalang ito bilang parte ng kwento nilang dalawa. Pero sa kabila ng tuwa na iyon, may takot at alalahanin pa rin ang binata. Hindi niya alam kung paano iyon maaalis sa sistema niya, pero gusto niyang gawin ang lahat para mapagtagumpayan ang isang mabigat na tanong: Anong sunod na mangyayari kapag nagawa na nilang mahuli ang Fallen Angel? Walang lakas ng loob si Craig na linawin kay Zeta na kapag dumating man ang araw na iyon, ay wala siyang balak na kalabanin sila. Kung isa lang siyang nomal na sibilyan, kaya niyang suportahan ang grupo gaya ng ginawang suporta ni Mirabel hanggang sa kamatayan niya. Pero iba ang sitwasyon ni Craig, hindi niya kayang ipangako na hindi siya tatawagin ng tungkulin sa huli... hindi kakayanin ng konsensya niya kung alam niya na ang isang mabigat na grupo ng magnanakaw ay nagpapagala lang sa lansangan gayong siya mismo ang may misyong hulihin ang grupong iyon. "Tama ka, magaling nga..." iyon na lang ang nasabi ni Craig. Naging tahimik na si Zeta pagkatapos ng pag-uusap na iyon. Gusto na niyang umalis sa kinatatayuan niya dahil hindi na niya makayanang makasama pa si Craig, pero wala rin siyang lakas para maglakad palayo sa binata. At isa pa, wala rin siyang alam na maari niyang puntahan kapag umalis siya. Hanggang sa pareho na lang nilang hindi namalayan ang pagdating ni Zyx. "Anong ginagawa ninyong dalawa rito?" Tapos ay bumaling ang tingin niya sa kapatid niya. "Hindi ka pa pumapasok sa loob? Binantayan mo talaga ako?" hindi makapaniwalang tanong niya. Nagkatinginan sina Craig at Zeta, tila pareho nilang nakalimutan na bukod sa kanilang dalawa ay kasama pa rin nila si Zyx. Pareho nilang iniisip kung ano ba ang tumakbo sa isip nito ngayong buo na muli silang tatlo. Pero sa huli, walang may lakas ng loob sa kanilang dalawa para itanong iyon kay Zyx. "Huwag kang mag-alala, nagpapahangin lang ako. Tinamad lang akong pumasok agad," sagot ni Zeta sa kapatid. Bumaling ang tingin niya kay Craig, naramdaman naman iyon ng binata kaya sinagot niya si Zyx. "Lumabas lang din ako para magpahangin, tapos naabutan ko si Zeta rito," aniya. Bukod sa lamang ng tangkad sina Craig at Zeta kay Zyx, lamang din ang dalawa ng isang baitang sa tinatapakan niya. Kaya nakatingala siya sa dalawa habang nakaharang sila sa gate. Gaya nilang dalawa, madaming tanong si Zyx hinggil sa samahan nilang tatlo. Nang magkita sila ni Craig, wala sa isip ng binata ang tungkol sa naging dati nilang samahan... ang tanging laman lang ng isip niya noon ay gagawin niya ang lahat para lang masigurong magiging ligtas si Zeta at maibalik siya sa normal. At ngayong nakuha na niya iyon, saka niya lang naging problema ang tungkol sa bagay na iyon. Ramdam din niya na iyon ang tumatakbo sa isip ng dalawa niyang kaharap. Hindi niya alam kung paanong naging ganito bigla ang naging pakikitungo nila sa isa't isa, marahil sadyang nag-iiba nga ang isang tao sa paglipas ng panahon, pero naniniwala si Zyx na darating din ang pagkakataon na mahuhuli rin nila ang dating pakiramdam kapag magkakasama sila. Naniniwala siyang maibabalik ang dati, mangingibabaw ang pagkakaibigan na meron sila. Napabuntong hininga si Zyx. "Sige, tara na ulit sa loob. Magpahinga na tayo, awati na natin 'yung mga maoy doon," biro niya. Inakbayan niya ang dalawa para mapilitan itong pumasok na sa loob.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD