Chapter 46

2739 Words
CHAPTER 46 "Sandali nga, paano naman siya magiging miyembro ng sindikatong iyon? Mayaman na siya, 'diba? Kailangan pa ba niya n'on?" kunot noong tanong ni Dawin. Naging basehan na ng binata ang estado ng buhay ng isang tao para paghinalaan nilang isang miyembro ito ng sindikato. Hindi naman sa gusto niyang depensahan si Marcel, pero nang makausap at makatapak kasi siya sa bahay ng mga delos Reyes ay sa pakiramdam niya hindi ganoon ang uri ng tao o pamilya na aanib sa Fallen Angel para lang sa pamilya. Kaya nagtataka siya kung saan nakuha ng kaibigan niya ang ideyang iyon. Hindi naaalis ang tingin ni Craig sa kanya. "Hindi kasama ang pangalan ni Marcel Delos Reyes sa listahan ng mga taong ipinahanap natin kay Zyx. Ibig sabihin, ang tanging alam lang natin tungkol sa kanya ay ang mga nabasa natin sa files ng kaso ng anak niya. Kaya hindi rin natin masasabing mali ang sinabi ko," paliwanag niya. Gustong ipaunawa ng binata sa kaibigan niya na hindi lang dapat sa itsura ng isang tao bumase kung ito ba ay nasa mabuti o nasa masamang landas sa buhay. May ilan siyang napansin sa lalaking iyon na sinuportahan ng ilang bagay na nabasa niya tungkol sa kaso ng anak nito, kaya ganoon na lang ang paniniwala niya na dapat din nilang paghinalaan ang taong iyon. Tumango si Dawin. "Sabagay, kinunsinti na rin naman kita sa pagpunta rito, sulitin na rin natin ang pagkilala sa taong 'yan. Wala rin naman akong magagawa, wala naman tayong ibang lead kundi ito lang, eh." Hindi siya sinagot ng binata, pero pinaandar na niya ang sasakyan habang naghihintay mula sa kaibigan niya kung ano ang susunod nilang gagawin ngayon. Hanggang sa napansin na lang niya itong bumunot ng telepono, at sa puntong iyon ay alam na niya kung sino ang tatawagan nito. "Zyx, may nakuha kaming lead mula sa impormasyong nahanap mo," ani Craig. Ni-loud speaker niya ito para marinig din ni Dawin ang magiging sagot ng kausap niya. [Talaga? Buti naman, noong una ay nagtaka ako kung sino ang mga taong iyon. Pero mukhang hindi naman pala nasayang ang pagod ko,] sagot nito mula sa kabilang linya. Halata sa kanyang boses na masaya itong nakatulong siyang muli sa progreso ng kaso. [Kumusta? Anong nalaman n'yo?] sabi pa niya. Ikinuwento ni Craig sa kanya ang nalaman nila ngayon lang tungkol sa k********g case ni Joshua Magno at kung ano ang kinalaman ng kasong iyon sa Fallen Angel at kay Karl Christian de Guzman. At sinabi niya rin na natuklasan niya na ang ama ng batang dinukot ng kidnapper na kasama ni Karl sa selda ay miyembro ng Fallen Angel na si Marcel Delos Reyes. [Ah, so, gusto n'yong ang hanapin ko naman ay impormasyon tungkol kay Marcel Delos Reyes. Ganoon ba?] tanong ni Zyx. Nagtinginan ang magkaibigan. Tapos ay sinagot ni Craig ang kausap, "Hindi lang iyon, madami pa akong gustong sabihin sa iyo bukod sa bagay na iyan—mga bagay na napagtanto ko habang kausap si Marcel Delos Reyes. Pabalik na kami sa opisina, mamaya ko sasabihin sa 'yo ang lahat." [Zeta—] [Bakit sa opisina pa kayo pupunta? Puwede naman kayong dumiretso na rito sa bahay, tapos sama-sama nating pag-usapan ang tungkol sa bagay na gusto ninyong sabihin sa kapatid ko. Mas okay 'yun, 'diba? Personal kayong makakapag-usap,] sa isang iglap ay si Zeta na ang kausap ni Craig. Hindi agad nakaimik ang binata dahil hindi niya inasahan na kasama pala ni Zyx si Zeta habang nag-uusap sila. Dahil ang alam niya ay magkaibang pwesto ng shop ng binabantayan ng magkapatid. [Craig? Uy, sagot! Pupunta ba kayo? Para mapadagdagan namin kay Kristel ang dadalhin niyang lunch sa amin,] dagdag pa ng dalaga. Sinubukan ni Craig na humingi ng sagot kay Dawin sa pamamagitan ng tingin, pero imbes na ibigay ng binata ang kailangan niyang sagot ay nagkunyari pa itong walang narinig na nagsasalita mula sa telepono. "Ah—s-sige. Pupunta kami riyan," iyon na lang ang nasabi ni Craig, halata sa kanyang boses ang kaba. [Okay, bye!] Hindi na nagawang makausap pa muli ni Craig si Zyx dahil ibinaba na ni Zeta ang tawag. Isang palaisipan sa kanya ang biglang pagsasalita ng dalaga mula sa kabilang linya. Para bang sa tingin niya ay may ibang bagay na nangyayari sa bahay ng grupo na hindi niya alam. "Sa tingin ko nakahanap na 'ko ng kryptonite mo," pang-aasar pa ni Dawin sa kanya. Masama ang naging tingin ni Craig sa kaibigan. "Manahimik ka nga riyan, magmaneho ka na lang!" Alam ni Craig na hindi niya magagawang itanggi kay Dawin ang espesyal na nararamdaman niya para kay Zeta, dahil ilang taon na silang magkasama at magkakilala nito... alam na niya kung paano makipaghalubilo ang binata sa ibang babae, at tanging kay Zeta lang naiiba ang kilos nito. Hindi naman nagtagal ay dumating din sila sa bahay ng magkakaibigan. Bago bumaba sa sasakyan ay nagsalita muli si Dawin. "Huwag kang mag-aalala, hindi ko naman i-spoil si Zeta," aniya. Hindi siya pinansin ni Craig, nanatiling seryoso ang reaksyon ng mukha niya. Ang tungkol sa pang-aasar ni Dawin ang bagay na hindi niya dapat isipin sa ngayon, dahil may ibang bagay na gumugulo sa kanya—ang inarte ng dalaga na parang ngayon ay interesado na siya sa nagiging lagay ng kaso. Sa pagkakatanda ni Craig, ang huling naging pag-uusap nila ni Zyx tungkol sa lagay ni Zeta ay tutol ito sa ginagawa ng kapatid niya na pakikipagtulungan pa sa kaso dahil sa takot na baka ito naman ang sunod na mapahamak. Iyon din ang rason bakit hindi na nabibisita muli sina Craig sa bahay nila, iniiwasan niyang lalong mainis si Zeta sa pag-iisip na kaya sila pumupunta sa bahay ay para muling utusan si Zyx sa susunod na dapat gawin tungkol sa kaso. Pero ibang-iba ang nangyari ngayon, si Zeta pa mismo ang nagpapunta sa kanila sa bahay. Sa Repair Shop na dumiretso sina Craig at Dawin. Pagpasok nila ay agad na bumungad sa kanila ang mukha ni Zeta na halos abot langit ang ngiti sa kanilang dalawa. Katabi nito si Cahil na abala ngayon sa pagkatikot sa isang motherboard. "Hello! Pasok na kayo sa loob, naroon si Zyx," masiglang bati ni Zeta. Kumunot ang noo ni Craig sa kanya. Sa huling punta nila rito ay hindi pa ganoong kasigla ang pagsasalita ni Zeta, pero ngayon ay malayong-malayo na iyon sa unang Zeta na nakita niya. Pero nang ibaling niya ang tingin kay Cahil ay wala itong reaksyon sa ipinapakita ng dalaga, kaya sa isip ni Craig ay maaring iyon talaga ang natural niyang pagsasalita. Hindi lang ito agad lumitaw noon dahil kakabalik lang niya mula sa trauma na inabot niya. "Dumating na ba si Kristel? May pagkain na tayo?" tanong ni Dawin, nauna siyang pumasok sa bahay. "Wala pa, hinihintay ko nga rin kasi nagugutom na ako," habol na sagot ni Zeta, nanatili ito sa tabi ni Cahil na para bang pinapanood niya ang ginagawa ng binata at hindi niya ito kayang iwan. "Craig," dinig niyang tawag sa pangalan niya. Tumuloy sina Craig at Dawin sa kusina ng bahay nang makita nila si Zyx na nakaupo roon. Sandaling namang sinilip ni Craig ang kabilang shop para tingnan kung sino ang naroon, napangiti na lang siya nang makita na nakakapagbantay na si Wren ng shop. Ibigl lang sabihin ay bumubuti na ang lagay niya. "Uy, pare! Musta?" agad na tanong ni Dawin kay Zyx na ngayon ay nakaharap na sa kanyang laptop. Sandaling tumingin ang binata sa kanya nang tuluyan silang nakaupo ni Craig. "Ayos lang, may pinapagawa lang sa akin si Zeta," ani Zyx. Tumango si Dawin. "Kaya pala naagawan ka ng telepono ng kapatid mo, nandito ka nakaupo," komento niya. "Ah, oo. Katabi ko siya rito kanina noong tumawag kayo." Hindi na napigil ni Craig ang sarili niya at sumingit na ito sa usapan nila. "Anong nangyari at bakit parang suportado na tayo ni Zeta?" tanong niya. Naging dahilan iyon para itigil ni Zyx ang ginagawa niya, seryoso niyang hinarap ang kausap. "Hindi ko rin alam kung ano ang pumasok sa ulo niya at bigla lang siyang umasta ng ganoon kanina. Ang inasahan ko nga ay pagkatapos nating mag-usap ay pagsasabihan ako na dapat na kitang tanggihan, pero iyon nga... siya pa ang nag-imbita sa inyo rito," paliwanag niya. "Baka naman gusto niya na rin matapos na 'yung kaso para tuluyan ka nang malayo sa amin?" kunot noong tanong ni Dawin. Bumaling ang tingin ni Zyx sa kanya at nagkibit-balikat ito. "Hindi ko alam, pero sa tingin ko ay hindi niya naman iisipin na lumayo sa inyo, lalo na kay Craig dahil alam niyang magkakaibigan kami noon." Sumilay ang isang ngiti sa labi niya bago nagtuloy sa kanyang sinasabi, "Huwag n'yo nang intindihin iyon, ganyan naman talaga ang ugali ni Zeta—paiba-iba ang mood," dagdag niya. "Tara na, kain na tayo!" Sabay-sabay na napalingon ang tatlo nang dumating sina Zeta, Wren, Cahil, at Kristel na may dalang pagkain. Natuon na ang atensyon ng lahat sa pagkain. Habang si Craig ay hindi naaalis ang tingin kay Zeta na ngayon ay panay ang pakikipag-asaran kay Wren at Cahil. Sa pag-obserba niya sa tatlo ay sa tingin niya dati nang mahilig mag-asaran ang tatlo gaya ng nakikita niya. Pagkatapos kumain ay inaya na ni Zyx sina Craig at Dawin sa kanyang kwarto para pag-usapan ang sadya nila sa kanya. Pero napansin niya ang pagsunod ng kapatid niya sa kanila. "Saan mo balak pumunta?" agad na pagalit niya sa kapatid. "Sasama ko, bakit bawal ba? Ako ang leader ng grupo, 'diba? Kaya sasama ako!" giit ni Zeta. Hindi na nakapagreklamo pa si Zyx dahil nauna pa sa kanila ang dalaga na pumasok sa kwarto niya. Napabuntong hininga na lang siya at sabay-sabay silang tatlo na pumasok sa loob. Habang si Craig naman ay pinipilit na lang ang sarili na maging kalmado kahit ang totoo ay hindi siya mapakali na makasama si Zeta sa isang kwarto habang nagtatrabaho. "Ano ba talaga ang kinalaman nu'ng Marcel Delos Reyes sa kaso ng Fallen Angel?" tanong ni Zeta, bakas sa kanyang mukha na wala siyang masyadong alam sa nangyayari. Hinarap siya ni Zyx. "Naalala mo ba nu'ng nakaraang ipinahanap sa aking pangalan ni Craig, may lalaking nagngangalang Joshua Magno na kasama ni Karl sa selda? Ang naging kaso ng lalaking iyon ay k********g. At ang k-in-idnap niya ay isang batang babae." Sandali niyang nilingon sina Craig at Dawin na naupo sa kanyang kanan. "Tapos, nalaman nila na nakulong ang suspek pero hindi na nakita ang bata. Iyon ang nagbigay sa kanila ng rason para puntahan ang pamilya ng biktima para sana makahanap ng lead sa kaso. Pero iba sa inaasahan nila ang natuklasan nila... napag-alaman nilang si Marcel Delos Reyes pala ay miyembro ng Fallen Angel," paliwanag niya. "Oh, so ngayon, siya naman ang kikilalanin natin? Tama?" usisa ni Zeta. Tumango si Dawin. "Kukumpirmahin natin kung paano siya yumaman." Kumunot ang noo ni Zeta. "Huh? Bakit?" "Dahil maaring ang Fallen Angel ang rason paano siya yumaman," sagot ng kausap niya. Sumingit naman si Craig sa usapan nila. "Sa tingin ko, walang kinalaman ang sindikato sa pagyaman niya." Tumingin muna siya kay Dawin bago itinuloy ang kanyang sinasabi, "Naalala mo ba kanina 'yung sinabi niya? Narinig niya lang kung saan ang pangalan ng Fallen Angel. Maaring nagulat lang siya sa pagbanggit natin sa pangalan ng grupo kaya nadulas siya at nasabi niya iyon." "Kung ganoon pala, paano natin makukumpirma na miyembro nga siya ng sindikato?" tanong naman ni Zyx. Ngumisi si Craig sa kanya. "Nagtataka lang kasi ako, hindi ba masyadong coincidence na kasama ni Karl sa selda niya ang gaya ni Joshua na may kaso ng k********g na hindi na lumitaw ang biktima, at ang pamilya ng batang nawawala ay parang isinara na lang ang kaso para matapos na ang issue." Nagpalitan ng tingin ang tatlo. Tapos ay sinagot ni Dawin ang katabi niya. "Craig, nakita mo naman kung gaano kadesperada si Rita Delos Reyes na alamin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa anak niya, 'diba? Kaya paano mo naman naisip na parang gusto na nilang isara agad ang kaso?" "Dawin, si Rita lang ang interesado. Pero si Marcel, parang kampante lang siyang makipag-usap sa atin. Mas interesado pa nga siya sa takbo ng kaso kaysa sa k********g case, 'diba?" "Okay, so, anong gusto mong sabihin?" tanong naman ni Zeta. May kunot din ang kanyang noo. Hindi nawawala ang ngisi sa mukha ni Craig. "May kutob akong sinadya nilang ipakulong si Joshua para may maging tao sila sa loob ng kulungan. Kung babalikan natin ang impormasyong nakuha ni Zyx, isa sa dalawang palaging bisita ni Joshua ay isang babae na walang koneksyon sa kanya pero palaging bumisita sa kanya isang beses sa isang linggo. Maaring ang babaeng iyon ang nagre-report ng mga pangyayari sa loob ng selda." "Paano mo naman ipapaliwanag ang tungkol sa biglang pagkawala ni Shaira Delos Reyes?" "Hindi ko pa sigurado ang bagay na iyan, at aaminin ko sa inyong wala sa bagay na iyan ang isip ko. Ang tanging punto ko lang ay maaring si Marcel Delos Reyes na ang sagot paano tayo makakalapit sa sindikato," ani Craig. "Bakit kailangang may tao sila sa loob ng kulungan?" tanong naman ni Zyx. Si Dawin ang sumagot sa kanya. "Bago pa mangyari ang lahat ng ito, may hinala na kami ni Craig na may kasabwat ang sindikato sa mga pulis kung bakit malaya silang nakakagalaw na walang nakakahuli sa kanila. Pero sa nangyayari ngayon, sa tingin namin ay hindi lang pulis ang mata nila... mayroon ding preso at iyon nga ay si Joshua Magno." "At si Shiela Vicente naman na palaging bumisita sa kanya ang maaring nagpapaabot ng mensahe sa Fallen Angel tungkol sa lagay sa loob. At maaring isa na lang ding informant si Karl para sa kanila," dagdag pa ni Craig. "Kung alam n'yo naman pala na informant sina Joshua at Shiela, bakit lalayo pa kayo kay Marcel?" usisa ni Zeta. "Dahil hindi sila aamin kahit tanungin namin sila kung ano ang alam nila sa sindikato, wala kaming hawak na maaring magpilit sa kanila na sabihin nila ang gusto namin," ani Dawin. "Isang bagay pa, iyon ang gustong mangyari ng sindikato—na mag-focus lang kami kay Karl dahil siya lang ang kilala naming miyembro nila. Kaya kailangan naming lumiko sa inaasahan nilang mangyayari," dagdag muli ni Craig. "Pero... kung tama ang hinala n'yo na miyembro nga ng sindikato si Marcel. Malamang ay magsumbong na iyon sa grupo na nag-iimbestiga pa rin kayo at alam n'yo na ang tungkol sa nangyari sa anak niya. E 'di, alam na rin nila na may iba kayong lead?" sabi naman ni Zeta. Tumango si Craig sa kanya. "Tama ka, pero hindi nila maaring kalimutan ang posibilidad na kilala na rin namin ang iba nilang informant. Hindi nila mababasa ang galaw namin kung sino ang iimbestigahan namin," aniya. Sumingit sa usapan si Zyx. "Ibig mo bang sabihin ay itutuloy ninyong imbestigahan si Marcel Delos Reyes?" "Mismo!" "Hoy, sandali! Kaya ba kayo lumapit ulit kay Zyx ay para utusan na naman sila Wren at Cahil na magpanggap na ibang tao ulit gaya ng ginawa ninyo nu'ng hulihin ninyo si Karl? If that's the case, hindi ako papayag! Hindi pa nga magaling si Wren, eh!" giit naman ni Zeta. Ngumiti si Craig sa kanya. "Huwag kang mag-alala, gaya mo ay ayoko na ring ilagay kayo sa panganib. Kinausap ko lang si Zyx dahil may kakayahan siyang hanapin ang mga impormasyong mahirap hanapin." Tumingin siya kay Zyx at muling nagsalita. "Kaya ang ipapakiusap ko naman sa 'yo ngayon ay subukan mong maghanap ng impormasyon tungkol sa pagkawala ng batang si Shaira Delos Reyes. Tingnan mo kung may pag-asa ba tayong mahanap ang batang iyon." "Hahanapin natin ang batang iyon? Para saan. Craig? Akala ko ba wala sa isip mo ang kaso niya dahil focus nga tayo sa Fallen Angel?" agad na reklamo ni Dawin. Ngumisi sa kanya ang kausap. "Huwag kang mag-alala, tuloy pa rin ang pag-iimbestiga natin sa Fallen Angel. Kaya nga ang target natin ngayon ay si Marcel, 'diba? Pero gaya nga ng sabi ni Zeta, tiyak na makakarating na sa sindikato ang paglapit natin sa kanila. Kaya ibang paraan ang gagawin natin para maimbestigahan siya." "Anong paraan naman iyon?" "Isang paraan para hindi na muling masabak sa panganib ang grupo ni Zyx at isang mabisang paraan para maimbestigahan natin ang kilos ni Marcel Delos Reyes nang hindi napapansin ng Fallen Angel."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD