Chapter 33

2725 Words
CHAPTER 33 Napatulala na lang si Cahil sa katawan ni Wren na nakabulagta, tila hindi alam kung ano ang dapat niyang gawin. Pinanood niya ang pagkalat ng dugo ng kanyang kaibigan sa buo nitong katawan. Walang ibang laman ang isip niya at tila kahit ang bagay na dapat niyang gawin sa pagkakataong ito ay wala rin siyang ideya. Tila ipinapakita na rin niya kung ano ang kinahantungan ni Zeta nang makita nito ang nangyari kay Mirabel na pagbaril sa mismong harapan niya. Ito ang unang beses niyang makita ang kaibigan sa ganoong lagay, ang mabaril sa katawan at maligo sa sarili nitong dugo. Kahit kailan, hindi niya naisip na mangyayari ito sa lalaking inakala niyang pinakamagaling sa kanilang grupo pagdating sa ganitong uri ng trabaho. Hindi niya alam kung dala ba ito ng pag-iisip ng ganoon, o sadyang masyado lang siyang nagtiwala sa magagawa ng pulis para sa kaligtasan nila. Dahil sa sinapit ng kaibigan, tila nakalimot na siya kung paano ba kumilos at mag-isip, wala siyang ibang naririnig kundi ang mabilis na t***k ng kanyang puso. Halos mamanhid ang mga kalamnan niya na para bang wala na itong buhay para kusang gumalaw. Walang ibang laman ang isip niya kundi ang tanong na: "Bakit?" Nang makarinig si Dawin ng putok mula sa loob ng tindahan, agad niyang pinapasok sa loob ng bahay ang mag-asawa at binilinan na magpunta sa pinakatagong parte nito. Binilinan niya rin ang dalawa na huwag lalabas hangga't hindi niya sinasabing puwede na itong lumabas. Hindi pa man niya alam kung ano ang nangyari sa loob ay agad na kumabog ang dibdib niya at ang takot na iyon ay para sa kaligtasan ng dalawang itinuring na niyang kaibigan, wala siyang ibang hiniling kundi ang sana ay ligtas sila. Kailangan niyang bantayan ang mag-asawa, pero hindi niya kayang manatili na lang sa pwestong iyon habang inaalala ang lagay dalawang kaibigan niya na nasa loob, lalo pa't hindi niya alam kung saan o kanino galing ang putok na narinig niya. Nang masiguro niyang nakapagtago na sina Mario at Marites, agad siyang kumilos para pumasok sa loob ng tindahan. "Craig! Ano bang nangyari? Sinong nagpaputok?!" tarantang tanong niya sa kaibigan mula sa kabilang linya, ito lang ang matatanungan niya dahil kita nito ang mga nangyayari sa loob dahil sa mga CCTV. Bago pa makapagsalita ang kaibigan ay nakarinig muli si Dawin ang putok mula sa loob, iniwas niya pa ang kanyang katawan na para bang 'yung putok ay sobrang lapit lang sa kanya. [Dawin, puntahan mo sila Wren—] [Dawin, puntahan mo ang mga kaibigan ko! Please, tulungan mo si Wren, nabaril siya! Kanina ko pa tinatawag si Cahil pero nakatayo lang siya at hindi sumasagot, tulungan mo sila!] singit ni Zyx, taranta ang kanyang boses at halatang inagaw lang niya kay Craig ang mic nito. "Copy," sagot ni Dawin. Mabilis siyang kumilos para pasukin ang loob ng Grocery Store. Dahil sa likod siya nagdaan, mula sa bahay ng mag-asawang Solis, dumaan muna siya sa maliit na bodega o parang stock room ng mga iba pang paninda. Naging paraan ito para makasilip pa siya sa nangyayari. Ilang putukan ang muli niya narinig habang nagtatago siya. Pagsilip niyang muli sa pinto ay doon niya nakita ang posisyon ng mga kasama niya, lahat sila ay nakatago sa kanya-kanyang shelves ng mga paninda sa loob. Nakikipagpalitan ito ng putok kay Karl. Nasa walong pulis ang nakumpirma ni Dawin na kasama niya sa loob ng tindahan, sila ang nakikipagharap kay Karl. Nang masiguro niya iyon ay bumaling na ang tingin niya sa counter, nakita niya na hanggang ngayon ay nakaupo lang si Cahil. Kumunot ang noo ni Dawin dahil hindi niya maintindihan kung ano na ang ginagawa ng binata. Ang unang pumasok sa isip niya ay puntahan ang dalawa dahil alam niyang may tama si Wren. Hindi niya alam kung ano na ang lagay ng kaibigan dahil kahit sina Craig ay walang ideya tungkol dito. Ang tanging hiling lang niya ay ayos lang ito at may aabutan pa siyang pulso kay Wren. Agad na sinipat ni Dawin ang paligid, kinalkula niya kung paano siya makakalapit sa dalawa. Pero mula sa pwesto niya, open are ang lugar na lalakaran niya para makalapit siya sa counter—bagay na hindi niya babalaking lakarin nang ganoon na lang. Bumaling ang tingin niya sa mga shelves kung saan naka-display ang mga items sa loob ng tindahan. Iyon lang ang nakikita niyang paraan para makalapit sa dalawa, ang dumaan at magtago sa bawat shelves nito. Ibig sabihin, kailangan niya ring hanapin kung saan ang lokasyon ni Karl. Kailangan niyang masiguro na wala na itong mababaril pang muli sa kahit sino sa dalawa nilang asset. Hindi madalas ang nagiging putukan, sa tuwing nagkaroon lang ng pagkakataon ang mga pulis na makita si Karl ay saka lang sila gaganti ng putok. Alam ng magkabilang panig na pareho silang hindi dapat mag-asksaya ng bala para maiwasang malugi sa laban. Sinamantala ni Dawin ang pagkakataong ito para makasimple ng paglapit. Sa unang pulis na malalapitan ni Dawin ay agad niya itong tinapik sa balikat para makuha ang atensyon nito. "Anong situation dito?" tanong niya. Lumingon ang pulis sa kanya at sumaludo. "Nasa ikatlong shelf ang suspect, Sir. Isa sa asset ang binaril niya, kaya wala na kaming naging choice kundi ang lumaban na rin," aniya. Napaulunok si Dawin nang marinig iyon, nang marinig niya kina Craig at Zyx ang nangyari ay hindi ito agad nagproseso sa kanya. Pero ngayong may iba pang tao na nagsabi sa kanya, tila tuluyan nang tinanggap ng sistema niya ang nangyari. "Okay. Lilipat ako ng shelf, cover me," utos niya. "Yes, Sir!" Agad na pumosisyon ang pulis gaya ng utos ni Dawin. Hindi na nagdalawang isip ang binata na lumipat sa kabilang shelf. Nang makalipat siya ay ngayon niya nakita kung gaano kalayo ang mga shelf sa posisyon ng counter. Ibig lang sabihin, hindi ganoon kadali na lapitan iyon. Sa tingin niya ay nasa pang-anim siyang shelf. Ang katapat na bilang na shelf naman ng counter ay pangatlo—pareho kung nasaan si Karl. Lalo niyang naisip kung gaano kahirap na lapitan ang dalawa kung ganito ang posisyon. Sa sunod na shelf na pinuntahan niya ay walang pulis, wala siyang maaasahan na maaring magprotekta sa kanya para lumipat sa susunod na shelf. Pero hindi siya puwedeng tumigil, kailangan niyang kumilos para lapitan si Wren. Habang pumapatak ang oras, isang buhay ang nakasalalay. Hindi kaagad makaalis sa pwesto si Dawin, matindi ang ginagawa niyang paghahanda para tumawid sa kabilang shelf dahil alam niyang maaring anomang oras ay lumitaw si Karl para muling magpaputok, hindi niya masasabi kung magagawa niya itong ilagan dahil nga shelf lang ang tataguan. Malayo na siya sa unang pulis na nag-cover sa kanya, at sigurado siya na sa pagtago niya sa shelf na ito ay nagtago na rin iyon. Hindi niya naman ito maaring sigawan para muli siyang i-cover. [Dawin,] tawag ni Craig sa kabilang linya. Agad na napahawak ang binata sa kanyang headset nang marinig ang boses ng kaibigan. "Ano?! Ano na bang nangyayari? Bakit ba nawawala kayo?!" taranta niyang tanong, pero ginawa niya ang lahat para maging mahina lang ang boses niya. Habang naghihintay sa magiging sagot ng kausap ay tumingin pa sa paligid si Dawin, sinilip kung may ginagawa bang kilos ang mga kasama niya o di kaya ay si Karl. Pero hanggang ngayon ay nananatiling walang gumagalaw sa mga ito. [Pasensya na, pare. Pinakalma ko kasi si Zyx, nanginginig kasi dahil sa nangyari kay Wren. Tapos hindi pa rin namin makausap si Cahil,] paliwanag niya. Napabuntong hininga na lang si Dawin, inintindi niya ang nangyayari dahil alam naman niyang kahit kanino iyon mangyari ay ganoon talaga ang magiging reaksyon. [Ako na muna ang mag-take over sa trabaho ni Zyx,] dagdag pa ni Craig. Hindi alam ni Dawin kung ano ang ibig nitong sabihin sa pag-take over, pero hindi na lang niya ito inintindi dahil mas importante na malapitan niya ang dalawa nilang asset. "Sige, makikita mo ba kung nasaan si Karl?" tanong nito. Gaya kanina ay mahina pa rin ang kanyang boses bilang parte ng pag-iingat. [Oo, sasabihan ko na lang ang iba na bantayan ka, unahin mo na sina Wren,] utos nito. Tumango na lang si Dawin at kumilos para iposisyon ang sarili na handa nang tumawid sa counter. "Pare, kung tatawid ba 'ko mula rito papunta sa counter, magagawa mo akong bantayan?" tanong ni Dawin. [Sigurado ka ba riyan? Hindi ba parang sobrang aga para tumawid ka agad doon? Lumipat ka muna ng shelf!] suhestiyon ni Craig. "Alam mo kung nasaan si Karl, 'diba? Katapat niya lang ang counter. Kung lilipat pa ako ng shelf, mas mapapalapit ako sa kanya. Mas mainam nang malayo ako para mas may pagkakataon pa akong makaiwas," paliwanag niya. Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Craig. [Sige, bahala ka. Maghintay ka sandali, ipoposisyon ko muna sila para mabantayn ka,] aniya. "Copy." Naririnig ni Dawin ang mga sinasabi ni Craig na instructions sa mga kasamahan nilang pulis, habang naghihintay sa pag-ayos ng usapan ay sumama siya sa pag-cover sa mga kasama niyang naglilipat ng pwesto. Hanggang sa dumating ang pagkakataon na biglang lumitaw si Karl at nagpaputok ng tatlo. Maswerteng nakailag si Dawin, pero hindi ang isa sa mga kasama niya—tinamaan at bumulagta ang unang pulis na nag-cover sa kanya. Naging dahilan iyon para kusang gumanti si Dawin ng dalawang putok kay Karl. "Long time no see, Sir Torres! Kasama ka na pala sa laro, hindi mo naman agad sinabi!" sigaw ni Karl. Naikuyom ni Dawin ang kanyang kamao, pagkatapos na pumatay ng isang tao, parang masaya pa ang tono ng boses nito. Tila wala na talagang kaluluwa ang lalaking iyon dahil parang isang natural na bagay na lang para sa kanya ang pumatay. Ayaw mang isipin ni Dawin ito, pero may palagay siyang ganoon na rin ang sinapit ni Wren. Pero sa kabilang banda, ayaw niyang mangyari iyon. Pinilit ni Dawin na ngumisi, isang ngisi na may halong pagkapikon. "Oo nga, sa sobrang tagal, hindi ko na alam kung gaano kalaki ang pinagbago mo. Dati maliit na demonyo ka lang, ngayon bumibilis yata ang paglaki mo," aniya. Habang nakikipag-usap si Dawin kay Karl, kinuha na ni Craig ang pagkakataon na ito para mapabilis ang pagkilos ng mga kasama niya. Malaking diadvantage para sa kanya na nakapwesto si Karl sa blindspot ng camera, hindi niya alam kung kailan ito kikilos o kung ano man ang ginagawa nito. Hindi niya alam kung kabisado ba nito ang bawat sulok ng tindahan na may nakalagay na CCTV, pero hindi niya maiwasang hindi mapikon dahil mautak ito. "Nakakatuwa naman na nakikita mo ang paglaki ko. Kaya lang, kung alam mo na palang lumalaki ako, bakit hindi mo maramdamang malapit ko na kayong madaig? Talagang hindi pa kayo nadala noong nakaraang taon, tuloy pa rin kayo sa paghuli sa akin. Hindi n'yo ba naisip na baka sayang lang ang effort ninyo?" ani Karl, nasa tunog ng boses niya ang pang-iinsulto sa kausap. Napahigpit ang hawak ni Dawin sa baril niya nang marinig niya iyon, bumalik na naman sa alaala niya ang nakaraan nang malagasan din sila ng mga tao noon. Ganito rin ang halos nangyari noon, madaming tao ang nadamay dahil lang sa pagtangka nilang paghuli kay Karl. Ang kaso, masyado nang huli para pagsisihan pa nila ang ginawa nilang desisyon. Wala nang ibang paraan para matapos ang gulong ito kundi ang tuluyan nang mahuli si Karl. Iba ang nangyari noon, at iba rin ang mangyayari ngayon. Kung dati ay nagawa ni Karl na takasan ang batas, ngayon ay sinisiguro ni Dawin na sa kamay nila ni Craig ay hindi na siya makakawala. Bumalik ang ngisi sa mukha ng binata, ngayon ay isa na itong ngisi na may halong kumpiyansa sa sarili. Tila nakatulong ang mga naiisip niya para lumakas ang loob niya. "Hindi mo ba naisip na isang taon na ang nakakalipas at malamang ay marami nang nagbago? Hindi mo alam kung ano ang mga inihanda namin para sa'yo. Pero hayaan mong i-spoil kita ng kaunti, alam mo bang nakahanda na ang rehas na titirhan mo?" sagot naman ni Dawin. Isang tawa mula kay Karl ang umalingawngaw sa buong kabuuan ng lugar, tila isang tawa iyon na alam na niya ang mga mangyayari at sigurado siyang hindi matutupad kung ano man ang sinasabi ng kausap niya. "Joker talaga kayong mga pulis, hanggang salita at yabang lang naman ang kaya ninyong gawin. Wala nga kayong alam sa kung ano ang kaya naming gawin at kung ano ang mga nagawa na namin. Huwag mo nga akong patawanin, alam ko ang bawat kilos ninyo at hindi mo 'ko maloloko sa mga ganyan mo!" aniya. Naningkit ang mata ni Dawin nang marinig iyon, tila tumatak sa isip ng binata ang huling sinabi ng kausap niya. Walang ibang bagay na sumagi sa isip niya kundi ang tanong na: "Totoo kaya ang hinala ni Craig na maaring may kasabwat ang Fallen Angel sa loob ng kanilang opisina?" Hindi agad nakaimik si Dawin sa kausap, tila inisip niya munang mabuti kung sino ba ang maaring maging mata ng sindikato sa loob ng puslisya. Pero sa lawak ng kanilang opisina, hindi niya iyon ganoon kadaling malalaman. At malamang, hindi magpapakilala kung sinoman ang pulis na iyon. Tiyak niyang nakatago ito sa chapa ng kanyang uniporme at nagpapanggap na isang marangal na tao. "Kung alam mo ang bawat kilos namin, malamang alam mo na rin kung ano ang plano namin para sa 'yo?" tanong ni Dawin, tila isang bitag ang tanong na iyon. Simple lang iyon at alam niyang hindi ganoon kadali na mabitag si Karl doon, pero ayaw niyang palampasin ang pagkakataon na ito na makakuha kahit kaunting impormasyon manlang mula sa kausap niya. "Huwag mo ako utuuin, halata namang wala talaga kayong plano. Kating-kati lang talaga kayong hulihin ako kasi hindi n'yo matanggap na hindi n'yo ako kaya!" ani Karl. Natawa ng mahina si Dawin, hindi niya inakala na bibigay nga ng ganoon si Karl. Ngayon ay nakumpirma niya na wala talagang alam ang kausap niya sa mga plano nila ni Craig, ibig din sabihin, hindi si Sir Ocampo ang kasabwat na pulis ni Karl sa loob ng kanilang opisina—kung meron nga talaga. Isang pulis ang tahimik na nakarating sa pwesto ni Dawin, may ilang dipa ang layo nito sa binata pero pareho silang nagtatago sa gitna ng dalawang shelf. Lumapit ito para isenyas sa kanya kung nasaan ang mga kasamahan nila. At handa na rin sila sa balak ni Dawin na lapitan ang magkaibigan. Agad na tumango ang binata nang maintindihan na niya ang lahat ng binilin ng kasamahan niyang pulis. Pagkatapos ng pag-uusap ay bumalik sa dating pwesto ang pulis na nakausap ni Dawin, naging hudyat naman iyon ng binata para ihanda ang kanyang sarili sa susunod na mangyayari. "Ganoon ba ang tingin mo? Kung maliitin mo kami, parang lahat ay kaya mo nang gawin. Hindi mo nga kami magawang takasan ngayon, akala ko ba malakas ka? Lumabas ka riyan kung talagang matapang ka!" hamon ni Dawin. Sinusubukan ng binata na alamin kung saan nakapwesto si Karl, bilang parte na rin ng pag-iingat niya sa pagtawid sa counter. Bumaling na ang tingin ni Dawin sa counter, napakunot ang kanyang noo nang mapansing hindi na niya nakikita si Cahil. Walang ibang hiling ang binata kundi sana ay natauhan na ito kaya ito nawala, nawa ay nagawa na nitong mag-isip ng susunod na dapat niyang gawin. "Hindi ako kasing tanga ng inaakala mo, Torres. Kung gusto mo pala ng lantaran, bakit hindi ikaw ang gumawa? Tingnan natin kung tatablan ka ba ng bala ko?" hamon pabalik ni Karl. Isang ngisi muli ang dumapo sa labi ni Dawin. Naging hudyat ang sinabi ng kalaban sa kanya para tumayo at magkaroon ng lakas ng loob na sumigaw, "Sige, barilin mo kung kaya mo!" aniya at mabilis na tumakbo palabas ng shelf. Nang makalabas siya ng shelf ay huminto siya sa gitna ng daan para paputukan si Karl. Ginawa niya ito para kahit papaano ay bulabugin ito at malaman niya ang exact location nito. Sumubok lumitaw si Karl para gumanti ng putok pero bago pa siya makaputok ay mabilis na nagpaulan ng putok ang pitong pulis na nakaposisyon para protektahan si Dawin. Isang tawa ang kumawala sa bibig ng binata, "Ano? Panis ka pala, eh!" aniya saka patakbo nang nilapitan sina Wren at Cahil para alamin ang kondisyon nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD