Chapter 20

2712 Words
CHAPTER 20 Inako na ni Zyx ang trabaho dapat ni Wren na magbantay ng Computer Shop nila, kalimitan ay siya ang bumibili o nag-o-order ng pagkain nila dahil abala na nga ang mga kaibigan niya sa shop at iyon na lang ang maari niyang maging ambag. Pero iba ngayon, pinilit siya ni Wren na siya na ang bahala sa pagbili ng tanghalian ngayon at puwedeng si Zyx naman ang magbantay sa Computer Shop. Wala namang problema iyon kay Zyx dahil pabor nga sa kanya ang maupo na lang sa harap ng computer kaysa humawak ng telepono o cellphone para mag-order ng pagkain. Ang pinaka ayaw niya kasing parte nito ay ang pag-iisip kung ano ang puwede niyang order-in ngayon. Kilala ng grupo si Wren na ang tanging bagay na gustong gawin ay 'yung bagay na hindi siya mahihirapan o hindi siya maglalaan ng sobrang effort o pagod. Halimbawa na lang ng pag-order ng pagkain, ayaw niya ng ganoong trabaho kasi ayaw niya rin ng nag-iisip kung ano ang dapat niyang i-order. Kaya sobrang kakaiba na malaman na nagkusa itong lumabas ng bahay para pumunta ng karinderya at bumili ng pagkain nila ngayong tanghalian. Isang bagay pa na hindi ginagawa ni Wren ay ang magbantay sa Repair Shop, minsan kasi siyang pinagbantay at nainis lang siya sa isang customer ng hindi magawang ipaliwanag ng maayos kung ano ba talagang nangyari sa CPU niyang nasira. Mula nang araw na iyon, inayawan na niya talaga ang magbantay sa Repair Shop. Katwiran niya kasi ay hindi komplikado ang trabahong mag-aasikaso ka ng taong magrerenta ng PC. Bukod pa rito ay masasabing kakaiba rin kay Wren ang maghatid ng customer na nagtanong sa kanya kung nagre-repair sila at kung saan puwedeng lumapit hinggil dito. Madalas na unang nagpupunta sa Computer Shop ang mga customer na magpapagawa ng gamit nila dahil nga ito ang nasa bungad pagpasok ng gate, pero ang ginagawa niya lang ay ituro kung saan ito... ngayon lang nangyari na hinatid niya ang isang tao lang. At ang mas lalong nakakapagtaka ay ang ginawa niya na siya mismo ang nag-ayos ng laptop nu'ng customer; dahil nga ayaw niya ng kumplikadong trabaho gaya nito. Ito ang mga pangyayaring tumatakbo ngayon sa isip nina Cahil at Zyx... na sa isang iglap... nagbago bigla ang kaibigan nila dahil lang sa isang babae. Dahil silang magkakaibigan, hindi nila ito nagawang baguhin. Iba ang atake ng bagong dating na babaeng iyon. At iisa lang ang laman ng isip nilang dalawa, tila tinamaan na ng pag-ibig ang binata. Isang himala kung ituring nila, dahil kahit masayahin at malokong tao si Wren ay ni minsan... hindi siya nagkaroon ng interes sa babae; akala nga nila ay pusong bato rin ito gaya nila. Hindi pa man nila lubusang kilala 'yung babae na ultimo pangalan nito ay hindi nila alam ay hinayaan na lang nila si Wren kung ito man ang bagong nagpatibok sa puso niya. Dahil halos apat na taon din siyang nawalan ng gana sa babae. Ang unang babaeng nagustuhan ni Wren ay si Zeta. Nangyari ito noong bago palang sila magkakilala at bago palang ang grupo nila. Hindi malinaw ang naging rason paano nagsimula ang espesyal na pagtingin ng binata sa kasamahan niyang babae pero bigla na lang din itong sumibol at buong tapang niya itong inamin kay Zeta. Kaya lang, noong mga panahon na iyon ay wala pang interes sa pag-ibig ang dalaga. "Kung may mamahalin man akong lalaki, ayoko ng liligawan pa ako para mahalin ko rin siya. Gusto ko kapag umamin sa akin 'yung lalaki, may gusto na rin ako sa kanya. Ayokong paasahin ang isang lalaki na may mapapala siya sa akin kung una pa lang alam ko nang wala naman akong nararamdaman sa kanya." Iyon ang katwiran niya, isang patunay lang na hindi niya tinanggap si Wren. Nang marinig ng binata ang naging sagot nito sa pag-amin niya, itinatak niya rin sa isip niya na hindi rin dapat ibuhos ang lahat ng pagmamahal na meron ka sa isang babae na hindi mo siguradong mamahalin ka rin. Naging inspirasyon si Zeta kay Wren na dapat ang susunod na babaeng magugustuhan niya ay gaya niya o 'di kaya ay higit sa kanya... at sa puntong ito, tingin ng binata ay nakakita na siya ng babaeng pasok sa hinahanap niyang tipo. "Puwede ba tayong gumamit ng kotse pabalik sa inyo? Ang init kasi, saka hindi talaga ako sanay lumabas. Naiilang ako kapag may nakakakita sa akin," ani Wren, palabas na sila ng gate para pumunta sa karinderya nina Kristel. Tumingin sa kanya ang dalaga habang may ngiti muli sa labi. "Huwag ka sanang ma-o-offend, ha? Pero hindi kasi ako sumasakay sa sasakyan kasama 'yung taong kakakilala ko pa lang. Ayos lang ba kung maglakad lang tayo, malapit lang naman 'yung bahay namin dito. Kung hindi mo talaga gustong maglakad, puwede naman na ako na lang ang umuwi at kumuha ng order mo at ipapa-deliver ko na lang—" "Ah, hindi na. Sige, sasamahan na lang kita. Mas nakakahiya kung papauwiin kita ng mag-isa, saka curious din naman ako kung saan ang pwesto ng karinderya ninyo," sagot niya at mas napangiti pa siya lalo dahil sa sinabi ni Kristel. Hindi na lang pinansin ng dalaga ang abot tainga nitong ngiti, tumango na lang siya kay Wren at nauna nang lumabas at naglakad papunta sa karinderya nila. Sinabayan naman siya maglakad ni Wren. "Lagi ka bang naglalakad dito mag-isa?" aniya. Iniangat niya pa ang kanan niyang kamay para ilagay sa noo niya bilang pananggalan sa init ng araw. Halos nakapikit na rin siyang maglakad. Samantala, tila hindi alintana ni Kristel ang init. Parang natural na lang ito sa kanya dahil hindi niya ginagawa ang gaya sa binata. "Oo, kaya sanay na ako sa araw." Bumaling sandali ang tingin ni Wren sa kanya, tapos nang maglita siya ay ibinalik na niya sa daan ang tingin. "Ang galing naman, sanay ka sa init pero mas maputi ka pa sa akin," aniya saka ipinakita pa ang braso niya. Natawa na lang si Kristel doon. "Oo nga pala, sino si Zeta? Sorry sa tanong, pero narinig ko kasi kanina na pinag-uusapan n'yo siya. Curious lang ako kasi kayong tatlo lang naman ang nakikita ko na may-ari ng shop," aniya. Napangiti sa kawalan si Wren nang marinig ang tanong niyang iyon. "Apat kami talagang magkakaibigan, si Zeta ay kapatid ni Zyx. Ka-sosyo rin namin siya sa dalawang shop." Pero bago ituloy ang sasabihin, naging malungkot ang ekspresyon ng mukha ng binata. "Ang kaso, may sakit kasi siya... kaya hindi niya nagagawang magpakita sa shop. Lagi lang siyang nasa loob ng bahay." "Sakit? Anong sakit?" muling tanong ng dalaga. Hindi kaagad nakasagot si Wren, nagdalawang isip kasi siya kung dapat bang sabihin sa ibang tao ang kondisyon ng kaibigan niya. Idagdag pa na sensitibo ang sitwasyon nito. Sa kabilang banda, gusto rin naman magkaroon ni Wren ng ibang taong makakausap tungkol sa sinapit ni Zeta para makakuha ng opinyon o suhestiyon na maaring makatulong sa stiwasyon nito. "Truma... nakita niya kung paano namatay ang isa pa naming kaibigan. Mula n'on, bigla na lang siyang hindi nagsalita," kwento ni Wren. Maya-maya lang ay nakarating sila sa pinaka kanto. Mula rito ay tumawid ang dalawa dahil nasa kabilang kanto ang bahay ni Kristel. Natagalan ang pagsagot ng dalaga sa kanya dahil dito. "I'm a psychology student, napag-aralan na namin ang iba't ibang case ng trauma. At sa tingin ko sa sinapit ni Zeta, kailangan niya ng support galing sa inyo para mas mapabilis ang paggaling niya. Much better kung sa family niya manggaling ang support, malaking tulong din 'yung lagi siyang kinakausap," ani Kristel. "Iyan din ang sinabi sa amin ng Doktor na tumingin sa kondisyon niya. Ang kaso, ang tanging pamilya na lang na meron si Zeta ay si Zyx at kami ni Cahil," malungkot niyang saad. Alam ni Kristel na wala na siya sa posisyon para usisain pa kung bakit ganoon ang sinabi ni Wren, ayaw niyang siya mismo ang umungkat sa buhay ng taong hindi pa niya nakikilala. "Wren, ayoko talaga manghimasok. Pero, bilang isang tao, naniniwala ako na merong kung sino ang nasa puso ni Zeta na sobrang espesyal sa kanya na maaring makatulong sa sitwasyon niya ngayon." Napatingin sandali sa kanya ang binata, dahilan para mapatingin din siya rito bago itinuloy ang sinasabi niya. "Huwag mo sanang mamasamain ito, pero sa tingin ko, wala sa inyong apat 'yung taong kailangan niya ngayon para magtiwala siyang muli na mamuhay sa normal na mundo. Siguro, kapag nakita niya ulit ang taong 'yon... maaring mabalik ang sigla niya," paliwanag niya. Napahinto sa paglalakad si Wren nang marinig iyon. Tila wala na siyang pakialam kung mainit pa sa naging pwesto kung saan siya huminto. Pero 'yung mga sinabi ni Kristel sa kanya, para bang nagbigay ito sa kanya ng ideya kung sinong tao ang maaring espesyal kay Zeta... iyon ay si Craig. 'Yung pulis na sinasabi ni Zyx na nakasama rin nila sa ampunan, 'yung gusto niyang makausap para magbaka sakaling matulungan si Zeta. Tila nahiwagan si Wren sa pagkatao ni Kristel, alam niyang hindi manghuhula ang babaeng ito at lalong wala itong alam sa buhay nila at ni Zeta. Pero sa isang iglap, para bang isa siyang senyales na ibinigay sa kanya para pag-isipan ang gustong mangyari ni Zyx. Kumunot ang noo ng dalaga nang humarap sa kanya si Wren. "Bakit?" tanong niya. "Paano kung 'yung taong maaring magbalik ng dati niyang sigla, ay parehong tao na ayaw na naming makita?" makahulugang tanong ng binata. Ayaw niyang maging komplikado ang maging topic nilang dalawa, sa totoo lang ay mas gusto ni Wren kung ang pag-uusapan nila ay tungkol sa kanilang dalawa o 'di kaya ay kung single pa ba si Kristel. Pero ayaw niya ring palampasin ang pagkakataon na makuha ang sagot na kailangan niya para sa kaibigan niya. Napaiwas ng tingin ang dalaga sa kanya, hindi niya inasahan na magiging ganito ang unang bagay na pag-uusapan nila ng bago niyang nakilalang kaibigan. Pero naniniwala siyang may rason ang binata kung bakit itinanong niya ito. "Dalawa lang naman 'yan, Wren. It's either, hahayaan n'yong maging ganoon na lang si Zeta habang umaasa na magsasalita rin siya in no time. Or... iisipin n'yo na kahit kailan, hindi naging mabuti ang may tao kang inaayawan. Malay mo, ito na rin 'yung chance para maging ayos na kayo sa taong iyon, 'diba?" Tahimik lang si Wren, nakatingin lang siya kay Kristel nang sinasabi niya ang mga salitang iyon. Para bang sa paraan ng pagsasalita niya, iminumulat siya nito sa mga mali niyang pananaw sa buhay. "Hindi naman natin masasabi ang mangyayari, eh. Life is all about the matter of your choice. Ikaw mismo ang pumipili kung paano mo gustong tumakbo ang buhay mo," dagdag pa nito. "Pero paano si Zeta? Ibig mo bang sabihin, choice niya rin na maging ganoon na lang siya?" tanong pa ni Wren. Tumingin sa kanya ang dalaga, tila gusto niyang ipaunawa na dapat intindihing mabuti ni Wren ang sasabihin niya, "Sa lagay ng kaibigan mo, madilim ang mundo niya. Kaya kailangan niya ng gaya ninyo na magdadala sa kanya muli sa liwanag. In other words, nasa inyo pa sa ngayon ang desisyon kung ano ang mangyayari sa kanya in the end." Agad na nakaramdam ng panghihinayang si Wren, walang ibang lamang ang isip niya kundi: "Kung sana ay hindi pulis si Craig, malamang matagal nang magaling si Zeta." Bumalik sa daan ang tingin ni Wren habang nakangiti at nakapamulsa. "Nasasabi mo lang 'yan kasi hindi mo naman alam ang buong kwento tungkol sa amin," aniya. Napabuntong hininga si Kristel, alam niyang posible talagang maging ganoon ang reaskyon ng binata sa mga sinabi niya. "Tama, hindi ko alam ang kwento ng buong buhay ninyo. Pero, hiningian mo ako ng sagot sa tanong mo, 'diba? Kaya iyon lang ang ginawa ko, sinabi ko lang ang tingin kong makakatulong sa 'yo tungkol sa problema ni Zeta," katwiran niya. Ibinalik muli ng binata ang tingin niya sa kausap. "Sa tingin mo ba, papakinggan ni Cahil kung dalawa na kami ni Zyx ang magsabi sa kanya na subukan naming lapitan 'yung taong tingin namin ay espesyal kay Zeta?" Hindi sumagot ang dalaga, tila naguluhan ito sa naging tanong sa kanya ni Wren at kumunot lang ang noo niya sa kausap. Kaya muling nagsalita ang binata, "Nu'ng nakaraan kasi, pinagtalunan na naming tatlo nina Cahil at Zyx ang tungkol sa pagkausap muli sa taong 'yon. Pero tumutol kami ni Cahil, dahil nga hindi talaga namin gusto ang ideya. Pero ngayon, kung dalawa na kami ni Zyx na magsasabi ng ideyang 'yan, mababago rin kaya ang isip niya gaya ko?" "Kayo ang makakasagot niyan, Wren. Kung may tiwala ka na magkakaintindihan kayong tatlo at gusto n'yo pare-pareho na mapabuti ang lagay ni Zeta, naniniwala akong maiisip ninyo ang tamang desisyon para sa lagay niya," ani Kristel. Hindi man malinaw lahat sa isip ni Wren kung ano talaga ang punto ng kausap niya, desidido pa rin siyang subukan na siya naman ang kumumbinsi sa grupo na makipagkita kay Craig. Ngumiti si Wren sa kanya. "Salamat," aniya. Napangiti na lang din si Kristel. "Sa payo mo, nabigyan mo ng linaw 'yung isip ko." Napakamot bigla ng ulo si Wren. "Ang totoo kasi niyan, isang taon na kami rito sa lugar na ito pero ngayon lang ako may nakausap na ibang tao bukod sa mga kaibigan ko. Kaya, talagang nakatulong ka sa problema ko," dagdag pa ni Wren. "Ayos lang 'yon. Kapag kailangan mo ng kausap, nandito lang ako at handang makinig sa 'yo," malumanay na sambit ng dalaga. Agad na sumigla ang reaksyon ni Wren. "Talaga? Ibig sabihin, hindi lang tayo ngayon magkikita? Puwede kitang dalawin sa inyo o 'di kaya ay pupunta ka na ng madalas sa Computer Shop namin?" tanong niya. Pagak na natawa ang dalaga, tila sa isang iglap ay bumalik ang kausap niya sa lalaking nakausap niya pagpasok palang ng shop nila. "Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Kapag kasi naayos ang laptop ko, hindi ko na kailangan mag-rent ng PC. Saka isa pa, paano ka bibisa sa akin kung ikaw ang nagbabantay sa computer shop ninyo?" Napaisip din si Wren dahil tama ang katwiran ni Kristel. "Ah, ganito na lang... palagi na lang kaming bibili ng pagkain sa karinderya ninyo para lagi pa rin tayong magkikita. Ayos ba 'yon?" Agad na tumango ang dalaga. "Ikaw ang bahala," aniya. Tila nagbigay ng pag-asa iyon kay Wren na maari pang magtuloy ang nasimulan na nila ng dalaga. Hindi na siya makapaghintay na mapag-usapan nilang dalawa ang bagay na gusto niyang maging topic nila. "Sige, tara na?" aya ni Wren na nakalahad ang kamay bilang pagturo na puwede na ulit silang maglakad. Mula sa hinintuan nilang pwesto nu'ng mag-usap sila, hindi nama na iyon malayo sa bahay at karindeya nila Kristel. Nang makarating si Wren sa bahay ng dalaga, hindi niya inaasahan na may kalakihan pala ang karinderya nila. Gaya lang ito ng set up sa kanila na katabi ng negosyo niya ang kanilang bahay. At natuwa pa ang binata nang mapasok niya ang lugar, hindi ito isang ordinaryong karinderya... malinis at elegante ito tingnan kumpara sa mga karinderya na nakikita niya. Sigurado siya na kapag narating din ng mga kaibigan niya ang kainang ito, magugustuhan din nila ito. Mababago ang pananaw nila sa itsura ng isang karinderya. Isa rin kasi sa dahil kung bakit ayaw nilang bumili sa ganitong tindaan ay minsan na silang nakakuha ng buhok sa binili nila mula sa karinderya. Pero sa ganda ng pwesto nila Kristel, tiwala si Wren na hindi na iyon mauulit. Napansin din ng binata na may isang blackboard sa isang gilid kung saan nakalista ang menu para sa araw na ito, napangiti siya dahil mas madaling pumili ng bibilhin sa ganitong set up. Si Kristel na mismo ang nag-asikaso sa order ni Wren. Pumwesto siya sa counter at nakangiting tinanggap kung ano ang order ng bago niyang kaibigan. Isinama na ni Wren ang ulam nila para mamayang gabi, aminado ang binata na mas nakatipid siya sa pagbili niya rito. Nang iabot na sa kanya ni Kristel ang lahat ng order niya ay nginitian niya ito. "Sana, makilala ka rin ni Zeta," aniya. Ngumiti ang dalaga pabalik sa kanya. "Kapag gumaling na siya, promise ko sa 'yo... ako mismo ang makikipagkilala sa kanya."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD