Matapos ang duty ni Grace sa clinic ay dumiretso na rin siya sa kaagad sa building kung saan naman ang kaniyang review. Ganado siya ngayong araw at talagang naka-focus siya sa kaniyang pagre-review. Halos hindi nga niya mamalayan ang oras sa sobrang focus niya.
“Grace, tara na sabay na tayong umuwi.” Napatingala pa siya sa nagsalita. Si Glaiza pala iyon, ang kaniyang bagong kaibigan.
“Sige,” maiksing sagot niya rito.
Malapit lang din sa Stadium University ang kanilang tinitirahan, kaya naman isa pa iyon sa kaniyang ipinagpapasalamat. Nakilala niya si Glaiza noong nag-uumpisa na siyang mag-review at nalamang pareho lang naman pala sila ng tinutuluyan nito. Sa iisang dormitory lang kasi sila nakatira, magkaiba lang ng kuwarto.
Matapos siyang magligpit ng kaniyang mga gamit ay agad na rin siyang tumayo at magkapanabay na sila ni Glaiza na lumabas ng silid na iyon. Naglalakad na sila sa labas ng University nang mabangga ang balikayt niya ng kung sino mula sa kaniyang likuran. Bahagya pa siyang tumalsik, mabuti na lang at nakaabrisyete siya kay Glaiza.
“Aray!” daing pa niya. Handa na siyang tarayan ang nakabangga sa kaniya nang humarap ito sa kaniya. Nakasuot ito ng puting polo at itim na slack habang naka sukbit sa balikat nito ang kulay itim at asul na duffle bag. Biglang parang naumid ang kaniyang dila nang makilala niya ang nakabangga sa kaniya.
“Sorry!” hinging paumanhin nito habang nakahinto na ito sa kaniyang harapan ngayon. “Nurse Grace ikaw pala. Sorry, hindi kita napansin,” nahihiyang turan nito sa kaniya ng makilala rin siya nito. Para namang bulang naglaho ang pagkainis niya sa lalake at otomatikong napangiti siya rito.
“O-okay lang, medyo masakit lang,” nauutal pa niyang pahayag dito sabay ngiti kay Dino.
“Pasensiya ka na nurse Grace ha? Ahm, gusto niyo magkape?” biglang tanong nito sa kanila ni Glaiza. Nagkatinginan pa sila ng kaibigan saka muling napabaling sa binata.
“Ahm, naku huwag na. Nakakahiya, saka mukhang nagmamadali ka na naman e,” tanggi naman niya sa lalake.
“No, I insist. Hindi naman ako nagmamadali, sadyang hindi lang kita napansin kaya nabangga na naman kita,” nahihiyang turan nito sa kaniya.
‘Ano ba? Bakita ang cute ng mga mata mo?’ aniya sa sarili.
“So, tara?” untag sa kaniya ni Dino.
“Ahm, okay lang ba sa iyo Glaiza?” baling naman niya sa kaibigang tila namagneto rin kay Dino.
“Oo naman sis. Tara! Glaiza nga pala,” anito sabay abot ng kamay kay Dino upang makipagkamay. Tiningnan naman ni Dino ang kamay ng kaibigan saka iyon inabot upang kamayan ito.
“Let’s go!” nakangiti na nitong saad sa kanila matapos na kamayan nito ang kaibigan.
Hindi niya alam pero parang may pag-aalinlangan sa mukha ni Dino nang abutin nito ang kamay ni Glaiza. Naipilig na lang niya ang kaniyang ulo saka iwinaksi sa isipan ang kaniyang obserbasyon. Baka naman kasi namamalikmata lang siya sa kaniyang nakita.
*****
Samantala, pauwi na rin sina Rex at Jigs sa kanilang dorm nang makita nila si Dino na may kasamang dalawang babae. Mukhang may mabibiktima na naman ang Captain playboy ng St. Vincent Academy. Kilala nila si Dino bilang tatahi-tahimik na lalake ngunit mabagsik sa babae. Hindi lang halata sa lalake dahil mukha itong maamong tupa, ngunit ang totoo ay matinik talaga ito sa mga kababaehan.
“Captain, mukhang may bago na naman luluha sa piling ni Dino a,” ani Jigs sa kaniya. Napangisi naman siya saka napailing sa sinabing iyon ni Jigs.
“Loko! Bayaan mo sila, gusto rin naman ng mga babaeng iyan ang magpaloko sa kaniya e,” naiiling niyang saad kay Jigs.
“Sabagay nga naman. Mga bulag lang talaga ang mga babaeng iyan at hindi nila nakikitang mas marami pa namang guwapo sa paligid. Kagaya natin. Guwapo na, mabait pa! Tiyak na hindi sila luluha,” wika ni Jigs sa kaniya.
“Gago! Hindi ka mabait! Isa ka kayang simple— simpleng manyak!” pang-aasar niya sa kaniyang kaibigan.
“Uyyy, grabe naman sa maniyak!” reklamo naman nito sa kaniya sabay kamot sa ulo nito.
Inayos naman niya ang suot na sumbrero saka siniko si Jigs at naglakad nang muli. Nawala na rin sa kanilang paningin sina Dino at ang dalawang babaeng kasama nito kanina. Napahinga na lang siya nang malalim saka muling nagpatuloy sa paglalakad. Gusto man niyang maawa sa babaeng mabibiktima ni Dino, hindi naman niya maaaring warning-an ito. Una, wala siyang karapatang gawin iyon, pangalawa, hindi niya kilala ang babae, at pangatlo, choice ng babae iyon.
‘Condolence sa puso mo soon Miss,’ bulong na lang niya sa kaniyang sarili dahil alam niyang soon, paglalamayan na ang namatay nitong puso.
*****
Matiyagang nanligaw at nanuyo si Dino kay Grace. At dahil mukha namang sincere ang binata sa panliligaw nito sa kaniya, tuluyan na ngang sinagot ni Grace ang lalake. At ngayon nga ay ang kanilang tinatawag na first monthsary. Excited si Grace dahil susunduin siya ngayon ni Dino upang i-celebrate nila ang kanilang monthsary.
“Uyyy, mukhang may lakad tayo ngayon a,” susisa ni Doktora Vida sa kaniya.
Nag-aayos siya ngayon ng kaniyang sarili sa loob ng kanilang maliit na CR sa loob ng school clinic nang usisain siya nito. Nakangiti naman niyang sinulyapan ang batang doktora saka muling humarap sa salamin upang magpahid ng lipstick sa kaniyang mga labi. Light make up lang ang kaniyang inilagay sa kaniyang mukha dahil hindi naman siya masyadong mahilig sa make up. Madalas kasi lip balm at polbo lang, sapat na sa kaniya.
Pero dahil special ang araw na ito sa kaniya, gusto naman niyang mag-effort kahit papaano para kay Dino. Kaya naman isang navy blue wrap-around na bestida ang kaniyang isinuot na tinernuhan niya ng sandals na may two inches heels. Ang kaniyang alon-alon at dark brown na buhok na hanggang baywang ay hinayaan niyang nakalugay. Nilagyan lang niya iyon ng clip upang hindi matabingan ang kaniyang maliit na mukha.
“Dok, maganda na po ba ako?” tanong pa niya kya Doktora Vida nang humarap na siya rito.
“Naku Grace, kahit naman hindi ka na mag-effort, maganda ka naman na e. Pero saan ba ang lakad mo at nag-e-effort ka pang mag-ayos ngayon?” nakahalukipkip na tanong nito sa kaniya.
“May date po ako Dok. First monthsary po kasi namin ngayon ni Dino,” nangingislap ang mga matang tugon niya rito.
“Ayyy! Isang buwan na ba iyon? Parang ang bilis!” parang nagulat pa ito sa sinabi niyang iyon dito.
“Dok naman, opo isang buwan na kami ng Bheb ko,” malawak ang pagkakangiti niyang turan sa doktora.
“Grace, alam kong masaya ka ngayon sa piling ni Dino, pero sana tandaan mo pa rin ang mga bilin ko sa iyo ha? Alam ko namang matalino ka, kaya huwag na huwag kang magpapaisa sa lalakeng iyon. Para na kitang kapatid, kaya concern ako sa iyo,” seryosong saad nito sa kaniya.
Lumapit naman siya kay Doktora Vida saka ito niyakap. Sa limang buwan niyang pananatili sa clinic na iyon, naging malapit sila ng batang doktora kaya naman parang magkapatid na ang turingan nila.
“Don’t worry Dok, lahat ng mga pangaral mo sa akin ay nandito,” aniya sa doktora nang kumalas siya rito, sabay turo sa kaniyang puso. Ngumiti naman ito sa kaniya saka nito tinapik ang kaniyang pisngi.
“Very good! Siya, wala pa ba ang sundo mo? Anong oras ba kayo aalis?” maya-maya ay saad nito sabay tingin sa relong pambisig nito.
“Ahm, baka nandiyan na rin po iyon dok. Baka nagpa-park lang,” nakangiti niyang saad dito.
Hindi naman nagtagal at dumating na nga si Dino na parang natigilan pa nang makita siya nito sa kaniyang ayos. Natuwa naman siya sa naging reaction ni Dino dahil sa itsura nito ngayon, masasabi niyang hindi nasayang ang effort niya sa pag-aayos.
“Pakisara ng bibig Dino, baka pasukan ng kung ano iyan,” sita ni Doktora Vida sa kaniyang kasintahan.
Para namang natauhan ito sa narinig kaya napatikhim ito saka ngiting-ngiting lumapit sa kaniya. Agad siyang hinawakan sa baywang nito at hinalikan sa kaniyang pisngi na kaniyang ikinakislot. Para kasi siyang nailang sa ginawa nitong iyon sa kaniya. Oo at magkasintahan na sila, pero kasi parang hindi siya masanay-sanay na kumilos ito ng ganoon sa harapan ng ibang tao.
“Ahm, Doktora, mauuna na po kami,” baling niya kay Doktora Vida matapos tanggalin ang kamay ni Dino sa kaniyang baywang, at paghugpungin na lang ang mga kamay nila.
“Sige, ingat kayo and enjoy! Dino, iuwi mo nang maayos ang nurse ko ha?” bilin pa nito sa kanila.
“Don’t worry Doc, ihahatid ko si Grace mamaya after ng date namin,” sagot naman ni Dino.
Tumango lang si Doktora Vida kay Dino saka nakipagbeso kay Grace. Matapos nilang magpaalam sa doktora ay magkahawak kamay na silang naglakad ng kasintahan patungo sa sasakyan nito. Hindi niya alam kung saan sila pupunta ni Dino, pero tiyak naman niyang sa desenteng lugar siya dadalhin ng lalake.
Sa paglalakad nila, nahabol niya nang tingin ang isang lalakeng nakasuot ng uniporme ng mga engineering habang tumatakbo ito. Parang bigla siyang kinabahan at nangunot ang kaniyang noo dahil tila sinasabi ng kaniyang puso na kilala niya ang lalakeng iyon.
“Bheb, are you okay?” untag sa kaniya ni Dino nang mapansin nito ang kaniyang paghabol nang tingin sa lalake.
“Ha? O-oo okay lang ako. Parang may nakita lang akong kakilala,” atubili naman niyang sagot sa kasintahan.
“Sino? Iyong Captain ball ng Stadium?” salubong ang mga kilay na tanong nito sa kaniya.
“Hindi ako sure, basta parang nakakita lang ako ng kakilala. Hayaan na natin iyon, baka napagkamalan ko lang. Lets go!” nakangiti na niyang yaya sa kasintahang tila biglang na-bad trip.
Nagpatuloy na nga sila sa kanilang paglalakad ngunit iniisip pa rin niya ang lalakeng nakita niya kanina. Para kasing si Rex ang lalakeng iyon. Pero imposible naman yatang naroon din ito sa University kung saan siya nagtatrabaho. Naipilig na lang niya ang kaniyang ulo saka bumuga ng hangin. Monthsary nila ni Dino ngayon, kaya dapat doon lang ang focus niya.