Chapter 10

1663 Words
Nagmamadali si Rex patungo sa engineering department dahil may nakalimutan siyang kunin mula roon. Mabuti na lang at hindi pa siya nakalalayo sa kanilang unibersidad, kung kaya madali lang niyang nabalikan ang bagay na kaniyang nakalimutan. Nakita pa niya si Dino na may inaalalayang babaeng makasakay sa sasakyan nito. Kung hindi siya nagkakamali, ito rin ang babaeng nakita niyang kasama nito noong makita nila ito ni Jigs ilang buwan na ang nakararaan. “Aba nga naman matibay ang isang iyon a!” naiusal niya sa kaniyang sarili saka napangisi. Knowing Dino, hindi nagtatagal dito ang mga babae. Halos buwan-buwan kung magpalit ito ng nobya. Kumbaga, flavor of the month lang. Siguro ngayon, tinamaan na ng tunay na pag-ibig ang palikerong lalake. Kaya hanggang ngayon, ito pa rin ang kasama nito. “Sana all may pag-ibig!” sambit pa niya sa kaniyang sarili. “Bakit kasi ayaw mong sagutin isa sa mga taga hanga mo?” Bahagya pang nagulat si Rex nang biglang may magsalita sa kaniyang tabi. Nang lingunin niya iyon, otomatiko siyang napangiti sabay kamot sa kaniyang batok. “Doktora ikaw pala. Akala ko kung sino na e,” aniya rito. “Sino ba iyong sinasabihan mong sana all may pag-ibig?” tanong ng batang doktora sa kaniya. “Wala Dok,” nahihiya niyang tugon dito. “Hus, anong wala? Si Dino at Grace ba ang sinasabihan mo ng sana all?” nanunuksong tanog ni Doktora Vida. “Grace?” kunot noong tanong niya rito. “Oo si Grace, iyong school nurse natin. Ay hindi pa nga pala kayo nagkakakilala ‘no? Ang tagal mo na rin kasing hindi nadadalaw sa clinic e. Sa susunod dumalaw ka roon at ipakikilala kita kay Grace. Kaso taken na siya e, sayang!” mahaba-habang turan nito sa kaniya. “Ang daldal mo Dok! Pero bakit naman po sayang?” nakangisi niyang tanong muli rito. “Sayang kasi sila na ni Dino. Kung maaga-aga lang sana kitang nakita, ikaw na sana ang inireto ko kay Grace,” sabi naman nito sa kaniya. “Naku Dok, pasensiya na, pero loyal kasi itong puso ko kay Snow White e,” natatawa niyang tugon sa doktora. “Snow White? Iyon talaga ang pangalan niya?” kunot noong tanong nito sa kaniya. Tiningala pa siya nito upang siguro makita ang reaksiyon niya. “Iyon lang po ang tawag ko sa kaniya. Hindi ko kasi nakuha ang pangalan niya matapos niya ako sampalin e.” Muli siyang napakamot sa kaniyang batok saka tumawa nang mahina. “Luh? Totoo? I mean may sumampal sa guwapo mong mukha? Naku, bulag ba nag babaeng iyon?” nanlalaki pa ang mga matang tanong ni Doktora Vida sa kaniya. “Sa kasamaang palad Dok, mayroon. Pinagbintangan lang naman niya akong niloko ang best friend niya kaya ayun, dumapo sa guwapong mukha ko ang malambot niyang mga palad,” tila na ngangarap naman niyang sagot dito, habang hinihimas ang pisnging sinampal noon ng hindi niya nakikilalang babae. “Malala ka na! Mukhang imbes na mainis ka sa babaeng iyon e, na-enjoy mo pa ang pagsampal niya sa iyo. Iyong totoo, Rex, naka-drugs ka ba?” Natawa naman siya sa tanong nito sa kaniya. “Uyyy, Dok, baka may makarinig sa iyo akalaing totoo iyang sinasabi mo. Pero Dok, promise! Siya na ang pinakamagandang babaeng nakita ko sa tanang buhay ko,” nagniningning ang mga matang turan niya rito. Napailing naman ang batang doktora saka dumukot sa bulsa nito. Inilabas nito ang susi ng sasakyan nito mula roon. Hindi niya namalayang nasa parking lot na pala sila ng unibersidad. “Dok, naisahan mo ako roon ha! Tsinika mo lang ako para may kasabay kang papunta dito sa parking e,” sabi niya sa doktora nang pindutin nito ang hawak nitong susi ng sasakyan nito. Napabungisngis naman ito sa kaniyang tabi saka binuksan ang pintuan ng sasakyan. “Okay lang iyon, naaliw ka naman sa pagkukuwento sa akin e,” wika pa nito sa kaniya. “Pero dahil diyan, isasabay na kita pag-uwi makabawi man lang sa iyo.” “Naku Dok, ‘wag na. Baka mamaya matsismis pa tayo e,” tanggi niya sa doktora. “Ay bet! Wala namang masama roon kung sakali. Single ako, single ka, it’s a tie!” biro pa nito sabay tawa nang malakas. “Puro ka kalokohan Dok, sige na po nakakahiya namang makisabay sa iyo. Mag-iingat ka Dok sa pagmamaneho, kaskasera ka pa naman,” ganting biro niya sa babae. “Excuse me! Hindi ako kaskasera ‘no! Halika na, ‘wag ka nang maarte. Huwag kang mag-alala, makakauwi ka ng ligtas,” pamimilit pa nito sa kaniya. “Sure ka na ba riyan Dok?” paniniyak naman niya rito. “Sure na sure, kaya sumakay ka na bago pa magbago ang isip ko!” At dahil sa sinabi nitong iyon, mabilis na nga siyang sumakay sa sasakyan ng doktora. Hindi pa naman ganoon katanda si Doktora Vida, kung tutuusin mga nasa mid thirties pa lang naman ito. Kaya naman nasasakyan pa nito ang mga trip nilang mas bata rito. Habang nasa biyahe, wala silang ginawa ni doktora Vida kundi ang magkuwentuhan at magtawanan. Kaya naman hindi niya namalayang nasa tapat na pala sila ng dorm niya. “Dok, maraming salamat sa paghahatid ha? Mag-iingat ka po sa pagmamaneho,” pasasalamat pa niya rito bago siya tuluyang bumaba sa sasakyan nito. “Maliit na bagay! Sige na, babush!” paalam naman nito sa kaniya. Inihatid muna niya nang tanaw ang doktora bago siya pumasok sa kaniyang dorm. Isang araw bibisitahin nga niya ito sa clinic nito para makilala niya ang sinasabi nitong nurse. ***** Napangiwi naman si Grace nang makarating sila ni Dino sa maingay at patay sinding mga ilaw na lugar. Maraming tao ang nagsasayawan sa dance floor, at marami rin ang nagkukuwentuhan at nagtatawanan sa bawat lamesang nagkalat sa buong paligid. Alam niyang nasa diskuhan sila ngayon at hindi niya maintindihan kung bakit siya dinala ni Dino sa lugar na iyon. Matapos siyang dalahin nito sa isang restaurant upang mag-dinner at i-celebrate ang monthsary nila, may tumawag sa kasintahan and the last time she knew, nasa isang bar na sila ngayon. “Bheb, anong ginagawa natin dito?” malakas ang tinig na tanong niya sa kasintahan. “Magpa-party lang tayo saglit Bheb!” malakas na tinig ring sagot nito sa kaniya. “Ha? Pero...” “Halika na, it will be fun promise!” nakangiting wika pa nito sa kaniya sabay hila na sa kaniyang kamay. Hindi man lang siya nito hinayaang matapos sa kaniyang sasabihin. Wala na siyang nagawa kundi ang magpahila sa kasintahan. Buong gabi lang na naupo si Grace habang umiinom ng iced tea, habang si Dino naman ay nakikipagsayaw sa mga kaibigan nito. Medyo hindi niya nagugustuhan ang pakikipagsayaw nito sa ibang mga babae, pero nagtimpi na lang siya. Siguro ganito lang talaga ang kasintahan. Uunti-untiin na lang niya ang pagsasabi kay Dino ng mga ayaw niya rito. Tutal bago pa lang naman sila, tiyak naman niyang magbabago pa ang kaniyang kasintahan. Pasado alas onse na nang gabi at panay pa rin ang pakikipagsayaw nito sa dance floor at pag-inom ng alak. Antok na antok na siya at naiirita na sa ingay sa kaniyang paligid at amoy ng sigarilyo. Isa pa, kailangan na rin niyang makauwi bago mag-alas dose ng madaling araw sa kanilang dorm. Nakahihiya naman kasi sa kanilang kahera kung uuwi siya ng dis-oras nang gabi. “Bheb, gabi na, hindi pa ba tayo uwi?” tanong niya sa kasintahan nang maupo ito sa kaniyang tabi. “Ha? The night is still young Bheb. Come on! Why don’t you join us on the dance floor, para naman mag-enjoy ka rin?” nakangiting anyaya sa kaniya ng kasintahan. “Bheb, malapit na kasing mag twelve midnight e. Kailangan ko nang makauswi sa dorm,” malumanay niyng turan sa kasintahan. “Bheb, ano ka ba? Maaga pa saka malaki ka na para magkaroon ng curfew!” medyo naiirita nang saad sa kaniya ni Dino. “Hindi mo kasi naiintindihan e. May mga pasok pa tayo bukas. Ikaw, ‘di ba malapit na rin ang finals mo? Hindi ka ba magre-review para roon?” pilit pa rin niyang pinakakalma ang sarili. “Bheb, kayang-kaya ko na iyon. Mamaya na lang tayo umuwi.” Napahinga na lang siya nang malalim saka muling hinarap ang kasintahan. Hindi na talaga niya kaya pang manatili pa sa lugar na iyon. Bored na bored na siya at nagmumukhang tanga lang sa isang tabi sa tuwing iiwan siya ni Dino para makipagsayawan sa mga babae sa dance floor. “Okay, ganito na lang. Maiwan ka na rito, at uuwi na ako. Magta-taxi na lang ako, para hindi ka mag-alala sa akin,” aniya sa kasintahan. “Ha? Are you sure?” nanantiyang tanong nito sa kaniya na kaniya namang tinanguan. She’s still hoping na pipigilan siya nito at aaluking ihahatid sa dorm niya. Ngunit iba ang naging tugon nito. “Okay, take care Bheb. I’ll see you tomorrow,” anito sabay halik sa kaniyang pisngi. “I love you!” sabi pa nito sabay tayo at balik sa dance floor. Hindi siya makapaniwala sa ikinilos ng kaniyang kasintahan. Talaga ba? Iniwan siyang mag-isa at pumayag itong umuwi siyang mag-isa? Muli siyang napahugot nang malalim na paghinga saka tumayo mula sa kaniyang kinauupuan. Napasulyap pa siya sa dance floor kung saan napakahalay na sumasayaw si Dino kasama ang isang babae. Gusto niya sanang hilahin ang lalaki palayo sa maharot na babae pero mukha namang nag-e-enjoy si Dino kasama niyon. ‘Ang sarap sipain ng mga ito!’ bulong na lang niya sa kaniyang sarili saka mabilis nang lumabas sa bar na iyon. Pagod na pagod at antok na antok na siya, at ang tanging nais niya ay makauwi na sa kaniyang dorm. Gusto na lang niyang makaligo at makapagpahinga. Saka na lang sila magtutuos ng kaniyang kasintahan, kapag matino na itong kausap. Sa ngayon, ang malambot niyang unan at higaan ang nais niyang makapiling.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD