Chapter 8

1760 Words
Isang lingo ang matuling lumipas at nae-enjoy na rin ni Grace ang pagtatrabaho sa Stadium University. Tama nga siya nang mabasa ang file noong unang araw niya roon. Sa clinic na iyon nga madalas dalhin ang mga atletang napipinsala. Pero ayon sa doktor na kasama niya, simula nang dumating siya sa clinic na iyon, dumami lalo ang mga estudyanteng nagtutungo roon. Kahit nga malayo ang clinic na iyon sa ibang mga buildings, iyon pa rin ang dinarayo ng mga estudyante. At iyon ay dahil sa kaniya. “Iba ka talaga Grace! Kahit wala yatang karamdaman, gumagawa nang dahilan ang mga estudyante, masilayan ka lang,” nakangising wika ni Doktora Vida sa kaniya. Napangiti naman siya sa tinuran ng doktora sa kaniya. “Naku doktora, maglalagay na nga yata ako ng tip box dito e, para naman may pangmiryenda tayo,” biro niya sa doktora na ikinabungisngis pa nilang pareho. “Puwede nga ‘no? Makapaglagay nga. Lalagyan ko ng note: Titig bente pesos, hawak fifty pesos, at kausap isang daang piso! Siyempre per minute iyon.” Humalakhak pa ang doktora habang sinasabi iyon sa kaniya. Tumawa rin siya dahil sa sinabi nitong iyon sa kaniya. Balak pa yata siyang pagkakitaan ni Doc Vida ngayon. “Doc, good afternoon po.” Sabay na napalingon sina Grace at Doktora Vida sa pintuan ng clinic nang may marinig silang magsalita. “Yes, hijo? Anong maipaglilingkod namin sa inyo?” agad na tanong ni Doktora sa mga bagong dating. Dalawang lalake ang may akay na isang lalakeng halos hindi mailapat ang isang paa sa sahig. “Doktora, nadisgrasya ho kasi itong kasama namin e. Nagkamali po yata ng talon,” sagot ng lalakeng tila pamilyar sa kaniya.  “Ganoon ba? Hali kayo sa bed at nang mai-relax ng kasama ninyo ang paa niya. Grace, paki-ready naman ng cold compress,” baling sa kaniya ng doktora. “Yes, dok,” atubili naman nyang tugon saka pinaunang maglakad ang mga lalake patungo sa kama.  Nang mapadaan sa kaniyang tabi ang mga ito, agad rumihistro sa kaniyang isipan ang mukha ng lalakeng nakabangga sa kaniya noong nakaraang lingo. Kagaya nang unang beses niyang makita ang lalake, nakasuot ulit ito ng jersey at ang bango-bango nito kahit na pawisan ito. Mabilis siyang kumilos at agad na dinaluhan si Doktora Vida sa clinic bed. Pasimple siyang sumulyap sa lalakeng kaniyang nakabanggaan at kiming ngumiti rito. Tila naman siya kinilig nang ngitian din siya ng binata, kaya naman agad siyang napaiwas nang tingin dito at tumalikod. Nakagat pa niya ang pang-ibaba niyang labi upang iwasan ang mapatili. “Grace, paki-asikaso na lang muna siya at ihahanda ko lang ang xray machine,” bilin ni Doktora Vida sa kaniya. Tumango naman siya sa doktora at saka pumalit sa puwesto nito. “Sir, aalisin ko lang itong sapatos at medyas mo ha?” malumanay niyang saad sa lalake.  “Sige nurse, pero dahan-dahan lang ha? Masakit kasi e,” nakangiwing turan ng lalake sa kaniya. “Don’t worry sir, dadahan-dahanin ko para hindi ka masaktan,” tugon naman niya rito.  Nagkatawanan ang dalawang lalakeng kasama nito sa kaniyang sinabi, kung kaya nilingon niya ang mga ito. Kunot-noong nagpapalit-palit ang tingin niya sa mga lalakeng ngayon ay nagpipigil na sa pagtawa. “Bakit kayo tumatawa? May mali ba sa sinabi ko?” bahagyang nakataas pa ang isang kilay na tanong ni Grace sa mga ito. Sabay namang napailing ang mga binata sabay tikhim ng lalakeng kaniyang nakabanggaan nong isang linggo. “Sorry, nurse. Natawa lang kami sa dadahan-dahanin mo para hindi siya masakta,” nakangiting wika nito.  ‘Hala! Ang cute!’ sambit niya sa kaniyang sarili habang nakatingin siya rito. “So, anong nakakatawa roon?” muli niyang tanong sa binata. “Kasi Nurse, parang ano lang e— parang virgin!” bumunghalit sa tawang tugon naman ng isang lalake sabay nag-appear-an pa ang mga ito. Doon naman niya napagtanto ang ibig sabihin ng mga ito. Kaya naman napailing na lang siya saka muling hinarap ang kaniyang pasyente. “Sir, ready ka na ba? Huwag kang mag-alala sir, medyo masakit lang sa una, pero kapag tumagal na msarap na— sa pakiramdam,” nakangisi niyang saad sa pasyente.  Muling nagtawanan ang mga lalake, pati ang kaniyang pasyente ay nakitawa na rin. Kaya naman hindi nito namalayang natanggal na pala niya ang sapatos nito. Sinakyan niya ang kaberdehan ng mga utak ng mga kasama nito. “See, mas masarap na sa pakiramdam ‘di ba sir?” tanong pa niya sa kaniyang pasyente. “Oo nurse. Napaka-gentle mo naman pala,” nakangiting turan nito sa kaniya. “Sabi ko naman sa iyo sir e, dadahan-dahanin ko lang,” ganting turan niya rito saka nilagyan ng unan ang ilalim ng paa nitong may pinsala. “Grace, ready na ba ang pasyente?” Napalingon siya sa nagsalita at saka tumango. “Yes Doc, handang-handa na po siya,” nakangiting sagot niya sa doktor. “Okay good. Hijo, relax lang ha? I’ll just check on your foot,” malumanay na saad ni Doktora Vida sa binata. Nanatili naman sa tabi ng binata si Grace habang inaasikaso ito ni Doktora Vida. Nang matapos i-x-ray ang paa ng lalake ay saka lang siya umalis sa tabi nito. Napansin niyang nakatingin sa kaniya ang lalakeng nakabanggaan niya kaya sinalubong niya ang tingin nito. Agad naman binawi ng lalake ang tingin sa kaniya at kunwari ay nagkamot ito ng ulo. Lihim naman siyang natuwa sa inaktong iyon ng lalake, dahil ramdam niyang may pagtingin ito sa kaniya. Hindi naman sa feeling siya, pero parang gano’n na nga. “Mabuti na lang at sprain lang ang natamo mo, hijo. Sa susunod mag-iingat kayo. Pero sa ngayon, ipahinga mo lang ang paa mo at i-exercise para mabilis na gumaling,” wika ni Doktora Vida, habang tinatalian nito ng benda ang paa ng binata. “Dok, mga ilang araw po kaya bago puwedeng makabalik sa laro si Randy?” Napatingin siya sa nagsalita at sa pagkakataong ito, hindi na ito umiwas ng tingin sa kaniya. “Dino, brad, okay lang ako. Babalik agad ako sa game, kapag naikilos ko na ang paa ko nang maayos. Huwag ka nang mag-alala,” turan naman ni Randy, ang lalakeng may benda ang paa. “Hindi naman ako nag-aalala sa iyo, bugok! Sa laro ako nag-aalala,” tatawa-tawa namang sagot ni Dino sa kaibigan. Tumawa naman ang katabi ni Dino, habang si Randy naman ay nakangising nagkamot ng ulo nito.  “Boys, don’t worry sprain lang naman ang natamo ni Randy. Makakabalik siya agad sa game ninyo. Huwag ninyong puwersahin ang paa niya at baka mas lalo kayong mawalan ng player,” sabat ni Doktora Vida sa mga binata. “Grace, pakibigyan na nga ng pain reliever itong batang ito nang maibsan ang p*******t sa paa niya.” “Yes, Dok,” tugon naman niya sabay talikod na sa mga ito.  Napapangiti pa siya habang nangunguha ng pain reliver sa counter. Kumuha na rin siya ng bottled water saka muling bumalik sa kinaroroonan ng kanilang pasyente. Binuksan niya ang bottled water saka iniabot iyon kay Randy kasama ng gamot nito. Mabilis namang inabot ng lalake ang gamot saka iyon ininom. “Ang sarap naman magkasakit kapag ganito kaganda ang mag-aalaga sa iyo,” ani Randy matapos nitong maubos ang iniinom nitong tubig. “Puro ka talaga kalokohan! Tara na nga at nang maiuwi ka na namin ni Dino,” sabi naman ng isa pang kaibigan ng mga ito. “Ahm, nurse, ako nga pala si Randy ang pinakaguwapo sa aming tatlo,” nakangiting pakilala sa kaniya ng binata. “Sinong may sabing ikaw ang pinakaguwapo sa ating tatlo?” kontra naman ng isa rito. “Nurse Grace, huwag kang magpapaniwala sa tukmol na iyan. Benedict nga pala, at ito naman si Captain Dino. Siya talaga ang pinakaguwapo sa amin,” baling namang sa kaniya ni Benedict. “Nice meeting you boys,” nakangiti na lang niyang saad sa mga ito saka kinawayan lang ang mga ito.  Nang ibaling niya ang paningin kay Dino, mataman lang itong nakatitig sa kaniya at nakangiti. Aaminin niyang kinikilig siya sa mga sandaling ito. Kung siguro wala lang ang mga ito ngayon sa kaniyang harapan, baka nagtatalon at nagtititili na siya ngayon sa harapan ni Doktora Vida. “Randy, halika na. Mukhang may nauna na naman sa atin,” parinig ni Benedict saka inalalayan ang kaibigang nasa kama upang makababa na roon. Bigla naman siya napahawak sa kaniyang batok at ibinaling ang tingin sa mga kasama ni Dino. Nag-uumpisa na kasing uminit ang kaniyang mukha at malamang na namumula-mula na rin ngayon ang kaniyang pisngi. “Dok, Nurse Grace, mauuna na po kami. Maraming salamat po sa pag-aasikaso sa kaibigan namin,” paalam pa ni Benedict sa kanila. “Sige mga hijo, sana sa susunod na mapadpad kayo rito ay hindi na injured person ang dalahin ninyo,” makahulugang wika ni Doktora Vida sabay pasimple siyang kinurot nito sa kaniyang tagiliran. Napapiksi naman siya sa ginawang iyon ng Doktora. Nang makaalis na ang mga binata saka lang siya humarap kay Doktora Vida at parang kiti-kiting hindi mapakali sa harapan nito. Natawa naman ang doktora sa kaniya saka siya nito hinila sa opisina nito. “Kilig na kilig ka riyan. Sino ba sa kanila?” nakangising tanong nito sa kaniya. “Eeeiii, Dok, enebe?” pabebe naman niyang tugon rito. “Hay naku Grace, huwag mo akong daanin sa pabebe mo. Sino nga?” pangungulit nito sa kaniya. “Iyong Dino. Eeeeiii! Dok, ang cute niya ‘di ba? Ang cute ng mga mata niyang singkit!” napapakagat labi pa siya habang sinasabi iyon sa Doktora. “Naku, mag-iingat ka sa mga iyon. Narinig ko lang naman na kaliwa’t kanan ang mga nagiging nobya ng batang iyon. Grace, hinay-hinay lang ha? Baka mamaya mapabilang ka sa mga pinaluhang babae no’n,” bilin sa kaniya ng doktora. “Dok Vida, huwag po kayong mag-alala, hinding-hindi ako magpapaloko. Saka crush ko lang naman siya, malabong maging kami,” nakangiting tugon niya sa doktora. “At bakit naman malabo? E, kung makatingin sa iyo ang lalakeng iyon kanina ay alam na alam ko ng may gusto rin siya sa iyo. Basta ang sinasabi ko lang, kung sakali mang manligaw siya sa iyo, huwag agad bibigay. Kilalanin mo muna siya, okay?” payo nito sa kaniya. Tumango naman siya saka muling napangiti. Alam naman niyang malabong ligawan nga siya ng binata kaya masaya na siyang makita ito. Isa pa, nagre-review pa siya para sa board exam, ayaw niya ng istorbo. Inspirasyon na lang muna, saka na ang distraction.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD