Isang malakas na pagpito ang nagpahinto sa pag-aagawan ng bola nina Rex at Dino. Hinihingal na tumayo siya nang maayos habang nakapamaywang ilang pulgada ang layo mula sa lalakeng tila walng focus ngayon.
“Number nine, Mendiola foul!” sigaw ng referee.
Napangisi si Rex sa anunsiyo ng referee habang si Dino naman ay nagngangalit ang mga bagang na ibinato ang bola. Hindi niya alam kung anong problema ni Dino, pero kanina pa ito tila wala sa sarili.
“Brad, ayos ka lang?” tanong ng kasamahan nito sa binata.
Tumango lang naman ito sa kasama nito sabay tapik sa braso nito. Ilang minuto na lang at matatapos na ang laro. Dahil sa wala ang focus ni Dino, lamang na sila ngayon ng sampung puntos. Nagtitilian na ang mga estudyante sa kanilang paligid at nagkakani-kaniya na ng cheer sa kanila.
Nagpatuloy ang kanilang laro hanggang sa matapos na ang oras. As expected, panalo na naman ang kanilang koponan. Nagdiriwang ang mga estudyante nang ianunsyo na ang panalo para sa labang iyon. Nakasimangot si Dino nang kamayan siya nito at halatang badtrip ang binata.
“Nice game brad!” bati niya sa lalake na tinanguan lang ni Dino.
Alam niyang hindi naman ganoon maglaro ang binata, kaya nakagugulat lang na ngayon ay natambakan nila ang mga ito. Sa mga nakalipas na mga laro kasi nila, hanggang dalawang puntos lang ang inilalamang nila sa koponan nito. Pero ngayon, umabot nang anim na puntos ang lamang nila rito.
“Nice one team!” sigaw ng coach nila Rex nang magbalik na sila sa kanilang bench.
Nagpupunas na siya ng kaniyang pawis nang lapitan siya ng grupo ng mga kababaihan at tila kinikilig pa ang mga ito. Hindi niya ugali ang magsuplado sa kaniyang mga fans, kaya naman nginitian niya ang mga ito bilang pagbati.
“Hi JR, puwede bang magpa-picture sa iyo?” tanong ng babaeng tila leader ng mga ito.
“Sure!” mabilis naman niyang tugon kaya naman nagsipagsiksikan ang mga ito sa kaniyang tabi.
Walang pakialam ang mga ito kahit pa basang-basa siya ng pawis sa katawan. Pumuwesto ang pinaka-leader ng mga babae sa kaniyang tagiliran sa bandang kanan at walang pag-aalinlangang yumakap ito roon. Naiilang man ay hindi na lang din siya umimik at ngumiti na lang nang ubod ng tamis sa harapan ng kamera.
“Can we have one more shot? Iyong solo naman. Okay lang ba?” tanong ng babae sa kaniya matapos ng tatlong magkakasunod na shot na ginawa ni Jigs.
“Okay,” magiliw naman niyang tugon sa babae. Nagliwanag ang mukha ng babae habang naka tingala ito sa kaniya.
“Nice shot!”
Napatingin siya kay Jigs na ngayon ay malawak ang pagkakangiti nito sa kanila. Alam niyang umandar na naman ang kalokohan ng kaniyang kaibigan, kaya napailing na lang siya rito. Umyos na siya ng tayo saka ngumiting muli sa kamera habang ang babae naman ay tila gustong-gusto ang pagkakasiksik sa kaniyang pawisang katawan.
“Alright!” muling turan ni Jigs saka ibinalik ang cellphone ng babaeng parang ayaw nang kumalas mula sa pagkakayakap sa kaniya.
“Thank you JR! Oh, by the way, I’m Margaux Salas, third year journalism student. Miss Stadium this year,” pakilala nito sa kaniya sabay lahad ng kamay nito sa kaniyang harapan.
Dahil sa maginoo naman siya, tinanggap niya ang pakikipagkamay ng babae. Pasimple pa niyang binawi ang kamay nang tila walang balak bitiwan nito ang kaniyang kamay.
“Ahm, nice meeting you Margaux. Paano, mauuna na kami sa inyo at kailangan na rin naming magbihis. Thank you sa support,” paalam niya sa grupo ng babae saka kumaway sa mga ito at mabilis nang dinampot ang kaniyang bag. Walang lingon-likod siyang nalakad patungo sa locker upang makaligo at makapagbihis.
“Yes naman, ang bangis! Kaya idol kita Captain e. Hindi mo na kailangang pumorma sa mga chicks kasi ikaw na ang pinupormahan nila,” nakangising saad ni Jigs nang makarating na sila sa kanilang locker.
“Ganoon talaga kapag pogi!” pakikisakay naman niya rito sabay sukbit ng tuwalya sa kaniyang balikat. Nakipagbrasuhan siya kay Jigs bago magtungo sa shower room para maligo. Narinig pa niya ang kantiyawan ng kaniyang mga team ngunit hindi na lamang niya iyon pinansin. Naligo na lang siya dahil kailangan pa niyang dumaan sa Engineering department para ipasa ang kaniyang blueprint.
*****
“O, bakit mukha kang puyat? Saan ba kayo nakarating ni Dino kagabi?” tanong ni Doktora Vida kay Grace habang nagsasalansan siya ng mga bagong dating na gamot sa kanilang maliit na stock room.
“Oy, Grace, baka naman isinuko mo na kaagad ang hindi dapat isuko sa Dino na iyon ha? Naku! Makukurot talaga kita sa singit bata ka!” sabi pa nito sa kaniya.
“Hala si Doc, makabata, parang ang tanda mo naman nang bongga!” pabirong turan niya sa doktora. “Walang sukuang naganap Doc, okay? Napuyat lang ako dahil dinala ako ni Dino sa isang disco bar kagabi.” Napainat pa siya at hikab matapos niyang ilagay ang huling gamot na kaniyang hawak.
Naglakad siyang pabalik sa kaniyang puwesto saka nag-umpisang mag-encode sa kaniyang computer ng mga gamot. Kailangan niya kasing ilagay ang mga bilang ng gamot na dumating ngayong araw sa kanilang record, para sa inventory.
“Ha? Akala ko ba magdi-dinner date kayo? Bakit doon ka niya dinala?” salubong ang mga kilay na tanong ni Doc Vida sa kaniya. Muli siyang napahikab bago bumaling kay Doc Vida na nakahalukipkip na ngayon sa kaniyang tabi.
“Hindi ko nga rin alam na dadalhin niya ako roon Doc. Basta after dinner, doon na kami dumiretso. Nakakainis nga eh kasi hindi naman ako sanay pumunta sa ganoong lugar tapos doon niya ako dinala,” nakasimangot niyang tugon sa doktora.
“Bakit hindi ka tumanggi?” mataray namang tanong nito sa kaniya.
“Doc, makatatanggi pa ba ako kung hindi man lang niya ako hinayaang matapos sa pagsasalita ko? Tapos iniwan lang naman niya akong mag-isa sa upuan habang nakikipagsayaw siya sa ibang babae.” Muling nanumbalik ang inis niya sa kasintahan nang maisip niya ang eksena sa dance floor kagabi.
“Ayyy, gano’n? Naku, kabago-bago niyo pa lang ganiyan na siya, paano pa kaya kung nagtagal na kayo?”
“Dok naman ‘wag mo naman akong takutin. Malay mo naman magbago rin siya kapag sinabi ko na sa kaniya ang opinyon ko tungkol doon,” pagtatanggol pa niya sa kasintahan.
“Hay naku Grace, huwag kang magbubulag-bulagan sa nangyayari sa paligid mo. Alam kong bago pa lang kayo, pero kasi hindi dapat ganoon ang trato niya sa iyo. Dapat nga dahil bago pa lang kayo, mas clingy pa dapat siya sa iyo e. Pero base sa sinabi mo, wala siyang pake sa iyo!” wika nito sa kaniya.
Napabuntong hininga naman siya sa sinabing iyon ni doktora. Sa totoo lang, hindi nga ganoon kalambing si Dino sa kaniya. Napapansin naman niya iyon pero binabalewala lang niya. Hindi naman kasi siya pabebe kagaya ng ibang mga babae na hindi lang lambingin, nagagalit na.
“Kumusta naman ang naging date ninyo at pagba-bar?” tanong muli ni Doktora Vida sa kaniya habang naglalakad itong patungo sa harapang bahagi ng kaniyang mesa.
Nasa bandang bungad ang table niya kung saan madali niyang makikita ang mga papasok na mga estudyante sa clinic. Nagpangalumbaba si Doc Vida sa kaniyang harapan at tila naghihintay ng kaniyang sagot. Kaya naman napahinga na alng siya nang malalim saka sumagot dito.
“Ayun, okay naman po. Dinner was okay, pero iyong pagba-bar namin, honestly, hindi ko nagustuhan. Lalo na nang makipagsayaw siya sa ibang mga babae,” wika niya sa Doktora habang ipinagpapatuloy niya ang kaniyang ginagawa.
‘Hindi ko rin nagustuhan noong hayaan niya akong umuwing mag-isa,’ gusto sana niyang idagdag pero hindi niya ginawa. Ayaw naman niyang siraan si Dino sa mata ng doktora.
“Hmmm, kakaiba talaga iyang jowa mo. Imagine, iniwan ka niyang mag-isa para lang makipagsayaw sa iba? And take note, sa ibang babae pa ha! BABAE! Naku kung ako lang ang jowa niyang si Dino, malamang break na kami agad-agad!” paglilitaniya pa ni Vida sa kaniya. “Mabuti na lang at hindi ako ang jowa niya. At mabuti na lang hindi ko siya type!” dugtong pa nito sa sinabi.
Napapailing na lang siya sa sinabi ng doktora saka napangiti. Maya-maya pa ay tinantanan na rin siya ni doktora at nagtungo na rin ito sa opisina nito. Ayaw niyang mag-isip nang hindi maganda tungkol kay Dino, pero kasi parang mga lason ang salita ni Doktora Vida na tumatagos sa kaniyang utak.
‘Manhid ba ako, o mahal ko lang talaga siya?’ tanong pa niya sa kaniyang sarili.
Napahinga na lang siya nang malalim saka marahas na napailing saka muling itinuloy ang naudlot niyang ginagawa. Maski kasi siya hindi rin talaga niya masagot ang tanong niya. Masyado pa naman kasing maaaga para i-judge niya ang relasyon nila ng kasintahan. She needs time to asses it, baka naninibago lang din si Dino sa relasyon nila kaya hindi ito ganoon ka-sweet at clingy sa kaniya.
‘Yeah, that maybe the reason why,’ pangungumbinsi pa niya sa sarili.