Chapter 4.

1570 Words
Hinihingal na napahinto si Grace sa labas ng kanilang gym matapos niyang sugurin ang lalakeng nanakit sa kaniyang kaibigan. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang sarili. Dahil nang lumapat ang kaniyang palad sa pisngi ng binata, tila may maliliit na kuryenteng gumapang sa kaniyang kamay na agad na kumalat sa buo niyang katawan. ‘Shocks! Ano iyon?’ bulong pa niya sa kaniyang sarili habang nakatingin sa kaniyang kamay na pinangsampal niya kay Rex kanina. ‘Napalakas lang ang sampal mo sa kaniya, Grace, kaya ganiyan ang nararamdaman mo,’ wika naman ng kabilang panig ng kaniyang utak. Marahas niyang ipinilig ang kaniyang ulo saka muling naglakad pabalik sa kanilang classroom. Siguro nga napalakas lang ang pagsampal niya sa lalake kaya ganoon ang naramdaman ng kaniyang kamay. Siguro naman sa ginawa niyang iyon, magtatanda na ito. Naabutan niya sa kanilang classroom ang kaniyang bestfriend na tumatawa kasama ng mga barkada nito. Kung titingnan ito ngayon, para namang walang pinagdaraanan ang kaniyang kaibigan. Kaya naman nilapitan na niya ito at hinilang palayo sa mga kaibigan nito. “Wait! Best, teka lang!” nabibiglang saad pa ni Kath sa kaniya nang mailayo na niya ito sa mga barkada nito. “Naiganti na kita sa Captain playboy na iyon,” pahayag niya sa kaibigan nang huminto sila sa kanilang upuan. Namimilog naman ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya. “O, bakit ganiyan ka makatingin? Naiganti na kita, kaya dapat masaya ka na ngayon,” kunot noong pahayag niya sa dalaga. “OMG! Grace, anong ginawa mo?” gulat na tanong pa nito sa kaniya. “Anong ginawa ko? Sinampal ko lang naman siya sa harapan ng mga ka-team niya. Tama lang sa kaniya iyon!” nakangusong wika niya kay Kath, habang inaayos niya ang kaniyang mga gamit. “Hala! Bakit mo ginawa iyon?” parang natatarantang sabi pa nito sa kaniya nang sulyapan niya ito. “E, ‘di ba sinaktan ka niya? So, iginanti lang kita ‘no! ‘Di ba sabi ko naman sa iyo noon, oras na saktan ka ng lalakeng iyon, makakatikim siya sa akin? Teka nga, bakit ba parang concern ka pa ngayon sa kaniya? Sinaktan ka na nga ng kumag na iyon, don’t tell me gusto mo pa rin siya? Naku, Katherine, sasabunutan na talaga kitang babae ka!” mahaba-habang litaniya niya sa kaibigan. “E, kasi best... ano e...” “Anong ano e? Naku, naku, naku! Tigil-tigilan mo ako Kath ha. Tama na iyang kagagahan mo sa Rex na iyon! Ang dami-dami pa namang ibang lalake riyan, huwag na ang kumag na iyon!” pagtataray niya sa kaibigan. “At huwag na huwag mong maipagtanggol-tanggol ang lalakeng iyon sa akin, okay? Halika na nga, umuwi na tayo. Wala naman na tayong gagawin e,” aniya rito nang akmang magsasalita pa sana ito. Alam naman niyang ipagtatanggol lang ng kaibigan ang pinakamamahal nitong si Rex, kaya bago pa man mangyari iyon, pinigilan na niya ito. Wala naman na itong nagawa nang talikuran na niya ito at nagpatiuna nang maglakad palabas sa kanilang room. “Trimor! Huyyy!” wala sa sariling napalingon si Rex kay Lester nang ipitik nito ang daliri sa kaniyang harapan. Napasipol naman si Chino habang nakatingin ito sa kanila. “Mukhang malalim iyang iniisip mo a! Ano iyan ha?” tanong ni Lester sa kaniya. Napakamot naman siya sa kaniyang ulo saka napangiti. “Wala!” sagot niya sa mga ito. “Hus! Wala raw! Ang mga ganiyang ngitian tapos natutulala pa, wala? Hindi mo kami mauuto!” sabi ni Chino sa kaniya. Muli naman siyang napakamot sa kaniyang ulo saka napahinga nang malalim. “Lilipat na ako ng University mga ‘tol. Natanggap kasi iyong application ko sa Dreame Magic e,” wika niya sa mga kaibigan. “Uyyy! Congrats ‘tol! Isang magandang balita nga iyan. Pero hindi ako naniniwalang dahil doon kaya ka natutulala at napapangiti ng ganiyan kaganda. Sabihin mo na kung ano ang dahilan ng mga ngiti mong iyan,” ani Lester sa kaniya. Hindi nga talaga siya lulusot sa mga kaibigan niya. Kaya naman wala na siyang nagawa kundi ang sabihin sa mga ito ang dahilan ng pagkatulala at pagngiti niya. “May babae kasi akong nakaengkuwentro kanina. Mga ‘tol for the first time in history, may babaeng hindi nahumaling sa kaguwapuhan at kakisigan ko. Tapos ang matindi, sinampal niya ako mga ‘tol!” natatawang sambit niya sa mga kaibigan. “At natutuwa ka pang nasampal ka ng isang babae ha! Sino naman itong babaeng ito?” tanong ni Chino sa kaniya. “Si Snow White!” mabilis niyang tugon kay Chino. Nagkatawanan naman sina Lester at Chino sa kaniyang sinabi, kaya naman napatingin siya sa mga ito. “Anong nakatatawa?” kunot noong tanong niya sa mga kaibigan. “Ikaw!” magkapanabay pang sagot ng dalawang kaibigan saka nag-appear ang mga ito. “Kulang ka yata sa tulog kaya pati si Snow White dinala mo na sa reyalidad!” iiling-iling na turan ni Chino sa kaniya. “E, sa hindi ko alam ang pangalan nang mataray na babaeng iyon e. Saka para siyang si Snow White sa kaputian niya. Mga ‘tol, gusto ko siyang makilala, pero paano? Lilipat na ako ng University sa Manila,” may panghihinayang niyang saad sa mga kaibigan. Napasipol naman ang kaniyang mga kaibigan saka siya tinapik ng mga ito sa balikat. “Bakit gusto mo siyang makilala? Gusto mo ba siya, o dahil na-cha-challenge ka lang sa kaniya?” usisa ni Chino sa kaniya. “Gusto ko siya. Ngayon lang ako nakatapat ng isang babaeng matapang at walang sinisino,” nakangiti niyang sagot sa kaibigan. “Ayos! Ang Captain playboy mukhang tinamaan na rin sa wakas ni Kupido!” tatawa-tawa namang saad ni Lester sa kaniya. “Sapol mga ‘tol, walang mintis! Magkita pa kaya kaming muli?” ngingiti-ngiti niyang tanong sa mga kaibigan. “Yes naman! Binata na siya!” pambubuska ni Lester sa kaniya. “Sira-ulo! Pero seryoso, gusto ko siyang makilala at makita ulit. Hahanapin ko siya sa University at aalamin ang pangalan niya sa kahit na anong paraan,” desididong saad niya sa mga kaibigan. “Iyan ang lalake, matapang! Pero paano mo nga gagawin iyon, e lilipat ka na nga ng university ‘di ba?” naiiling namang pahayag ni Chino sa kaniya. Tama nga naman ang kaniyang kaibigan, paano nga kaya silang magkikita ulit ni Snow White? Napahinga na lang siya nang malalim saka napahawak sa kaniyang baba at nahimas iyon. “Ang mabuti pa, kumain na lang tayo, kaysa mamuti ang mga mata nating pare-pareho sa kaiisip kung paano mo malalaman ang pangalan ng Snow White mo!” wika ni Lester sabay tapik sa kaniyang braso. Napatayo na rin si Rex saka sumunod sa kaniyang mga kaibigan. Hindi niya alam kung anong klaseng paghahanap ang gagawin niya kay Snow White sa natitirang mga araw niya sa kanilang paaralan. Pero Bahala na! “Best, ano ba kasi ang nakain mo at bigla mo na lang sinugod si Rex? Nakakahiya best!” nagmamaktol na saad ni Kath sa kaniyang kaibigan. Nasa waiting shed na sila ngayon at nag-aabang ng jeep na masasakyan pauwi sa kanila. Hinarap niya ang kaibigan at pinamaywangan ito. “Hoy, Katherine Garcia! Magtigil ka nga riyan! Ikaw na nga itong tinarantado nang lalakeng iyon, tapos ikaw pa ngayon ang mahihiya sa kaniya? Ayos ka lang ba best?” sarkastikong turan ni Grace sa kaibigan. “E, kasi naman best e, dapat hindi mo na lang ginawa iyon! Paano na kami magkakaayos ni Rex niyan? Nakakainis ka naman e!” pumapadyak-padyak pang saad ni Kath sa kaniya. Hinila naman niya ang buhok nito saka humalukipkip sa harapan ng kaibigan. “E, nagawa ko na, kaya wala ka nang magagawa! Isa pa, he deserves it! At kung talagang mahal ka no’n, gagawa iyon ng paraan para magkaayos kayo,” nakairap niyang turan sa kaibigan. “Ayan na ang jeep. Halika na nang makauwi na tayo nang maaga. Marami pa akong gagawin sa bahay,” yaya na niya sa kaibigan nang matanaw niya ang paparating na jeep. Wala nang nagawa ang kaibigan kundi ang magpatianod sa kaniya. Napapangiti na lang siya habang pinagmamasdan ang itsura ng kaibigang nakabusangot sa kaniyang tabi. Well, sa kanilang dalawa, si Kath ang isip bata at para naman siyang ate nito. Kung sabagay, panganay si Grace sa kanila ng kapatid niyang si Gino. Samantalang si Kath naman ay nag-iisang anak. Hindi nga niya maintindihan kung paano sila naging mag-best friend nito samantalang magkasalungat ang mga ugali nila. Pero magkagayon pa man, hinding-hindi niya hahayaang may umargabyado rito. Kahit pa sinong Poncio Pilato iyan, basta malaman lang niyang nasaktan ang kaibigan, igaganti niya ito. Nang maghiwalay silang magkaibigan ay mukhang naka-move on na rin naman ito. Nakangiti na kasing muli ang kaibigan at tila wala na rito ang nangyari kanina. Napahinga na lang siya nang malalim saka kibit-balikat na pumasok na sa kanilang bahay. Pero ano nga kayang ibig sabihin nang biglang paggapang ng kuryente sa kaniyang katawan kanina? Hindi kasi niya mapaniwalaang dahil lang iyon sa malakas na pagsampal niya kay Rex. ‘Paranoid lang girl? Tigilan mo na ang kaiisip sa kumag na iyon at wala naman siyang magandang maidudulot sa iyo!’ sermon pa niya sa sarili. Kung sabagay, hindi naman na siguro mauulit ang ganoong eksena sa pagitan nila ni Rex. Siguro naman magtatanda na ang lalakeng iyon sa ginawa nitong pagpapaiyak sa kaibigan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD