Chapter 5

2111 Words
“Tama na! Tama na Ador! Ahhh!”  Mabilis na lumapit si Rex sa kaniyang mga magulang at basta na lang inihagis ang kaniyang bag, upang awatin ang ama sa p*******t nito sa kaniyang ina. Nakainom na naman ang kaniyang ama at ang ina na naman niya ang napagbuntunan nito ng galit. Galit na hindi niya alam kung saan nanggagaling. Simula kasi pagkabata, palagi na lang ganito ang eksena ng kaniyang mga magulang sa tuwing makakainom ang kaniyang ama. Kung hindi naman, siya ang pinagbubuntunan nito ng galit. “‘Tay, tama na po!” awat niya sa kaniyang ama nang makalapit na siya sa mga ito.  Tinabig niya ang kaniyang ama at agad na dinaluhan ang kaniyang ina na nakalugmok sa lupa. Inalalayan niya itong makatayo at inilayo sa kaniyang ama. Ngunit hindi pa man sila nakalalayo ay kinalabog na ng tatay niya ang kaniyang likuran. Napaliyad siya sa sakit dahil sa ‘di niya inaasahang gagawin iyon ng kaniyang ama.  “Pakialamero kang bata ka!” anang tatay niya saka siya sinuntok nito sa kaniyang tagiliran. Napaigik naman siya sa sakit ngunit ininda niya iyon at pilit na hinarap ang kaniyang ama. “Ako na lang po ang bugbugin niyo ‘tay, huwag na si inay. Wala naman po siyang ginagawang kasalanan sa inyo e,” wika niya sa kaniyang ama habang hawak-hawak niya ang kaniyang nasaktang tagiliran. “Hoy! Huwag kang makikialam sa amin ng babaeng iyan kung ayaw mong samain ka sa akin!” pulang-pula ang mukhang saad ng kaniyang ama. “Tama na Ador!” lumuluhang sambit naman ng kaniyang ina. Nasa loob na ito ng  bahay at nangangatog ang buong katawaan, habang nakasilip sa pintuan ng kanilang sala. “Tumahimik ka! Hindi pa tayo tapos!” malakas na sigaw ng kaniyang ama. “‘Tay, pakiusap, pag-usapan na lang po natin ito nang maayos. Nakainom lang po kayo, tayo na ho sa loob ng bahay,” pakiusap niya sa kaniyang ama. “Bakit? Nahihiya ka ba sa mga kapit-bahay? Mga p*tang ina ng mga iyan!” muling sigaw ng kaniyang ama sabay turo sa mga kapit-bahay nilang nakasungaw sa mga bakuran ng mga ito. “‘Tay, tayo na ho sa loob,” muling saad ni Rex saka akmang aabutin ang kamay ng kaniyang ama, nang bigla iyong umigkas at tumama iyon sa kaniyang panga. Natumba siya sa lupa at nasapo ang kaniyang panga. Naikuyom niya ang kaniyang palad at nanlilisik ang mga matang tumingin sa kaniyang ama. “Ano, lalaban ka na? Ha? Lalabanan mo na ako? Tara sige, bumangon ka riyan at labanan mo ako!” panghahamon pa ng kaniyang ama, habang sinisipa-sipa pa siya nito.  Tumayo naman siya at nakakuyom ang mga palad na tiningnan lang ang kaniyang ama. Kahit naman papaano ay hindi niya kayang labanan ang kaniyang ama. Kahit naman nakakapikon na, may natitira pa rin naman siyang respeto para rito. “‘Tay, pumasok na po tayo sa loob,” mahinahong sambit niya sa ama. “Wala ka pala e! Mahina ka!” nang-uuyam na saad ng tatay niya saka siya nito muling susuntukin. Ngunit bago pa man umabot ang kamao nito sa kaniyang mukha, mabilis na niya iyong naiwasan at nahawakan ang kamay ng kaniyang ama. Agad namang binawi iyon ng kaniyang ama at mabuway na tumindig sa kaniyang harapan.  “‘Tay, tama na po! Hindi ko alam kung ano bang nagawa ko sa inyo para ganituhin niyo ako! Simula pagkabata, wala na akong ginawang tama sa inyo! Ni hindi ko nga matandaang kahit minsan ay nginitian niyo ako o niyakap man lang. Kahit matinong pagkausap sa akin, hindi ko naranasan. ‘Tay, ano po bang nagawa ko sa inyo?”  Hindi na niya napigilang tanungin ang kaniyang ama. Simula kasi nang magkaisip siya, wala siyang magandang alaala ng kaniyang ama. Kapag nakakainom ito, palagi siyang sinasaktan nito. Kaya naman kapag alam na niyang nakainom ang tatay niya, hindi na lang siya nagpapakita rito. Ibang-iba ang trato nito sa iba pa niyang mga kapatid. Magiliw ito sa mga kapatid, samantalang siya, ni hindi man lang nito matapunan ng tingin. “Hindi mo alam ang kasalanan mo?” nakangising tanong ng kaniyang ama. “Ador, huwag! Pakiusap!” anang nanay niya. “Tumahimik ka! Bakit natatakot ka bang malaman ng batang ito ang katotohanan?” asik nito sa kaniyang ina. Naguguluhan naman si Rex habang naghihintay ng mga susunod pang sasabihin nito sa kaniya. “Kasalanan mong isinilang ka sa mundo!” baling sa kaniya ng ama. “Ador, tama na!” pakiusap ng kaniyang ina habang lumuluha na itong nakatunghay sa kanila. Hindi naman pinansin ng kaniyang ama ang nanay niya.  “Malas ka sa buhay ko, alam mo ba iyon? Simula nang dumating ka sa buhay namin, nagkadaletse-letse na kami. Ang pagsasama namin ng nanay mo, ang trabaho ko, ang negosyo ko— lahat! At ikaw ang may kasalanan ng lahat!”  “Bakit ‘tay? Kung nagsisisi kayong ipinanganak ako, sana noon pang nasa tiyan ako ni nanay, pinatay niyo na ako. Sana noong araw na ipinanganak ako, ipinamigay o itinapon niyo na lang ako. Mas mabuti pa nga sigurong ganoon na lang ang ginawa ninyo kaysa araw-araw kong pinagdurusahan ang mabuhay sa piling ninyo! Kahit kailan hindi mo ako itinuring na anak!” punom-puno ng hinanakit na saad niya sa kaniyang tatay. “Bakit, sino bang may sabi sa iyong anak nga kita?” nakakalokong tanong ng kaniyang ama sa kaniya. Naguguluhang napatingin naman siya sa kaniyang inang humahagulhol na ngayon habang nakasandal sa hamba ng kanilang pintuan. “O, nagulat ka ba? Oo hindi kita anak! Dahil ang malandi mong ina, nagpakangkang sa iba habang nasa malayo siya!” Dumura ito sa kaniyang harapan saka muling tumingin sa kaniyan. Kitang-kita niya ang hinanakit sa mga mata ng kaniyang ama. “Kaya ngayong alam mo na ang totoo, huwag na huwag mo na akong tatawagin pang tatay! Dahil kahit kailan, hinding-hindi kita matatanggap na anak!” sabi pa nito saka siya malakas na itinulak nito sa kaniyang dibdib.  Natitigilan naman siya sa kaniyang kinatatayuan, habang sinusundan ng tingin ang kaniyang ama na naglalakad papasok sa kanilang bahay. Nakita pa niya ang pagpahid nito ng luha sa mga mata nito. Halatang nasaktan rin ito sa mga sinabi nito sa kaniya. Gusto niyang linawin dito ang mga sinabi nito ngunit hindi niya magawang kumilos mula sa kaniyang kinatatayuan. Makalipas ang ilang sandali at unti-unti na rin siyang napaupo sa lupa at naisabunot ang kaniyang mga kamay sa kaniyang buhok, habang nakapatong iyon sa kaniyang mga tuhod. Paulit-ulit niyang binalikan sa kaniyang isipan ang sinabi ng kaniyang ama na hindi siya nito anak. Pero paanong nagyari iyon? Kaya pala ganoon na lang ang trato ng kaniyang ama sa kaniya. Pero bakit ngayon lang sinabi sa kaniya nito ang katotohanang iyon? “Anak, patawarin mo ako kung sa ganitong paraan mo kailangang malaman ang katotohanan. Hindi ko gustong ilihim sa iyo ang tungkol sa bagay na iyon, humahanap lang ako ng tiyempo. Kaso naunahan na ako ni Ador. Patawad anak,” humahagulhol na saad ng kaniyang ina na ngayon ay nakaupo na rin sa kaniyang harapan. Iniangat niya ang kaniyang mukha saka niyakap nang mahigpit ang ina. Para namang gripong sira ang kaniyang mga mata sa tuloy-tuloy na pag-agos ng kaniyang mga luha. Aaminin niyang nasaktan siya sa sinabi ng itinuring niyang ama. Pero ano namang magagawa niya? Paniguradong nasaktan din ito sa ginawa ng kaniyang ina noon. “‘Nay, gusto ko pong malaman ang lahat-lahat,” aniya sa kaniyang ina matapos silang magyakapan nito. Hinaplos ng kanyang ina ang kaniyang mukha saka ito tumango sa kaniya. Kahit masakit, titiisin niya, kaysa naman habang buhay siyang walang nalalaman tungkol sa tunay niyang ama. ***** “Maliliit pa ang mga ate at kuya mo nang umalis ako ng Pilipinas. Dahil sa kahirapan, napilitan akong umalis para naman makaahon kami sa hirap. Noong una ayaw akong payagan ni Ador na umalis, pero kasi ginigipit na kami ng mga pinagkakautangan namin. Kaya ayaw man namin, napilitan na rin akong umalis,” simula ng kaniyang ina. Nasa loob sila ngayon ng silid ng mga ito at inaasikaso ng nanay niya ang kanilang ama na mahimbing nang natutulog dahil sa kalasingan. “Okay naman ang trabaho ko sa ibang bansa, kaya nabayaran namin ang mga utang at nakapagpatayo kami ng negosyo ng tatay mo. Isang taon na lang sana  at uuwi na ako, pero nagkaroon ng problema. Itinago ng amo ko ang passport ko at ikinulong ako sa bodega.” Napahagulhol ang kaniyang ina pagkasambit niyon sa kaniya. Tila muli nitong naalala ang masakit na nakaraan nito. Agad naman niyang nilapitan ito at hinimas ang likuran ng ina. “Ginahasa ako ng amo ko nang paulit-ulit. Wala akong nagawa dahil malakas siya. Pinagbantaan din niya akong papatayin kapag hindi ako sumunod sa gusto niya. Awang-awa ako sa sarili ko noon anak, diring-diri ako sa tuwing gagamitin ako ng amo ko. Hanggang sa isang araw, narinig ko ang usapan ng amo ko at ng asawa nito na aalis sila para magbakasyon. Doon ako nabuhayan ng loob. Ginamit ko ang buong lakas ko para makatakas sa loob ng bodega. Nang makatakas ako, hinanap ko ang passport ko at tumawag ako sa kaibigan ko. Tinulungan niya akong lumapit sa embahada at doon kami humingi ng tulong.”  Huminga muna nang malalim ang kaniyang ina saka nagpatuloy, “Naipakulong namin ang amo ko at nakauwi ako ng Pilipinas. Wala na sana akong balak pang sabihin sa tatay mo ang mga nangyari sa akin sa ibang bansa, pero kasi nagbunga ang panggagahasa sa akin ng hayop kong amo. Pilit kong ipinapaliwanag sa tatay mo ang totoong nangyari, pero ayaw niyang makinig sa akin. Hindi siya naniniwala, pakiramdam niya ay niloko ko siya. Pero anak, maniwala ka sa akin, may mga ebidensiya akong magpapatunay na ginahasa ako ng amo ko noon,” lumuluhang saad ng kaniyang nanay sa kaniya. Ikinulong niya sa kaniyang mga bisig ang kaniyang ina saka ito niyakap nang mahigpit. Hindi siya galit sa kaniyang ina sa paglilihim nito ng mga nangyari rito noon. Galit siya sa walang pusong lalakeng naging dahilan ng paghihirap nila ng kaniyang ina ngayon. Galit siya sa taong umabuso sa kaniyang ina. Galit siya sa totoo niyang ama. “‘Nay, tahan na. Huwag ka nang umiyak. Darating din ang raw na matatanggap din ni tatay ang katotohan. Saka salamat po, kasi kahit bunga lang ako ng panlalapastangan sa inyo, binuhay niyo pa rin ako at minahal. Hayaan mo ‘nay makakabawi rin ako sa inyo. Tutulungan ko kayong maibangon ang negosyo niyo ni tatay,” nakangiti niyang saad sa kaniyang ina. “Salamat anak. Kahit kailan hindi kita itinuring na isang malaking pagkakamali o malas. Anak kita, dugo at laman ko ang dumadaloy sa iyo. Kaya mahal na mahal kita anak. Pagpasensiyahan mo na lang sana ang tatay mo anak ha? Siguro darating din ang panahon na matatanggap ka niya,” malungkot na saad ng kaniyang ina. “Okay lang naman ako ‘nay. Matagal ko naman na pong tanggap na ayaw sa akin ni tatay. Pero kahit naman ganoon ang trato niya sa akin, mahal ko pa rin po siya. Kaya ‘nay, huwag ka na pong mag-alala sa akin,” nakangiti niyang turan sa kaniyang ina. “Siya nga pala ‘nay, magpapaalam po pala ako sa inyo,” pag-iiba niya ng usapan. “Bakit anak, aalis ka ba? Saan ka pupunta?” nagtatakang tanong naman ng kaniyang ina. “Ahm, natanggap po kasi iyong application ko sa Dreame Magic. Kinuha po nila ako so, kailangan ko pong lumuwas ng Maynila at doon na mag-aaral sa Stadium University main. Okay na rin po siguro iyon ‘nay, baka sakaling ‘pag hindi na ako nakita ni tatay dito sa bahay, hindi ka na rin niya saktan. Tutal, ako naman po yata ang dahilan kung bakit ka niya nasasaktan e. Ipinapaalala ko sa kaniya ang ang nangyari sa inyo noon,” malungkot niyang saad sa kaniyang nanay. “Anak, pasensiya ka na ha? Hindi man lang kita maipagtanggol sa tatay Ador mo. Hayaan mo, darating din ang araw na matatanggap ka niya at lilitaw rin ang katotohanan,” malungkot ring saad nito sa kaniya. “Tanggapin mo iyang offer sa iyo anak at naniniwala akong kayang-kaya mo namang pagsabayin ang pag-aaral mo at paglalaro. Balang araw alam kong sisikat ka. Kaya anak, susuportahan kita riyan.” Pinisil pa nito ang kaniyang kamay saka siya muling niyakap ng nanay niya.  Mabuti na lang kahit bunga lang siya ng pang-aabuso sa kaniyang ina, kailanman ay hindi ipinadama ng nanay niya sa kaniya iyon. Bagkus, minahal pa siya nito ng buo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD