Nasa court ngayon sina Rex at ang team mates niya para mag-practice. Nalalapit na naman kasi ang National Invitation Tournament, kaya puspusan ngayon ang kanilang pagpa-practise. Ilang pasahan pa ng bola at takbo ang kanilang ginawa bago tumawag ng time out ang kanilang coach. Hingal na hingal silang nagtungo sa kanilang bench para uminom ng tubig.
“Grabe ang energy mo Captain! Ganiyan ba talaga kapag maraming chicks?” hinihingal na tanong ni Marvin sa kaniya.
“Tsk! Chicks ka riyan!” sagot naman niya rito sabay wisik ng tubig dito mula sa bote ng mineral water na iniinom niya kanina. Tatawa-tawa naman ang kaibigan habang inihaharang ang mga kamay sa mukha nito.
“Kaya nga captain, how to be you po?” gatong naman ni Bernard na nakangisi sa kaniyang tabi.
“Tsk! Kayong dalawa, pagbuhulin ko kaya kayo? Ang kukulit niyo eh. Pati ba naman kayo nakikisali sa mga tsismis sa paligid?” aniya sa mga ito.
“Uyyy, hindi naman Captain. Siyempre alam na alam naming wala kang babae kahit pa napakarami nilang nagke-claim na jowa mo,” wika naman ni Marvin sa kaniya.
Natawa naman siya sa sinabi ng kaniyang kaibigan. Totoo naman kasi ang sinabi nito at hindi niya itatanggi iyon. Wala eh, kasalanan ba niya kung ipinanganak siyang malakas ang dating sa mga kababaihan at mga binabae?
“Ewan ko sa inyong dalawa. Tara na back to game nang matapos na tayo for today,” sabi niya sa mga ito saka siya tumakbo pabalik sa loob ng court.
Kagaya nang naunang laro nila, panalo na naman siyempre ang grupo nila. Matapos ang game ay masaya silang naghuntahan sa loob ng court. Maya-maya lang ay siniko siya ni Bernard at inginuso ang isang babaeng tila patungo sa kaniyang kinatatayuan.
“Uh oh! Trouble alert Captain,” bulong pa nito sa kaniya.
*****
Pulang-pula ang mukha ni Mary Grace nang sumugod ito sa university gym nila. Agad hinanap ng kaniyang paningin si John Rex Trimor. Ang Captain playboy ng kanilang basketball team. Nang makita niya itong nakatayo sa gitna ng court ay agad niya itong sinugod at mabilis na sinampal. Dahil sa gulat, hindi ito na kaimik sa kaniyang ginawa at nanatiling nakatitig lang sa kaniya.
“Ikaw na two timer ka! Bakit mo pinaiyak si Kath? Mabuti pang nakipag-break ka na lang sana sa kaniya ng harapan, kaysa ipinamukha mo sa kaniyang may iba ka na habang kayo pa!”
Galit na galit siya sa lalakeng kaharap niya ngayon. Kanina kasi ay humahagulhol na lumapit si Kath sa kaniya at nang tanungin niya ito ay sinabi nitong ipinagpalit daw ito ni Rex sa iba. Kaya naman ngayon ay nanggigigil siya sa binatang kaharap niya ngayon.
“Teka Miss. Una sa lahat, hindi ko kilala si Kath na sinasabi mo. Pangalawa, wala akong girlfriend at hindi pa ako nagkaka-girlfriend. Pangatlo, puwede ka bang ligawan?” nakangising sagot pa nito sa kaniya.
Lalo namang nag-init ang ulo niya sa sinabing iyon ni Rex. Imbes na matakot ito sa kaniya, nakangisi pa itong parang walang nangyari. At balak pa yata silang tuhugin nitong magkaibigan. No way!
“Bwisit ka talagang lalake ka! Makinig kang mabuti sa akin. Kung ang ibang mga babae rito sa University ay halos magkandarapa sa iyo, puwes ibahin mo ako! Hindi kita type at hinding-hindi ako magkakagusto sa isang playboy na katulad mo!”
Tinadyakan pa niya ang paa ni Rex bago tuluyang naglakad palabas ng gym. Hindi niya alintana ang mga matang kanina pa nakatingin sa kanila ni Rex.
*****
Napasinghap si Rex dahil sa sampal na iginawad sa kaniya ng isang babaeng ngayon lang niya nakita. Ang mas ikinagulat pa niya ay ang sabihin nitong pinaiyak niya raw ang isang nagngangalang Kath. Habang nagsasalita ang dalaga, ay aliw na aliw siya sa mukha nitong pulang-pula sa galit sa kaniya. Masakit man ang pagkakasampal nito sa kaniya ay hindi niya iyon alintana.
Natatawa na lang siya nang tadyakan pa siya nito bago umalis ng gym. Agad naman siyang dinaluhan ng mga team mates niya, at kinumusta siya ng mga ito.
“Grabe iyon Captain ha!” sabi ni Marvin sabay sipol.
“Ano kayang pangalan niya?” wala sa sariling tanong naman niya rito.
“Awww! Mukhang may tinamaan ah!” tatawa-tawang saad naman ni Bernard.
Ngumiti naman siya sa mga ka-team niya at kinuha nag bolang hawak ni Bernard, saka tumira ng three points— shoot! Walang sablay!
“Hanep Captain, maka-three points ka rin kaya sa puso ni Miss Taray?” pangangatiyaw pa ni Bernard sa kaniya.
Sinuntok lang niya ito ng mahina sa braso, saka nakangising naglakad patungong bench. Kailangang malaman niya ang pangalan ng dalagang nangahas na sumampal sa kaniya. For the first time, may isang babaeng hindi tinablahan ng kaniyang karisma. Ang kauna-unahang babaeng nakakuha ng kaniyang atensiyon. Umubra kaya ang karisma niya sa dalaga?
Napangisi pa siya habang hinihimas ang nasaktang pisngi at saka masiglang dinampot ang kaniyang towel at jag, bago nagtungo sa kanilang locker. Magbibihis na siya at aalamin ang tungkol sa dalagang sumugod sa kaniya. Kailangan niyang malinis ang reputasyon sa dalaga. Hinding-hindi siya papayag na madungisan ang pagkakakilala nito sa kaniya.
Matapos siyang maligo at magbihis ay agad na siyang lumabas sa kanilang locker upang sana hanapin ang dalagang nanakit sa kaniya kanina. Ngunit hindi pa man siya nakalalayo ay may tumawag na sa kaniya. Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig na iyon at nakitang ang kanilang coach pala iyon. Agad siyang ngumiti at humarap sa kanilang coach. Tinapik naman siya nito sa kaniyang balikat bago inakbayan.
“Rex, may good news ako para sa iyo,” sabi nito sa kaniya.
“Ano iyon coach? Nanalo ba ako sa lotto?” biro niya rito.
Natawa naman ito at nagpamulsang humarap sa kaniya. “Loko! Bakit tumaya ka ba?” ganting biro rin nito sa kaniya. “Anyway, you were selected to join the Dreame Magic basketball team in Manila,” bulalas ito sa kaniya.
Natigagal naman siya sa sinabing iyon ng kanilang guro at hindi makapaniwala na napili siya ng isa sa sikat na kuponan ng basketball sa buong bansa. Sa dami kasi ng mga applicants na nagpasa roon ay hindi niya akalaing mapipili siya ng kuponang iyon. Dream come true para sa kaniya iyon. Pero paano na ang paghahanap niya sa dalagang nanampal sa kaniya kanina? Magkita pa kaya silang muli nito?