Ngani-nganing batuhin ni Grace ng heavy duty stapler si Rex nang magpaalam ito sa kaniya at mabilis na sumunod kay Doktora Vida. Kung hindi lang nakahihiya sa doktora, malamang na itinuloy niya ang pagbato rito nang malaking stapler.
“Nakakainis ka talagang lalake ka! Naku, naku, naku! Buwiset!” bubulong-bulong niyang saad habang nagdadabog siyang tumipa sa kaniyang computer.
Bago kasi dumating si Rex kanina, tinawagan niya ang kasintahan na nauwi lang sa away dahil sa simpleng tanong niya rito.
Flashback...
Katatapos lang kumain ni Grace at naisipan niyang tawagan ang kaniyang kasintahan. Kukumustahin lang sana niya ito at tatanungin na rin tungkol sa championship ng mga ito. Nakakailang ring na bago ito sagutin ng kaniyang kasintahan na parang hinihingal pa.
“Hi Bheb! Kumusta ka na?” masigla niyang bati sa kasintahan.
Dalawang araw na siyang hindi tinatawagan nito at halos mag-iisang buwan na silang hindi nagkikita ng binata. Natural lang naman siguro na hanapin niya ito at kumustahin. Hindi niya alam kung ano ang pinagkakaabalahan nito maliban sa excuse nitong pag-aaral at practice.
“Hmmm, Bheb, napatawag ka?” parang walang kagana-ganang sagot nito sa kaniya.
“Ahm, kukumustahin lang sana kita. Almost a month na noong huli tayong nagkausap e. And dalawang araw ka nang hindi tumatawag at nagte-text, kaya nag-aalala na ako sa iyo,” malambing niyang saad dito habang nilalaro-laro sa kaniyang kamay ang lapis na nadampot niya sa kaniyang lamesa.
“Bheb, I’ve told you the reason right? Bakit hindi mo iyon maunawaan?” may himig ng pagkairita sa tinig nito.
“Hey, nagtatanong lang naman ako kung kumusta ka? Siyempre girlfriend mo ako, normal lang naman siguro na tanungin kita at mag-alala ako ‘di ba? Bakit ka nagagalit?” tanong niya sa kasintahan.
“E, kasi naman as if I didn’t told you the reason kung bakit hindi kita puwedeng kitain e. Isa pa, I’m just too busy with my school works and prctice, kaya hindi kita ma-text or tawagan man lang. Can’t you understand that?” galit na tanong nito sa kaniya na ikinabigla naman niya. Bakit parang kasalanan pa niya ngayon na nangumusta lang naman siya?
“Okay, I’m sorry. Pero huwag ka namang magalit sa akin. I asked you nicely, can’t you just answer me nicely too? Look, I know that you’re tired in whatever you are doing, but please you can just tell me without yelling at me. Pagod din ako sa trabaho pero nagawa pa rin kitang tawagan, dahil importante ka sa akin. Sana importante rin ako sa iyo.”
Maluha-luha niyang pinatay ang kaniyang cellphone at nasapo ang kaniyang noo, habang kumukurap-kurap upang pigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Aaminin niyang masamang-masama talaga ang loob niya sa kasintahan, dahil parang hindi man lang nito na-appreciate ang kaniyang effort sa pagtawag dito.
End of flashback...
Napahinga na lang siya nang malalim matapos niyang balikan ang naging pag-uusap nila ni Dino kanina. Umasa rin siya na tatawagan siya nito, pero umasa siya sa wala. Kaya naman lalong sumama ang loob niya sa kaniyang kasintahan. At ngayon nga, dumagdag pa itong si Rex na wala na yatang alam gawin kundi ang asarin siya.
‘Matapos na nga ito nang makauwi na,’ bulong niya sa kaniyang sarili saka itinuloy ang kaniyang ginagawa.
*****
“Ano namang mabuting hangin ang nagdala sa iyo rito JR, at pati ang maganda kong nurse ay piniperwisyo mo?” tanong ni Doktora Vida kay Rex nang makapasok na ang mga ito sa opisina ng doktora.
“Hala! Hindi ko naman siya piniperwisyo e, nagpapa-cute lang ako sa kaniya. Baka kasi sakaling magbago ang isip niya at mabaling sa akin ang paningin niya,” ngingiti-ngiting turan niya sa doktora.
“Sira-ulo ka talaga!” naiiling namang turan nito sa kaniya.
Natawa naman siya sa sinabi ng doktora. Matanda lang ng ilang taon ang doktora sa kaniya, kaya para lang silang magbarkada nito.
“Well, kaya ako narito para ibigay sa iyo ang VIP pass para sa championship,” aniya sabay kuha ng dalawang VIP pass sa doktorang nakalahad na ang mga kamay sa kaniyang harapan, kahit wala pa ang pass na ibibigay niya rito. Kaya naman pinaglaruan muna niya ang doktora at itinaas ang hawak niyang VIP pass.
“Give it to me, you naughty big man!” wika nito habang pilit na inaabot ang mga tickets sa kaniyang kamay. Tatawa-tawa naman siya habang hinahayaan itong tumalon upang makuha ang mga tickets.
“JR kapag hindi mo ibinigay sa akin iyan, babalian kita ng buto nang hindi ka na makapaglaro!” pagbabanta ni Doktora Vida sa kaniya. Natatawang itinaas niya lalo ang kaniyang kamay, kaya naman nakapamaywang na lang ang kawawang doktor habang nakasimangot ito sa kaniyang harapan.
“Ito na! Kawawa ka naman kapag hindi mo nasiliyan ang coach ng Dreame Magic,” nanunuksong saad niya pa rito.
“Heh!” nakairap namang tugon nito saka mabilis na kinuha ang tickets sa kaniyang kamay. “Pupunta ba?” maya-maya ay tanong nito sa kaniya.
“Ayan tayo Dok e. Kunwari ka pa riyan, gusto mo rin naman pa lang makita. Uyyy!” panunukso niya sa doktora. Hindi naman kasi lingid sa kaniyang kaalaman na malaki ang pagkakagusto ng batang doktora sa coach ng Dreame Magic. Kaya naman sa tuwing may laro sila, hindi niya kinakalimutang bigyan ng VIP pass si Doktora Vida.
“Enebe? Siyempre naman, minsan na nga lang ako makakakita nang tunay na Adonis, pipigilan ko pa ba naman ang sarili ko?” nakangisi namang tugon nito sa kaniya. Natawa naman siya sa itsura ng doktora dahil parang teenager lang ito kung umasta. Nagba-blush pa nga ito ngayon sa kaniyang harapan na parang teenager.
“Dok, grabe ka naman. So, si coach Kyle lang ang tunay na Adonis, gano’n? Paano naman kami?” biro niya sa doktora.
“Mga alien kayo!” mabilis na saad nito sabay hagikhik sa kaniyang harapan.
“Hus! Ikaw kaya ang alien! Kita mo nga o, para kang kamatis diyan,” tatawa-tawa naman niyang turan dito.
“Buwisit ka! Anyway, bakit dalawa ito?” tanong nito sa kaniya habang nakataas ang dalawang ticket sa kaniyang harapan. Napakamot naman siya ng kaniyang ulo saka ngumisi rito.
“Alam mo na iyon Dok. Baka lang naman may gusto kang imbitahan,” makahulugang sagot niya sa doktora.
“Uh huh! Pero sure naman akong may passes na rin iyong gusto mong imbitahan ko. But, I will still keep it, just in case.” Kumindat pa ito sa kaniya saka itinago ang mga tickets sa drawer ng lamesa nito.
“Sige Dok, hindi na rin ako magtatagal. Alam mo na, strict ang kahera ko,” pabiro niyang wika sa doktora na bumungisngis sa kaniyang itinuran.
“O, siya sige. Mag-iingat ka, lalo na paglabas mo ng opisina ko. Baka may sibat ng nakaabang sa iyo riyan,” humahagikhik na saad nito sa kaniya.
Alam na alam niya kung ano ang tinutukoy na iyon ni Doktora Vida. Kaya naman nginisihan lang niya ito saka siya lumabas ng opisina nito. Nang makarating na siya sa lamesa ng dalaga, nakita niya itong abala na sa kung anomang ginagawa nito.
“Bye, Nurse Grace! Huwag mo akong mami-miss ha?” paalam niya rito saka mabilis tumalilis palabas ng clinic.
Sumilip pa siya sa pintuan ng clinic sabay kindat sa dalaga. Dumampot naman ito ng kung ano sa lamesa nito na ipampupukol sa kaniya kaya mabilis na siyang umalis bago pa man siya mabato nito.
Malawak pa ang pagkakangiti niya sa kaniyang mga labi, habang naglalakad nang palabas ng kanilang university. He felt satisfied, lalo na at nasilayan niyang muli ang dalagang nagpapatibok ng kaniyang puso.
Nag-aabang na siya ng jeep na masasakyan pauwi sa kaniyang tinutuluyan, nang mamataan niya si Dino na may akbay-akbay na babae ‘di kalayuan mula sa kaniyang kinaroronan. Napailing na lang siya saka iniiwas ang paningin sa mga ito. Hindi niya talaga maintindihan kung bakit paiba-iba ng babae ang isang ito. May quota kaya si Dino bawat buwan sa kung ilang babae ang mabibiktima nito?
‘Condolence soon miss,’ bulong niya sa kaniyang sarili bago siya sumakay ng jeep na kahihinto lang sa kaniyang harapan.
*****
“O, Grace, hindi ka pa ba tapos? Tara na, isasabay na kita pag-uwi. Along the way naman ang sa bahay ko e,” nakangiting yaya ni Doktora Vida kay Grace.
“Ayyy, nakahihiya naman Dok,” aniya sa doktora.
“Sus! Wala iyon ano ka ba? Tara na, para hindi ka na rin maglakad.”
Mabilis na niyang inayos ang kaniyang gamit at saka sumabay kay Doktora Vida. Magpapakipot pa ba naman siya? E, libre naman at saka tinatamad din naman siyang maglakad ngayon, kahit pa nga malapit lang talaga ang dorm niya.
Nasa labas na sila ng university nang may mahagip ang kaniyang mga mata sa ‘di kalayuan. Hinabol niya nang tanaw iyon, pero hindi na niya nakita pang muli ang isang pares ng lalake at babaeng magkaakbay. Kunot noo tuloy siyang napaayos ng upo sa passenger seat.
“O, bakit nakakunot iyang noo mo?” tanong sa kaniya ng doktora nang mapasulyap ito sa kaniya.
Mabilis naman siyang umiling saka pilit na ngumiti sa kaniyang katabi. Hindi niya maaring sabihin dito na parang si Dino ang nakita niya dahil tiyak na magagalit ito sa kaniyang kasintahan at sasabihin lang nito na ‘Sabi ko sa iyo e!’ todo tanggol pa naman siya sa kaniyang kasintahan tapos malalaman lang nitong nambabae si Dino.
‘Nambababae agad? Baka naman kaibigan lang niya iyon or kamag-anak? Baka kapatid?’ aniya sa kaniyang sarili.
Pilit pa rin niyang kinukumbinsi ang kaniyang sarili na hindi siya magagawang lokohin ni Dino. Isa pa, hindi naman siya hundred percent sure na si Dino nga ang nakita niya kanina e. Hawig lang, pero doesn’t mean na si Dino nga iyon. Para mawala ang agam-agam niya, kokomprontahin na lang niya ito bukas. Tutal off naman niya, susorprisahin na lang niya ito. Tama! Iyon na nga ang gagawin niya.