Malawak ang pagkakangisi ni Rex habang pinagmamasdan ang papalayong si Grace. Nang makita niya ito kanina na naglalakad pagbaba niya ng jeep, naisip niyang asarin at magpapansin sa dalaga. Kaya naman sinitsitan niya ito ng ilang ulit. Nang lumingon ito, agad niyang kinausap ang babae na kanina pa parang kitikiting naasinan sa kaniyang tabi.
Ilang ulit niyang ginawa ang pagsitsit kay Grace hanggang sa tuluyan na siyang tarayan nito. At ang huli nga ay kwinelyuhan pa siya ni Grace na muntik na niyang ikasubsob sa mukha ng dalaga. Kung hindi lang siya maagap at sinamantala niya ang pagkakataon, malamang na nahalikan niya ang dalaga. Pero dahil gentleman naman siya, hindi niya iyo ginawa at mas pinili pa rin niya ang igalang ito. Kahit pa ang totoo, gusto na niyang halikan ang mga labi nitong nakakatakam dahil sa pula ng mga iyon.
“Captain...” Bigla siyang natauhan at napabaling nang tingin sa babae sa kaniyang tabi. Nakangiti niya itong tinunghayan na halos ikahimatay naman ng babae.
“Sorry, nakalimutan ko kasama pa pala kita. Teka, ito nga pala iyong pangako ko sa iyo.” Mabilis niyang inilipat ang kaniyang bag sa kaniyang harapan at kinuha mula roon ang VIP pass para sa laro nila sa championship. May sampung VIP pass pa siya, kaya okay lang na mamigay siya. Lalo na at tinulungan naman siya ng dalaga kanina.
“Here. Huwag kang mawawala sa game namin ha? Isama mo na rin ang mga friends mo. Kaso isa lang ang puwede kong ibigay sa iyo e,” napakamot pa siya sa kaniyang ulo habang nakangiti sa dalaga.
“Naku Captain, okay lang. Willing to pay naman ang mga iyon, masilayan lang kayo ng team mo!” kinikilig na turan pa nito sa kaniya. Napangiti naman siya sa dalaga saka ito tinapik sa balikat.
“Ngayon pa lang nagpapasalamat na ako sa suporta ninyo ng mga kaibigan mo,” sincere niyang saad dito. Bahagya pang namula ang pisngi ng dalaga sa kaniyang harapan at nakagat pa nito ang pang-ibabang labi nito.
“So, paano? Mauuna na ako sa iyo, may klase pa kasi ako e. Again, thank you and see you sa game!” nakangiti niyang paalam sa babae habang hindi pa ito hinihimatay sa kinatatayuan nito. Pakiramdam niya kasi any moment, hihimatayin na ang babae sa kaniyang harapan. Kaya naman bago pa iyon mangyari, aalis na siya.
Habang naglalakad, nagpapabalik-balik sa isipan ni Rex ang tagpo kanina sa pagitan nila ni Grace. Natutuwa siyang naasar niya ang dalaga kanina. Lalo kasi itong gumanda sa kaniyang paningin lalo na noong pulang-pula ang pisngi nito dahil sa inis sa kaniya.
‘Aaraw-arawin kita Snow White hanggang sa mapasa akin ka,’ nakangiti niyang bulong sa kaniyang sarili saka hinila ang kaniyang bag upang ayusin iyon sa pagkakasukbit mula sa kaniyang balikat.
“Mabigyan nga ng ticket mamaya si Dok Vida para magkaroon ako ng excuse na makita kang muli aking mahal na Snow White,” mahina niyang usal
*****
Padabog na naupo si Grace sa harapan ng kaniyang lamesa at nakasimangot na napakalumbaba sa ibabaw niyon. Hindi siya makapaniwalang napahiya siya kanina nang pagbintangan niya si Rex na sumisitsit sa kaniya. It turns out na hindi naman pala ito ang sumisitsit. And worse, hindi siya ang sinisitsitan!
“Nakakainis!” nanggigigil na bulalas niya habang ipinupukpok ang isang kamay niya sa babaw ng lamesa.
“Aherm! At bakit ka naman naiinis? Kay aga-aga pa naiinis ka na kaagad.”
Bigla siyang napaayos ng upo at napatingin sa batang doktora. Napalabi pa siya nang makitang tila nang-aasar pa ito ngayon sa kaniyang harapan ngayon. Lumapit naman ito sa kaniya at nakahalukipkip na sumandal sa kaniyang lamesa.
“So, bakit ka naiinis? Nag-away ba kayo ng jowa mo?” tanong nito sa kaniya.
“Hindi Dok. Hindi pa nga kami nagkikita ulit ni Dino after nang last date namin e,” tugon niya sa doktora.
Actually isa iyon sa dahilan kung bakit siya bad mood ngayon. Hindi niya kasi alam kung sila pa ba ng kasintahan niyang hindi nagpaparamdam sa kaniya. Well, tumatawag naman at nagte-text naman ito pero ang magpakita ay hindi man lang magawa nito. Palagi na lang kasing sinasabi nito na busy ito sa practice at school works nito.
“Ano? Ganoon na katagal mula nang huli kayong magkita ni Dino? Oh my God Grace, sure ka bang kayo pa ng lalakeng iyon? Baka naman kaya hindi nagpapakita dahil may iba nang nilalandi ang playboy na iyon?” gulat na gulat na pahayag ng doktora sa kaniya.
“Grabe naman Dok. Baka sadyang busy lang siya talaga. Saka hindi naman siguro mambababae si Dino,” wika naman niya sa doktora.
“Hmmm, hindi tayo sure! Lalo na at sa kabilang university iyang jowable mo. Malay mo, taga roon ang nilalandi noon ngayon,” sabi ni Doktora Vida sa kaniya.
“Eeeiii! Dok naman e. Huwag mo nang lasunin ang utak ko. Basta alam kong hindi siya nambababae at busy lang siya sa school. Okay?” aniya sa doktora saka hinarap ang kaniyang computer. Kailangan niya ng distraction para makalimutan ang mga sinabi ng batang doktora sa kaniya.
“Okay. Sabi mo e. Anyway, malapit na ang championship, baka naman pati iyon hindi nabanggit sa iyo ng kasintahan mo?” maya-maya ay tanong nito sa kaniya.
“O-oo naman Dok!” pagsisisnungaling niya rito.
“Mabuti naman kung ganoon. Siya, magtatrabaho na rin ako at nakahihiya naman sa iyo,” bumubungisngis pa nitong saad sa kaniya saka ito umalis mula sa pagkakasandal nito sa kaniyang lamesa.
Napangiti na lang siya sa doktora saka napabuntong hininga nang makapasok na ito sa opisina nito. Sumandal siya sa kaniyang upuan at nilaro-laro ang ballpen sa kaniyang kamay. Sa totoo lang, walang nabanggit sa kaniya si Dino tungkol sa championship ng mga ito. At dahil ayaw niyang sumama lalo ang image ng kasintahan kay Doktora Vida, napilitan na lang siyang magsinungaling dito.
‘May balak kaya si Dino na yayain ako sa championship game nila?’ tanong niya sa kaniyang sarili.
‘Baka naman nakalimutan lang. Yayayain ka rin no’n!’ anang kabilang panig ng utak niya.
Muli siyang napahinga nang malalim saka hinarap ang kaniyang trabaho. Hindi naman kasi makatutulong kung patuloy niyang iisipin ang tungkol sa bagay na iyon. Tatawagan na lang niya si Dino mamaya para tanungin sa bagay na iyon.
*****
Katatapos lang nang klase ni Rex nang maisipan niyang dumaan sa clinic para mambuwisit. Nasasabik na siyang makita ang malakamatis na mukha ni Grace oras na mainis na naman niya ang dalaga. Sisipol-sipol pa siya habang naglalakad patungo sa clinic. Napangisi pa siya nang makitang nag-aayos ng mga gamot si Grace sa stante malapit sa table nito. Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa table nito saka maingat na naupo sa harapan ng mesa nito.
“Aherm! Hrmm!” malakas niyang tikhim upang kunin ang atensiyon nito. Hindi naman siya nabigo dahil mahinang napamura pa ito at halos mapatalon sa pagkagulat.
“Cursing is bad. Ang ganda-ganda mo pa naman tapos nagmumura ka. Tsk, tsk, tsk!” iiling-iling na wika niya sa dalaga. Tinaasan naman siya nang kilay ni Grace bago irapan nito.
“Ano namang ginagawa mo rito? Mukha ka namang walang sakit,” hindi tumitinging saad nito sa kaniya.
Sumandal naman siya sa kaniyang kinauupuan saka dumikuwatro saka muling pinagmasdan ang nakatalikod na dalaga. Kahit tinatarayan siya ni Grace, hindi niya pa rin maiwasang hangaan ito. Siguro hindi na lang talaga basta pagkagusto ang nararamdaman niya para sa dalaga.
“O, ano pang itinitingin-tingin mo riyan? Alis na, wala ka namang sakit e,” kunot noong pagtataboy nito sa kaniya nang matapos na ito sa ginagawang pagsasalansan ng mga gamot sa estante.
“Grabe naman ito. Kararating ko lang, pinalalayas mo na ako kaagad. Isa pa, ‘wag kang mag-alala, si Doktora Vida talaga ang ipinunta ko rito. Nandiyan ba siya?” nakangiti niyang tanong sa dalaga.
“Wala, umalis. Bumalik ka na lang bukas,” masungit nitong tugon sa kaniya.
“Hmmm, hihintayin ko na lang siya. Tutal masarap pa lang maupo rito,” tugon niya sa dalaga saka inilagay sa likuran ng kaniyang ulo ang mga palad at sumandal nang husto sa upuan. Wala talaga siyang balak na umalis kaagad dahil gusto pa niyang masilayan nang matagal-tagal ang dalaga.
“Bahala ka sa buhay mo!” tanging naisagot nito sa kaniya saka ito tumutok sa computer nito.
Ngingiti-ngiti naman siya habang pasimpleng sinusulyapan ang dalaga. At sa tuwing mahuhuli siya nito ay mabilis lang siyang tumitingin sa ibang direksiyon saka sisipol.
“Puwede bang bumalik ka na lang kapag narito na si Dok Vida? Nakakasagabal ka lang dito e!” maya-maya ay usisa nito sa kaniya.
“Ha? Ako sagabal? Ang tahi-tahimik ko rito e. Hindi nga kita inaano riyan e,” turan naman niya rito.
“Naiilang ako sa pagsulyap-sulyap mo, kaya puwede ba? Lumayas ka na nang makapagtrabaho ako nang mahusay!” asik nito sa kaniya.
“Uyyy, paano mo naman nasabing sinusulyapan kita? Ibig sabihin ikaw ang sumusulyap sa akin! Tama ba ako, nurse Grace?” taas-baba pa ang mga kilay niyang tanong sa dalaga.
“Ang kapal talaga ng pagmumukha mo! Umalis ka na nga!” anito sabay bato sa kaniya ng isang box ng gamot na nadampot nito. Tatawa-tawa naman niyang sinalo ang gamot na ibinato nito sa kaniya.
“Uyyy, si Nurse Grace, sinusulyapan ako,” panunudyo pa niya rito kaya naman muli siyang binato nito ng isa pang box ng gamot. “Uyyy, Nurse Grace, mabigat na iyang ibabato mo a!” aniya sa dalaga nang ang heavy duty stapler naman ang iamba nito sa kaniya. Handa na siyang saluhin iyon nang may magsalita mula sa pintuan ng clinic.
“Grace, JR! Anong nangyayari?” tanong ni Doktora Vida sa kanila. Ibinalik niya sa lamesa ang mga gamot na ibinato ni Grace sa kaniya saka siya tumayo.
“Dok, magandang hapon po. Napaka-sweet naman pala ng nurse niyo rito Dok,” nakangisi niyang turan sa doktora sabay sulyap kay Grace na namumula ang mga pisngi at tainga.
“Naku, ikaw talaga JR. Binubuwiset mo na naman ba ang maganda kong nurse? Baka mamaya tumanda agad iyan,” nakangiti namang wika ng doktora sa kaniya.
“Binubuwiset? Hindi ah! Naglalambingan lang kami Dok, ‘di ba Nurse Grace?” nang-aasar pa niyang baling sa dalaga.
“Heh! Naku Dok, ikaw na nga ang bahala sa isang iyan at kanina pa ako hindi matapos-tapos sa ginagawa ko dahil diyan sa lalakeng iyan!” lukot ang mukhang saad niy Grace sa doktora. Napapailing naman si Doktora Vida bago siya nito tiningala.
“O, ikaw naman, anong ginagawa mo rito maliban sa inaasar mo ang nurse ko?” sita nito sa kaniya. Napakamot naman siya sa kaniyang ulo habang nakatingin sa doktora.
“Grabe naman iyon! Dadalawin lang naman sana kita Dok, kaso wala ka. Kaya ayun nakipag-bonding muna ako kay Grace,” aniya sa doktora na humahagikhik na ngayon sa kaniyang harapan.
“Ewan ko sa iyo! Ano naman ang ipinunta mo rito? Halika sa office nang matapos na ni Grace ang trabaho niya,” yaya na nito sa kaniya saka ito nagpatiunang maglakad patungo sa opisina nito.
“See you later, Nurse Grace!” paalam naman niya sa dalaga saka siya nagmamadaling sumunod kay Doktora Vida bago pa man siya mabato na naman nang kung ano ng dalaga.
Masayang-masaya lang siya ngayon dahil kahit na sinusungitan siya ni Grace, at least nakakausap naman niya at nakikita ang dalaga. Sa ngayon, okay na siya sa ganoon. Pasasaan ba at balang araw ay mapapaamo rin niya ang dalaga?