Chapter 16

1856 Words
Championship... Pawisan at hinihingal na sina Rex at ang kaniyang mga ka-team habang mahigpit na binabantayan ang kanilang mga kalaban. Mahigpit ang labanan ng kanilang kuponan at ang kuponan nila Dino. Isang puntos lang ang lamang nila at tatlong minuto na lamang ang nalalabi. Nasa kalaban ngayon ang bola kaya naman kuntodo ang bantay nila sa mga ito. Mabilis na tumira ng three point shot ang binabantayan ni Jigs ngunit hindi ito nagtagumpay nang matapik ni Rico ang bola. Agad naman siyang tumakbo at mabilis na nakuha ang bola. Ipinasa niya iyon kay Jigs saka siya tumakbo patungo sa kabilang ring. Alerto ang kaniyang mga mata sa kung sino ang maaring maging sagabal sa kaniyang gagawing pagtira. Ipapasa na lang sana ni Jigs ang bola sa kaniya nang mabilis na humarang sa kaniyang harapan si Dino. Agad siyang dumistansiya sa lalake saka mabilis na tumakbo palabas ng ring. Eksaktong nakalabas na siya ng three points area nang maipasa ni Jigs ang bola sa kaniya. Kahit alanganin, itinira pa rin niya ang bola. “Sh*t!” mahinang sambit niya nang bahagyang tumama ang bola sa daliri ni Dino. “Rico, rebound!” sigaw niya sa kakampi na agad namang sumunod sa kaniya at diretsong dinunk ang bola. Naghiyawan ang mga tao sa loob ng malawak na gym nang pumito ang referee. Hudyat na tapos na ang laban. Nagsigawan at mabilis na nagkumpulan sila sa gitna ng court upang magyakapan. Mabilis nilang binuhat si Rico na siyang naging dahilan ng kanilang pagkapanalo. “Stadium Univesity is still undefeated!” anunsiyo ng tagapagsalita habang naghihiyawan ang mga nanonood sa loob ng malawak na gym. Kasabay niyon ay ang pag-iingay ng mga cheering squad habang ginagawa ng mga ito ang stunt nila. “Congrats team!” bati ng kanilang coach sa kanila nang makalapit na ito sa kinaroroonan nila. “Thank you coach! Nangangamoy party na naman ito!” ani Jigs sabay akbay nito sa kaniya. “Siyempre naman, alam na this!” nakangising tugon naman nito saka isa-isa silang tinapik nito. “Ladies and gentlemen, our MVP of the year is no other than number eighteen, John Rex Trimor!” muling naghiyawan ang mga tao sa paligid nang ianunsiyo na ang MVP of the year. Agad naman siyang nagtungo sa gitna ng court upang tanggapin ang trophy at medal na igagawad sa kaniya. “I love you JR!” narinig pa niyang hiyaw ng kababaehan na nakapuwesto sa harapang bahagi ng bench sa kaniyang tapat. Nginitian naman niya ang mga ito saka kinindatan at kinawayan na lalong ikinatili ng mga babae. “Sana all na lang talaga Captain!” nakangising wika ni Jigs nang makabalik na siya sa tabi ng mga ito. Ginulo naman niya ang buhok nito saka inakbayan ang kaibigan bago sila muling nag-group hug. Masaya siyang naipanalo nila ang laban kahit pa alanganin sila kanina. Aaminin niyang mahusay rin ang St. Vincent at isa ito sa mahigpit nilang kalaban simula nang tumuntong siya sa Stadium University. ***** Hindi magkandamayaw sa katitili sina Grace at doktora Vida habang mahigpit na binabantayan ng mga kalaban si Rex. Hindi niya alam kung bakit, pero feeling niya ang daming nagkakarerang sasakyan sa loob ng kaniyang dibdib, habang pinapanood ang bawat galaw ni Rex. Nang itira na ni Rex ang bola, napigil niya ang kaniyang paghinga dahil alanganin ang tirang iyon ng binata. Magkasalikop pa ang kaniyang mga kamay habang hinihintay kung papasok ba ang bola o hindi. ‘Shock! Pumasok ka!’ impit niyang dalangin. Nakisabay sila sa tilian ng mga estudyante nang tumama sa ring ang bola at hindi pumasok. Ang huli niyang nakita ay nang may isang kakampi si Rex na nag-rebound sa bola at idinakdak iyon sa ring. Lalo silang nagtilian at nagtatatalon ni Doktora Vida nang pumito na ang referee hudyat na tapos na ang laban. “Nanalo ang Stadium, Grace!” wika ng doktora at nagtititiling niyakap siya nito. Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, maging siya ay nagagalak sa naging resulta ng laban. Dapat ang St. Vincent ang tinitilian niya, dahil naroon ang kaniyang kasintahan. Pero heto siya ngayon at masaya sa pagkapanalo ng Stadium University. “Halika, lapitan na natin sila!” yaya ni Doktora Vida kay Grace saka siya hinila nitong pababa mula sa kinauupuan nilang bench. Wala na siyang nagawa kundi ang sumunod sa doktora at magpahila rito. Ngunit bago pa man sila makahakbang palapit sa koponan nila Rex, naharang na siya ni Dino. Nahila niya si Doktora Vida dahilan upang mapahinto rin ito sa kaniyang tabi. Napatingala siya sa kasintahan at hindi malaman kung babatiin ba niya ito o yayakapin o ngingitian? “Hi Bheb!” nakangiting bati ni Dino sa kaniya, saka siya nito inakbayan. Para naman siyang biglang nailang at napapiksi sa ginawa ni Dino. Mahigpit pa rin niyang hawak ang kamay ni Doktora Vida at tila siya natatakot na hindi niya maunawaan. “H-hi, Bheb,” pilit niyang pinasisigla ang tinig sa harapan ng kasintahan at pasimpleng inalis ang kamay nitong nakapatong sa kaniyang balikat. “Ahm, ano, basa ka ng pawis. Magpunas ka muna,” wala sa sariling aniya rito dahil sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, para siyang biglang naasiwa sa kasintahan. “Oh, I’m sorry. Sige, magbibihis lang ako, then babalikan kita rito para ihatid, okay?” nakangiting saad nito sa kaniya. Nginitian naman niya ito kahit pilit saka ito tinanguan. Mabilis naman siyang hinapit sa baywang at hinagkan sa mga labi ni Dino na kaniyang ikinabigla. Ilang segundo rin ang itinagal niyon bago siya pinakawalan ng kasintahan. “I’ll be back,” bulong pa nito sa kaniya na parang nabibigla pa rin sa bilios ng mga pangyayari. Nasundan na lang niya ng tingin ang papalayong imahe ng kasintahan kasama ng mga ka-team nito na nagkakantiyawan. She felt guilty, dahil sa buong oras ng game, ang kalaban ni Dino ang kaniyang ichini-cheer. “Grace, okay ka lang ba? Halika na, bago pa ulit bumalik ang jowa!” untag sa kaniya ni Doktora Vida. “Uhm, Dok, ikaw na lang ang lumapit sa team. Dito na lang ako, baka kasi biglang lumabas si Dino e,” aniya sa doktora. Napaikot naman ang mga mata ng doktora saka ito nakipag-beso sa kaniya. “Sige, ako na lang ang lalapit sa team, baka mamaya maging dahilan pa ng away niyo iyon. Hmp!” “Sorry Dok ha?” hinging paumanhin naman niya rito. “Okay lang. I understand. Siya, magiingat ka ha?” bilin pa nito na kaniya namang tinanguan. Napahinga na lang siya nang malalim habang pinapanood ang doktorang naglalakad palapit sa koponan ng Stadium University. Nahagip ng kaniyang mata ang seryosong mukha ni Rex habang nakatanaw ito sa kaniya. Bigla siyang nakaramdam ng kaba sa paraan ng pagkakatitig nito sa kaniya. Napahawak pa siya sa kaniyang dibdib at napaiwas ng tingin dahil sa kakaibang kabang dala nito sa kaniya. ‘Bakit ba kumakabog ang dibdib ko sa titig na iyon ni Rex?’ tanong pa niya sa kaniyang sarili. Muli siyang tumingin sa binata, ngunit malayong-malayo na ito sa Rex na nakatunghay sa kaniya kanina. Nakangiti na ito at nakikipagbiruan sa mga kasamahan nito at kay Doktora Vida. Hindi na rin ito tumingin pang muli sa kaniyang direksiyon na kaniyang ikinalungkot. Marahas niyang naipilig ang kaniyang ulo saka sinita ang sarili, “Talaga ba? Nalungkot ka talaga? Bakit?” “Para kang tanga!” “Ha? Sinong parang tanga?” Napapitlag pa siya nang biglang may umakbay sa kaniya at magsalita sa kaniyang tabi. “Bheb! W-wala! Uhm, tara na?” yaya ni Grace kay Dino na ngayon ay bagong ligo. Amoy na amoy pa niya ang sabong ginamit nito sa paliligo— amoy menthol. Nginitian naman siya ni Dino saka nakangiting inayos ang kamay nito sa pagkakaakbay sa kaniya bago sila naglakad na magkapanabay. Pasimple naman niyang sumulyap sa kinaroroonan ni Rex at muling nakita ang nakakunot-noo nitong tingin sa kaniya. Parang nagtatanong ang mga mata nito kung bakit sila magkasama ni Dino. ‘Ano ba, Grace? Bakit naman niya itatanong iyon kung sakali? Duh!’ sitang muli ng kaniyang isip. Napahinga na lang siya nang malalim saka ibinaling ang paningin sa kaniyang nilalakaran. Hindi naman makatarungan na si Rex ang iniisip niya habang si Dino ang kasintahan niya at kasama ngayon. ***** Inspirado si Rex na maglaro lalo pa at nakita niya si Grace na kasama ni Doktora Vida habang nakaupo sa ikatlong bench sa bandang kanan ng court. Lalo pa niyang ginanaha nang makitang nakikitili ito pa ra sa kanilang koponan. Kaya naman ginawa rin niya ang lahat upang magpasikat sa dalaga. Iyon nga lang sa huling tira niya, sumablay iyon. Mabuti na lang at naroon si Rico para sagipin ang kanilang pagkapanalo. “Congrats boys!” bati ni Doktora Vida nanag makalapit na ito sa kanila. “Thank you Doktora!’ sabay-sabay namang wika ng kaniyang mga ka-team habang siya ay nakatanaw lang kay Grace na ngayon ay kasama na ni Dino at magkaakbay na naglalakad palayo. Aaminin niyang parang natapunan ng asin ang kaniyang puso nang makita niya ang paghalik ni Dino sa dalaga kanina at ang pag-akbay nito roon. Pero wala naman siyang magagawa kung sakali, lalo pa at mukhang si Dino ang tinutukoy ni Grace na kasintahan nito noong nakaraang bisita niya sa clinic. “JR, okay ka lang?” untag sa kaniya ni Doktora Vida na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kaniya. “O-oo naman Dok! Salamat nga pala sa panonood ha?” magiliw niyang tugon sa doktora. “Ikaw pa ba? Pero sure ka bang okay ka lang? Mukha kasing hindi e. Hmmm, parang alam ko kung bakit,” nakangiting pahayag pa nito sa kaniya. Napakamot naman siya ng kaniyang ulo nang sundan nito ng tingin ang isang pares na naglalakad palabas ng Gym. Sinulyapan niya ang batang doktora saka ngumisi rito. “Sinasabi ko na nga ba e! Gusto mo ba siya?” “Ano bang pinagsasasabi mo Dok? Hindi ko siya gusto,” natatawang wika niya sa doktora. “Gustong-gusto!” Para namang kiti-kiting naasinan ang doktora at nakurot pa siya nito sa kaniyang braso. Natatawang iniiwas naman niya ang katawan sa mapang-alipustang doktora. “Ayyyiiieee! May nakabihag din ng puso mo! Hanep! Pero may problema e, may jowable na. Paano na?” tanong nito sa kaniya. “Jowable pa lang naman Dok e, puwede pang maghiwalay ang mga iyan.” Kinindatan pa niya ang doktora na muling lumapad ang pagkakangiti sa kaniyang tabi. “Oryt! Iyan ang manok ko, matapang!” sabi pa nito na lalo niyang ikinatawa. Sa totoo lang hindi niya alam kung paanong diskarte ang gagawin niya kay Grace. Una, asar sa kaniya ang dalaga. Pangalawa, ayaw nito sa kaniya dahil sa kasalanang ibinibintang nito sa kaniya. At pangatlo, may kasintahan na ito. Hindi naman siya masamang tao para agawin ito sa kasintahan nito, pero gagawa siya ng paraan para mamulat ang mga mata ni Grace sa katotohanang isang palikero ang pinili nitong maging kasintahan. Napahinga na lang siya nang malalim dahil pati siya, hindi niya alam kung paanong gagawin iyon. Pero dahil ayaw niyang makitang masasaktan si Grace, pipilitin pa rin niyang gumawa ng paraan. Kung anong paraan iyon— bahala na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD