“So, tuloy na talaga ang pag-alis mo sa makalawa? Wala na talagang atrasan ‘tol?” tanong ni Jeffrey kay Rex habang naglalaro sila ng basketball.
School break ng kaibigan niya kaya naman naroon ito ngayon sa kanilang lugar. Umikot muna siya habang dinidribol ang bola saka siya tumira ng three points. Pasok ang bola sa ring.
“Oo ‘tol, wala na talagang atrasan iyon. Saka okay na rin siguro iyon, nang malayo muna ako sa tatay ko. Alam mo na, paborito ako no’n e,” biro niya sa kaibigan saka inagaw ang bola rito at muling tumira ng three points. Pasok, walang daplis!
“Bakit, hindi pa rin ba kayo okay ng tatay mo?” kunot-noong tanong ni Jeffrey sa kaniya. Napangisi naman siya saka iniipit ang bola sa kaniyang tagilirang humarap sa kaibigan.
“Kung okay kami, wala sana akong souvenir ngayon.” Itinuro pa niya ang kaniyang pasa sa panga. “Hindi na yata kami magiging okay ni tatay. Pero ayos lang, baka sakaling ma-miss niya ako kapag umalis ako sa bahay namin. Teka nga, bakit ba napunta kay tatay ang usapan? Ikaw ba, kumusta na kayo ni Tin?” pag-iiba niya ng paksa. Bigla namang nagningning ang mga mata ng kaibigan nang banggitin niya ang pangalan ng kasintahan nito.
“Okay na okay naman kami. LDR, pero kinakaya naman,” ngiting-ngiting saad nito sabay tapik sa bola na nakaipit sa kaniyang tagiliran. Idrinibol nito ang bola at saka tumira ng three points. Nagpaikot-ikot ang bola sa ring saka iyon pumasok.
“Kayanin mo kaya ang LDR na iyan? Wala naman tayong kasiguraduhan kung kailan uuwi si Tin ‘di ba? Ayaw mo bang humanap muna ng ibang chicks?” taas-baba pa ang kaniyang mga kilay na tanong sa kaibigan.
“G*go! Ano namang palagay mo sa akin, mahinang nilalang? Tsk! Distansiya lang iyan. Isa pa, malakas ang pananalig ko na magkakasama kami ulit,” tugon nito sa kaniya.
“Sabi mo e! Tara! Nagugutom na ako, pamiryenda ka naman!” udyok na sa kaibigan. Mas malapit kasi ang bahay ni Jeffrey sa plaza kaysa sa bahay nila. Isa pa, hindi siya nagdadala ng mga kaibiogan niya sa bahay, dahil baka mabastos lang ng tatay niya ang mga ito.
Umisang tira pa si Jeffrey bago sila umalis sa plaza at nagtungo sa bahay ng mga ito.
*****
Samantala... Kasalukuyang naglalaba si Grace nang marurumi nilang mga damit nang dumating si Kath sa kanilang bahay. Hindi na siya nag-abala pang itigil ang kaniyang ginagawa dahil alam naman niyang tatambay lang si Kath sa kanila. Isa pa, marami pa siyang kailangang gawin at ayaw niyang mag-aksaya ng oras.
“Best, marami ka pang gagawin?” tanong nito sa kaniya sabay upo nito sa mahabang upuang kahoy na malapit sa bomba.
“Nakikita mo ba itong mga labahin ko? Pagkatapos ko rito, maglilinis ako ng bahay. Tapos mamalengke ako, tapos magluluto, tapos maghuhugas ng mga pinagkainan, tapos gagawa ng assignments, tapos...”
“Tapos matutulog ka na!” tuloy ni Kath sa kaniyang sasabihin.
“Ang galing mo! Kaya in short busy ako. No time for fun! Bakit?” nakangisi niyang tanong sa kaibigan.
“Ang boring naman! Mamaya ka na lang maglinis ng bahay ninyo, mamalengke ka muna. Sasamahan kita!” nangingislap ang mga mata nitong wika sa kaniya.
“Hoy, Katherine! Tigilan mo ako ha! Kung tinutulungan mo na lang ba ako rito, e, di tapos na sana ako. Saka, sa suot mong iyan? Baka pati isda sipulan ka sa palengke,” aniya sa kaibigan nang sipatin niya ang suot nito.
Naka-skirt na naman kasi ang kaibigan at sleeveless na pantaas, habang naka two inches sandals. Sa itsura nito, parang mas bagay itong magpunta sa mall kaysa sa palengke.
“Grabe ka Grace ha, sa itsura kong ito, paglalabahin mo ako? Ayaw ko nga! Masisira ang mga kuko at kamay ko!” maarteng sagot naman nito sa kaniya saka nito sinipat ang sariling mga kamay at kuko na tiyak niyang bagong manicure.
Napailing naman siya habang ipinagpapatuloy ang kaniyang pagbabanlaw. May kaya kasi ang pamilya ni Katherine kaya hindi ito sanay gumawa ng mga gawaing bahay. Isa pa may mga gumagawa na niyon para rito.
“E, kung ayaw mo akong tulungan, tsupi! Doon ka na muna sa bahay ninyo dahil mabuburo ka lang sa paghihintay sa akin.” Pagtataboy na niya rito. Hindi naman ito natinag at nakuha pa ngang dumikwatro sa upuang inuupuan nito.
“Dito na lang ako. Wala rin naman akong gagawin sa bahay, kaya panonoorin na lang kitang maglaba,” wika nito sabay pangalumbaba sa ibabaw ng mga hita nito.
“Ikaw ang bahala,” tanging tugon niya sa kaibigan.
Nang matapos siyang maglaba ay tinulungan naman siyang magsampay ni Kath. Siguro inip na inip na talaga ang kaibigan, kaya tumulong na ito sa pagsasampay. Nang matapos sila roon ay pumasok na sila sa loob ng kanilang bahay at nag-umpisa na siyang maglinis. Habang si Kath naman ay naupong muli sa upuan nilang yari sa kawayan.
Hinayaan na lang niya ang kaibigan at binilisan na ang kaniyang pagkilos. Wala kasi ang kaniyang mga magulang dahil nagtatrabaho ang mga ito. Kaya kapag ganoong araw na wala siyang pasok, siya ang sumasalo ng mga gawaing bahay. Ang bunso niyang kapatid ay isinama ng tatay nila sa manggahan upang mamitas ng mga mangga.
Ilang sandali pa at natapos na siyang maglinis ng kanilang bahay. Saglit siyang umakyat sa kaniyang kuwarto at nagpalit ng damit at nag-ayos ng sarili. Isang faded jeans at loose white t-shirt lang ang isinuot niya saka siya nagpolbo sa kaniyang mukha. Sinuklay lang niyang muli ang kaniyang buhok na nagulo, saka basta na lang itinali iyon pataas. Nang makuntento ay saka siya lumabas ng kaniyang kuwarto. Tinungo niya ang kusina at binitbit ang bayong bago niya binalikan si Kath sa sala.
“Kath, tara na! Baka wala na tayong abutan sa palengke,” yaya niya sa kaibigan.
Nag-inat naman ito saka tumayo sa kinauupuan nito. Maarte itong naglakad palapit sa kaniya at saka umabrisyete sa kaniyang braso. Sanay na siya sa kaibigan, kaya naman balewala na iyon sa kaniya, kahit pa mukha siyang katulong kapag magkasama sila nito. Mestizang katulong!
*****
Nagulat si Grace nang umiiyak na lumapit sa kaniya si Kath. Agad niyang binitiwan ang kaniyang ballpen at hinarap ang kaniyang kaibigan.
“Kath, ba’t ka umiiyak? Pinaiyak ka na naman ba ng Rex na iyon? Naku talagang makikita ng lalakeng iyan ang hinahanap niya!” nanggigigil niyang turan kay Kath.
Nasa bench siya ngayon sa ilalim ng puno ng mangga at tinatapos ang kaniyang notes nang lumapit ito sa kaniya. Kanina kasi nang mag-break sila, iniwan na siya ng best friend niya at sumama ito sa ibang kaibigan nito. Habang siya naman ay nagtungo sa bench na iyon dahil tahimik sa parteng iyon ng kanilang university.
“Wala na siya best! Waaahhhh!” atungal ni Kath sa kaniyang tabi. Nagtataka naman siya kung sino ang tinutukoy nitong wala na.
“Teka sinong wala na? May namatay ba?” kunot noong tanong niya rito.
“Wala best! I mean si Rex, wala na siya!” muling palahaw nito habang nakasubsob ang mukha sa panyong hawak nito.
“Ha? Si Rex patay na? Noong nakaraan lang sinampal ko lang siya a. Ano raw nangyari?” naguguluhan pa rin niyang tanong kay Kath.
“Best naman e! Wala na si Rex as in wala na siya rito sa school natin at hindi ko na siya makikita ever. Hindi pa siya patay!” humihikbing wika nito sa kaniya.
Napakawalang kuwenta talaga ng lalakeng iyon. Hindi man lang nakuhang magpaalam sa girlfriend nito na bestfriend niya. Muling bumalik ang pagkainis niya sa binata. Hinagod niya ang likod ng kaibigan upang patahanin ito.
“Tahan na, siguro naman tatawagan ka naman niya. Saka teka nga, hindi man lang ba siya nagpaalam sa iyo? Ano ba naman kasing klaseng boyfriend iyon? Naku best, maghanap ka na lang ng iba. Wala naman pa lang kuwenta ang lalakeng iyon e!” aniya sa kaibigan na lalong umatungal sa kaniyang tabi. Napatabinge naman ang kaniyang mga labi nang lalong umiyak ang kaibigan.
“Joke lang! Tumahan ka na riyan at ang pangit mong umiyak!” pagpapatahan niya rito.
Suminghot-singhot naman ito sa kaniyang tabi at saka nagpahid ng mga luha nito at sipon. Humarap ito sa kaniya saka yumakap nang mahigpit. Niyakap din niya ang kaibigan saka tinapik-tapik ang likuran nito. Naaawa siya kay Kath sa tuwing nakikita niya itong umiyak. Para kasi itong bata at napaka-fragile. Kaunting bagay lang iniiyakan na nito, ano pa kaya iyong sa kanila ni Rex?
“Okay ka na?” tanong niya rito nang magbitiw na sila sa kanilang pagyayakapan.
Tumango-tango naman ito sa kaniya saka inilabas ang compact nito at nag-retouch. Napailing na lang siya at napabuntong hininga sa kaniyang kaibigan. Parang walang nangyari kung makapag-retouch ito, samantalang kani-kanina lang ay umaatungal ito sa kaniyang tabi. Hindi niya talaga mapapatawad ang lalakeng nanakit sa kaniyang kaibigan.
*****
“Captain, mami-miss ka namin. Pero masaya kami para sa iyo,” ani Marvin kay Rex habang nag-aayos siya ng gamit niya sa kanilang locker.
Last day na niya sa University nila dahil bukas, tutungo na siya ng Maynila para doon na magpatuloy ng kaniyang pag-aaral habang nagte-training siya para sa Dreame Magic.
“Mga brad, huwag na kayong malungkot. Ayaw niyo ba no’n mababawasan na kayo ng karibal sa mga chicks?” natatawa niyang tanong sa mga ka-team niya.
“Siyempre, likes na likes namin iyon! Finally, hindi na matatabunan ang kaguwapuhan namin,” sagot naman ni Bernard sabay appear nito kay Marvin.
“Oo nga naman. Pero malay mo naman Captain, magkita-kita rin tayo sa finals,” taas baba pa ang mga kilay ni Ian na turan sa kaniya.
“Tama! At muling mabubuo ang Hunghunks team!” sang-ayon naman ni Marvin sa sinabi ni Ian. Sila ang tinutukoy nitong Hunghunks, dahil mga hunghang na hunks daw sila ayon dito.
“Positive! Basta mag-iingat kayo rito at ipinapasa ko na ang title ng pagiging chickboy sa inyong tatlo,” natatawa niyang saad sa mga kaibigan.
“Ayon! Panalo!” ani Bernard na ikinatawa naman nila.
Maya-maya pa ay lumabas na sila sa kanilang locker at nagpapalinga-linga siya sa paligid. Umaasa kasi siyang makikita sa kahuli-hulihang pagkakataon si Snow White.
“Captain, baka naman magka-stiff neck ka niyan. Sino ba kasi ang hinahanap mo?” sita ni Ian sa kaniya.
“Wala!” mabilis niyang sagot saka muling iginala ang kaniyang mga mata sa paligid.
“Hus! Wala raw! Si Snow White ‘no?” tanong ni Bernard sa kaniya.
“Hindi a!” kaila niya sa mga ito kahit ang totoo, tama naman ang kaibigan.
“Huwag kang mag-alala Captain, kami na ang bahala sa chicks mong iyon. Sisiguraduhin naming hinding-hindi malalapitan ng kahit na sinong lalake— kahit lamok si Snow White habang wala ka,” taas-baba naman ang kilay ni Marvin na turan sa kaniya.
“Puro ka talaga kalokohan! Tara na nga, baka mamaya ikaw pa ipapapak ko sa lamok e,” yaya na niya sa mga ito.
Nagkatawanan naman ang mga kasama niya saka sabay-sabay nang naglakad palabas sa kanilang University. Hindi niya alam kung magkikita pa sila ni Snow White pero isa lang ang ipinapangako niya, hahanapin niya ito kahit nasa malayo pa siya ngayon mag-aaral.