Limang taon na rin pala ang lumipas mula nang magtungo siya sa Singapore, apat na taon na rin ang anak na si Tiffany. Wala pa ring ipinagbago ang Pilipinas, traffic pa rin at maraming namamalimos sa lansangan.
"Mommy, where we gonna stay here?" tanong ng anak, batid niyang naninibago ito sa mga nakikita sa daan.
"Of course, we're going home, you said you want to see, mamita," tukoy sa kanyang mama.
"Yes, mommy, I'm so excited to see, mamita," turan nito na kinakitaan na ng excitement sa mukha ng anak.
Hindi maiwasan ni Angel ang malungkot dahil sa kanyang pagbabalik Pilipinas ay unti-unti ring bumabalik ang nakaraan, maswerte na lamang siya dahil hindi nagtatanong ang anak tungkol sa ama nito.
"Mommy, are we gonna stay here for good?" tanong ng inosenteng anak.
"Bakit, anak, ayaw mo ba rito?" tanong niya sa anak.
Isang iling lang ang ginawa nito.
"Naku, ang anak ko talaga, paano 'yan, eh, dito balak magtayo ng negosyo si mommy," aniya sa anak na mas malungkot dahil sa nalaman. "Hindi ka ba masaya kay mommy, anak?" tanong pa niya rito. Marunong itong magtagalog dahil Pinoy rin naman ang pinagbabantay niya sa Singapore sa tuwing papasok sa trabaho.
Hinayaan na lamang ang anak sa pamanahimik nito, masyado pa itong bata para intindihin ang mga bagay-bagay, tiyak din naman mawawala rin ang pagtatampo nito kapag marami na siyang batang makakalaro sa kanila. Lalo kapag pinasok na ito sa isang nursert school.
Pagpasok ng sasakyang kinalululanan nila sa isang exclusive subdibisyon ay napangiti si Angel, kahit papaano ay may ibinunga rin namang maganda ang pagpunta niya sa Singapore dahil tuluyan niyang nabigyan ng maayos na pamumuhay ang kanyang pamilya at higit sa lahat ay may sapat na siyang pera upang magtayo ng sariling negosyo.
Pumasok sa automatic gate ang sasakyan ay nakitang nakatayo na ang magulang at kapatid na si Anne sa kanilang pintuan na talagang hinihintay ang kanilang pagdating.
"Kumusta ang biyahe ninyo? Naku, ito na ba ang aming apo?" puno ng pananabik na tinig ng kanyang ina.
"Opo, mama, Tiffany, anak, bless na kay mamita at papu," utos niya sa anak na tila nag-alangang lumapit sa mga magulang. "Akala ko ba'y excited kang makita sila, see, they're here," engganyo sa anak na noon ay nagawa na ring lumapit sa ina at ama na masayang niyakap ito.
"Kumusta ka na, ate, grabe ang tagal mong namalagi sa Singapore," saad ng kapatid kaya hindi na napigilan ni Angel na hindi ito yakapin at ramdam niya ang pagka-miss sa yakap ng kapatid.
Hindi maiwasan ni Angel na tumulo ang mga luha dahil naaalala niya ang huling nakausap ang pamilya ng harapan, nagkasagutan sila dahil sa hindi sila sang-ayon sa pagiging kabit niya.
"Ayos ka lang ba, anak," untag ng kanyang mama, ito naman ang sinunod na niyakap. Miss na miss niya ito at ngayong maayos na sila at buo na ulit ang pamilya ay hindi niya hahayaan ang sinumang muling sumira ulit ang magandang samahan ng kanilang pamilya.
"Siguro naman ay hindi mo na babalikan ang dati mong buhay," maya-maya ay turan ng kanyang ama.
"Mahal," awat ng ina sa ama.
"Inuunahan ko lang ang anak mo, mahal, ayaw kong muling malubog ang anak mo sa makasalanang gawain. Nagkamali ka na minsan kaya dapat ay natuto ka na," palatak na wika ng amang si Armando.
"Opo, papa," tugon sa ama saka niyakap ito nang mahigpit.
"O, siya, pumasok na tayo at mukhang nababagot na itong aleng maliit," natatawang wika ng ina sa anak na noon ay tahimik na tahimik.
"Naku, ate, mukhang ayaw niyang umuwi ng Pilipinas, ah," nakatawang wika ng kapatid sa reaksiyon ng anak.
"Sinabi mo pa," tugon sa kapatid.
Mabilis na giniya ang anak papasok sa bahay habang abala naman ang driver at kasama sa bahay sa pagpasok ng kanilang gamit. Medyo marami-rami rin kasing gamit ang inuwi nila dahil wala na siyang balak bumalik pa ng Singapore. Hinihimok siya ng kaibigang Singaporean dito sa Pilipinas na magtatayo sila ng sariling kompanya. Gamit ang lahat ng natutunan sa dating trabaho at sa Singapore ay kumpiyansa siyang makakaya na niyang magtayo ng sariling advertising company.
Nang dalhin siya ng kapatid sa magiging silid nila ng anak ay mabilis siyang nahiga sa kama habang ang anak naman ay minabuting maglaro na lamang ito sa kanyang iPad.
"Sige, ate, maiwan ko muna kayo ni Tiffany upang makapagpahinga kayo," paalam ng kapatid saka ito lumabas ng silid. Mabilis na binalingan ni Angel ang anak, hawig ito ni Trevor kaya hindi niya maiwasang isipin ang dating kasintahan. Lalo na ang huling usapan nila sa restaurant, masyado siyang naging emosyonal noon at batid na nasaktan rin naman ito.
Sa loob ng limang taon ay pinilit niyang huwag makibalita sa lalaki o sa anumang may kinalaman dito.
"Mommy," untag ng anak. Mabilis na idinilat ang mga mata, hindi niya namalayang lumuluha na pala siya. "Mommy, why are you crying?" inosenteng tanong ng anak.
"Wala 'to, anak, may naalala lang si mommy," agad na tugon dito.
"Is it too sad?" usisa pa nito.
Pinilit ni Angel na ngumiti sa anak. "Hindi naman masyado, na-miss lang din kasi ni mommy ang mamita at papu mo," turan niya sa anak na noon ay tumingin sa kanyang mukha.
"We're here na po kaya huwag na po kayong ma-sad," turan pa ng anak na tila matanda sa pananalita nito.
"Bakit ikaw, hindi ka ba nasa-sad?" balik-tanong sa anak.
"Uhmmm," anito na tila nag-isip pa. "Nasa-sad but you said I have to be happy kasi happy ka rito," turan nito dahilan upang mas lalong maiyak at mayakap ang anak. Sa edad nitong apat na taon ay para na itong matanda kung mag-isip at magsalita.
"Thank you, baby, at naiintindihan mo si mommy," aniya sa anak.
"Love po kita, mommy," dagdag nitong sagot dahilan upang higpitan pa lalo ang pagkakayakap dito. "Mommy, I can't breath," angal nito na kinatawa na lamang ni Angel.
Kung may isang bagay lang din siguro siyang maipagpapasalamat kay Trevor sa lahat ng mga nangyari sa kanila ay ang pagkakaroon niya ng Tiffany sa buhay. Wala na siyang balita rito mula nang iwan ito at wala rin siyang balak balikan ito sa kanyang pagbabalik Pilipinas.
Isang mahinang katok ang narinig buhat sa pinto, agad niyang pinagbuksan ang sinumang nakatok at nakita roon ang driver nilang si Mang Delfin.
"Ma'am, heto na po ang gamit niyo, baka kasi ay kailanganin ninyo kung gusto niyong magbihis," anito sa dalawang malalaking maleta nila.
"Salamat po, manong, tama ka, kailangan na po naming magbihis," saad sa driver.
Mabilis na binuksan ni Angel ang kanilang maleta at naglabas ng kanilang damit upang makapagbihis na at masaluhan ang pamilyang hindi nakita ng limang taon.
Matapos bihisan ang anak ay mukhang inantok ito kaya hinayaan na munang matulog. Matapos masigurong maayos ang anak ay bumaba na siya at nakita ang magulang sa sala na nanunuod.
"O, nasaan si Tiffany?" tanong agad ng ina na tila sabik na sabik sa apo.
"Tulog po siya, mama," tugon naman dito.
Nang marinig ng ina ang kanyang sinabi ay napabuntong hininga ito.
"Kailan mo balak sabihin ang tungkol sa kanyang ama," wika nito na kinatigil niya.
"Anastacia, ang mga ganoong klase ng lalaki ay hindi na pinapakilala pa," mabilis na sabad ng kanyang papa.
"Mahal naman, karapatan ni Tiffany na malaman ang katotohanan sa tunay niyang pagkatao," giit naman ng ina. "Hindi rin naman ako pabor sa ginawa ng lalaking 'yon sa anak natin pero ang iniiisip ko ay ang bata," dagdag pa ng kanyang mama.
Tama naman ang ina pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malinaw sa isipan ni Angel kung papaano sasabihin sa anak ang tungkol sa ama nito. Matatanggap kaya nito na ang ama ay may ibang pamilya na at ito ay bunga ng bawal nilang pagmamahalan.
"Mama, sa ngayon ay wala pa sa isip ko ang bagay na 'yan dahil wala rin naman akong balak ipakilala si Tiffany sa kanya," seryosong turan sa ina.
Marahil ay dama nito ang kaseryosohan niya kaya hindi na ito nagtanong pa.
"Tama ang anak mo, mahal, mainam nang walang alam ang lalaking 'yon para wala siyang dahilan upang bumalik muli sa buhay ng ating anak," matiim na turan ng ama na ramdam pa rin hanggang sa sandaling 'yon ang inis at galit kay Trevor.
Botong-boto pa naman ang mga ito sa dating kasintahan pero napalitan iyon ng galit nang pakasalan nito ang anak ng kaibigan ng magulang nito kahit pa siya ang kasintahan para lamang isalba ang papalugi nilang negosyo. Mas lalo pang tumindi ang galit ng mga ito nang magdesisyon siyang ibahay nito at maging kabit. Sa loob ng tatlong taong pagiging kabit niya kay Trevor ay itinuring siya ng mga magulang na patay na dahil sa tindi ng galit sa kanila ni Trevor.
"O, bakit parang ang init ng usapan n'yo rito?" puna ng kapatid na galing sa kusina, may bitbit pa itong tray kung saan ay may tasa ng kapeng umuusok pa.
"Ito kasing mama mo, anak, kung anu-anong sinasabi sa ate mo na dapat ay hindi na natin pinag-uusapan," bulalas ng ama sa kapatid.
"Naku, alam mo naman si mama, papa, lahat ay iniisip," sagot naman ng kapatid saka tumabi sa ama. "Huwag ka munang magkape, papa, masyado ka nang hot baka sumabog ka, char!" pagbibiro ng kapatid sa ama na alam na mainit na ang ulo.
"Naku, kailangan 'yan ng mama mo, para naman kabahan siya sa mga pinagsasabi niya," hirit naman ng ama.
"Sus! Ayan tayo, eh, kape lang ang magpapababa ng blood pressure ninyo," natatawang turan ng kapatid sa ama.
Napangiti na lamang si Angel sa harutan ng ama at kapatid, bagay na na-miss niya ng maraming taon dahilan upang muling mag-ulap ang kanyang mga mata.