Mataman niyang pinagmamasdan ang sarili sa salamin, maayos ang pagkakahawi ng buhok saka pinusod, lumabas ang hugis-puso niyang mukha. Ang mala-anghel niyang mukha na binagayan ng malamlam niyang mga mata at matangos na ilong.
Suot ang itim niyang pencil cut dress na hanggang itaas ng tuhod, habang sa paa ay suot ang black stiletto. Very regal ang suot at lalo pang nagpatingkad sa kanyang magandang mukha ay ang pulang labi.
Handa na siya, isa na lamang ang hinihintay niya at 'yon ay ang kompirmasyon kung makikipagkita ba si Trevor sa kanya. Nang maalala niya ang kasintahan ay mapait ang kanyang naging ngiti. "Eight years," puno nang panghihinayang na turan sa sarili.
Muling binaling ang tingin sa salamin nang marinig ang pagtunog ng kanyang cell phone. Agad na dinampot at laking dismaya niya ng makitang isa lamang iyong misscall. Mapangiwi ang mapulang labi niya hanggang sa nasundan ng isang mensahe.
See you later.
Maging text nito ay napakatipid na rin, wala iyong mga kulitan nila at tawanan sa mga tawag nito noon. Muling bumaling sa salamin at nakita ang repleksyon, ang malamlam na mga mata ay unti-unting nag-ulap, ngunit bago pa malaglag ang mga luha at masira ang make-up na pinaghirapan ay tumayo na siya.
Nilibot ang tingin sa loob ng bahay na naging kanlungan niya sa loob ng tatlong taon. Mapait ang ngiting kumawala sa kanyang labi sa isiping tatlong taon rin umabot ang pagiging martir niya, nang muling mag-ulap abg mga mata ay mabilis na hinablot ang black pouch niya. Kumpiyansa ang bawat hakbang, walang lingunan, wala nang atrasan. Kailangan na niyang umalis bago pa muling maubos ang inipong lakas ng loob.
Mabilis na pumasok sa kanyang sasakyan saka tinungo ang five-star hotel kung saan siya nag-book para sa huling date nila ng kasintahang si Ttevor, ang lalaking nagsabing mahal siya at nagpangako ng kasal.
Walong taong relasyon pero kailangan niyang bumitaw bago pa siya lalong malubog. Mahal niya ito pero hindi na puwede dahil kasal na sa babaeng ipinakasal ng mga magulang sa kanya, pagod na pagod na rin siyang maghintay sa mga pangako nito.
Bawat hakbang papasok sa lobby ng hotel, lahat ay napapalingon na animo'y nakakita ng artista. Bawat salitang binibitawan ay kontrolado, paghanga ang nakikita sa bawat mukha ng mga naroroon, ngunit hindi siya naroroon upang malugod sa papuri ng mga ito.
Tinungo ang elevator matapos ibigay sa information desk ang kanyang reservation. Pagkapasok sa elevator ay napabuntong hininga siya, nilalakasan ang loob para hindi bumigay ang depensa. Ayaw niyang muling palinlang sa mga matatamis na pangako at salita ni Trevor.
Pagpasok ay inakay siya ng isang waiter at doon ay nakita ang kanyang kasintahan. Guwapo, matipuno, puno ng kumpiyansa sa sarili pero hanggang kasintahan lang siya o mas tamang sabihing isa lamang siyang kabit. Dahil pag-aari na ito ng iba, nang babaeng pinili nitong pakasalan para maisalba ang negosyo ng pamilya nito.
Ngumiti ito nang makita siya at agad na tumayo upang ipaghila siya ng upuan.
"You look so lovely," puri ni Trevor sa kanya. Ngumiti siya ng matamis at umupo sa upuhang hinila nito para sa kanya.
"Thanks, babe," aniya rito.
"May okasyon ba kaya ka nag-invite?" maang na tanong ni Trevor.
Napangiti lalo si Angel. "Yeah, nakipagkita ako para magpaalam," aniya rito.
Doon ay kumunot ang noo ni Trevor. "Bakit, uuwi ka ba sa probensiya niyo?" anito habang abala sa pagbuklat sa menu.
"Hindi," mahinang wika na kinatigil nito, muling tumitig sa kanya, doon ay tinitigan ito kasabay ng matamis na ngiti. "Wala nang balikan," pagtutuloy niyang wika.
Nakita ang paglunok nito tanda ang paggalaw ng adam's apple nito, nagngalit ang bagang at napakuot-noo. "What do you mean?" matiim na tanong.
"You know what I mean," aniya saka tinaas ang kamay upang tawagin ang pansin ng waiter na sa hindi kalayuan.
Pansin niya ang matitiim na tingin ni Trevor sa kanya. "Are you serious?" maang nito na tila hindi pa rin naniniwala sa kanyang sinabi. Ganoon ba, hindi kapani-paniwala ang kanyang sinabi na iiwan na niya ito.
"Yes," tugon at nang makalapit ang waiter ay agad na binigay ang order niya saka bumaling kay Trevor upang hingin ang order. Nang ibigay nito sa waiter ang order ay hindi pa rin nawawala ang pansin sa kanya.
"What is this for?" maang tanong pa ni Trevor.
Napailing siya sabay ngisi. "Mahal mo ako, mahal kita pero hindi puwedeng maging tayo. You promise me, na maghintay ako ng isang taon, I did, then you asked for another year. Ako namang si tanga, naghintay ulit ako. Now, it's been three years. Tell me," aniya sabay titig kay Trevor. "May mahihintay pa ba ako o habang buhay akong maging kabit?" mahina pero madiing wika.
Nakita niyang napasandal sa upuan nito si Trevor. "I'm sorry—"
"Enough!" sabad rito saka bumaling upang tingnan ang paligid kung narinig ba sila ng mga ito, kailangan niyang magpigil para hindi maiyak. "Pagod na pagod na ako, Trevor. Pagod na pagod na akong maging pangalawa. Oo! Ako na ang kabit pero lintik—" putol na wika dahil kahit anong pigil niya ay hindi niya maiwasang maiyak.
Muling humugot ng salita at pinigil ang mga luha. "Tapos na tayo!" aniya rito.
Bakas sa mukha ni Teevor ang hindi nito pagsang-ayon sa sinabi.
"No! You can't do that?!" anito na nilapit ang mukha sa kanya para hindi maeskandalo ang ilang naroroon.
Mapait at bahaw ang naging tawa ni Angel. "Makasarili ka," anas niya.
"Please, try to understand me, hindi ko ginusto ang sitwasyong ito," sumamo nito.
"Bakit ako, Trevor? Ginusto ko ba? Kahit na sinong babae, hindi gustong maging kabit!" aniya na medyo napataas dahilan para pasimpleng lumingon ang ilang naroroon sa direksiyon nila.
"Please, Angel, lower your voice," gagad ni Trevor.
"Ma'am, sir, ito na po ang order niyo, anything else?" tanong ng waiter.
"No, thank you," sabayang wika nilang dalawa, marahil ramdam din ng waiter ang tensiyon sa pagitan nilang dalawa kaya mabilis itong umalis.
Nagsimula siyang kumain at nakitang nakatingin lang si Trevor sa kanya, bakas pa rin sa hitsura nito na tila hindi makapaniwalang nakikipaghiwalay siya rito.
"Itatapon mo na lang ba basta-basta ang walong taon?" dinig na sumbat nito sa kanya.
Napahinto si Angel sa pagnguya at tumingin rito. "Ikaw ang unang nagtapon noon," balik-turan dito.
"Hindi mo na ba ako mahal?" tanong nito.
Tuluyang binitawan ang kutsilyo at tinidor na hawak, uminom saka tumingin rito. "Mahal, mahal na mahal pero binigyan mo ako ng maraming rason para bumitaw na. Hindi pala sapat ang pagmamahal ko para maging akin ka ng buong-buo," mapait na wika rito.
Kapwa sila napatigil. "Ako ba, mahal mo ba talaga ako? Dahil kung oo, dapat pinili mo ako," saad pa rito.
Nakitang nagyuko si Trevor at pinagsilahop ang palad sa mukha. "Ano'ng gagawin ko para huwag kang lumayo. Please, Angel, hindi ko kaya, mahal na mahal kita," nagsusumamong tinig nito.
Muling napangisi si Angel sa narinig at parang gustong pumatak ang luha. "Okay, you ask me this, makapal na kung makapal ang mukha. Mamili ka, ako na mahal mo o ang asawa mo?" aniya rito at nakitang nagtaas ito ng mukha dahilan upang nagtama ang kanilang mga paningin.
Nagbilang siya at nang hindi pa rin nakasagot ito ay tumayo na siya, agad siya nitong hinawakan sa braso. "Let's talk at home," anito, ngunit agad na piniksi ang kamay nito na nakahawak sa kanyang braso.
"Walang uuwi!" malakas na wika na noon ay nakatingin na sa kanilang dalawa ang lahat maging ang ilang staff doon.
"For God sake, lower your voice!" angil ni Trevor sa kanya.
"No!" malakas na wika na tuluyang napatid ang kanyang pagtitimpi.
Hinila siya ni Trevor pero nagpumiglas siya at nang makawala rito at ay agad na nagsalita. "Listen everyone," agaw pansin sa lahat ng naroroon.
Agad siyang dinamba ni Trevor at hinila pero nagpumiglas siya. "Kabit ako ng lalaking 'yan," malakas na singhal kay Trevor. "Sabi niya mahal niya ako, pero iba ang pinakasalan niya para isalba ang lintik na negosyo ng pamilya niya," malakas na wika habang tumatagas ang luha sa kanyang mga mata.
Natahimik ang lahat ng naroroon, maging si Trevor ay napatigil.
"Umasa ako sa pangako niya na isang taon ay hihiwalayan din nito ang kanyang asawa pero tatlong taon na, tatlong taon na rin pala akong nagpapakatanga sa taong pinako ang lahat ng pangako!" aniya na tila nanghihina, buhos ang luha maging ang emosyon niya.
Kita ang paglapit ni Trevor sa kanya pero kusang umaatras ang mga paa, ang mga ilang naroroon ay tila naiintindihan ang sitwasyon niya.
"Ngayon, sabihin n'yo sa 'kin? Mali bang iwan ko na siya?" aniya na hilam na ng luha ang kanyang mukha. "Dahil pagod na pagod na akong maging kabit. Pagod na pagod na akong maging pangalawa lamang," aniya na nanghihina hanggang sa mahawakan siya ni Trevor.
"Iuuwi na kita, pag-usapan natin 'to sa bahay," ani Trevor sabay hila sa kanya.
Muli siyang nagpumiglas, inipon ang lahat ng lakas at nang makawala ay isang malakas na sampal ang binigay rito. "Para iyan sa walong taong sinayang ko sa 'yo!" turan dito, saka binigyan ulit ng isang ubod-lakas na sampal. "Para naman 'yan sa tatlong taong pagiging kabit ko!" saka muling sinampal nang dalawang beses sa magkabilaang palad. "Para 'yan sa sakit, paghihirap at luhang binuhos ko sa'yo!" bulalas ni Angel sa sama ng loob na inipon niya ng tatlong taon.
Hinang-hina siyang naglakad papalabas sa restaurant na iyon habang naiwan si Trevor, para siyang mababaliw sa labis na emosyong umahon sa kanyang dibdib. Hindi niya inaasahang sa ganoon sila hahantong ni Trevor.
Ayaw na niyang magpakatanga at umasa lamang sa pangako nito, kailangan na niya itong iwan dahil walang mangyayari sa kanya kung patuloy siyang magpapakatanga rito, dahil kung mahal siya nito ay tutupad ito sa mga pangako nito. Kung mahal siya nito ay hindi nito hahayaang masaktan siya at kung mahal siya nito ay hindi nito hahayaang humantong sila sa ganoong sitwasyon.
Masyado nang masalimuot ang relasyong meron sila, sinuway na niya ang kanyang pamilya. Masakit pero kailangan niyang gawin, tinanggap niya ang alok na trabaho sa Singapore ng kanilang kompaniya at siya ang ipapadala doon bilang representative ng kanilang kompaniya. Isang malaking leisure park ang itatayo nila kaya aabutin ng mahigit limang taon ang kontrata niya.
Sapat na siguro ang limang taon para muling buuin ang sarili at ibangon ang dangal na nasira, ngunit hindi ganoon kadali dahil nasa sinapupunan na niya ang bunga ng kanyang pagiging kabit.