Chapter 2
Alena
Naaaliw din ako sa pagbubungkal ng kamote. Nang medyo marami-rami na ang nahukay ko, inilako ko ito para magkaroon ako ng pera. Hindi pwede na umasa na lang ako kay Rico. Kapag siya lang ang aasahan ko gutom ang abutin ko.
Pagdating ko sa highway wala akong bahay na nilalampasan. Kapag alam kong may tao kinakatok ko ito.
"Kamote po baka gusto niyong bumili ng kamote!" sabi ko sa isang bahay na nadaanan ko.
"Magkano 'yang kamote mo, Ining?" tanong naman ng ali sa akin.
"40 pesos po itong isang balot," sagot ko naman sa isang ali.
"Sige, Ining pabili ako ng dalawa. Masarap ba itong kamote mo?" tanong nito sa akin at kumuha siya ng pera sa kaniyang wallet.
Iniabot niya sa akin ang isang daan. "Baka pwede po may 80 pesos lang kayo? Wala po kasi akong panukli at kayo po ang unang bumili," sabi ko sa Ali.
"Naku, wala akong barya. Iyan lang ang pera ko. Kung gusto mo dagdagan mo na lang itong kamote ko gawin mo na lang isang daan para hindi mo na kailangan akong suklian," sabi naman ng Ali sa akin. Mabuti na lang at mabait ito.
Binigay ko na lang ang kalahating balot ng kamote. "Salamat po," nakangiti kong pasalamat.
Tuwang-tuwa ako na umalis sa bahay na iyon. May 100 na ako at makakabili na ako ng bigas. Kahit tuyo na lang ang ulam, pero kailangan kong ipaubos itong kamote para madagdagan pa ang pera ko. Sampung balot ng kamote ang dala ko. Nabawasan ito ng dalawa at kalahating balot.
Sumunod ay kumatok ulit ako sa kasunod na bahay. Tuwang-tuwa ako nang mabilhan ulit ako. Hanggang sa napaubos ko ang binta kong kamote.
Pagkatapos kong maglako nagtungo ako sa palengke upang bumili ng bigas. Nilakad ko lang iyon dahil medyo malapit lang din naman.
Pagkatapos kong bumili ng bigas lumabas na ako sa palengke subalit nakasalubong ko naman si Rochelle.
Taas ang isang kilay nito habang nakakainsultong nakatingin sa akin. Kasama niya ang mga kaklase niya.
"Ew, kaya pala may masangsang akong naaamoy. Nandito pala ang mutsatsa namin noon." Nagtawanan naman ang mga kasama ni Rochelle, na tatlo niyang kaklase dahil sa sinabi nito.
"Wala akong oras para makipag-asaran sa'yo, Rochelle," sabi ko sa kaniya.
Hahakbang na sana ako ng harangan niya naman ako.
"Talaga ba? Tingnan mo nga ang sarili mo, Alena. Para kang gusgusin sa kalye. Kaya pala nawawalan ng gana sa'yo si Rico, dahil daig mo pa ang may sampung anak. By the way susunduin pala ako mamaya ni Rico. Mamamasyal raw kaming dalawa," sabi pa nito sa akin.
Bumuntong hininga ako ng malalim. Sa totoo lang ayaw ko siyang patulan. "Girl siya ba iyong sinasabi mo na binahay ni Rico?" Tanong naman ng isa niyang ka-klase habang mapangutyang nakatingin ito sa akin.
"Ahuh!" Maarte pang sagot ni Rochelle, sa kaklase niya.
"Alam mo kung ako sa'yo Alena, iwanan mo na si Rico dahil kami na. Ang sabi niya sa akin napipilitan lang daw siya na pakisamahan ka dahil naawa siya noon sa'yo. At ngayon alam niya na sa sarili niya kung sino talaga ang gusto niya at ako iyon," mapagmataas pa na sabi sa akin ni Rochelle.
"Kung sa tingin mo masisiraan mo kami ni Rico, pwes nagkakamali ka. Hindi ako maniniwala sa'yo maliban lang kapag si Rico na mismo ang nagsabi sa akin na ayaw niya na sa akin," sabi ko pa kay Rochelle.
"Alam mo ang bobo mo talaga. Pipilitin mo talaga ang sarili mo sa kaniya. Mataas ang pangarap ni Rico, ikaw lang ang humihila sa kaniya pababa. Gusto pa sana ni Rico mag-aral pero paano siya makapag-aral kung kulang pa nga ang kinikita niya? May papalamunin pa siya. Maawa ka naman kay Rico. Hindi siya aangat hangga't magkasama kayo," sabi pa ni Rochelle sa akin.
"Nagsasayang ka lang ng laway mo Rochelle. Kung ako sa'yo ikaw ang tumigil sa kakahabol sa asawa ko. At kahit anong gawin mong paninira sa aming dalawa hindi mo kami mapapahiwalay," taas noo ko rin na sabi sa kaniya.
Pagkatapos kong sabihin iyon ay tinalikuran ko na sila.
Narinig ko pa ang mga tawanan nila sa akin at pangungutya subalit hindi ko na iyon pinansin.
Nagmamadali ako sa paglalakad para makauwi ako ng maaga. Gusto ko man sanang sumakay subalit nanghihinayang ako sa pamasahe ko. May bigas na akong binili at ulam. Sabi sa akin ni Rico, kanina baka uuwi siya ng tanghali, kaya kailangan makapagluto ako ng maaga para pagdating niya kakain na lang siya.
Subalit ilang sandali ang lumipas nilampasan ako ng sasakyan ni Mrs. Domingo. Nagkoble muna ako sa waiting shed. Parang galing din ito sa palengke. Ilang sandali pa huminto ang sasakyan sa tawid kalsada sa isang restaurant. Nakita kong bumaba si Rico at pinagbuksan niya ng pintuan ang nasa hulihan. Nakita ko si Rochelle at ang kasama nitong mga kaklase niya. Umangkla ang kamay ni Rochelle sa braso ni Rico. Parang kinukurot ang puso ko nang makita ko na pumasok sila sa isang restaurant habang nakapulupot ang kamay ni Rochelle sa braso ng asawa ko.
Nag-isip tuloy ako na baka totoo ang sinabi ni Rochelle? Ayaw ko rin naman mag-iskandalo, kaya umuwi na lang muna ako sa bahay.
Pagdating ko hindi ko na lang inisip ang nakita ko. Subalit nagluto pa rin ako at baka uuwi si Rico ng tanghalian.
Subalit pagsapit ng tanghali hindi siya dumating. Isa na naman ang pangako niyang napako. Ang sabi niya sa akin kanina uuwi siya ng tanghali kapag nakahiram siya ng pera kay Mrs Domingo.
Tinakpan ko na lang ang inihanda kong pagkain. Nawalan na rin ako ng gana kumain.
Pagsapit ng alas-dos nagtungo na lang ako sa taniman ko ng mga kamote. Nagbungkal ulit ako para makarami ako ng kuha para bukas may ilalako na naman ako.
Umuwi ako ng alas-tres ng hapon sa bahay dala ko ang mga kamote na binungkal ko. Pagdating ko roon nasa bahay na si Rico.
"Saan ka na naman galing?" galit nitong tanong sa akin. Mabuti at hindi ito lasing.
"Nagbungkal ako ng kamote para bukas may ilalako ako," sabi ko sa kaniya.
"Sabi sa akin ni Rochelle, nakita ka niya roon sa palengke. At nakikipagtawanan sa mga tindiro sa palengke. Ano, lumalandi ka roon??" galit na naman nitong sumbat sa akin.
Inilapag ko muna sa sahig ang dala kong kamote. "Kung ano-ano na naman ang iniimbento niya na kwento tungkol sa akin. Oo, nakasalubong ko siya, pero ang sabi niya sa akin susunduin mo raw siya dahil mamamasyal kayo. Tapos nakita ko kayo na huminto ang dala mong sasakyan ni Mrs. Domingo sa isang restaurant. Nakita ko kayo ni Rochelle, at nakaangkla ang kamay niya sa braso mo," sabi ko kay Rico.
Gumalaw ang kaniyang panga. "Huwag mong sabihin nagseselos ka? At huwag mong bigyan ng malisya ang paghawak ni Rochelle sa braso ko. Bakit ba binabalik mo sa akin ang sinasabi ko?" galit nitong tanong sa akin.
"Dahil nakita ko kayo. At kung ano man ang pinagtatahi-tahi na kwento sa'yo ni Rochelle, hindi iyon totoo. Nagkita kami kanina sa labas ng palengke kasama ang mga kaklase niya. Alam mo kung ano ang sinabi niya? Kayo na raw dalawa. Kaya raw wala ka ng gana sa akin dahil mukhang sampo na ang anak ko. Ipinahiya niya ako kanina sa mga kaklase niya. Subalit hindi ko siya pinatulan. Totoo bang may relasyon kayo, Rico?" Pagkokompronta ko sa kaniya.
Nagsalubong ang kilay niya habang nakatingin sa akin.
"Sa tingin mo kaya uuwi pa ako rito kung may relasyon kami ni Rochelle? Baka naman kunwari mo lang na magtitinda ng kamote, pero iba pala ang tinitinda mo?" mapanghusga pa nitong sabi sa akin.
"Pag-iisipan mo pa ako ng ganiyan? Nagtitinda ako ng kamote para may pambili ako ng bigas dahil nahihiya na akong umasa sa Mama mo. Ang sabi mo kanina uuwi ka ng tanghali, kaya 'yong niluto ko lumamig na lang sa kahihintay ko sa'yo. Kung hindi ako nagkamali namasyal pa kayo ni Rochelle," sabi ko pa sa kaniya.
"Pvtang ina! Puro ka na lang hinala. Alam mo kapag ako ang nainis sa'yo tutuhanin ko na lang 'yang binibintang mo sa akin. Pagod na nga ako sa trabaho, bunganga-an mo pa ako pagdating ko!" galit nitong sabi sa akin, at lumabas siya ng bahay.
Talagang malaki na ang ipinagbago ni Rico. Hindi siya katulad noon na malambing sa akin. Ni ayaw niya nga nakikita akonh umiiyak. Agad niya akong nilalambing kapag nakikita niya na umiiyak ako at nagtatampo sa kaniya. Subalit ngayon para bang inis na inis siya sa akin. At parang wala na siyang pakialam sa nararamdaman ko.
Hindi na siya ang Rico, na dati kong kilala. Parang wala na siyang malasakit sa akin.
Kinuha niya ang nakasampay niyang damit sa sampayan. Nandito lang ako sa pintuan nakatingin sa kaniya. Nang pumasok na siya sa loob ng bahay tinanong ko talaga siya.
"Hindi mo na ba ako mahal, Rico? Nahihirapan ka na ba sa buhay natin? Nahihirapan ka na bang buhayin ako?" maluha-luha kong tanong sa kaniya.
"Kung hindi mo na ako mahal at nahihirapan ka na sa akin, sabihin mo lang. Kung pabigat na ako sa'yo sabihin mo lang sa akin. Siguro nga tama si Rochelle, nahihirapan ka ng buhayin ako. Ako ang humihila sa'yo pababa para hindi matupad ang mga pangarap mo. Kung ayaw mo na sa akin okay lang, sabihin mo lang sa akin. Kahit masakit tatanggapin ko kapag pinaalis mo ako sa bahay na ito," umiiyak kong sabi sa kaniya.
Hindi ko na kaya ang bigat na nararamdaman ko sa aking puso. Kailangan ko ng iiyak ang sama ng loob ko.
"Ano ba ang pinagsasabi mo? Bakit mo ba naiisip iyan? Alena, mahal kita. Tahan, na huwag ka nang umiyak," sabi niya sa akin.
Kinabig niya ako at niyakap, kaya lalo akong napahagulgol sa dibdib niya.
"Talagang hindi mo na ako mahal, Rico. Simula noong muntik na akong nagahasa nagbago ka na. Tapos lagi kang umuuwi na naglalasing. Baka nahihirapan ka na sa buhay natin?" hagulgol kong sabi sa kaniya.
Hinago-hagod niya ang likod ko. "Shhh... Tahan, na. I'm sorry sa pagkukulang ko. Mangako ka sa akin na kahit anong mangyari hindi mo ako iiwan. Pasensya ka na kung umuuwi ako na lasing. Hindi ko kasi matangihan ang mga barkada ko. Alena, tutuparin ko ang mga pangako ko sa'yo. Hindi kita iiwan. Bibilhan kita ng malaking bahay. Malaking tv, malambot na sofa at kama. I'm sorry, kung nasasaktan kita. Huwag ka ng umiyak," paglalambing niya sa akin.
Hinalikan niya pa ang tuktok ng ulo ko.
Kumalas siya ng yakap sa akin at pinunasan niya ang mga luha ko sa mata.
"Kahit mahirap ang buhay natin tinitiis ko dahil umaasa ako sa mga pangako mo sa akin. Mahal na mahal kita, Rico. Ayaw kong mawalay sa'yo Ikaw lang ang mayroon ako. Pangako hindi kita iiwan," humihikbi kong sabi sa kaniya.
"Promise, pareho natin tutuparin ang pangako natin sa isa't isa. Basta huwag mo lang akong iwan Alena dahil kailangan kita sa buhay ko. Pagpasensyahan mo na ako kung masungit ako sa'yo minsan. Natatakot kasi ako na mawala ka sa akin. Marami ang nagsasabi na bata ka pa. Maganda at sexy, kaya baka makakita ka pa ng higit sa akin. Iyon ang kinakatakutan ko, Alena," sabi pa sa akin ni Rico.
Umiling-iling ako sa kaniya. "Hindi iyon mangyayari, Rico. Ikaw lang ang mahal ko at wala ng iba pa. Hindi ko kayang mawalay ka sa akin," pangako ko pa sa kaniya.
Muli niya akong niyakap at hinalikan sa aking labi. Kulang lang siguro kami sa pag-uusap ng heart to heart. Mahal ko si Rico at siya lang ang tao na pwede kong makapitan ngayon. Kung mawawala pa siya sa akin hindi ko alam kung saan ako pupulutin?
Kaya kahit mahirap ang buhay kaya kong tiisin huwag lang kaming maghiwalay ni Rico. Sa edad ko ngayon na labing anim, dapat nag-aaral ako, subalit dahil ulilang lubos na ako at sa edad ko noon na labing apat si Rico lang ang tao na bumuhay sa akin, pagkatapos akong palayasin ni Mrs. Domingo. Siguro kung hindi ako kinuha ni Rico, baka palaboy-laboy na ako sa kalye at baka ano pa ang nagyari sa akin na masama. Kaya nangako talaga ako na kahit anong mangyari hinding-hindi ko iiwan si Rico.