Chapter 1: Internship

2092 Words
June, 2018   HINDI na nag-abalang mag-almusal si Althea nang makita ang orasan sa gilid ng kanyang kama. Dali dali niyang isinuot ang kanyang sapatos at nakakailang mura sa tuwing may nagagawa siyang pagkakamali. Napatingin naman ang kanyang ama na si Nestor sa hagdan nang marinig ang kalabog. “Kumain ka muna bago ka pumasok.” Ani ng ama at kinuha ang tungkod nang tumayo. Mainit init pa ang kanin, ang niluto niyang hotdog at pritong itlog. Umuusok pa ito, perpekto para sa malamig na klima ng umaga.  Nakabusangot ang mukha ni Althea nang bumaling sa kanyang Ama. Ang isang paa nito ay hindi nakakalakad pagkatapos ma mild stroke noong namatay ang kanyang ina. Hindi na gumaling pa kaya dala dala ng ama ang kanyang tungkod kahit saan siya magpunta.  Inayos ni Althea ang kanyang bag bago lumapit sa hapag kainan at napatingin sa pagkain dito. Malamig ang pakikitungo niya sa kanyang ama magmula noong mamatay ang kanyang inang si Josephine. Sinisisi niya ito kung bakit kailangan bawiin ng kanyang ina ang sariling buhay dahil lang sa problema at kung bakit walang nagawa si Nestor para pigilan ang kanyang asawa.  “Hindi na sana kayo nag-abala pa. I’m late.” Aniya at kumuha ng baunan at isinilid rito ang pritong itlog, isang pirasong hotdog, at kaunting kanin. Napasulyap ang kanyang ama sa kanya at bahagyang napangiti. Kahit papaano’y pinansin ng kanyang anak ang kanyang niluto hindi katulad noong nakaraang taon na halos hindi ito kumakain sa kanilang bahay.  “Sa wakas, anak. Ilang buwan na lang at gagraduate ka na.” Masayang sabi ni Nestor at lumapit sa anak. Hindi tumingin si Althea sa kanya at tumango na lamang. “Marami pa akong pagdadaanan at may board exam pa.” Malamig na wika ni Althea sa kanya at dali daling umalis. Sinundan siya ng tingin ng ama at isang mabigat na buntong hininga ang pinakawala nito. Kung nabubuhay ka lang sana, aniya sa kanyang isipan at bumaling sa litrato ng yumaong asawa. Kahit siya ay nahihiwagaan sa suicide case ni Josephine. Kilala niya ang kanyang asawa, hindi siya ang tipong sumusuko sa problema. NAKARATING si Althea sa St. Lorenzo Hospital. Napamangha pa siya nang makita ang nurse na nag-aasikaso sa mga pasyente. Siniko niya ang kaibigang si Yana upang mapatingin rin sa kanyang tinitingnan. “Malapit na tayong maging isang ganap na nurse.” Aniya rito. Gumuhit ang ngiti sa labi ni Yana. Kahit siya ay naeexcite na rin sa kanilang internship sa St. Lorenzo Hospital. Halos hindi makubli ang ngiti sa labi ni Althea hanggang nakarating sila sa isang silid kung saan muna sila i-o-orient bago ang maganap ang actual. Bente tres anyos na si Althea, mas matanda kaysa sa mga naging batchmates niya. Nahuli siya ng pag-aaral nang mamatay ang kanyang ina at nagkaroon ng problema sa pinansyal noong nag high school siya, pero hindi iyon naging hadlang para hindi siya magsumikap. Nang makabalik sa pag-aaral ay pinagsikapan niya hanggang naabot niya ang ganitong yugto. Pumunta silang lahat sa emergency room para simulan ang una nilang gagawin. Ang pag-inject ng dextrose sa pasyente. Nanginginig ang mga kamay ni Althea habang nilalagyan niya ng alcohol ang kamay ng bata. Napatingin naman ang bata sa kanya bago binalingan ang ina. “Hija, baka mamaya iba ang matusok mo ha.” Nag-aalalang sabi ng ginang. Napatingin sa kanya si Althea at umiling. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang init mula sa kanyang katawan at pinagpapawisan ang pagitan ng kanyang ilong at labi sa likod ng face mask. “Uh. Salamat po sa paalala pero marunong po ako nito.” Hindi naman iyon first time na nangyari. Si Prof Dianne, ang kanilang advisor ang nakatingin lamang sa kanya. Hindi niya gustong mapahiya dito.  Nang matapos ay nakahinga nang maluwag si Althea. Lumabas na sila ng emergency room at tinulak ang wheelchair ng bata. Nakakailang sulyap naman ang bata sa kanya kaya sa huli ay binaba niya ang kanyang suot na face mask at ngumiti sa kanya. “Ano’ng pangalan mo?” tanong niya rito. “Sheena po.” Sabi niya. Hindi niya nakita ang doctor ng bata. Tumango naman si Althea nang mapagtanto na baka isa ito sa mga haharapin niyang test habang nasa hospital siya. Natigil ang pagtutulak niya ng wheelchair nang marinig ang pamilyar na boses sa isang silid. “I’d like to keep you here overnight for observation.” Nakangiting sabi ng maganda at batang doktor. Kung hindi nagkakamali si Althea, siya ay si Georgina Sevilla. Ang anak ng governor na may-ari ng St. Lorenzo Hospital na si Diego Sevilla. Inayos nito ang NICU monitoring sa giliran ng pasyente habang nag-aalala naman ang mukha ng matandang babae sa anak na sinusuri ng doktor.  “Girl crush mo pa rin ang Cardiologist na ‘yan?” tanong ni Yana nang dumaan sa kanyang giliran. May tinutulak ring bata sa wheelchair. Nagkatinginan ang dalawang bata nang magkasalisi silang dalawa.  Napangiti si Althea at humarap kay Yana at saka ito inirapan. “Ikaw lang yata ang kilala kong walang interes kay Doc Georgina. Ang galing niya kaya at ang ganda pa.” Nagpatuloy silang dalawa sa pagtutulak ng wheelchair. Nakilala niya ito noong nagbigay si Georgina ng speech noong orientation nila sa pagkokolehiyo, hindi pa siya ganap na doktor pero tumatak siya sa isipan ni Althea at pinangako niya na balang araw ay magiging katulad siya ni Georgina. Maganda, matalino, at successful. “Ano bang espesyal sa tao na nanggaling sa maimpluwensyang pamilya? Kung walang connections ang pamilya niyan ay magiging commoner lang naman ‘yan katulad natin.” Bakas sa boses ni Yana ang inggit. Napangiti na lamang si Althea. Ngumisi si Yana at sinundan ang kanyang sinabi. “Ang sabi sa akin ni Mama, kung hindi namatay ang kalaban ng daddy niya noong 2010 election ay malabong manalo si Gov. Sevilla. Isipin mo kung hindi nanalo ang daddy niya, saan kaya siya pupulutin ngayon? Baka nga nakailang balik na sa pag-aaral ng medisina?” “Huy! Ano ka ba? Baka may makarinig sa ‘yo.” Suway sa kanya ni Althea nang makarating sila sa Children’s ward. Umirap muli si Yana at ikinabit na lamang ang dextrose sa kanyang pasyente. Gayon din ang ginawa ni Althea ngunit tila bumaba ang dugo sa kanyang katawan nang makita si Doc Georgina na nakatayo sa gilid ng kama ng batang si Sheena.  “Doc!” hindi makubli ang gulat sa mukha ni Althea. Bigla siyang nakaramdam ng kaba at baka narinig nito ang sinabi ni Yana. Nanatiling nakatingin ang doktor sa kanya bago gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi at lumapit sa bata. “K-kayo po pala ang doktor ni Yana?” nauutal niyang tanong. Sinuri ng doktor ang dextrose at umupo sa higaan ng pasyente. “Althea Lleste, right?” tanong ng doktor habang may binabasa sa clipboard. Tumango tango naman si Althea habang minamasahe ang kanyang kamay sa sobrang kaba. Bumaling siya kay Yana na nakanguso lamang. Napatingin si Georgina sa kanya at tinuro ang dextrose. “Do you know how dextrose is made of?”  “Uh, dextrose is made of simple sugar and is chemically identical to glucose, or blood sugar. A-also a carbohydrate and solutions containing dextrose provide calories and may be given intravenously in combination with amino acids and fats. ” Mabuti na lang at nasaulo niya ang kanyang nababasa sa libro ngunit bakas pa rin sa kanyang boses ang kaba. “Theoretical explanation.” Tumatangong sabi ng doktor. “Inalam mo ba ang sakit ni Sheena bago siya turukan ng Dextrose?” hindi nakapagsalita si Althea sa tanong ng doktor. Tumayo ang doctor at tumingin sa kanya. Sinusunod niya lang ang dapat niyang gawin kanina at nawala sa isipan niya ang itanong kung ano ang sakit ng bata. “Sheena is diagnosed with congestive heart failure magmula noong ipinanganak siya.” Patuloy nito at inadjust nito ang dextrose. “Next time, alamin mo ang sakit ng pasyente before taking some actions and wait for the doctor’s instruction instead. May ibang pasyente na lumalala ang sakit kapag may dextrose at may iba naman ang hindi kailangan ng dextrose. Paano kung sakaling may diabetes ang pasyente?” Aniya at ngumiti. Nagkatinginan sila ni Yana na napalunok nang ilang beses nang marinig ang boses ng Doctor.  “I am sorry, doc. It won’t happen again.” Pagpaumanhin ni Althea. Ang paghihingi niya ng sorry ay hindi lamang para sa kanyang ginawa kung hindi pati na rin sa sinabi ni Yana kung sakaling narinig ng doctor ang pinag-uusapan nila. Hindi na muling nagsalita ang doktor. Kinakausap lamang niya ang pasyenteng si Sheena at ang kanyang ina nito na kanina pa nakikinig sa doktor. Bumaling siya kay Yana at tinapunan ng matalim na titig. Napangiti lamang si Yana sa kanya at nagawa pang kumindat. “Lastly, Yana Oliveros and Althea Lleste. Both of you could be ground for discipline by the hospital for breaking the rules. Talking nonsense and loudly during work is prohibited at work. Please study the hospital etiquette first.” Anito at saka dali daling umalis. Napaawang ang labi ni Althea at nakahinga na lamang nang maluwag. Napahawak siya sa kanyang puso at umupo sa dulo ng kama ni Sheena. Inayos ni Prof Dianne ang kanyang salamin sa mata matapos marinig ang sinabi ng doctor kay Althea. Sinadya niya ring hindi pagsabihan ang studyante dahil para sa kanya mas maraming aral ang matutunan kapag pinagalitan ka. Gustong tumawa ng prof ngunit pinigilan niya at nakangusong umalis na lamang roon. ALAS sais y medya nang mag-ayos sina Althea sa kanilang dadalhin pag-uwi. Sinusulat niya sa libro ang kanyang natutunang gamot na tinetake ni Sheena at ang kailangan niyang gawin katulad ng instruction ni Doc Georgina. “Daan muna tayo sa library, Yana. Kailangan kong isauli ang libro.” Sabi ni Althea. “Sarado na ‘yon ngayong oras, alas sais na oh!” pagrereklamo ni Yana sabay pakita ng kanyang wrist watch kay Althea.  Umiling naman si Althea. Naalala niya noong naglayas siya sa kanilang bahay, bukas pa ang naturang library kung saan siya madalas tumambay kahit ala una na ng madaling araw. “Trust me. Hindi natutulog ‘yon.” Biro nito at sinundan ng tawa.  Ikinabit niya ang kanyang bag sa kanyang balikat at tumungo muna sa children’s ward para magpaalam kay Sheena bago umalis. Natigilan siya nang makita si Georgina na nakaupo sa giliran ng natutulog na bata. Nakakabit ang lab coat nito sa kanyang nakahalukipkip na braso. Ang ina ng bata ay abala naman sa paghahanda ng makakain ng bata kapag nagising ito. Totoo nga ang haka haka, hindi lang siya isang doktor. Ani ni Althea sa kanyang isipan at napangiti.  Napansin naman ni Georgina ang pagdating ni Althea. “Magpapaalam lang sana ako, doc.” Aniya sa doktora. Nakasalikop ang kanyang dalawang kamay. Hindi naman nagsalita si Georgina at napatingin na lamang sa bata. Mga ilang sandali ay bumukas muli ang pintuan at pumasok ang isang ginoo. Hindi pa iyon nakikita ni Althea ngunit sa giliran ng kanyang mga mata ay napapansin niyang matangkad ito at may katamtamang laki ng pangangatawan. “I was waiting outside.” Biglang wika ng lalake na may baritonong boses. Nakuha naman ng lalake ang atensyon ni Althea kaya napatingin ang dalaga sa kanya. Hindi mawari ni Althea sa mga oras na iyon na tila may kakaiba siyang nararamdaman. Hindi naging normal ang pagtibok ng kanyang puso nang magtama ang mga mata nilang dalawa ng lalake. Ngumiti ang lalake sa kanya bilang pagbigay galang bago bumaling muli kay Georgina. “Mamayang twelve midnight pa ako uuwi. Mauna ka na, Lawrence.” Sagot ni Georgina. Lawrence. Sambit ni Althea sa likod ng kanyang isipan. “I’ll wait for you, then.” Sabi ng lalake at naglakad palabas ng ward. Sinundan niya ng tingin si Lawrence at naputol lang nang bigla siyang kinausap ni Georgina. “Ingat.” Tipid nitong sabi sa kanya. Nahihiyang ngumiti si Althea at nagpasalamat bago tuluyang lumabas ng ward. Sinalubong naman siya ni Yana na humihikab sa labas. “Tara? Ibabalik mo pa ang libro sa hindi natutulog na library.” Birong pagyaya nito. Hindi naman agad nakapagsalita si Althea. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit kailangang hanapin ng kanyang mga mata si Lawrence.  “Bukas na lang.” Sagot nito. Tinutukoy ang librong hiniram niya. “May kailangan pa akong gawin. Mamaya pa ako uuwi.”  Patuloy niya na ipinagtaka ni Yana sa biglaan nitong naging desisyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD