NORMAL kay Royal na hindi pa matanggap ang mga naganap sa kanya kaya matapos ayusin ang gamit mula sa ospital ay nagtungo siya sa tirahan ni Dalton. Ngunit sarado ang apartment nito.
“Umalis na kayo rito!” Napalingon siya sa lalaking papalapit. Namumukhaan niya ang lalaki.
Nagrolyo sa kanyang isipan kung saan nga ba niya ito nakita. Naalala niya ang plaza. Isa ito sa dalawang lalaki na nakamasid sa kanila ni Dalton. Nagsindi ito ng sigarilyo.
“Tauhan ako ng mga Resuelo at sa ‘kin ka inihabilin ni Boss Victor,” anito bago humithit at nagbuga ng usok. “Wala pa akong gagawin sa ‘yo ngunit hindi ako mangangako kung aabutin ka ng tatlong oras na palugit.”
Kumapit sa kanya nang mahigpit si Elsa.
“Nasaan si Dalton?” Gusto ko na muna siyang makausap!”
Nakatitig sa kanya nang malalim ang lalaki. “Ano pa ang ipaliliwanag mo sa kanya? Ah, tama—na ipakakasal ka sa apo ni Senador Tolentino!”
Napalunok siya. Alam ba ni Dalton ang tungkol doon? Kaya ba nito ginagawa ang mga bagay na ito?
“Miss Roy, sa palagay ko ay tinaguan ka na niya… Sigurado ako na pinaglaruan ka lang ng taong iyon,” nag-aalalang wika ni Elsa.
Kusang tumulo ang kanyang luha. Kasalanan niya ito dahil hindi niya pa masyadong kilala ang lalaki. Namumula na ang kanyang mata sa kaiiyak ngunit ano ang magagawa niya? Hindi niya mapigilan ang kirot sa kanyang dibdib.
***
NAGTUNGO si Royal sa coffeeshop ni Fernanda para alamin kung bakit hindi nito sinabi sa kanya ang pagkatao ni Dalton. Naroon na rin siya para formal na magpaalam. Ngunit basag ang glasswall ng kapehan. Puro bubog ang sahig, may dilaw na warning tape at magugulo ang gamit sa loob na halatang nagkaroon ng komosyon.
Sht! Victor Resuelo! Sigurado siya na ang lalaki ang may gawa nito.
“Miss, bawal pumasok sa lugar na ‘yan. Hindi ba’t isa ka sa mga serbidora rito?” wika ng may edad na babae nang mapansin sila ni Elsa.
“Kailan pa nagkaroon ng gulo rito? N-nasaan si Ma’am Fern? ‘Yong may-ari nitong tindahan?”
Napangiwi ito. “Mas mabuti pa na huwag mo na siyang hanapin. Kinuha siya ng grupo ng mga lalaki rito.” Nagpalinga-linga ito at saka bumulong. “Ang tsismis nila ay mga Resuelo ang may gawa nito. May ginawa siyang hindi nagustuhan ng taong ‘yon. Baka madamay ka pa kung magpupumilit kang pumasok.”
Nanginginig ang labi ni Royal kasunod ang paninikip ng kanyang dibdib. Hindi niya akalain na aabot sa ganito si Dalton at ang ama nito. Kasalanan niya kung bakit nadamay ang mga kasama niya sa trabaho.
“Miss Roy, mabuti pa na umalis na tayo. Binigyan tayo ng palugit ni Mr. Resuelo. Nag-aalala ang daddy mo.”
Tumango siya. Hangga’t naroon siya ay hindi sila ligtas ni Elsa. Kailangan na lang niyang tanggapin na pinaglaruan siya ng unang lalaki na minahal niya nang sobra…
***
ISANG sampal ang sinalubong ni Royal mula sa kanyang ama matapos makarating sa kanilang mansiyon. Naniningkit ang mga mata ng mga taong nasa paligid. Alam niya na kulang ang sampal na iyon para sa mga ito.
“At talagang doon mo naisip magtago sa kuta ng mga hayop na Resuelo?” galit nitong tanong.
Humahagulgol si Royal habang sapo ang namumulang pisngi.
“Hindi mo man lang naisip kung gaano kadelikado na magpunta ro’n ang isang tulad mo?!”
“Dad… Please… Ayoko kasing magpakasal kay Denver! Hindi ako papayag na maging asawa niya!” Hindi pa ba sapat na ginagamit siya nito at ang kanyang sorority?
Muli siya nitong pinagbuhatan ng kamay. “Kaya mas gugustuhin mong mamatay? Ha’yan nga at pinagtangkaan ka nilang patayin? Pinagmukha pa nilang nagkaroon ng komosyon sa kalsada para kung sakaling mamatay ka ay hindi ka nila sagutin! I thought you were smart, Roy! Ipakakasal kita kay Denver sa ayaw mo at sa gusto para magtino ka!” galit na sabi nito.
“Dad!”
“Hindi lalabas si Royal ng mansiyon na ito hangga’t hindi ko sinasabi!” bilin ng kanyang ama. Para maiwasan na siyang saktan nito ay pumasok na ito sa loob.
“Tsk! Tsk! Akala ko pa naman ay wala nang pag-asa na makabalik ka pa rito. I should’ve looked for someone to kill you instead,” wika ng babae ng kanyang ama.
Pinukulan niya ito ng tingin. Wala siyang oras na harapin ang babae na primadona sa tahanan na iyon. Malakas lang ang loob nito dahil nanatili ito sa tabi ng kanyang ama sa loob ng ilang taon, ngunit walang plano na pakasalan ito ng daddy niya.
“Miss, ihahatid na kita sa kuwarto mo,” mungkahi ni Elsa.
Tumango lang siya. Nagtungo siya sa left wing ng mansiyon kung saan naroon ang kanyang tirahan. Narinig na lang niya ang makapal na chain na ibinabalot sa makapal na gate matapos makapasok sa entrada. Iyon kasi ang personal niyang tirahan na nakahiwalay sa kanyang ama.
Para siyang ibon na ikinulong sa hawla. Ito ang rason kung bakit siya umalis noon. Kahit na pinaliliguan siya ng salapi at kayamanan, hindi niya pag-aari ang kanyang buhay.
Hindi talaga siya malaya.
Napapagod na ang mata niya at ang kanyang puso sa kaiiyak. Nangarap siya sa loob ng maikling panahon. Naniwala siya na magtutuloy-tuloy ang kanyang kalayaan laban sa madilim na mundo at labanan sa pagitan ng mga pamilya nila. Hindi niya akalain na lalo lang niyang ibinaon sa hukay ang kanyang sarili. Tama nga si Mr. Resuelo. Masyado siyang nagpauto sa anak nito!
Matapos ang dalawang linggo ay pinayagan siyang lumabas ng kanilang tahanan para makipag-date kay Denver.
Namanhid na siya; ang katawan at ang puso niya kaya’t para siyang manika na sumusunod sa iniuutos sa kanya.
***
MGA BEEP mula sa aparato ang patuloy na tumutudyo sa kamalayan ni Dalton. Dahan-dahan na nagdilat siya ng mata. It’s blurry. Hinayaan niya ang paningin na masanay sa paligid. Habang ginagawa niya iyon ay namamanhid ang kanyang katawan.
“Boss?” narinig niyang tinig mula sa kanyang gilid.
Is that Dante?
“Tatawag ako ng doktor!”
Masyadong masakit ang kanyang ulo. Hindi rin siya mapalagay sa kable na nakaturok sa kanyang braso. Pinilit niyang umupo at saka iyon inalis kahit pa nga umiikot ang kanyang paligid.
“Mabuti naman at gising ka na!” anang pamilyar na tinig.
Iniangat niya ang tingin sa taong pinipilit niyang iwasan.
“What are you doing here?” tanong niya sa kanyang ama.
“Seriously! Kung hindi dahil sa akin ay baka abo ka na ngayon! You’ve been in this ICU for a week! Kung hindi sa paghahanap ko ng matinong doktor, malamang ay pinaglamayan ka na!”
“Sana nga ay pinabayaan mo na lang ako kaysa ikaw ang una kong makita!”
Nanigas ang panga nito sa narinig. “Sumusobra ka na! Hindi ko maintindihan kung bakit mahaba pa rin ang pasensiya ko kahit napupuno na ako sa pambabastos mo!”
Umismid siya. “Why? Does it hurt you, the big Boss of the South? I don’t give a fvck!”
Isang suntok sa pisngi ang tinanggap niya mula rito. Mabilis na nag-init ang ulo ni Dalton kaya naman bumalikwas siya para sana sumugod dito. Ngunit bago pa niya ito sakmalin ay may dalawang bodyguard ang pumigil sa kanya at tinutukan siya ng baril sa noo ng isa. Nagbabaga ang kanyang mata habang nakatingin kay Victor.
“Alam ko na naliligaw ka pa, Dalton! Pero gusto kong malaman mo na ako pa rin ang tatay mo at hindi ka tatakas para maging underboss ng mga Resuelo!”
“Ibinibigay mo lang ang posisyon sa ‘kin dahil wala na si Mateo!”
“Still, my blood is in your body! Utang mo sa ‘kin ang buhay mo!”
“Sinabi ko na sa ‘yo nang malinaw! Hindi ako babalik sa poder mo! I've already paid for my life in the past years! Pumayag ako sa kagustuhan mo para maligtas ang nanay ko, pero natapos iyon nang mamatay siya!”
“Pa’no nga ba ang nanay mo, ha? Wala ka bang plano na ipaghiganti si Melody? Nagagalit ka sa ‘kin habang hinahayaan mo na magliwaliw ang taong pumatay sa kanya!”
“What do you mean by that?”
“It is Romero Balaguer! Nakipagkita si Melody sa kanya para magbigay ng tip sa ilang transaksiyon natin. Matapos maibigay ni Melody ang ilang impormasyon, pinatay siya ng hayop na si Romero!”
Nanikip ang kanyang dibdib matapos maisip ang kanyang ina. Bata pa lang si Dalton ay alam niya nang imposible na maka-survive siya sa mundong iyon. Lalo na at hawak ng kanyang ama ang leeg nilang parehas ni Melody.
Melody couldn’t do anything in order to save him—her son.
Dalton did the same. Para protektahan ang kanyang ina, naging ulol siya na mamamatay-tao para sa hayop na si Victor Resuelo. He was 13 when Victor trained him to be a human weapon. Iniwan siya nito sa isang isla para magsanay. Kinse anyos siya noong sinubok siya nito sa cage fight. He won, or else Victor would kill Melody. Noong mag-18 siya, wala siyang emosyon na pinatay ang taksil sa grupo ng mga Resuelo.
Ngunit ang lahat ay nagtapos nang mamatay si Melody tatlong taon ang nakaraan. When he was twenty-two, he was unable to keep track of the lives he had taken. Doon na natapos ang pagiging ‘aso’ niya kay Victor.
Bakit ba siya naging gitarista sa loob ng tatlong taon? Dahil may kapayapaan siyang natagpuan sa musika.
“Kailan mo pa nalaman na si Romero ang may kagagawan niyon?”
“Noong nasa abroad ka!”
Bumilog ang kamay ni Dalton. Naniniwala ba kaagad siya sa sinasabi nito? Hindi! “I will make my own investigation!”
“Ha’yan ang rason kung bakit ka napaglalaruan ng mga Balaguer, eh! Iniisip mo na kaya mo na! Nauto ka tuloy ng isa sa kanila!”
“Ano ang ibig mong sabihin?” Nananatili na wala siyang emosyon.
“Royal Grace Balaguer! You had a relationship with her!”
Nanlaki ang kanyang mata. "Grace!”
“Tsk! Tsk!” Naiiling si Mr. Resuelo at saka bahagyang nalungkot. “Dalton, mananatili kang anak ko, tandaan mo ‘yan! Ang hindi lang ako makapaniwala ay kung bakit nagpauto ka sa prinsesa ng mga Balaguer!”
Umawang lang ang kanyang labi at hindi siya makapagsalita. Pinoproseso pa ng utak niya ang mga sinabi nito.