DEHADO

3339 Words
Chapter 5 Lubos ang nararamdaman kong saya noong makita ko siya. Tulad ng sinabi ni Daddy, baka muli kong makikita ang kaibigan ko kung kailan ay hindi ko inaasahan. Tama siya, dumating si Zayn sa panahong hindi ko inaasahan. Sa pagkakataong hindi ko siya hinahanap. Unang araw pa lang ng pasukan ngunit kaagad na akong hindi maka-focus sa mga sinasabi ng aming mga guro. Wala akong naiintindihan sa aming asignatura. Si Zayn ang tumatakbo at walang pagod sa kalalaro sa aking isipan. Lagi ko siyang tinitignan ngunit malas lang dahil nasa likod ako samantalang siya ay nasa harapan. Tanging likod lang niya ang nakikita ko at ang kaniyang pisngi. Alam kong batid niyang naroon ako sa likod. Bakit hindi man lang ako lingunin? Bakit ni hindi niya magawang tapunan ako ng kahit man lang isang mabilis na sulyap? Galit pa rin kaya siya sa akin? Kringgggg! Kringgggg! Kringgggggg! Sa wakas, recess na rin. Mabilis akong lumapit sa kanya ngunit mas maagap ang kanyang pagtayo at pag-alis. Hindi ko alam kung bakit siya nagmamadaling lumabas ng aming classroom. Ako naman ay bumalik sa akin upuan at nagmadali ring kinuha ang backpack dahil may mga dala ako doong chocolate drinks, sandwich, chocolates at wafer. Pihadong magugustuhan niya ang mga iyon. Balak kong mag-share na rin lang kami. Sinundan ko siya. Nagtataka akong hindi siya pumunta sa aming canteen. Dumiretso siya sa poso. Kinargahan niya ng tubig ang dala niyang lumang bote ng mineral water at tumuloy sa silong ng punong sampalok. Nagtago muna ako. Nang binuksan niya ang kaniyang bag at inilabas niya ang kaniyang baon na nilagang kamote ay saka na ako nagpakita sa kaniya. "Dude! Kumusta!" masaya kong bati at itinaas ko ang kamay ko para makipag-apir. Tulad noon kapag nagkikita kami sa gubat. Napahiya ako. Ibinaba ko ang nakataas kong kamay. Hindi siya nakipag-apir sa akin. Walang ngiti akong nakita sa kaniyang mukha. Walang kahit anong emosyon. Hanggang sa nagsalubong ang kaniyang kilay. Hindi pa rin ako sumuko. Hindi ako nagpatalo. Kaibigan ko siya. Malinis ang aking kalooban. Wala akong kasalanan sa kanya. Tahimik akong tumabi. Muli niyang ibinalik sa bag niya ang miryenda niyang kamote. Tumayo.  Nataranta ako. "Dude, ano ba? Hindi ka ba masayang nagkita tayong muli?” Buntong hininga lang ang tugon niya sa akin. Tumalikod siya. “Uyy ano ba?” hinawakan ko ang braso niya. “Sa'n ka pupunta?” Di pa rin siya sumagot.  "Bakit ba ganyan ka sa akin? Anong problema mo?” iritado na rin ako.  "Sheine, ano ba kasi ang ginagawa mo rito?"  "Anong bang gagawin ng istudiyante sa paaralan? Siyempre dude, nandito ako para mag-aral? May masama ba do'n?" "Bakit dito?” “Anlabo mo naman. E saan ba dapat?” “Bakit hindi sa mga paaralang nababagay sa mga katulad ninyong mayayaman? Bakit ka sa public na kagaya nito mag-aaral? Anong misyon mo?" “Misyon?” natawa ako. “Ano naman ang misyon ko dito kundi mag-aral. Napaka-weird mo naman.” “Sana lang, nandito ka talaga para mag-aral.”  "Oo naman. Nandito ako dahil gusto ni Dad na dito ako mag-aral, saka okey naman dito ah. Ayaw mo nun, lagi na tayong magkikita at magkasama!" "Ayaw ko.” “Ayaw mo? Bakit? Sino ka ba rito sa school, Principal?” “Malinaw ang usapan natin noon, hindi kita gustong kaibigan.” “Ouch ang sakit no’n ah!” “Kung gusto mong mag-aral dito, wala akong magagawa pa doon pero kung gusto mo akong kaibiganin, hindi iyon mangyayari." Tinanggal niya ang kamay kong nakahawak sa braso niya. “Hindi ako papayag.” Tumalikod at lumayo siya ngunit sumunod pa rin ako. Hinabol ko siya.  "May chocolate drinks ako dito at saka sandwich. Madami naman ito, saluhan mo ako." pangungulit ko. Nagbabakasakali akong makuha ko siya sa pagkain.  "Putang-ina naman!" Inaambaan ako ng suntok. "Tigilan mo ako, okey! Layuan mo ako! Hindi kita gustong kaibigan! Hindi tayo puwedeng maging magkaibigan!" naninigaw na siya. Nakita kong nakatingin ang mga ibang istudiyanteng malapit lang sa amin. Nanginginig ang kaniyang kamao at alam kong handa niyang isuntok iyon sa aking mukha. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang siya kagalit sa akin. Hindi na niya inisip na babae ako, oo astig akong magsalita at kumilos pero naka-uniform ako ng pambabae at babae naman talaga ako. Bumunot ako ng malalim na hininga. “Okey. Pasensiya na." Maalumanay kong sagot.  Tumalikod ako at naglakad palayo. Nakayuko akong pumunta sa canteen. Masakit ang loob ko sa ginawa niya sa akin. Nawala ang sayang naramdaman ko kaninang nalaman kong magkaklase kami. Halos hindi ko din makain ang baon ko. Nakaisang kagat lang ako sa aking sandwich at isang lagok lang sa dala kong chocolate drink.   Pagkatapos ng insidenteng iyon, kahit masakit ay tinanggap kong hindi niya ako gusto bilang kaibigan. Kung ano ang kanyang totoong dahilan, hindi ko alam. Ngunit kahit ganoon siya sa akin ay hindi ko pa rin mapigilan ang sarili kong pagmasdan siya ng panakaw. Hindi ko pa rin maiwasang pansinin siya lalo na kapag dumadaan siya sa harap ko o kaya kapag tinatawag siya para mag-recite. Napakahirap para sa akin kasi alam kog nandiyan lang siya, abot ng aking mga mata ngunit ni hindi ko malapitan, mahawakan at makausap. Dumaan ang dalawang Linggo at nagkaroon ng botohan para sa classroom officers. Nakita ko kung paano siya kagusto ng halos lahat ng kaklase ko. Siya ang nanalong President. Ako? Muse. Hindi ako matanggi. Hindi nila pinayagan ang aking objection. Ako raw naman kasi daw talaga ang pinakamaganda sa klase. At dahil hindi niya ako kinakausap o pinapansin, hindi ko na siya pinilit pang kaibiganin, maraming nagkakandarapang makaibigan ako, bukod sa madaming pagkain na puwede kong ibahagi, sisikat pa sila sa buong campus dahil artistahin ang kasa-kasama nilang naglilibot. Ngunit kahit may iba akong mga bagong tropang mga babae, bakla at lalaki, iba pa rin si Zayn. Siya pa rin ang lagi kong pinagmamasdan. Siya pa rin ang laman ng aking isip bago matulog sa gabi at inaabangan na dumating sa aming classroom kinabukasan. Biology class namin. Pangatlong linggo ng aming klase. Bubunot sa classcards namin ang aming guro na sasagot sa kaniyang tanong. Ang hindi makakasagot ay manatiling nakatayo pero kung may makakasagot na kaklase namin, siya ang magdedesisyon kung uupo ka o manatiling nakatayo hanggang matapos ang klase. “Sheine, Sheine Ancheta.” Sa malas ay ako ang nabunot. Tumayo ako. Hinintay ang tanong ng aming guro. Kinakabahan. Bumunot ako ng malalim na hininga. Nagdadasal n asana madali lang ang tanong. Yung tipong wala naman maling sagot kasi sariling opinyon ang sasabihin. "What is Biology?"   Patay. Napalunok ako. What is biology talaga? Hindi pwede nang opinyon doon kasi definition ang tinatanong sa akin. Hindi naman ako bobo pero tamad lang talaga akong mag-aral. Hindi din ako nakikinig ng madalas kasi mas gusto kong patagong maglaro ng candy crush sa ipad ko kaya nga ako pumuwesto sa likod. Napakamot ako ng ulo. Nakatingin lahat ang mga kaklase ko sa akin. Parang naghihintay sila na ipakita kong hindi lang ako basta maganda lang kundi may laman din ang utak. May substance. Ngunit wala talaga akong maisip isagot. Hindi ko alam pero sige, magta-try ako. "A branch of science..." nag-isip ako ng maaring idugtong. " A branch of science that is systematic." "Sorry, Sheine. Any other answer class?" tanong ng aming teacher. Nakita kong nagtaas ng kamay ang pinakamatalino sa klase. Siyempre. Sino pa nga ba. Ang First Honor nila last year. Si Zayn. Napangiti ako. Maaring gusto niya akong tulungan, tulad noon. Nang una kaming nagkita. Napangiti ako. My savior. "Biology is a natural science concerned with the study of life and living organisms, including their structure, function, growth, evolution, distribution, and taxonomy." Walang kagatol-gatol niyang sagot. Napakatalino talaga niya. Nakakabilib!  Ngumiti ako sa kaniya. "Nice one dude. Thank you! Astig!" Wika ko sa kaniya. Kumindat pa ako. “Very good, Zayn. What is your decision, Sheine will take her seat or she will remain standing."                   "She'll remain standing ma'am." Sagot niya.               Nagulat ako. Napalunok. Iyon na 'yun? Namula ako sa pagkapahiya. Narinig ko ang tawa ng iba kong kaklase at tulad ng kasunduan. Tinapos namin ang subject namin na ako lang ang nakatayo dahil ang taong sumagot sa tanong na hindi ko nasagot ay hindi ako pinaupo. Nakakahiya. Nakakainis.                   Algebra. Kinabukasan nang nangyari ang eksena sa Biology class namin.                   May usapan na kung sino ang magiging highest o maka-perfect ng aming quiz ay mamimili  siya sa mga nakakuha ng pinakamababang marka ng magbubura ng aming pisara ng isang buong Linggo pagkatapos ng aming klase o kaya ay sa tuwing mapupuno na ang pisara at kailangang magbura. Alam kong hindi man ako nag-aaral ngunit hindi naman siguro ang pinakabobo sa Math. Hindi man ako nakasusunod ngunit may nasagot naman siguro ako. nang bigayan na ng naiwastong papel, as expected, pinakamataas na naman siyempre si Zayn. Isa lang ang mali niya. Magaling talaga. Pinakamababa? Anim kaming 3 points lang ang score. Anim kami. Ako dude niya. Malayong ako ang gagawin niyang tigabura sa blackboard. Dikit kami dati e. May pinagsamahan kaya malayong ako ang aatasan niya sa pinakaayaw kong gawain. Pero nadgdagan ang pagkairita ko sa kanya.  Ang pinili sa aming anim na magbura? Ako. Ako pa rin talaga. Hindi ba? Nakakainis? Tahimik lang ako. Hindi na ako umangal pa. Kahit parang ang labas ay wala talaga kaming pinagsamahan, tinanggap ko ang parusa. Ngunit minsan hindi ko mapigilang isipin na sa anim na may pinakamababang score ay ako pa talaga ang piniling tigabura ng pisara. Ayos lang, malapit nang masaid ang salop.                   Araling Panlipunan 2. Reporting. Mga suliranin Pangkapaligiran ng Asya.                  Dahil nakita ko naman na binabasa lang din ng mga nakaraang reporter ang kanilang report kaya ganoon na rin lang ang ginawa ko. Simple. Magbabasa lang naman pala e. Wala  rin naman nagtatanong sa klase kahit si teacher, busy rin sa pagtetext sa likod kaya bakit pa ako magkakandahirap magbasa o magresearch? Pagkatapos kong basahin ang aking report ay magkakaroon ng pagkakataon ang aming mga kaklase na magtanong. Sinabihan ko na ang ilang mga kaklase ko na huwag akong tanungin kung ako ang magreport. Saka kampante ako, walang magtatanong kasi ilan na ba angs inundan ko at wala ni isa sa kaklase ko ang nagtanong. Halos lahat ay nakiisa sa aking pakiusap maliban na naman sa kaniya. Nagtaas ito ng kamay. Nagkunwarian akong hindi nakita. “May tanong ako.” malakas niyang sinabi iyon para marinig ng teacher naming nagtetext sa likod. “Oh Ancheta, may tanong daw si Corpuz.” Napailing ako. Nagngingitngit ang aking kalooban. “Sige, anong tanong mo?” halata ang pagkairita sa boses ko. Kung nakasusugat lang ang tingin, sigurado akong sugatan na siya ngayon.  "Without reading our book, could you please give us the cause of acid rain?"    English talaga? Tagalog ang subject namin ah? Nganga. Hindi ko memoryado. At dahil pakitang gilas siya, tumayo siyang muli. “Ano? Sagot! Alam mo o hindi?” Presko talaga. “Hindi.”   "Okey, do you want me to define it for you Miss Reporter?" Hindi na ako sumagot. Yabang talaga. Naramdaman kong nag-init ang aking dalawang tainga at alam kong kapag ganun ay namumula na ang buo kong mukha dahil sa pagkapahiya.  "Acid rain is caused by emissions of sulfur dioxide and nitrogen oxide, which react with the water molecules in the atmosphere to produce acids." Palakpakan ang mga kaklase ko. Siyempre pabida na naman. Siya na ang matalino. Tinignan niya ako. Hindi pa nakuntento. Nagmukha akong napakabobo. "Sa susunod, pag-aralan mong mabuti ang report mo at dapat, mas marami ka pang alam kaysa sa amin na nakikinig lang sa'yo. Report mo ‘yan e kaya expected dapat na mas marami ka pang alam sa amin." “Okey, ikaw ang magaling e. Kaya thank you ah!” sarkastiko kong sagot.   Physical Education, try-out sa basketball. Kailangan kasi ng dalawa pa sa aming klase ang sumali sa basketball para mabuo ang team naming mga babae sa darating na intrams. Matatangkad ang pinili ng teacher namin na maglaro at ang team coach, siya na naman. Dalawa ang kukunin sa try-out, isang opisyal na makakasama sa team at isang subtitute pero magiging assistant tulad ng pagbibigay ng tubig kung sakaling kumpleto pa ang buong miyembro ng team. Ang mamimili ng makakapasok ay ang coach namin na walang iba kundi siya at ang teacher namin sa PE at siya rin kasi ang Team Captain ng mga manlalarong boys. Naglalaro ako ng basketball noong elementary ako pero naudlot nang nagkahilig ako ng computer games ngunit inaamin ko hindi ako ganoon kahusay. Ngunit sa try-out, ipinakita kong marunong naman ako maglaro kasi dahil walang anak si Daddy na lalaki kaya kaming dalawa ang naglalaro sa aming bakuran bilang bonding na rin naming dalawa noon. Panay ringless nga ang mga tira ko dahil ginaganahang maglaro, naroon kasi siyang nanonood at kailangan kong magpakitang gilas. Kaya lang ay may nakatapat akong isa pa na nagtry-out din. Mas marami nga akong nashoot, mas mabilis akong kumilos sa pagkakaalam ko at mas matangkad ako sa kaniya. Ngunit nang pipili na sila ay narinig ko ang usapan nila ng adviser namin.  "Kaunting ensayo na lang kay Ancheta puwede na siya."  "Sir, tsamba lang yung mga tira niya kanina, ngunit kung kukunin natin lahat sa galing sa depensa at marunong ang galaw at pag-aassist, doon ako kay Dindi. Baka puwedeng gawing watergirl muna si Ancheta habang mag-ensayo pa ng mag-ensayo kasi mukhang tagilid tayo sa team ng mga babae niyan sir." "Sige, desisyon mo 'yan. Basta gusto kong pumasok silang dalawa sa anim na nagtry-out sa team,” ani ng PE teacher namin. Kaya ang labas. Watergirl lang ako sa basketball team naming mga babae. Pero ayos lang sa akin ang lahat. Ang importante naman kasi sa akin no'n ay makasama siya. Okey na sa akin iyon. Lahat ng mga pagpapahiya niya sa akin, kahit hindi niya ako pinapansin ay binabalewala ko lang lahat. Naiinis ako, naiirita, nagagalit pansamantala ngunit hindi ako nagtanim ng sakit ng loob. Alam ko kasing mabuti siyang tao at sa akin lang bukod tangi siya nagiging matigas. Madalas ko siyang makitang nagtuturo sa iba naming mga kaklase sa Algebra tuwing wala kaming ginagawa. Nadadaanan ko din siya sa hapon na hinahawakan niya ang bag ng isa naming kaklase na disable dahil putol ang isang paa. Kadalasan siya ang takbuhan ng mga kaklase ko sa tuwing may hindi sila naiintindihan sa aming mga assignments. Dahil doon ay nagkaroon ako ng idea na magpaturo sa kaniya para lang makuha ko kahit saglit ang kaniyang atensiyon.                   "Patulong naman ako sa simplification of algebraic expressions na topic natin kanina. Hindi ko kasi makuha-kuha." Preskong paglapit ko sa kanya.                   "Hindi mo ako titser! Wala akong panahon. Marami pa akong babasahin. Bakit hindi ka pumunta kay ma'am at sa kaniya ka magpaturo." Tugon niya sa akin saka siya tumalikod.                   "Bakit yung ibang kaklase natin natutulungan mo, e ako, ngayon lang naman ako humingi ng pabor sa'yo... para namang wala tayong pinagsamahan dude."                   Ngunit parang wala siyang narinig. Ni hindi nga niya ako nilingon.                   Nagpatuloy ang ganoon sa pagitan namin. Siya ang iwas ng iwas at ako naman itong si papansin. Dikit ng dikit. Habol ng habol. Papansin. Mas mabuti na 'yung napapansin niya ang kakulitan ko kaysa sa parang hindi niya ako tuluyang maramdaman. Pasasaan din at tuluyan siyang magsasawa sa katataboy niya sa akin.                   Nakaugalian na ni Mommy ang magpadala sa akin ng maraming chocolates at pagkain ay naisipan kong magdala lalo pa't hindi ko naman iyon makain ng mag-isa. Dahil hindi naman ako madalas kumain ng chocolates ay minabuti kong dalhin iyon para ipamahagi sa mga kaklase ko. Inutusan ko si Dindi na mamigay. Naka-seperate na sa isang supot ang iaabot niya kay Zayn. Umupo ako malapit sa kaniya ng palihim nang iabot ni Dindi ang supot ng chocolates.                   "Kanino galing 'yan?"                   "Wala, ipinaabot lang. Lahat naman tayo meron."                   "Kay Ancheta?" muli niyang tanong.                   Tinignan ako ni Dindi. Sinenyasan kong huwag niyang aminin ngunit nang nilingon niya ako ay mabilis niyang kinuha ang chocolate at lumapit sa akin.                   "Isaksak mo sa baga mo ang chocolates mo. Di ba, sinabi ko sa'yo na hindi ko kailangan ang kahit anong galing sa'yo?" mataas ang kaniyang boses kasabay nang pagtapon niya sa supot ng chocolates sa balikat ko. Dahil napahiya ako sa ginawa niya ay nilingon ko ang mga kaklase ko, nagbabakasakaling walang nakakita sa ginawa niya ngunit kitang-kita ko na lahat sila ay nakatingin sa amin. Pinulot ko ang chocolate na nahulog sa sahig at patay malisya akong tumalikod.                   "Sino pa may gusto ng dagdag?" malakas kong tanong. Ayaw kong siyang patulan. Binuksan ko ang supot ng chocolates at ipinamahagi ko sa mga kaklase kong natahimik sa kanilang nasaksihan. Mula noon ay iniwasan ko na siya. Nagdesisyon akong huwag na lang din siyang pansinin muna.                   Isang umaga ay wala ang teacher namin sa first period. Nagkukuwentuhan kami ni Dindi hanggang sa humarap na rin sa amin ang ilan sa aming barkada. Ang apat ay naging sampu lalo silang natuwa sa mga jokes na aking binibida. Babae, bakla at lalaki ay nakipag-umpukan na sa amin. Panalo iyon sa aking mga kaklase. Mga jokes na kay daddy ko naririnig noon. Sobrang saya namin na hindi naming mapigilang humalakhak. Dahil sa pag-eenjoy namin ay nagiging maingay na ang grupo kasama ng ilang lalaking may lihim ding crush sa akin.                   Nang biglang nakarinig kami ng malakas na kalabog sa teacher's table. Sinilip ko at baka may teacher na dumating pero si Zayn, ang Class President namin ang naroon at salubong ang kilay. Huli kong nakita ang galit na galit niyang mukha noong nagkita sila ni Daddy. Ganoon na ganoon ang tingin niya sa akin. Napatingin ang mga kaklase namin sa kaniya.                   "Imbes na igugol natin sa pagrereview o pagbabasa sa next na subject natin ang oras na wala ang teacher natin sa first period ay mas pinipili pa ninyong makinig diyan sa walang kuwentang jokes ni Ancheta. Baka matulad kayo diyan, kababaeng tao pero puro yabang lang kahit halos bagsak na ang mga exam."                   Biglang tumaas ang dugo ko. Parang lahat ng natitira kong pasensiya sa kaniya ay tuluyan nang naglaho. Masyado na niya akong pinapahiya sa mga kaklase ko.                   "Ano bang problema mo sa akin, ha!" singhal ko. Napatayo ako sa inis.                   "Problema ko sa'yo? Masyado kang mayabang! Masyado kang epal! E kung gamitin mo kaya ang yabang at kaepalan mo sa discussion natin, siguro mas bibilib pa ako sa'yo."                   "E, ano kung bobo ako! Inaano ba kita ha! Tinigilan na kita ah! Baka gusto mong pansinin ka lang dahil lahat ng atensiyon nila ay napupunta sa akin."                   "Ulol! Hindi ako ganun kababaw. Nagsisimula ka ng walang kuwentang ingay!"                   "Ulol ka rin! Kung ako nagsisimula ng walang kuwentang ingay, ikaw wala kang kuwentang kaibigan!"                   Dahil doon ay mabilis akong lumapit sa kanya at isang malakas na suntok ang pinakawalan ko sa kanyang panga. Hindi spal, kundi suntok. Oo babae ako pero kaya ko siyang labanan na parang lalaki. Sumadsad siya sa upuan dahil hindi niya napaghandaan ang aking malakas na suntok sa kanya. Ang mga barkada ko ay nagulat sa bilis ng pangyayari. Nang ambaan niya ako ng suntok ay mabilis siyang inawat ng iba naming kaklase. Masama ang tingin niya sa akin. Inapuhap niya ang labi niyang may dugo.  Hindi ko napigilan ang pagbagtas ng luha sa aking pisngi. Unang iyak ko iyon sa kaniya. Oo nasuntok ko siya ngunit paano naman ang ginawa niyang pamamahiya lagi sa akin? Paano naman yug kawalan niya ng respreto sa akin, kahit hindi na lang bilang babae, kahit respeto na lang sa isang tao. Nalulungkot lang ako noon sa mga ginawa niya ngunit hindi ko nagawang iluha ang sakit ng loob ngunit ngayon, tuluyan ng bumuhos ang pinipigilan kong hinanakit sa kaniya. At ngayon na handa na akong harapin siya, lakas sa lakas, talino sa talino at kahit babae ako, ipampamukha ko sa kanyang hindi ako madaling matalo. Ngayon na lalabas ang pagiging Ancheta ko! Magtutuos kami sa kahit anong larangan sa school. Tignan ko lang kung hindi siya tataob sa akin ngayon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD