Chapter 4
Nang makita kami ni Daddy ay nakita ko ang saya sa kaniyang mukha kahit alam kong naroon ang kaniyang pag-aalala sa akin. Mabilis siyang lumapit at lumuhod sa harapan namin ni Zayn na nakayakap pa rin sa akin. Bigla akong humawak kay Daddy. Kahit papaano ay nabawasan ang nararamdaman kong takot sa kulog at kidlat dahil si Daddy ang madalas sa akin nagko-comfort.
"Salamat sa pag-alalay mo sa anak ko balong ha? Mula kasi nang may nakita siyang tinamaan ng kidlat noong pitong taong gulang siya dito sa atin ay nagka-phobia na siya sa kidlat at kulog. Kaya ako nagmamadali kaninang hanapin kayo dahil alam kong maghihisterikal siya ng walang yayakap sa kaniya."
Hinihintay kong sumagot si Zayn kay Daddy ngunit hindi niya iyon ginawa. Nilingon ko siya. Titig na titig siya sa mukha ni Daddy na para bang may pilit siyang inaalala.
“Ania nagan mu itayen, balong?" (Anong pangalan mo?") nag-ilokano si Daddy dahil siguro iniisip niyang hindi nakakapagsalita o nakakaintidi ng tagalog si Zayn. Ngunit alam ko, matatas siya managalog kasi Tagalog ang usapan namin at para siyang hindi tiga Vizcaya. Wala siyang intonation na Ilocano.
“Nakakaintidi ka ba ng Tagalog at Ilocano o iba ang dialect mo?”
"Zayn. Zayn ang pangalan ko." Matigas ang pagkakasabi no'n. May kakaibang bigat. Pilit. Walang ho o po.
"Taga-anu ka ngay balong?" (Tiga saan ka)
Mabigat na buntong-hininga ang isinagot niya.
Dahil tumila na din ang ulan at wala na din gaanong kulog at kidlat ay minabuti ni Daddy na mauna na kaming umuwi.
“Ket kasanu ngarud ngayen Zayn. Umuna kamin a nga agawiden, nakkung." (Paano din yan Zayn, mauna na kaming umuwi sa'yo ha, anak?) Nakangiting paalam ni Daddy kay Zayn. Nakangiti din akong tumingin sa kaniya ngunit wala akong nakitang expression sa mukha niya. Parang may mali? May kasalanan ba si Daddy sa kanya?
"Dad, marunong ho siyang magsalita ng tagalog."
"Ah ganun ba? Sinong mga magulang mo Zayn at baka kilala ko sila?"
Pagkatanong iyon ni Daddy ay namula ang mga mata nito ngunit naroon ang galit. Alam kong napansin din iyon ni Daddy.
"May mali ba akong nasabi sa'yo anak?" si Daddy muli.
Ngunit hindi na sumagot pa si Zayn. Tumalikod na ito at mabilis na naglakad palayo sa amin.
"Ano kayang problema nu'n?" tanong ni Daddy sa akin.
"Sandali lang Dad, kakausapin ko." hinabol ko siya.
" Zayn, Dude! Sandali lang!"patuloy pa rin sa mabilis niyang paghakbang.
"Sandali lang!" pinigilan ko ang kaniyang braso.
"Bitiwan mo nga ako!" may luha ang kaniyang mga mata ngunit mas nangingibabaw ang pagpupuyos.
"Anong problema mo dude?"
"Wala." Hindi siya nakatingin sa akin.
"Galit ka ba kay Daddy o sa akin?"
Nagsalubong ang kaniyang kilay. Bumunot ng malalim na hininga ngunit nakita kong namuo ang kaniyang kamao na parang gusto niyang sumuntok.
"Mula ngayon, kalimutan mo nang magkakilala tayo."
"Ano? Bakit?" Nagulat kong mga tanong.
"Bukas bago sumikat ang araw, pumunta ka doon sa malaking puno."
"Ano bang problema mo, ha?" Naiinis na din ako.
"Basta, pumunta ka doon bukas. Baka kasi hindi ako makapagtimpi ngayon!"
Pagkatapos niyang sinabi iyon ay tumalikod na ako sa inis. Baka kasi hindi ako makapagpigil din ay masalubong ko ang kaniyang galit na hindi ko alam kung saan iyon nagmumula. Napakabigat ng pakiramdam kong bumalik kay Daddy na noon ay nagtataka din sa inasal ng kaibigan ko.
"May topak yata ang tropa mo anak ano?"
"Ewan ko du'n, Dad. Okey naman siya kanina."
"Bagay kayo. May topak ka din naman minsan e, lalo na kapag may ayaw ka na hindi mo madiretsong masabi sa amin ng Mommy mo. Baka may ayaw siyang nasabi ko. Tara na nga." Inakbayan ako ni Daddy.
May patak patak pa kasi ng tubig ang mga dahon dahil sa katatapos na ulan kaya ako pinayungan ni Daddy. Nang naglalakad na kami pauwi ay nilingon ko si Zayn. Nakatutok sa amin ni Daddy ang hawak niyang pellet g*n na binigay ko sa kaniya. Napakagat pa siya sa kaniyang labi at nagsalubong ang kaniyang kilay. Nang makita niya akong lumingon ay mabilis niyang ibinaba iyon. Tinignan ko din siya ng masama.
"Ano daw ba ang problema niya?" Tanong muli ni Daddy nang malapit na kami sa bahay nina Lola.
"Malay ko dun. Baka nga may topak din siya Dad kagaya ko.” pilit ang aking tawa. “Hayaan na nga natin."
Ngunit ang sinabi kong hayaan na lang namin ay hindi bukal sa aking kalooban. Hindi ko kasi alam kung bakit biglang nagbago ang timpla niya nang makita niya si Daddy? Nadagdagan na tuloy ang iniisip ko. Naiinis ako sa sarili ko. Dati naman puro computer games lang ang nasa isip ko kapag ganitong bago matulog. Hindi kasi ako makatulog kung may mga tumatalo sa akin sa mga barkada ko, pero bakit ngayon, isang tropa ko mismo ang iniisip ko. Bakit ngayon iba yung nararamdaman ko?
Kinabukasan ay maaga akong pumunta sa silong ng puno. Madilim-dilim pa ay naroon na ako. Si Lolo at lola palang nga ang gising no'n kaya para hindi nila ako makita ay dumaan ako sa likod bahay ng patago. Nakadama ako ng takot lalo pa't madilim-dilim pa nang tinatalunton ko ang madamong daan papunta sa puno pero dahil sa excitement ay tuluyang natatabunan ang aking naramdamang takot at pagkabahala.
“Bakit wala pa siya? Kapag ganitong usapan, laging antagal niya!” napakamot ako ng ulo sa inis at inip sa kahihintay.
Sumakit na ang puwit ko sa kauupo at ang aking leeg sa kalilingon pero hindi pa siya dumadating. Pasikat na din ang araw. Tumayo na ako. Bahala siya. Kung hindi siya marunong tumupad sa usapan e, di huwag. Naglalakad na ako pabalik ng bahay nang marinig kong may sumisipol. Sipol na parang sa ibon ko lang naririnig. Nilingon ko. Naroon na siya. Ngumiti ako.
"Dude! Okey ka na?" masaya kong bati sa kaniya habang mabilis akong lumapit sa kitatayuan niya. Tinaas ko ang kamay ko para makipag-apir ngunit hindi niya iyon tinanggap. Minabuti kong ibaba na lang ang kamay ko. Naparam ang saya sa aking mukha. Halata ang aking pagkapahiya.
"Oh heto, binabalik ko na ang mga binigay mo sa akin."
"Hala, bakit?” Nagulat ako sa reaksiyon niya.
“Heto nga, binabalik ko. Kunin mon a.”
“Sa'yo na 'yan ah. Bakit mo binabalik?"
"Hindi ko na kailangan ang mga iyan.”
“Gano’n? Di ba sabi mo gusto mo ‘to?”
“Hindi na. Saka mula ngayon, kalimutan mo ng magtropa tayo. Kalimutan mong nakilala mo ako. O heto na yung mga binigay mo."
"Sa'yo nga 'yan. Ang kulit naman e. Hindi ko na binabawi o kinukuhang muli ang mga ipinamigay ko. Saka nnong sinasabi mong kalimutan ko nan a magtropa tayo? Hindi kita maintindihan, Dude."
"Basta! Huwag ka na kasing magtanong."
"May ginawa ba akong hindi mo nagustuhan?”
“Wala.” Maikli niyang tugon.
“E, si Daddy, tama. Nagkaganyan ka lang naman nang makita mo si Daddy ko. May nagawa ba si daddy o nasabi si Daddy na ayaw mo?"
"Oo, may nagawa ang Daddy mo sa akin, sa amin!"
"Ano 'yun? Sabihin mo para alam ko."
"Basta, huwag ka na kasing makulit. Nakakainis ka naman e."
"Paanong hindi ako makulit e, pagkakaibigan natin 'yung gusto mong kalimutan ko. Wala naman akong alam na kasalanan sa'yo e. Kung si Daddy ang may atraso sa’yo o sa inyo bakit ako nadadamay sa galit mo?"
"Huwag ka na kasi namimilit at matanong! Ito yung alam kong makakabuti sa atin kaya sumunod ka na lang sa gusto kong mangyari."
"Makakabuti? Paaanong makakabuti ito sa atin?"
"Basta!"
"Basta? Yun lang ‘yon? Ang g**o mong kausap."
"Salamat na lang pero hindi ang katulad mo ang gusto kong maging tropa. Maghanap ka ng kagaya mong babae. Hindi naman talaga pwedeng maging tropa ang lalaki sa babae, ang mayaman sa mahirap. Iba ang paniniwala ng pamilya mo sa paniniwala namin."
“Ang g**o mo! Hindi kita maintindihan.”
“Sige na. Aalis na ako”
"Uyyy! Dude! Wala namang ganyanan oh!" Hinawakan ko ang braso niya. Ngunit nagpumiglas siya. Halatang ayaw papigil. Naiwan ako doon na parang nalilito sa mga nangyayari. Napaupo ako. nakaramdaman ng panghihina. Unang pagkakataon iyon na bigong-bigo yung pakiramdam ko. Hindia ko sanay mabigo. Hindi ko gusto yung sakit sa dibdib. Parang ang hirap hirap huminga. Hanggang sa bigla na lamang akong naluluha.
Lumingon siya at bumalik sa akin. Nakita niyang namumula na ang aking mga mata. Hindi ko alam pero parang ambigat ng loob ko at dahil doon ay napapaiyak ako. Ngunit ayaw ko naman siyang iyakan.
"Sorry na dude, kung anuman yung nagawa ni daddy sa'yo o sa inyo, ako na humihingi ng tawad." Desperada na ako. Ayaw kong magkalayo kami ng hindi malinaw ang lahat sa pagitan namin.
"Sorry? Sorry lang ta's okey na lahat?”
“E ano pa ba dapat?”
“Hindi ganun lang kadali 'yun. Lintik lang ang walang ganti.”
“Ganti? Ganti para saan?”
“O heto, saksak mo sa baga mo ang mga binigay mong 'yan sa akin!" malakas ang pagkakatulak niya sa hawak niyang nakaplastik na damit na binigay ko sa kaniya kasama nang naka-box na pellet g*n. Napaatras ako. Nasaktan ako sa lakas ng pagkakatulak niya sa dibdib ko ngunit mas masakit sa akin ang ipinapakita niyang pangit niyang inaasal sa akin.
" Zayn! Dude! Uyy! Wala namang ganyanan. Dude!" nakikiusap ako nang tumalikod na siya. Umiiyak. Desperadang maayos ko ang ang sigalot namin.
"Kalimutan mo na ako. Kalimutan mo nang nagkakilala tayo!" Hindi siya lumingon nang sinabi niya iyon. Mabilis siyang naglakad hanggang sa tuluyan na siyang nawala sa masukal na kagubatan.
Bumalik ako sa bahay na hindi ko alam kung kailangan ko bang tanungin si Daddy kung bakit nasabi ni Zayn sa akin iyon. Ngunit naroon ako noon nang unang nagkita sina Daddy at Zayn. Wala akong matandaan na ginawa ni Daddy o kaya ay nasabi na maaring ikinagalit ni Zayn. Kung sakali mang may nagawa si Daddy sa kaniya o sa kanila bago ko pa siya nakilala, bakit hindi siya kilala ni Daddy?
Tahimik ako nang pabalik na kami sa Manila. Napakabigat ng nararamdaman ko. Hindi naman ako puwedeng iiyak. Bakit naman kasi ako iiyak sa tropa ko lang? Isa pa, tutuksuin lang nila ako at pagtatawanan kung iiyak ako nang wala naman akong masabing kadahilanan.
Napansin na naman ni Mommy ang pananahimik ko.
"Papa, anong nangyari diyan sa favorite daughter mo?" tanong ni Mommy.
Tinignan ako ni Daddy sa salamin. Kinindatan ako. Hindi ko sinagot ang kindat niya.
"May topak na naman yata. Ano pa nga ba?" Tinignan niya si Claire sa salamin. "Ano bunso, may topak na naman si ate ano?"
Tinignan ako ni Claire. Magsasalita pa lang sana siya pero pinandilatan ko na kaagad. "Ayaw ko magsalita Dad. Baka anuhin na naman niya ako."
"Sinong may gusto ng Chicken Joy at ng Spaghetti!" tanong ni Daddy nang nasa Solano, Nueva Vizcaya na kami, nakatingin siya sa akin sa salamin. Nakangiti. Panunuhol para lang makita niya akong ngumiti.
"Ako dad! Tigil mo na sa tabi! Bilis!" sigaw ko. Nagulat sila sa biglang pagbago ng mood ko. E, sa paborito ko talaga 'yun. Baka mamaya magbago pa ang isip ni Daddy.
"See? 'Yun lang ang katapat niyan." Kumindat siya kay Mommy. Masaya na kaming nagsalu-salo. Ngunit naroon pa rin si Zayn sa aking isip. Nababagabag kung anong nagyari sa masaya naming simulain? Nakakalungkot pero kailangan kong tanggapin.
Mabilis na dumaan ang araw. Masakit man pero kailangan kong iwaglit si Zayn sa utak ko. Kung wala akong ginagawa, naiisip ko siya at nalulungkot ako. Kung naglalaro kami ng computer kasama ng mga tropa ko, ni kahit isang saglit hindi siya pumapasok sa utak ko. Kaya para hindi ko siya maisip, naging regular na ang paglalaro ko ng computer kasama ng mga kaklase ko at kapitbahay.
First year high school na ako noon nang tuluyan na akong nawili sa paglalaro sa computer. Iba kasi ang naibibigay sa akin na excitement ng paglalaro. Lalo na kung nananalo na ako. Pagkatapos ng klase ay diretso na agad kami sa computer shop para maglaro kasama ng mga kaibigan kong lalaki at tomboy. Sa paraang gano'n ay nawawala si Zayn sa isip ko.
Dumating ang December at muli kaming dumalaw kina Lola at Lolo. Kakaiba ang nararamdaman kong saya noong binabagtas namin ang daan pauwi. Nagkakantahan pa nga kami nina Mommy at Claire samantalang si Daddy naman ang sumasakit ang ulo sa walang pinatutunguhang tono ng bawat isa sa amin.
"Utang na loob. Pahingain ninyo ang tainga ko." Reklamo niya nang malapit na kami sa Sta. Fe.
Masaya ako dahil puno ako ng pag-asang magkikita kami ni Zayn. Sana kung may galit man siya kay daddy noon, ngayon nawa’y tuluyan nang hinilom ng panahon. Katunayan nga niyan, bumili pa ako ng Christmas Gift ko sa kaniya. Isang bracelet. Pareho kami. Silver nga lang pero pinag-ipunan ko din naman iyon. Ilang buwan kaya akong di nag-computer para lang makabili no’n nang sinabi sa akin ni daddy na sa Diadi kami magpapasko. Sana magustuhan niya.
Pagkadating namin ay agad akong pumunta sa silong ng puno. Hawak ang maliit na box ng regalo ko sa kaniya. Umaasang dumaan siya doon. Kung sana alam ko lang kung saan siya nakatira. Ngunit hindi ko siya nahintay nang mag-iisang oras na ako doong nakaupo. Nang panay na ang tingin ni Daddy sa akin sa malayuan ay ipinasya kong pumunta na lang sa batis. Mag-aalas dos na ng hapon. Katulad nang dating oras nang aksidente kong nakitang naliligo siya doon. Ngunit halos isang oras na ako doon na nakaupo pero hindi pa rin siya nagpapakita. Malamig ang hangin ngunit mainit ang sinag ng araw. Ipinasya kong magtanggal ng aking damit at tanging puting panloob lang ang gamit ko. Nagdive ako mula sa sanga ng puno. Kakaiba ang lamig ng tubig. Mainit sa ibabaw ngunit sobrang lamig sa ilalim nito. Sana ganoon si Zayn. Sana kahit galit siya sa akin noon, kahit nag-iinit ang kaniyang panlabas niyang pakikitungo sa akin ay nanatili sana akong kaibigan sa loob niya. Kahit kasi anong gawin ko, hindi ko kayang magalit sa kaniya. Dahil hindi ko makayanan ang ginawa ay muli akong umahon, nagdamit, umupo sa sanga at nagmasid. Naghintay sa hindi naman yata dadating.
Nang bigla akong nakarinig ng kaluskos ng mga tuyong dahon. Napangiti ako. Nabuhayan ako ng pag-asa. Lumakas ang kabog ng aking dibdib. Habang palapit sa akin ang yabag at lalo namang bumilis ang t***k ng aking puso.
"Halika na anak. Magtakip-silim na. Umuwi na tayo.” Si Daddy lang pala. Tumigil ang kanina'y naramdaman kong kabog sa dibdib at excitement.
“Pero, dad…”
“Hayaan mo na.” maalumanay na boses ni Daddy. “Malay mo, magkikita kayong muli ng tropa mo sa hindi inaasahang pagkakataon. Tulad ng pagkikita ninyo noon." Napapaluha akong humawak sa baywang ni Daddy habang akbay-akbay niya ako. Kinalimutan na nga yata niya ako. Siguro nga hindi na niya ako kaibigan pa.
Tatlong araw pa rin akong umasa. Tatlong araw pa rin na wala akong ibang ginawa kundi tumambay at maghintay ngunit walang Zayn ang nagpakita sa akin. Hanggang sa araw na babalik na kami ng Manila. Ang dati'y saya ko nang pauwi kami ay napalitan ng matinding pagkabigo.
"Chicken joy at Spaghetti? Sino diyan ang may gusto?" tanong ni Daddy. Nakatingin sa akin sa salamin nang natapat kami sa may Jollibee Solano. Ngunit dinaanan ko lang siya ng tingin. Hindi na kumagat sa akin ang kanyang pampalubag-loob.
"Matindi ang topak.”
“Oo nga. Parang namatayan ang anak mo.” Nakangiti pang sagot ni Mommy na lalo kong ikinairita.
“Anak, kaibigan mo lang ang nawala sa’yo. Hindi kami. Hindi ang pamilya mo. Nandito kami oh! Kahit kailan hindi ka namin iiwan. Pansinin mo naman kami." Si Daddy. Sa totoo lang natamaan ako sa sinabi niyang iyon. Nagkaroon ng kakaibang kirot sa akin.
"Ayaw ko ng chicken joy. Gusto ko pizza." Sagot ko.
"Pizza naman pala ang gusto. Naging mas sosyal na ang panlasa ni ate, Daddy" si Claire.
"Sus, 'unyari ka pa, favorite mo kaya ang pizza."
"Salamat ate. Doon na lang nga tayo Dad, yung sa may pizza." Lambing ni Claire.
Masakit man ang di kami muling nagkita ni Zayn ay tinanggap ko na lang ang lahat. Tama naman, bata pa ako. Marami pa akong makikilalang magiging tunay na kaibigan. Iyon ang lagi kong ipinapaintindi sa sarili ko. Para tuluyang siyang maiwaksi sa aking isipan ay mas natuon ang utak ko sa paglalaro kasama ng aking mga tropa. Ang tuwing pagkatapos lang ng aming klase ay nagiging tuwing may pagkakataon na. Lumiliban kami ng mga tropa ko para lamang makapaglaro. Hanggang sa paminsan-minsan na lang ako pumapasok sa aming klase. Ngunit dahil malaki mag-donate si Daddy ay nakakapasa naman ako ng hanggang third grading. Ngunit bago mag-4th grading ay tinawag na si Mommy sa school dahil sa madalas ko nang pagliliban sa klase.
Nang dumating si Daddy mula sa isang buwan niyang pagkawala dahil sa kaniyang trabaho ay kinausap niya ako ng masinsinan. Alam kong sinabihan siya ni Mommy bukod sa araw araw pang pagbubunganga nito sa akin.
"Anong gusto mo, tumigil sa pag-aaral o doon ka sa Vizcaya magpapatuloy ng iyong pag-aaral?" tanong ni Daddy sa akin. Pinipigilan niyang magalit ngunit halata iyon sa panginginig ng kaniyang kamay at pagsalubong ng kaniyang kilay. “Anak naiintindihan ko pa sana kung lalaki ka e, babae ka anak. Hindi magandang tignan na ang babaeng kagaya mo ay lumiliban sa school para maglaro ng computer kasama ng mga kaibigan mong lalaki. Ngayon, kung ipagpipilitan mo ‘yan, mainam pang tumigil ka na lang muna sap ag-aaral at grounded ka rito sa bahay.”
Ayaw kong tumigil sa pag-aaral kasi alam kong hindi din naman ako palalabasin ni Mommy sa bahay. Guwardiyado na niya ako.
"Ano! Sumagot ka bago ako magalit, Sheine!"
"May mga private schools naman sa Vizcaya anak. Basta ang mahalaga ay maiwasan mo na yang pagkalulong mo sa computer." Singit ni Mommy.
"Anong sa private siya mag-aaral. Doon siya sa public para maranasan niya ang pinagdaanan kong hirap. Kaya siya nagkakaganyan dahil mula pagkabata niya ay puro lang madali at marangyang buhay ang dinanas niya. Hindi ka na bata, Sheine. Hindi sa lahat ng pagkakataon kailangan ka naming suyuin, kailangan ka naming intindihin. Magkaiba ang nagmamahal sa nangungunsinti. Sa tuwing ganyang pinapatawag ang mommy mo o nakakatanggap kami ng sulat at hindi ka namin napapangaralan o pinaparusahan sa maling nagawa mo, pakiramdam ko lalo ka lang namin kinukunsinti. Pag-aaral mo lang ang gusto naming atupagin mo hindi mo pa magawa. Paano na lang iyong iba diyan na kahit kainin nila ay kailangan pa nilang paghirapan maghapon ngunit salat pa rin.”
“Kung mag-aaral ba ako, may kakainin na mga salat na ‘yan?” balikong sagot ko.
“Naman! Nakita kong gusto na ako ni Daddy na sampalin pero mabilis si Mommy na piglan ang kamay ni Daddy. Narinig ko ang paghinga niya ng malalim ng ilang ulit bago siya nagsalita. “Ano, huminto ka sa pag-aaral at mabuburo ka dito sa loob ng bahay o doon ka sa lola mo sa Diadi mag-aaral?"
"Paano ako do'n, wala kayo ni Mommy? Sinong mag-aalaga sa akin?" sagot ko.
"Sana inisip mo 'yan sa tuwing lumiliban ka sa klase mo at naglalaro kasama ng mga barkada mo. Saka alam mo bang wala kang karapatang magreklamo? Binigyan ka namin ng madaling buhay dito pero hindi mo pinahalagahan. Kaya doon ka sa Diadi para maramdaman mo kung gaano kahirap ang mabuhay. Ano! Sagot! Tigil o Diadi?"
"Diadi po." Maikli kong sagot. Natakot na ako sa sigaw ni Daddy sa akin.
Second year. Diadi National High School. Diadi, Nueva Vizcaya.
Unang araw ng klase. Kailangan kong magising ng maaga para makisabay na sumakay sa trysikel na parang chistmas tree sa dami ng istudiyanteng nakasabit.
"Apo, ganyan talaga dito. Ma-late ka kung maghihintay ka ng trysikel na walang laman." Puna ni lolo sa akin. Kaya wala akong magawa kundi ang makipagsiksikan sa mga kasama kong mag-aaral.
Pagdating ko sa loob ng aming paaralan ay parang iba ako sa mga naroong istudiyante. Lahat halos lalaki man o babae ay nakatingin sa akin. Maputi ako, makinis, maayos ang uniform, magara ang sapatos at bag at higit sa lahat dahil lumaki sa Manila ay sunod sa uso ang mga accessories sa katawan. Kung ikaw pala ang tinitignan ng ganoon, nakakailang din. Parang walang gustong kumausap sa akin. Hindi ko alam kung nahihiya sila o naalangan sa akin samantalang kung dinadaanan ko sila at nakalagpas na ako ay naririnig ko ang kanilang pag-uusap. Dahil napaaga yata ang dating ko ay umupo ako sa likod ng aming classroom. Dahil panay ang tingin sa akin ng mga iba kong makaklase at ibang dumadaan sa classroom namin ay minabuti kong yumuko na lang. Inilabas ko ang bago kong ipad at naglaro ako ng candy crush.
Tumunog ang bell. Lumingon ako. Nagsisilabasan ang mga kaklase ko. Naisip kong flag ceremony na. Kaya sumunod na ako sa kanila. Ngayon, nang pumipila na ako ay lalo na akong parang kinukuryente sa tingin ng halos lahat ng estudiyante. Naisip ko. Daig ko pa pala ang artista. Ngunit sa totoo lang, hindi ko gusto yung pakiramdam na tinitignan ako ng marami. Kahit pa pinupuri ako sa pisikal kong kaibahan sa karamihan sa kanila ay nakakatunaw din pala sa hiya. Minabuti kong yumuko na lang muli hanggang matapos ang flag ceremony kasi sa tuwing lumingon ako parang meron at meron mga matang nakamasid sa akin.
Pagpasok namin sa aming classroom ay nakita kong magkakilala lahat sila. Maingay silang lahat ngunit nang dumaan ako ay parang bigla silang natahimik lahat. Umupo ako sa napili kong puwesto kanina at muli kong inilabas ang ipad ko. Hindi ko naman pala magamit dahil pawala-wala naman ang mahinang signal ng network ko. Pero sa panahong iyon, maaring ako pa lang ang istudiyanteng may ipad sa school.
Dumating ang Adviser namin. Tumahimik lahat.
"Class, as I call your name, raise your hand and say present."
Ilang sandali pa ay tinawag na ang pangalan ko.
"Sheine Ancheta"
Tinaas ko ang kamay ko. "Present ma'am."
"Class, transferee si Sheine dito sa school natin. Galing siya sa Manila at nag-aral sa isang private school doon kaya sana alalayan natin siya hanggang sa tuluyan na siyang masanay sa school natin ha?"
"Yes ma'am." Sagot ng karamihan pagkatapos ng ilang tawanan ng mga lalaki at ngiting nahihiya naman sa mga kagaya kong babae.
Itinuloy ng advicer namin ang pagtawag sa mga pangalan ng iba ko pang kaklase hanggang sa may pangalan akong narinig na kinagulat ko.
" Zayn Corpuz"
"Present ma'am."
" Zayn?" Napalunok ako.
Mabilis na tumibok ang aking puso. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman.
Magkaklase kami ni Zayn?
Ang matagal ko ng hinahanap na tropa ko. Napangiti ako. Nabuhayan ako ng loob. Muli na kaming nagkita ng lalaking mabilis na nagpaSheineibok sa aking puso at nagpapakaba sa akin ng madalas. Dito ba magsisimula ang maging masaya ang aking mundo o tuluyang tutupukin ako ng mga mas matitindi pang pagsubok sa aking buhay.