CHAPTER 6
At ngayon na handa na akong harapin siya, lakas sa lakas, talino sa talino at kahit babae ako, ipampamukha ko sa kanyang hindi ako madaling matalo. Ngayon na lalabas ang pagiging Ancheta ko! Magtutuos kami sa kahit anong larangan sa school. Tignan ko lang kung hindi siya tataob sa akin ngayon!
"Ano bang kasalanan ko sa'yo ha! Bakit mo ako kailangang ipahiya!”
“Ibang klase ka rin ano? Ikaw na ang nanapak, ikaw pa itong galit na galit? Pasalamat ka, hindi ako sumusutok ng babae pero kung sumosobra ka na, malamang sa malamang, papatulan talaga kita.”
“E di sige. Mas gusto ko pa iyon. Kung may galit ka pa sa akin. Sige, pagsusuntukin mo ako. Hindi yung ganyan na ginagawa mo sa akin. Mas masakit pa para sa akin yung masuntok kaysa sa ipinaparamdam mo sa akin araw-araw.”
“Wala akong ginagawang mali sa’yo. Ikaw itong pabaya, papansin at pariwara.”
“Okey. Gano’n ba ang tingin mo sa akin? Tandaan mo, wala akong ginawa sa'yo para tratuhin mo ako ng ganito. Higit pa sa kaibigan at kapatid ang trato ko sa'yo dude! Kung alam mo lang kung pa'no kita pinahahalagahan bilang kaibigan."
"Andrama mo!" singhal niya. "Hindi mo lang alam kung ano ang pinagdadaanan kong hirap ngayon dahil diyan sa daddy mo!"
"Bakit, ano bang mabigat na kasalanan ni Daddy sa'yo? Kung siya may kasalanan bakit sa akin mo ibinubunton ha! Anong kasalanan namin sa'yo!" mataas na ang boses ko.
"Ancheta! Corpuz! In my office, now!" sigaw ng aming Principal na noon ay nakatayo na sa pintuan ng aming classroom.
Nang nasa loob na kami ng principal's office ay pinatawag ang iba naming mga kaklase bilang mga saksi sa nangyaring away sa pagitan namin ni Zayn. Kinampihan ako ng mga barkada ko at sinabi ang lahat ng nangyari. Mag dagdag na nga lang sa kuwento para maabswelto ako. Dahil siguro sa pamumudmod ko ng chocolates at pagkain kaya sila sa akin kumakampi. May ilan lang na nagsabi na kasalanan ko pero karamihan si Zayn ang itinuturong may mali. Tahimik lang si Zayn noon, siya nagsalita, hindi siya nagdahilan. Tinatanggap niya lang ang lahat ng kanyang naririnig. Sa huli, panalo ako. Ako na nanuntok, ako pa rin ang pinanigan.
"Anong gusto mong parusa kay Corpuz, Ancheta." Tanong sa akin ng Principal. Alam kong kinakampihan niya ako hindi lang dahil sa kaniyang narinig mula sa kaklase ko kundi dahil na rin sa kaibigan at kababata siya ni Daddy.
"Wala ho." Maikling sagot ko.
"Wala e, nasuntok ka niya?" tanong muli ng Principal. Kung alam lang niya na ako naman talaga ang nanuntok. Binaliktad lang ng mga kaklase kong pinandidilatan ko at naaambunan ng miryendang dala ko.
"Okey lang po. Sana lang huwag na niyang uulitin."
"Sige, mangako ka Zayn na huwag mo ng uuliting saktan pa si Sheine."
Hindi pa rin kumikibo si Zayn.
"Naririnig mo ba ako Corpuz?" mataas na ang boses ng aming Principal.
Narinig kong bumunot ng malalim na hininga si Zayn. "Iba talaga maglaro ang batas sa mundo. Hindi patas. Hindi totoong may hustisya.”
“Ano? May sinasabi ka?”
“Kung magsasalita ba ako sir at sasabihin ko ho ang totoo sa akin kayo maniniwala? Ang sinasabi ba ng iilan na katotohanan ay mas matimbang kaysa sa sa sinasabi na kasinungalingan ng karamihan lalo pa’t ang karamihan na ito ay nahuhuthot sa kanilang ipinaglalaban?”
“Corpuz, huwag mong dalhin dito sa paaralan ko ang utak rebelled.”
Nakita ko ang poot at pagkasuklam sa mata ni Zayn. May namuo doong luha ngunit mas matindi at matimbang ang pagngingitngit.
“Ano, isu-suspend kita o mag-sorry ka kay Sheine.”
Bumuntong hininga.
“Di na mauulit sir."
"Sabihin mo kay Sheine, hindi sa akin. Makipagkamay ka!"
Nagkatitigan kami. Ayaw kong ako ang unang mag-abot ng kamay ko. Siya man din ay nakikiramdam.
"Ano, Corpuz! Huwag mong sirain ang mataas na tingin ko sa'yo. Oo nga't matalino ka at responsable na istudiyante namin dito ngunit ayaw ko ng barumbado at matigas ang ulo." Halatang galit na an gaming Principal.
Muli siyang humugot ng malalim na hininga. Nakita kong tinaas niya ang palad niya. Inabot ko iyon para lang matapos na.
"Pasensiya ka na. Hindi na mauulit." Sarkastiko niyang sinabi iyon.
Hindi ko siya sinagot. Hindi ko siya nginitian.
“Sige na, bumalik na kayo sa inyong mga klase at ayaw ko nang maulit pa yung mga ganito ha? First and last warning ko na ‘yan sa inyong dalawa.”
“Yes sir,” halos sabay naming sagot.
Nagpatuloy ang malamig na pakikitungo niya sa akin. Lantaran pa rin kung ipamukha niya sa akin na bobo ako. Dahil sa walang tigil niyang pagpapa rinig at pagpapamukha sa akin na matalino siya at mapurol ang utak ko ay ipinangako ko sa aking sarili na mag-aaral akong mabuti. Titignan niya kug paano ako gumanti. Mararamdaman niya kung paano ko siya lalabanan. Hindi ko lang siya papantayan, lalagpasan ko pa siya.
Nagsimula akong magbasa gabi-gabi. Tinutukan ko ang aking pag-aaral. Tuwing walang pasok ay libro ko lang ang hawak ko at nag-eensayo ng basketball kasama sina Dindi at iba ko pang tropa. Minsan nga kahit mga lalaki, kinakalaro ko na. Gusto kong ipakita sa kanya na oo, babae ako pero kaya ko rin laruin ang laro nilang mga barako. Lahat ng pwede kong gawin para matuto sa lahat ng asignatura namin ay ginawa ko. Pursigido ako. Ipapamukha ko sa kanya na hindi ako bobo tulad ng pagkakakilala niya sa akin.
Tahimik lang ako sa klase ngunit nakikinig. Nagmamatyag sa lahat ng kanyang ginagawa. Alam kong hindi man nahahalata ng lahat pero unti-unting umaangat ang mga scores ko sa mga quiz at exam namin. Hindi pa man ako natatanong sa mga recitation ngunit alam ko ang mga sagot ng tinatanong nila sa mga kaklase ko. Hindi ko kasi ugaling magtaas ng kamay lalo na ang mag-question sa teacher o reporter. Iba ako kay Zayn. Iba ang angas at yabang niya sa akin. Tatalunin ko muna siya ng pailalim. Gusto ko siyang gulatin.
Bago ang Christmas vacation noon ay nakita ko ang isang maliit na box na dapat ibibigay ko noon kay Zayn. Nagdalawang isip muna ako kung ibibigay ko pa ba iyon sa kanya. Hindi na kasi siya yung dating kilala kong Zayn. Ngunit kung hindi ko naman ibibigay, baka masayang lang. Para sa kaniya naman talaga iyon kaya nang nagkaroon kami Classroom Christmas party at abala ang lahat sa paglalaro ng parlor games ay palihim kong inilagay iyon sa butas niyang bag. Mabilis ko lang na-i-shoot iyon dahil sa laki ng butas nito. Hindi niya napansin at alam kong huli na para ibalik niya iyon dahil natapos ang Christmas Party namin na hindi kami nagkatinginan o nag-usap man lang. Iniwasan na namin ang isa’t isa.
Sa buong Christmas Vacation ay wala akong ginawa kundi ang basahin ng basahin ang aming mga textbooks. Kinatuwa iyon nina Daddy at Mommy kaya naman nagpaconnect na sila ng internet sa computer namin para daw mas mapapabuti ko ang pagbabasa. May mga hindi daw nababasa sa libro na maaring kong maresearch sa internet. Kaya nagiging advance pa ang pagbabasa ko. Namili din si daddy ng karagdagan brochures na magagamit ko daw. Nakatanim sa utak ko ang kagustuhan kong lagpasan si Zayn. Alam kong mahihirapan ako ngunit pipilitin ko. Kakayanin ko. Hindi ako susuko. Ilalaban ko ang katotohanang mataino rin naman ako, tinamad lang mag-aral.
January. Pangalawang Linggo ng aming pasukan.
Ang aming subject? Biology.
Sa wakas, sa tagal ng panahong inasam ko, nabunot din ang pangalan niya sa daily recitation namin. Nagdasal ako na sana hindi niya masagot. Kahit alam kong imposible dahil halos lahat ng tinatanong sa kanya ay alam niya na siya kong ikinabilib sat alas ng kanyang utak. Matiyaga akong naghintay sa tanong. Isang tanong kasi sa isang araw para sa isang istudiyante. Pangatlong round na iyon. Dalawang beses din ako napatayo noon dahil siya ang sumasagot sa mga tanong sa akin na hindi ko noon nasagot.
"Okey tough question for our top student... “ simula ng aming matabang teacher. Napakatagal talaga niyang naghanap ng itatanong. “What do you call a natural selection that can lead to the formation of a new species?"
Lahat ay nakatingin sa kaniya. Nagkatinginan ang lahat ng mga kaklase kong mga matatalino. Alam kong ni isa naman talaga sa kanila walang nakakaalam ang sagot dahil sa pagkakatanda ko, hindi pa naman iyong na-discuss ng aming guro. Ngunit ganoon si Zayn. Alam naming lahat na advance ang kanyang utak. Pakiramdam ko masasagot niya ang tanong. Hindi pala, alam pala naming masasagot niya dahil sa bilib kami sa talino niya. Lahat ay naghihintay sa kaniyang sagot lalo pa't 30 seconds lang ang binibigay ni ma'am sa amin para masagot ang bawat tanong niya. Ngunit napakamot siya ng ulo. Lumikot ang kaniyang mga mata. Hanggang sa nakita kong napapailing na siya. Nagkatinginan ang mga feeling matatalino kong mga kaklase. Nagsimula ng magcount-down ang mga kaklase ko ng 10, 9, 8, 7... wala pa rin siyang naisasagot. Nawalan na ng pag-asa ang buong klase na makakasagot pa siya hanggang sa tuluyang naubos ang oras niya.
“Hala, first time na hindi niya nasagot ang tanong?” bulong ni Dindi sa akin.
“Buti nga sa kanya.” sagot kong natatawa.
"Ifever, one of you could answer the same question, I will give an extra 10 points in your final score sa fourth grading examination natin."
Mukhang malaking puntos.
Hindi lang iyon, pagkakataon na rin para mapatayo si Zayn. Para ipamukha sa kanya na hindi lahat ay alam niya.
Pero, ano ba yung tanong?
“Ma’am, kindly repeat ho the question?” tanong ko.
Nagtawanan ang lahat.
Minamaliit nila ako.
Kinukutya.
Nakita ko rinang pigil na tawa ni Zayn.
“Quiet! What’s wrong with asking to repeat the question?”
Tumahimik man ang lahat ngunit may mga bulungan.
Iyon talaga ang tingin ng lahat sa akin.
BOBO!
“What do you call a natural selection that can lead to the formation of a new species?" inulit ng teacher namin ang tanong.
Walang sumasagot.
Nag-concentrate ako.
Kumakabog ang dibdib ko. Nabasa ko iyon sa internet nang hinanap ko ang mga tough questions in biology. Hindi ko lang masyadong matandaan ang exact word na iyon pero malapit siya sa specialization, special...ahhhhhhh! Alam ko 'yun eh. Hinanap ko pa nga noon ang complete meaning niya online.
"10 seconds class...anybody?
…9, 8, 7, 6...
“s**t, alam ko yun. Di ko lang masyadong matandaan!” bulong ko sa aking sarili.
.. 5, 4, 3..."
Bahala na! tinaas ko ang kamay ko.
“Okey, stop the counting, mukhang may sasagot.”
Natawa ang lahat nang makitang ako ang nagtaas.
"Wow! Sheine! Okey, do you want me to repeat the question for you.”
“Yes, please ma’am.”
“I'll repeat the question, what do you call a natural selection that can lead to the formation of a new species?"
"I think it’s Speciation ma'am?”
“Are you sure?”
“Not really, I am not that really sure but I guess it's yeah, Speciation."
Tumahimik ang buong klase. Ako man kasi ay hindi din sigurado. At kapag nagkataong mali ako, si Zayn ang uupo at ako ang mapapatayo. Idagdag pa ang kahihiyan. Napapangiti ang mga kaklase ko. Wala silang kabilib-bilib lalo na yung feeling matatalino sa klase. Parang hindi ko talaga nakukuha ang bilib nila sa akin. Hindi ko naman hinihinging bumilib sila. Ang gusto ko lang ay tapatan o ungusan si Zayn.
Sumimangot ang teacher namin.
“Tama ba si Shein?” tanong ng guro namin.
“Ay mali?” sagot ng mga ibang geeling matalino.
Umiling si Zayn. Nang-iinis ang ngiti.
“Guess what class, Shein is Correct!" malakas na wika ng teacher namin.
Tumahimik ang karamihan.
Napahiya.
Napalakpak ang ibang mga kaklase ko.
Natuwa!
"You will be rewarded 10 points in our 4th grading final exam."
"Yes!" napasuntok ako sa hangin. Nagkatinginan kami ni Zayn. Siya ang unang yumuko. Alam kong sinasabi ng kaniyang mukhang tsamba lang ang sagot ko.
"What is your decision Sheine, Zayn will take his seat or he will remain standing."
Tinignan ko siya. Nakayuko pa rin. Hindi na niya maiharap ang kaniyang mukha sa akin.
"He can take his seat po. Saka puwede ho bang hati kami sa 10 points?"
Nagulat ang mga kaklse ko sa sinabi kong iyon. Hindi sila makapaniwala. Kahit si Zayn ay napatingin sa akin. Wala akong nakikitang tuwa sa kanyang mukha. Maangas pa rin.
"No, Sheine. Hindi puwede. Sa'yo lang 'yung 10 points na ‘yun."
"Ah okey po. Pero, puwede na ho siyang umupo."
Ngunit nanatili siyang nakatayo.
“Zayn you can take your seat.”
"Ma'am, I'll remain standing po."
"Its not your decision to make Zayn. Take your seat as per Shein’s decision. That's our agreement."
Sa Araling Panlipunan namin. Siya na wakas ang reporter. Ang topic niya ay China. Nakinig ako. lahat ng kanyang sinasabi, inaral ko. Naghahanap ako ng maibubutas. Nang matapos siyang magreport ay nagtanong kung sino sa amin ang may bahaging hindi naintindihan ng aking mga kaklase. Walang gustong magtanong. Ako man din ay hindi ko gustong hamunin siya o kaya tanungin dahil baka pahiyain lang niya ako sa kaklase. Hindi pa ako gano’n ka-confident sa aking sarili. Mahirap nang mapagtawanan o masabihang nagmamagaling. Epal.
"May tanong ako, Zayn." Ang teacher namin.
“Yes ho Ma’am.” Confident niyang sagot.
"Puwede bang, sabihin mo kung ano ang pagkakaalam mo batay sa iyong pagbabasa ang tungkol sa Qin Dynasty?"
“Qin Dynaty ho?”
“Oo, bahagi yan ang report mo hindi ba? China ang iyong inuulat sa amin.”
“Opo.”
Napakamot na naman siya ng ulo. Mabilis kong tinignan ang hawak kong binili ni Daddy na brochure na ako lang ang meron sa klase. Hinanap ko ang China at naka-bold pa iyon. Saglit kong minemorize.
"Wala? Hindi mo ba nabasa sa textbook natin o kinaligtaan mo lang kasi hindi mo ito naisali sa iyong report e."
Umiling siya. Ibig sabihin ay hindi niya iyon alam. Nakahanap ako ng pagkakataong magpakitang gilas sa kaniya.
Nagtaas ako ng kamay.
"Sheine! Wow! Okey ah! Salamat naman at may isa sa klase ko ang nag-aral at hindi lang kung ano ang nasa textbook. Sige nga, sabihin mo nga sa amin kung ano ang alam mo sa Qin dynasty?"
"The Qin Dynasty was the first imperial dynasty of China, lasting from 221 to 206 BC. The Qin state derived its name from its heartland of Qin, in modern-day Gansu and Shaanxi." Sagot ko. Walang kagatol-gatol. Walang mali sa pronunciation. Hindi ako nabulol. Smooth lang ang dating, confident.
Ang maalala ko noon, nang nag-report ako, English ang definition niya ng Acid Rain kaya English din ang sagot ko sa tanong ni Ma'am na dapat ay siya ang sasagot.
"Wow! Sheine, you keep on improving. Ituloy-tuloy mo na 'yan ha. Very good." Bati sa akin ng teacher namin.
Naglingunan ang mga kaklase ko lalo na yung mga tali-talinuhan sa klase.
Pumalakpak ang iba.
YUmuko na naman uli siya. Mukhang napahiya.
Napangiti ako habang pinagmamasdan siya.
Umupo ako.
Alam kong unti-unti ko na siyang uungusan. Simula palang iyon. Humanda siya sa mga susunod pa naming tunggalian. Unti-unti ko siyang patutumbahin. Ilalaglag ko siya sa sinimulan niyang laban.