CHAPTER 3
Pagdating ko sa bahay ay wala si Daddy.
“Oh, saan k aba nagsusuot kang bat aka. PInakaba mo kami,” salubong ni Lola sa akin. Napakamot pa ng ulo. Hindi naman galit pero hindi natutuwa.
“Asan po si Daddy ‘La?”
“Hayun, umalis. Hinahanap ka kasama pa ng Lolo mo.”
Nang narinig ni Mommy ang pag-uusap namin ni Lola ay lumabas si Mommy. Tulad ng nakagawian, bunganga na naman ni Mommy ang sumalubong sa akin. Katulad ng ginagawa niya sa Manila kung late na ako umuwi dahil sa pagco-computer kasama ng mga tropa kong kapit-bahay namin. Sanay na ako doon kaya nilambing-lambing ko siya dahil alam kong kapag ginagawa ko iyon ay nawawala na ng kusa ang galit niya sa akin.
"Saan ka ba nagpuntang bata ka! Pinag-alala mo kami ah! Anak naman, babae ka at hindi lalaki!" agad na tanong ni Daddy pag-uwi niya. Halatang galit.
"Dad, ang ganda pala doon sa may batis na may maliit na falls.”
“Paano ka nakarating doon? Ang layo na no’n dito? O, paano kung natuklaw ka ng ahas o kaya naligaw ka!”
Hindi ko pa rin sinagot ang kanyang mga sinasabi. Kailangan kong ma-divert agad ang usapan.
“Tumambay ako doon at may kaibigan akong halos kasing edad kong magtuturo sa akin kung paano lumangoy bukas." Ipinakita ko sa kaniyang nawiwili na ako. Alam ko kasi na iyon ang kahinaan ni Daddy. Ang makita niyang masaya ako at nawiwili sa lugar na kaniyang kinalakhan. Nagkatinginan sila ni Lolo. Nakita kong nawala ang kanina'y galit ni Daddy. Pasok ang aking diskarte.
"Bukas po, babalik ako roon. Magpapaturo lang ako sa paglalangoy. Okey lang ba Dad?"
"Papayagan kita pero mag-iingat ka at dapat makilala ko muna ang kaibigan mong ‘yan.”
“Sure po dad.”
“Babae ba ‘yan?”
“Syempre Dad, lalaki.”
“Lalaki? Ilang taon?” tumaas ang boses ni Mommy. Hindi talaga siya patatalo. Mataas agad ang boses e.
“Fourteen ho.”
“Fourteen? Oh my god! Mahal naman e. Narinig mo, fourteen yung kasama niyang lalaki sa gubat? Kaya na niyan gumawa ng masama. Paano kung… oh my god!” di ba? Sabi ko naman may pagka oa talaga si Mommy.
“Anak, ganito ah. Babae ka, hindi mo kilala ng lubos kung sino ang lalaking ‘yan. Paano na lang kung gawan ka ng hindi maganda?”
“Sabihin mo na lang kasi, diretsuhin mo na. Paligoy-ligoy ka pa kasi e.” nakapamaywang si Mommy na tumingin sa akin. “Ang gustong sabihin ng Daddy mo, paano kong reypin ka niya!” singhal ni Mommy.
“Hindi ho gano’n ang kaibigan ko Mom.”
“Oh paano mo alam? Kailan mo lang ba siya nakilala? Paano ka nakasisiguradong hindi siya ganoon? Iba nga diyan matagal nang kakilala pero nakagagawa pa rin ng hindi maganda.”
“Mom, matagal ko na hong kaibigan si Zayn. Matagal na matagal na.” pagsisinungaling ko.
“Kahit na, dapat makilala ko muna anak, okey?” inakbayan ako ni Daddy malayong malayo sa pagka-hyper ni Mommy.
“Sige po,” sagot ko.
“Pinapayagan mo? Talaga lang? Pumapayag ka agad?” mataas pa rin ang boses ni Mommy.
“Hayaan mo na. Doon din naman ako natutong lumangoy noon. Ang kaibahan lang, mas masukal ang gubat noon. Basta mag-ingat ka ha. Tatlong araw na lang babalik na tayo sa Manila. Kaya, mabuti at nakahanap ka ng iyong mapaglilibangan."
"Ayos dad."
"Sandali, ano uli ang pangalan nong bata na magtuturo sa'yo sa paglangoy?"
" Zayn po ang pangalan.”
“Apilyido?”
Nagkamot ako ng ulo. “Di ko na tinanong ang apilyido, Dad e."
"Zayn?" tumingin siya kay lolo. “May kilala ba kayong ang anak ay Zayn ang pangalan dito, Tang?”
"Wala akong kilalang batang ganun ang pangalan sa mga kapit-bahay natin ah. Sigurado ka bang Zayn daw ang pangalan?"
"Oho. Baka tiga-ibayong barangay ho."
“Basta, dapat makilala ko muna ‘yan ‘nak ha? Mahirap na.”
“Sure po.”
Kinagabihan ay hindi ako makatulog na naman. Dumikit sa utak ko ang mukha ni Zayn. Ang kaniyang ngiti. Ang mahiyain niyang mga mata na kung nagkakatitigan kami ay siya ang nauunang magbaba. Ang magandang hubog ng kaniyang katawan. Ang mainit-init niyang labi at bango ng hininga nang binubugahan niya ako ng hininga niya kanina. Bigla na naman akong nagkaroon ng nararamdaman na hindi ko maipaliwanag. Napansin ko na naman na bumilis ang t***k ng aking puso. Sana hinahangaan ko lang siya. Sana lilipas din lang ito. Alam ko kasing bata pa ako para makaramdam ng ganoon.
Kinabukasan ay inipon ko ang mga damit ko na naiwan ko sa bahay nina lola sa tuwing nagbabakasyon kami na alam kong magkakasya naman kay Zayn. Ibinalik ko rin ang pellet g*n ko sa box nito dahil kabibili lang naman ni Daddy sa akin ito bago kami umuwi rito sa Vizcaya. Pakiramdam ko nakapatagal mag-ala una ng hapon. Panay ang tingin ko sa orasan. Pabalik-balik. Naiinip. Pati nga sa pagkain kanina nagmamadali ako kaya tuloy hindi ko nalasahan ang tinolang manok na niluto ni lola. Paborito ko pa naman iyon.
Alas dose y medya pa lamang ay umalis na ako nang bahay. Tinandaan kong mabuti ang nilakaran namin ni Zayn nang inihatid niya ako kaya hindi na ako naligaw pa. Wala pang ala-una ay naroon na ako at naghihintay sa batis. Tinakasan ko lang si Daddy na nagsisiyesta. Palinga-linga akong nang umupo ako sa batuhan. Nababagot sa kaniyang pagdating. Tatlumpong-minuto na akong nakaupo doon ngunit wala pa siya. Naiinip na ako lalo't nakakaramdam na ako ng antok. Darating pa kaya siya?
Biglang may nagdive mula sa sanga ng puno na kinahulugan ko kahapon. Bahagya akong nagulat. Bumilis ang t***k ng aking puso. Siya na nga. At doon pa talaga siya nagdadive. Grand entrance naman.
Nang umahon siya at tanging lumang brief ang suot niya ay naroon na naman ang diyaskeng nararamdaman ko. Lalo pa niya akong binihag nang nakangiti siyang nakatingin sa akin. Uminit ang aking mukha at alam kong epekto iyon ng namamataan ko. Pinamumulahan na naman ako.
"Galing dude, ah!" bati ko pambawi lang ng kakaiba kong nararamdaman.
"Tuturuan din kita no'n. Kanina ka pa?" tanong niya. Tinaas niya ang kaniyang kamay para makipag-apir sa akin at tinanggap ko iyon. Ngunit sa pagkakataong iyon siya ang humila sa akin. Dumikit ang h***d niyang katawan sa katawan kong nakabalot ng t-shirt. Nagkatinginan kami. Sa tindi ng kabog ng dibdib ko ay hindi ko masabi ang karaniwang sinasabi namin kung nag-aapir kami.
Nagsimula kaming lumusong sa tubig. Unang ginawa niya ay pinasakay niya ako sa dalawang bisig niya. Kailangan ko daw magrelaks at matutunan kung paano ang tamang pagkampay ng kamay na sinasabayan ng pagkilos ng aking mga paa para hindi ako lulubog sa tubig. Nang nasa malalim na kami ay binitiwan niya ako ngunit hindi siya lumayo. Nagpanik ako ng alam kong unti-unti na naman akong malulunod. Bigla ko siyang hinawakan sa leeg at niyakap at dahil sa takot ay nagtama ang aming mga bibig. Hindi niya inilayo ang labi niya sa aking labi. Naramdaman ko ang paggalaw niyon na parang medyo kinagat pa niya ang pang-ibabang bahagi ng aking labi. Ako man din ay walang balak ilayo ang aking labi. Gusto ko ang nangyayari. Gustung-gusto ko yung pakiramdam. Bahala na kung isiping makiri ako o alembong, basta ang alam ko, maluwalhating tinatanggap ng loob ko ang kanyang halik sa akin.
Kakaiba ang pakiramdam ng malambot niyang labi sa aking labi. Gusto ko ang pagpapalitan namin ng hininga. Naramdaman ko ang pagkislot ng aking puso.
“Uyy ano ‘yan walang ganyanan dude!” bulong ko nang naramdaman kong hinahalikan na nga niya ako tulad ng mga napapanood ko. Bigla siyang sumisid. Halatang napahiya. Hinawakan niya ang kamay ko at nang inilabas namin ang aming mga ulo sa likod ng bumabagsak na tubig sa falls ay nakangiti siya sa akin.
"Sarap dude no?" kumindat siya.
"Ang alin?"
“Yung lamig ng tubig.”
“Ahh, oo nga.” Sagot ko. “Lamig ‘no? hehe, anlamig.” Akala ko kasi tinatanong niya kung masarap yung naging biglaang halikan namin kanina.
"Maganda rito ano? Tagun-tago tayo. Hindi tayo makikita kung nasa likod tayo ng bumubuhos na tubig.”
“Tagun-tago nga.”
“Okey ka lang?”
“Oo, okey lang. Bakit?”
“Inuulit mo lang ang sinasabi ko e.”
Ngumiti lang ako. Nakaramdam ako ng pagkailang. “Tara turuan mon a uli ako.”
“Mamaya na. Magpahinga muna tayo ta's ituloy natin mamaya."
Nagkatinginan kami. Ngumiti siya. Ngumiti rin ako.
Pagkatapos ng limang minuto na pahinga ay sinimulan uli niyang turuan akong lumangoy. Laging nagkakadikit ang aming mga katawan. Laging parang halos magkahalikan na kami at hindi ko maipaliwanag ang kasiyahang nararamdaman ko. Noon lang ako nakaramdam ng ganoong kasaya. Sayang parang ipinaghehele ako.
Bago matapos ang hapon ay marunong na ako ng langoy aso. Natapos ang araw na lalo kaming naging malapit sa isa't isa. Nakita ko ang kakaibang tuwa sa kaniyang mukha nang iniabot ko ang mga damit na ibibigay ko sa kaniya at ang pellet g*n na nakalagay pa sa box. Ako naman ang nagturo sa kaniya kung paano niya iyon gagamitin ngunit sa mas magaling siyang umasinta sa akin. Parang sanay na sanay.
Muli, kinagalitan na naman ako, pag-uwi ko. Bakit daw hindi ko hinintay si Daddy. Bakit daw kailangan kong tumakas… marami pang sinabi ngunit sa kagaya kong nasa alapaap ng puppy love, wala akong pakialam. Dumadaan lang na parang hangin ang kanilang mga pagpapaalala. Isa pa, ayos lang ‘yon. Sanay na sanay na akong sabayan sila. Hindi ko alam kung bakit sila galit na galit e wala naman din nangyari sa akin. Masyado lang talaga silang over acting.
Pangalawang araw ay natutunan ko ng sumisid at kontrolin ang aking paghinga sa loob ng tubig. Minsan nga napagkatuwaan naming maghanapan sa ilalim ng tubig. Madali niya akong nahahanap dahil siguro hindi ko makontrol ang paglabas ng hanging sa aking bibig kaya alam niya kung nasaan ako. Kapag nahahanap niya ako ay kinakalabit lang niya ako sa tagiliran. Nang ako na ang taya ay nakatatlong tago na siya ngunit hindi ko siya mahanap ngunit nang pang-apat na naming sisid ay masusi kong pinag-aralan ang kaniyang laging estilo. Kung nakaharap siya sa kaliwa bago sumisid, siguradong sa kanan siya magtatago. Nag-ipon ako ng sapat na hangin bago ako sumisid at hindi ako nagkamali. Nasukol ko nga siya. Niyakap niya ako sa loob ng tubig. Naramdaman ko na lamang na hinahanap na ng labi niya ang labi ko. Ramdam ko yung pagkasabik niyang halikan ako. Nang nagtama ang aming mga labi ay bigla ko siyang itinulak at sumisid ako palayo sa kanya. Umahon ako sa inis. Sumunod siya.
"Bakit ka ba nanghahalik dude?" naiinis ko nang tanong sa kanya. Bigla ko kasi naalala yung sinabi ni Mommy na baka pagsamantalahan ako ng kalaro ko. Kung dati aksidente lang mga halikan namin, ngayon parang sinasadya na niya. Iba na ang nararamdaman ko. Nababastusan na ako.
"Wala lang. Nagbibiro lang ako, trip lang."
“Trip lang? Sa tingin mo trip na lang yung paghalik halik mo sa akin. Bastos ka rin talaga e no?”
“Akala ko kasi gusto mo rin.”
“Paano mo naisip na gusto ko rin?”
“Kasi di ba no’ng una naman…”
“Nong una, aksidente lang ang mga iyon na nag-take advantage ka naman. Pero ngayon, halatang-halata na kasi na nanantsing ka na talaga. Tapos sasagutin mo ako ng trip lang? Na nagbibiro ka lang?”
Wala siyang ibang maisagot. Nakaramdam ako ng inis at ipinaramdan ko talaga iyon sa kaniya. Umupo siya sa tabi ko. Nakaharap na kami sa falls. Nakiramdam ako. Tumingin siya sa akin. Bumuntong hininga ako. Nilingon ko siya ngunit hindi niya sinalubong ang aking mga tingin. Muli kong tinignan ang falls. Naramdaman kong siya naman ang nakatitig sa akin. Nilingon ko. Di ko matagalan ang nangungusap niyang mga mata. Dati siya ang unang nagbababa ng kaniyang tingin pero ngayon parang akong inuusig ng kaniyang tingin.
"Gusto mo ba ako?" preskong tanong niya sa akin.
Hindi ko napaghandaan ang tanong niyang iyon. Ako man ay hindi ko rin sigurado kung gusto ko ba talaga siya. Bilang kaibigan oo. Pero kung higit pa roon, hindi ko na alam.
“Ano, gusto mo rin ba ako?”
"Hindi. Baka ikaw may gusto sa akin?"
"Ako? Hindi ko alam. Siguro?"
"Ayaw ko muna ng gano’n, Dude. Mga bata pa tayo. Kaya nga sabi ko, tropa lang tayo. Kaya nga dude ang tawagan natin e."
"Sige naintindihan ko. Mga bata pa naman tayo e. Pero siguro nga gusto kita. Pero huwag kang mag-alala hanggang do’n lang ‘yon."
"Sige. Sabi mo ‘yan ha?"
Nang gabing iyon ay hindi ko na maintindihan ang nararamdaman ko. Naguguluhan ako. Hindi ko alam kung kanino ko sasabihin ang mga kakaiba kong nararamdaman. Nakita ko si Mommy na pumunta sa kusina. Sumunod ako.
"Mom, paano mo malalaman kung mahal mo ang isang tao?"
Ngumiti si Mommy. Para bang hindi siya nagulat sa tanong ko. Kumuha siya ng tubig. Umupo sa mesang kinakainan namin. Humarap ako sa kaniya.
"Bakit mo tinatanong iyan? Nagkakagusto ka na ba sa lalaki, anak?"
"Wala pa naman.”
“Wala pa pero nagtatanong ka na ng ganyan. Bago sa akin ‘yan ah. Magsabi ka, may crush na ba ang anak ko?”
“Kainis naman si Mommy e. Nagtatanong lang ako. Pa'no mo nga masasabing mahal mo ang isang tao?"
"Sige na nga. Masasabing mahal mo na ang isang tao kung siya lagi ang laman ng isip mo bago matulog at siya ang gusto mong makita agad paggising mo sa umaga. Mahal mo ang isang tao kung hindi mo maipaliwanag ang sayang nararamdaman mo kapag nakikita o kasama mo siya.”
“E yung pakiramdam ho?”
“Yung pakiramdam naman, minsan nanlalamig ka na parang kinakabahan kapag nakikita mo siya. Gusto mo siya laging makasama. Yung sa'yo puppy love lang 'yan. Malalim ang ibig sabihin ng pagmamahal anak. Hindi iyon naidadaan sa salita, nararamdaman mo iyon na lahat ay kaya mong gawin para sa taong mahal mo. Bata ka pa anak para diyan. Sige na. matulog na tayo. Huwag mo muna problemahin ang bagay dahil hindi ka pa handa para diyan. Enjoy mo ang paglaki mo, nagkakaintindihan ba tayo ate?"
Tumango ako. Napabuntong-hinga.
Nang gabing iyon, alam ko. Kung puppy love man ang nararamdaman ko kay Zayn, iisa lang ang ibig sabihin no'n. Babae nga ako. Hindi ako tomboy tulad ng sinasabi ng mga tao. Gusto ko yung nararamdaman ko pero hindi pa ako handa. Pero paano ko nga ba iyon mapaglalabanan kung ang tanging alam kong ikinasisiya ko ay ang makita siya at makasama?
Nang pangatlong araw ng aming pagkikita ay tinuruan na niya ako magdive. Nang una natatakot ako.
"Sige na. Sabay naman tayong tatalon e."
"Kahit pa sabay tayo. Natatakot ako! Paano kung hindi na ako lulutang?"
"Paanong hindi ka lulutang?”
“E kung may bato diyan o kaya nakausling kahoy.”
“Wala, di ba nilalangoy natin ‘yan?”
“Kahit na, natatakot pa rin ako ‘no.”
“Sige para hindi ka matakot. Magkahawak tayo ng kamay na tatalon."
"Sige!"
Ngunit bago kami tumalon ay mabilis ko siyang niyakap dahil sa takot. Nakayakap na rin siya sa akin bago namin narating ang tubig at magkayakap pa rin kami mula sa loob ng tubig hanggang sa sabay kaming lumutang. Nakaramdam ako ng excitement. Iba pala talaga yung pakiramdam kapag nalalabanan mo yung takot mo. Iba pala kapag kayakap mo ang taong gusto mo, mas matapang ka, mas buo ang iyong loob na gawin ang bagay na akala mo ay hindi mo kaya.
Ilang sandali pa ay sumungit na ang panahon. Biglang may kidlat na at kulog. Natatakot ako sa kidlat at malalakas na kulog.
"Doon tayo sa may maliit na yungib sumilong. Dali!” yakag niya sa akin.
Hindi ako makasagot. Kinakabahan.
“Baka kasi tamaan tayo ng kidlat dito. Bilisan mo bago bumuhos ang ulan." Mabilis niyang kinuha ang kaniyang damit at sumunod din ako. May manaka-nakang ulan na nang tumatakbo kami. At nang bumuhos ang malakas na ulan ay nasa maliit na yungib na kami. Ngunit malakas ang kulog at kidlat. Hindi ko na maitago ang aking takot. Nanginginig na ako. Tinignan niya ako.
"Bakit ka nanginginig? Giniginaw ka?"
"Hindi"
Biglang may nakapalakas na kidlat at kulog na naman.
Napapikit ako at tinakpan ko ang tainga ko para hindi ko marinig ang kulog.
Naramdaman kong niyakap niya ako. Mahigpit ang kaniyang yakap. Napayakap na rin ako.
"Ano bang ginagawa mo kapag ganiyang natatakot ka sa kidlat at kulog."
"Nagtatalukbong at pinipilit matulog."
"Sige, dito ka sa dibdib ko. Yayakapin kita hanggang sa tumila ang kulog at kidlat. Pilitin mong makatulog muna."
Niyakap ko siya ng mahigpit. Niyakap niya ako at sinuklay ang basa kong buhok. Ngunit ilang sandali lang ay may kaluskos kaming narinig papasok sa maliit na yungib. Nang imulat ko ang mga mata ko ay nakita ko si Daddy na nakasuot ng kapote at may hawak na payong. Nakatingin sa aming dalawa ni Zayn na magkayakap.