Chapter 1
Gemma Parilla's Pov
MINALAS NA talaga ako ng makarating kami dito sa Manila ng kaibigan ko. Hindi ko siya mahanap sa terminal ng bus. Nagpaalam lang siya sa 'kin na bibili ng tinapay pero hanggang ngayon ay hindi parin siya nakakabalik.
Ako nga pala si Gemma Parilla. 18 years old pero malapit na mag 19 uy! Fresh na fresh ang tahong mula sa Ormoc City. Pero na stress na talaga ako sa kaibigan kong si Kakai.
Nag-aalala na ako kay boangon pa naman ang babaeng yun. Katulad ko ay unang tapak lang din sa Manila. Pero ako kasi nag aral talaga ako ng tagalog sa cellphone ko. Si Kakai kasi walang cellphone. Kung mahirap ang pamilya ko, mas mahirap pa ang pamilya ni Kakai.
Kaya talagang nangarap kami na makapunta ng Manila at makapag trabaho. Pero hindi ko alam kung anong nangyaring kamalasan sa'min ni Kakai. Nakarating na nga kami sa Manila pero wala parin yung babaeng nag recruit sa'min ni Kakai.
Nangako kasi siya na pagdating namin sa Manila ay may trabaho na naghihintay sa'min. Hiningian pa kami no'n ng 2k kaya pareho kami ni Kakai na umutang pa para lang mabigyan ng 2k ang recruiter na yun.
Nag presenta na si Kakai na siya ang bumili ng pagkain namin para ako ang maghintay sa babaeng inaasahan namin na magsusundo. Pero kanina pa yun si Kakai kaya nag aalala na ako.
Hindi ko naman pwedeng iwanan ang mga gamit namin dito ni Kakai. Kahit mga pangit at luma ang mga damit namin ay nasusuot pa naman. Sayang naman kung iwanan ko. Iniisip ko din kasi ang babaeng magsusundo sa'min.
Sabi niya kasi ay pagdating namin sa terminal ay mag text lang daw ako. Pero naka ilang text na ako sa binigay niyang number ay hindi parin siya sumasagot. Malowbat nalang talaga ang phone ko.
"Nasa'n ka naman, Kai uy!" Bulong kong sabi habang palinga-linga sa paligid. Hinahanap ko parin ang kaibigan kong palang-palang. Pektusan ko talaga siya kapag nakabalik yun dito. Pinag-aalala talaga niya ako.
Ang lakas ng loob niyang lumabas ng terminal eh alam naman niyang bagong salta kami sa Manila. G atay gyud!
Ang problema pa ay wala pa namang cellphone yun. Mas mahirap pa yun
sa 'kin talaga. Si nanay kasi ginawan talaga niya ng paraan na magka cellphone ako. Pero syempre, hindi 'to brand new. Wala naman kaming perang pangbili ng ganun uy! May sira naman 'tong phone ko pero kailangan magtiis kasi hindi naman ako anak mayaman.
Ilang oras na ang nakalipas ay hindi parin bumabalik si Kakai. Yung pag-aalala ko ay mas lalo lang lumalala. Baka kasi naligaw na ang boang na yun. Kanina pa kasi yun at halos apat na oras ng hindi pa bumabalik.
Palinga-linga ako sa paligid at hinahanap ko ang kaibigan ko. Pinagpapawisan na ako sa kaba. Pati singgit ko pinagpawisan na sa pag aalala kay Kakai. Humanda talaga siya sa 'kin ba. May palabas-labas pa kasi siya ng terminal uy!
Yung apat na oras na paghihintay ko Kakai ay nauwi na sa pitong oras. Gabi na kaya natakot na talaga ako. Nagtanong-tanong na din ako sa mga ibang pasahero kung may nakita ba silang babae na kasing height ko lang. Pero g atay, wala daw. Puro sila wala. Kahit pa nga sinabi ko kung anong kulay ng damit ng kaibigan ko. Pati cellphone ko na 1% nalang ay ginamit ko para lang ipakita ang picture ni Kakai sa mga pinagtanongan ko at baka sakaling nakasalubong nila.
Kung wala lang talagang gamit akong binabantayan at hinihintay ay baka umalis na din ako at hinanap si Kakai. Pareho talaga kaming maligaw nito kapag umalis ako.
Dumating ang 9PM at wala talaga siya. Naiiyak na ako at baka napano na ang kaibigab ko. Hindi pa naman yun marunong tumawid sa kalsada.
Sa paghihintay ko sa terminal ng bus ay may lumapit sa 'kin na babae. Akala ko nga ay dadaan lang pero biglang huminto sa harapan ko. "Bakit po?' Tanong ko pa sa kanya sa nagtatakang boses.
Nagtataka kasi ako kung bakit siya huminto sa harap ko.
"Ikaw ba si ano.. yung pinapunta ng Manila?" Tanong niya kaya agad nanlaki ang mata ko.
"Ayy oo ako yun." Sagot ko kahit hindi naman niya binanggit ang pangalan ko. Bahala na uy! Basta may sumundo sa'min ni Kakai. Magpapatulong talaga ako sa kanila para mahanap ang kaibigan ko.
"Halika na! Kanina ka pa hinahanap ni madam." Sagot ng babae at talagang pinulot pa niya ang bag ni Kakai.
"Teka po, wala po ba yung babaeng nag recruit sa'min. Sabi kasi niya siya daw susundo dito pagdating namin sa terminal." Tanong ko para naman makasigurado ako. Marami pa naman daw mga budol dito sa Manila. Kaya nga hindi ko pinapahalata na first time ko dito eh at baka may lumapit sa 'kin at utuin ako.
"Ahh.. si ate. Wala siya. May sakit. Natanggap niya daw text mo kaya inutusan niya ako na sunduin ka." Sagot ng babaeng mataba.
"Ganun po ba. Pero, ate.. yung kasama ko kasi hindi pa nakakabalik. Hindi ko alam kung saan nagpunta po eh. Baka naligaw na po yun at hindi na alam ang pabalil dito sa terminal. Baka pwede niyo po akong tulungan." Pakikiusap ko para mahanap na ang kaibigan kong boang.
"Ayy, nagmamadali na si madam eh. Nasa loob ng sasakyan. Sige ka.. baka magbago pa isip no'n at hindi ka na kunin na katulong. Bawal pinaghihintay ang amo." Sabi niya sa 'kin at pinagdadampot ang dalawa ko pang bag.
Naglakad siya kaya napasunod ako sa kanya. "Teka lang naman po.. yung kaibigan ko po kasi. Baka bumalik po yun dito at hanapin ako." Pamimilit ko sa kanya. Hindi ako aalis pag wala si Kakai uy. Naunsa ba!
Tumigil ang babae at nilingon ako. "Ano ba? Sasama ka ba o sasabihin ko nalang kay madam na maghanap siya ng iba dahil nag-iinarte ka?!" Tanong niya
sa 'kin kaya wala akong choice kundi ang mamili.
Napapikit ako at inisip ang mukha ng kaibigan kong si Kakai. Bahala na talaga 'to. Hahanapin ko nalang siya bukas. Baka may makatulong sa 'kin na isang katulong.
"Sige po, sasama na po ako." Sabi ko sa babae kaya inirapan niya ako at naglakad siya agad. Dali-dali naman akong sumunod sa kanya at baka maiwan niya ako.
Panay pa ang lingon ko sa aking likuran at baka sakaling sumulpot si Kakai. Pero nabigo ako dahil hindi ko talaga nakita ang aking kaibigan.
Nalungkot ako at nag aalala pa lalo sa kanya. Kapag hindi naman ako sumunod sa sumundo sa'min ay baka matengga lang kami dito sa terminal.
Alam ko naman na wala kaming mapupuntahan ng kaibigan ko. Wala kaming sapat na pera kung sakali man na bumalik kami ng Manila. Inutang pa naman ng nanay ko ang pinang pamasahe ko papunta dito kaya dapat lang ay pumasok ako at sumama sa babaeng sumundo sa'min.
Mag sakripisyo na muna kami ni Kakai. Basta pinapangako ko talaga na hahanapin ko siya kahit anong mangyari.
Nakalabas na kami sa isa pang labasan ng terminal. Nakita ko ang babae na naglakad papunta sa isang van na kulay itim. Hindi ko mapigilan kabahan dahil natatakot ako. G atay ani!
Pero palakasan nalang siguro ng guardian angel nito. Nagpatuloy parin ako at naglakad sa babaeng mataba.
"O, pasok ka na sa sasakyan. Ano pang hinihintay mo?" Tanong niya sa mataray na boses. Gusto ko na sana siyang sagot-sagutin pero naalala ko na nakasalalay pala sa kanya ang pag pasok ko sa trabaho na pinangako ng babaeng nag recruit sa'min ni Kakai.
Kaya pansamatala ko munang kakalimutan ang pagka devil ko. "Ito na nga po eh.. papasok na." Sagot ko sa mahinang boses. Kunwari mahiyain pero ang totoo ay makapal ang mukha ko.
Bukas naman ang pintuan at konting tulak lang para bumukas yun. May nagbukas lalo ng pintuan na mula sa loob ng van. Nakita ko ang isang babae kaya naisip ko na baka yun ang amo ko. Mukha kasi siyang sosyalin dahil nakasauot ng gold na mga kwentas.
Pumasok ako agad at ngumiti sa babae. Ngumiti naman din siya sa 'kin kaya medyo nakahinga ako ng maluwag dahil mas mabait pa pala siya kaysa do'n sa babaeng mataba.
Umupo ako sa tabi niya saka naman pumasok ang babaeng mataba.
"Umusad ka na, Butchoy." Utos ng babaeng mataba sa lalaking nakaupo sa driver seat.
Ngumiti ako sa babaeng nakasuot ng mga gold na kwentas na akala mo'y palamuti sa jewelry shop dahil double-double na ang suot niya.
"Ano nga ulit ang pangalan mo?" Tanong niya sa 'kin habang nilalaro ang kwentas niya sa leeg. Hindi ko alam kung tunay ba talaga na gold ang kwentas niya. Pero bahala siya sa buhay niya uy! Pakialam ko naman sa kwentas niya.
"Gemma Parilla po, madam. May kasama pa po ako. Kaibigan ko po pero hindi po nakabalik sa terminal." Sabi ko ay baka sakaling maawa si madam at hintayin o hanapin ang kaibigan ko.
Mukha naman kasi siyang mabait at kaysa sa matabang naniningkit ang mata. Yung blush on pa niya putok na putok eh. Bilog na bilog pa naman ang mukha niya kaya nagmukha siyang siopao.
"Baka pwede po akong makiusap na baka pwede pong hanapin po ang kaibigan ko. Bagong salta lang po kasi talaga kami dito sa Manila kaya baka naligaw na po ang kaibigan ko at hindi na nakabalik ng terminal." Pakiusap ko sa babae.
Hindi naman siya nagsalita agad at panay parin ang laro niya sa kwentas na suot.
"Ay, hayaan mo na yun. Baka naman kasi may jowa yun dito sa Manila na hindi mo lang alam. Baka nakipagita na yun at iniwan ka diyan sa terminal." Sabi pa ng babaeng may maraming alahas.
Umiling naman ako. "Naku, hindi po yun, madam. Mga no boyfriend since birth po kami, madam uy! Kaya hindi po yun nakipagkita, shunga lang po talaga yun kaya po naligaw." Pagtatanggol ko pa sa kaibigan ko.
"Ahh.. basta! Manahimik ka na at wag na makipag talo pa! Ikaw lang ang sinundo ng kasama ko kaya ikaw lang ang dadalhin namin do'n sa pupuntahan natin." Masungit na sabi ng babae na akala ko ay mabait.
"Saan po ba tayo pupunta, madam? Sa bahay niyo na po ba? Magkano po sahod ko? May mga kasama din po ba akong ibang katulong? At may isa pa po akong tanong, totoo po ba tang kwentas mo? Gold po ba talaga yan? Mukha po kasing kwentas ng aso." Sunod-sunod kong tanong ngunit pinandilatan lang niya ako ng mata niya kaya napangiwi ako at natahimik.
Hindi na ako nagsalita pa at tumingin nalang ako sa labas ng bintana. First time ko makakita ng mga matataas na gusali uy! Taga bukid talaga ako kaya para akong tanga na naka nga-nga habang manghang-mangha sa nakikita ko.
Pero kahit ganun ay masama ang kutob ko sa nasamahan kong mga tao. Hindi ko alam kung totoo ba talaga silang madam ko o nagpapanggap lang. Bahala na ni. Malalaman ko bitaw yan lahat kapag nakarating na kami sa pupuntahan namin. Mukhang may maaway ako nito talaga at makakarate.