Third Person's POV
Kinabukasan umalis si Lucas para asikasuhin ang mga papeles at passport ng anak na si Sage. Sasamantalahin narin niya ang pagkakataon na mamili ng mga damit nito, gatas, diaper at iba pang kakailanganin ng bata.
May isang araw pa silang natitira sa Prague bago umuwi ng Pilipinas. Para kay Dani ay napakaganda sana ng lugar na ito ngunit hindi naman niyang magawa na makapamasyal man lang at masilayan ang mga lugar dito. Pagkadating niya sa bansang ito ay tanging ang hotel na tinitirahan lang nila sa ngayon ang nasilayan ng kaniyang mga mata at pagkatapos niyang makapasok sa loob ng hotel ay hindi na niya nagawa pang makalabas dito. Lalo pa ngayong may binabantayan siyang bata.
Tuwang-tuwa si Dani habang pinagmamasdan ang sanggol na si Sage. Bawat reaksiyon ng mukha nito habang natutulog ay kinagigiliwan niya. Ngayon lang siya nakakita ng ganito kaliit pang bata. Nag-iisang anak siya at wala pa sa mga kamag-anakan niya ang nakita niya na bagong panganak. Karamihan sa mga batang nakakasalamuha niya sa lugar nila ay nasa apat na buwan na pataas ngunit ang isang ito sa kaniyang harapan ay masyadong komplikado at maselan. Noong unang araw na iuwi ito ni Lucas sa hotel ay natakot talaga siyang hawakan pakiramdam niya magkamali lamang siya ng buhat dito ay mababalian na ito ng buto sa sobrang lambot ng katawan.
Sanggol palang si Sage pero makikita na ang kagwapuhan nito. Matangos ang ilong ng bata, bilugan ang mga mata na kulay asul at may mahahabang pilik. Napakaliit ng maninipis nitong mga labi. Kahit kapapanganak palang ay malago na ang buhok nito na kulay brown at natutuwa si Dani kapag nakikita niya itong humihikab o kaya ay umiingit at nalulukot ang mukha. Hindi siya mababagot kahit na titigan pa niya ito ng buong araw.
Walang nabanggit si Lucas sa kaniya kung sino ang ina ni Sage ngunit isa lang ang sigurado ni Dani, hindi Pilipino ang ina ng bata.
Panay lang ang tulog nito at bihirang umiyak, kaya naman nagagawa parin ni Dani na makapaglinis ng kanilang silid at maayos ang mga gamit ni Sage.
Unti-unti ay nakakabisado na niya ang routine nito. Alam narin niya kung kailan ito gutom kaya nagtitimpla na siya ng gatas bago pa ito magising at umiyak. Ang mahirap sa kaniya ay madalas itong dumumi at hindi basta-basta ang nilalabas nito. Malagkit at madikit siya na ang kulay ay maitim. Abot-abot pa ang kaba niya kapag nagpapalit ng diaper kagaya ngayon na dumumi na naman ito. Nanood lang siya ng video sa internet kung paano magpalit ng diaper ng bata at linisin ang dumi nito. Bulak na binasa sa maligamgam na tubig o baby wipes lang ang kaniyang ginagamit na panlinis sa puwet nito. Sa pagkakaintindi niya ang dumi na inilalabas ng bata kaya iba ang kulay at hindi normal dahil iyon pa raw ang laman ng mga nakain nito noong siya ay nasa sinapupunan pa lang ng kaniyang ina. Kailangan niyang mailabas ang lahat ng iyon at unti-unti ay magiging normal na ang itsura at kulay ng dumi nito.
Twenty five years old na siya at ni minsan ay hindi pa niya naranasan na mag-alaga ng bata lalo pa ng ganito kaliit kaya matindi ang pressure na nararamdaman niya. Kaya lang kapag pinagmamasdan niya si Sage ay gumagaan ang kalooban niya.
Nakakaramdam din siya ng awa para rito dahil imbes na ang tunay niyang ina ang kasama niya sa panahong ito ay wala ito sa tabi niya ngayon.
Hindi alam ni Dani kung anong dahilan ng ina nito at basta nalang inabandona ang sariling anak? Hindi niya lubos maisip na may magulang pala na gano'n. Ang napaka-gwapong batang si Sage inayawan ng sarili niyang ina. Nakakalungkot talagang isipin.
Matapos niyang mapalitan ito ng diaper ay binalot niya ng kumot ang sanggol, pinadede niya ito gamit ang maliit na tsupon. Hinawakan lang niya ang tsupon habang dumidede ito hanggang sa maubos nito ang laman at makatulog muli.
Iba sa pakiramdam ni Dani ang mga nararanasan niya ngayon, mahirap na masarap. Kanina naubos lang nito ang tinimpla niyang gatas para rito ay tuwang-tuwa na siya. May kung anong humahaplos sa puso niya.
Alas singko nang hapon ng makabalik si Lucas sa hotel marami itong bitbit na paper bags. May dala rin itong maletang pambata na hindi kalakihan. Powder blue ang kulay nito at may design na cartoon characters sa harapan. Ibinaba niya ang lahat ng iyon sa mahabang sofa. Tuwang-tuwa naman si Dani nang makita ang cute na cute na maleta, lumapit siya rito at sinipat iyon.
"Kay Sage 'to?" tanong niya kay Lucas.
"Yes! D'yan mo ilalagay lahat ng gamit niya. May binili pa akong isang bag, doon mo naman ilalagay ang mga kakailanganin niya kapag nasa biyahe na tayo like, milk, feeding bottles, diapers, mga baby dress niya at iba pa," anito.
"Ah... okay sige, ano naman itong mga nasa paper bag?" tanong na naman ni Dani at isa-isang sinilip ang mga laman niyon.
"Mga damit at iba pang gamit ni Sage, ayusin mo na lahat at ilagay mo na diyan sa maleta ang mga hindi pa niya gagamitin para pag alis natin ay nakaayos na ang lahat," utos nito.
"Sige, sir," maagap na tugon niya.
Excited niyang binuksan ang mga laman ng paper bags. Tuwang-tuwa siyang makita ang mga cute na cute na damit ni Sage at iba pang gamit nito. Nagtataka siya kung bakit ang galing mamili ng mga gamit ng bata itong si Lucas.
Nalibang siya sa pag-aayos ng gamit ni Sage inabot rin siya ng lagpas kalahating oras. Itinabi na niya ang maleta nito sa maleta nila ni Lucas. Nang tumayo siya para sana lingunin ang kama at i-check ang kaniyang alaga ay nakita niyang nakahiga si Lucas sa tabi ng anak. Nakatulog na ang kaniyang amo at magkadikit pa ang ulo ng mag-ama. Napangiti siya nang makita ang mga ito sa ganoong posisyon. Napakaganda nilang tingnan. Nanghinayang siya dahil wala siyang cellphone, ang sarap sanang pikturan ng dalawa.
Hinayaan niyang tulog ang mag-ama. Maaga pa ng umalis si Lucas, marami itong inasikaso at hapon na ito nakauwi kaya napagod ito nang husto.
Eksaktong alas siyete nang gabi ng dumating ang kanilang pagkain na galing mismo sa hotel. Inayos niya ang mga iyon sa lamesa at pagkatapos ay binalingan ang kaniyang among si Lucas, marahan niya itong tinapik sa balikat para gisingin.
"Sir, narito na ang pagkain. Kumain ka na, sir," halos pabulong lang na sabi niya rito. Iniiwasan niyang makalikha ng ingay para hindi magising ang bata.
Papungas-pungas na bumangon si Lucas.
"Oh... nakatulog pala ako," anito habang nag-iinat ng katawan.
Dumiretso muna ito sa bathroom para maghugas ng kamay at maghilamos bago tumuloy sa lamesa.
Marinated sirloin, roasted pork, garlic soup, 2 slices of Medovnic or honey cake ang nakahain sa lamesa ng sipatin ni Lucas.
Mukha namang masarap ang mga pagkaing nakahain sa lamesa kaya lang nalulungkot parin si Dani dahil ilang araw ng naghahanap ng kanin ang sikmura niya ngunit bigo parin siya.
"Oh... bakit ayaw mo pang kumain?" tanong ni Lucas ng mapansing natitigilan siya sa pagkain.
"Tsk! Hindi ko yata kayang mabuhay sa lugar na 'to ng matagal, kaya ko pa ang lamig pero ang walang kanin ay hindi ko kakayanin.
Nami-miss ko na ang sinangag sa umaga, tuyo at itlog na maalat na may kamatis. Nami-miss ko na rin ang sinigang ni Nanay. Ilang araw palang ako rito pero pakiramdam ko ang tagal-tagal na. Ikaw ayos lang ba sa 'yo ang pagkain nila rito?" baling na tanong niya sa amo.
"Hmm... more likely, yes. Ganito rin naman ang mga kinakain ko sa Pilipinas," sagot nito sa tanong niya.
'Tsh! Hindi nga pala ito makaka-relate sa akin dahil anak mayaman 'to.'
Ibinalik na lang ni Dani ang atensiyon sa pagkain, hindi siya mahilig sa karne, ang madalas kasing ulamin nila sa probinsiya ay gulay. Marami silang pananim na gulay sa kanilang bakuran, tuwing umaga ay namimitas lang siya roon ng okra, talong at talbos ng kamote, inilalaga lang niya ang mga iyon at isasaw-saw sa bagoong isda na may kalamansi at pinisang sili tapos magpi-prito ang nanay niya ng tilapia kaya sobrang sarap nang kain niya na sinamahan pa ng mainit na kanin.
Matapos nilang kumain at makapagligpit si Dani ng kanilang mga pinagkainan ay nagbihis narin siya ng pantulog at tumabi na kay Sage sa kama. Simula ng dumating si Sage ay sa kama na siya pinatutulog ni Lucas at ito naman ang natutulog sa sofa. Natatakot kasi ito na baka madaganan niya ang bata habang siya ay tulog.
Alas otso nang gabi ngayon sa Prague at alas tres naman ng madaling araw sa Pilipinas. Dahil naka idlip ay hindi pa dalawin ng antok si Lucas, nilabas niya ang kaniyang lap top at nag-check ng kaniyang mga emails. Marami-rami na rin ang hindi
pa niya nababasa. Ang umagaw sa kaniyang atensiyon ay ang email ng isang kompanya na may hawak nang malaking prangkisa nang isang sikat na basketball team sa bansa. Inaalok siya na makipag meeting sa kanila para mabasa niya ang nilalaman ng kontrata. Gusto ng mga ito na maglaro siya sa team nila. Matapos kasi ng dalawang taon na paglalaro sa National Team ay nagpahinga muna siya ng ilang buwan at nag-focus sa negosyo ng kanilang pamilya. Iniisip niya kung ipagpapatuloy parin ba niya ang paglalaro ng basketball kung saan naman talaga siya magaling. Ilang championship narin ba ang napanalunan niya sa iba't-ibang team na nilaruan at ilang awards narin ang nakuha niya noong nasa kolehiyo pa siya ay hindi na niya mabilang. Isinantabi muna niya ang message na iyon, saka na niya pag-iisipan kapag nakabalik na sila ng Pilipinas. Binuksan pa niya ang ilang mensahe na may kinalaman sa kanilang kompanya. Karamihan ay mga quotations at mga updates sa mga building na ipinapatayo nila sa iba't-ibang panig ng Pilipinas.
Hindi na niya namalayan ang oras inabot na siya ng alas onse ng gabi sa kaka-review ng ibang kontrata. Nakaramdam narin siya ng p*******t ng mata at pangangalay ng likod kakatitig sa kaniyang lap top.
Tumayo siya para mag-stretching, sa tagal nang kaniyang pagkakaupo pakiramdam niya hindi na dumaloy nang maayos ang kaniyang mga dugo. Nagawi ang tingin niya sa kama at nakita niyang tulog na tulog na si Dani. Hinarangan nito ng unan ang paligid ng bata.
Masarap ang tulog ni Sage, lagi lang naman itong tulog sa maghapon.
Bukod sa kompaniya ay inayos niya rin ang mga bagay-bagay para sa pagbabalik niya sa Pilipinas ay wala na siyang po-problemahin pagdating kay Sage, obligado na ang lahat sa bata. May mga tauhan siyang kinausap para mag-asikaso ng titirahan nito. Hindi maaring tumira ang bata kasama siya.
Hindi na niya binuksan pa ang kaniyang cellphone, sa email nalang siya nakikipag-communicate sa kaniyang sekretarya dahil siguradong hinahanap na siya ng kaniyang girlfriend na si Louella. Hindi siya nagpaalam dito kung saan siya pupunta at kung ilang araw siyang mawawala.
Lumapit siya sa kama at pinagmasdan ang kaniyang anak. Alam niyang mahirap ang kakaharapin niya ngayong nasa poder niya ito. Hindi niya maaaring ipaalam sa kaniyang pamilya na may anak na siya at lalong hindi pwedeng malaman ito ni Louella. Kapag bumalik uli siya sa pagba-basketball ay magiging magulo na naman ang tahimik niyang buhay. Hahabol-habulin na naman siya ng mga reporters at susundan na naman ang kaniyang life style. Ito ang isang pumipigil sa kaniya para huwag na sanang ipagpatuloy ang pagba-basketball kaya lang ay passion na talaga niya ang paglalaro ng basketball.
Nang mapabaling ang tingin niya kay Dani ay nadismaya siya. Kung anong cute ng anak niya kapag natutulog ay kabaliktaran naman nitong si Dani. Para siyang butiki na galing sa kisame at nahulog ng patihaya sa sahig nakanganga pa kung matulog at nakadilat ang mga mata. Nagtataka nga siya kung bakit kapag gumagalaw siya ay sumusunod ang bilog ng mata nito sa kaniya. Sinubukan niyang lumipat ng puwesto at talaga namang sinusundan siya ng eyeballs nito.
"Huh! Nakakakita ba 'to kahit tulog?" bulong niya sa kaniyang sarili.
Napapailing na bumalik na lang siya sa sofa.
Ilang araw palang naman niyang nakakasama itong si Dani ngunit sa tingin naman niya kahit makulit ito at madaldal ay mabait naman. Hindi pa niya masigurado na mapagkakatiwalaan niyang talaga ito pero sa nakita niyang pag-aalaga nito kay Sage kahit alam niyang hindi ito sanay na mag-alaga ng bata, sa tingin naman niya ay maari niyang ipagkatiwala ang anak niya rito.