SERENE
“Sigurado ka na ba sa pasya mo Serene? Magpapakasal ka pa rin sa kanya kahit tsugi na siya?”
Napasinghap akong humarap kay Klay. Katabi niya si Kakai na dinadamayan ako dito sa malamig na silid ng mansyon kung saan nakalagak ang walang buhay na katawan ni Lazarus.
Lahat na ay ginawa namin upang mabuhay lang siya. Dahil umaasa akong gigising pa siya kagaya nang nangyari sa akin. Ngunit wala na talaga siya. Kahit anong pilit ko’y hindi na talaga siya babalik sa akin kahit kailan. Ngayon pa, ngayon pa na minahal ko na rin siya. Ngayon pa siya mawawala sa akin.
“Buo na ang pasya ko, magpapakasal ako sa kanya Klay. Dahil alam ko, yun ang nais niyang mangyari.” Malungkot na sagot ko. Nabaling ang tingin namin kay Kakai na ngayon ay nangangatal na sa lamig.
“Pa-senya na…pati dila ko…nag-frozen na d-din…” Nauutal niyang sabi.
Nagpasya kaming lumabas muna upang madalaw ko rin ang tatlo na sinaktan ni Magnus. Pagdating namin sa silid nila ay nadatnan namin na ginagamot sila ni Elifera.
“Kumusta na ang nararamdaman niyo?” Nag-alalang tanong ko. Mabuti na lang at bukod sa mga galos ay walang nabalian sa kanila ng buto.
“Totoo bang magpapakasal ka pa din kay Lazarus?” Tanong ni Martin sa akin. Tumango ako sa kanya. Siguro ipinaalam na din ito ni Elifera dahil ipinahanda ko na sa kanya ang pagdarausan ng mamayang gabi.
“Kaloka ka Serene, ibig sabihin hindi ka na mag-aasawa ng iba habang buhay?” Tanong naman ni Lea. Naupo ako sa tabi ng kama niya. At tinignan ko sila isa-isa.
“Hindi ako kagaya niyo, isa akong vampira. Kaya hindi na ako maari pang bumalik sa dati kong buhay. Once na nakasal na kami ni Lazarus. Ay dadalhin ko sa Romania ang kanyang labi. Kasama ko sila Elifera, Clara at Clavio. Upang malaman ng imperyo na wala na si Ibrahim at makapamili ng bagong hari.” Paliwanag ko sa kanila. Ayoko man silang iwan ngunit alam kong ito ang dapat kong gawin. Ang tagumpay namin sa pagpaslang kay Ibrahim ang magpapabago sa pamamahala sa imperyo.
“Kung saan ka masaya Serene, suportado ka namin.”
Napangiti ako kay Larry.
“Salamat sa inyong lahat. Huwag kayong mag-alala. Hindi pa rin naman mapuputol ang pagkakaibigan natin kahit saan man ako mapunta.” Nangingilid ang luhang sabi ko. Nilapitan nila ako at nag-group hug kaming lahat. Naging masaya ako dahil natagpuan ko ang mga tunay kong kaibigan. Puno ng masasayang alaala ang babaunin ko sa pag-alis. Lahat ng masasaya, nakakatakot at nakakaiyak karanasan naming anim ay habang buhay kong dadalhin. Hindi man ako normal na tao na ngayon. Sa tingin ko wala namang nagbago sa puso ko at isip ko.
Nag-umpisa nang maging kulay pula ang buwan. Nakabihis na rin ako ng hangang talampakan na dark red gown. Pinagmasdan ko ang sarili sa harapan ng salamin. At sinuot ko ang gold na tiara. Si Lea ang nag-ayos ng make-up ko at si Kakai naman sa buhok ko. Pansin ko din ang pagbabago sa aking aura. Malayo na sa Serene noon ang aking nakikita. Kahit bumalik na sa normal ang kulay ng aking mga mata. Sa tingin ko hindi lang panlabas ko ang nagbago sa akin kundi pati na rin ang loob ng aking katawan. Dahil dumadaloy na sa sistema ko ang dugo ng isang vampira.
Bumukas ang pintuan at sumilip si Clara. Kaya tumayo na ako.
“Oras na.” Sambit niya. Tumango ako sa kanya pagkatapos ay iniwan na niya ako. Nasa likurang bahagi na sila ng mansyon at ini-intay ang pagdating ko. Ngayon ang pag-iisang dibdib namin ni Lazarus.
Hindi ito ang inaasahan kong kasal. Dapat masaya ako ngayon ngunit kabaliktaran ang aking nararamdaman. Nababalot ng lungkot ang aking puso dahil ikakasal ako sa lalaking walang buhay.
Paglabas ko ay tanaw ko na ang pagdarausan ng kasal namin. Naduon na ang lahat ng mga kaibigan kong magiging saksi namin. Nakabihis ng sila ng itim na mga damit at supportado nila akong lahat sa naging desisyon ko. Alam kong masaya sila para sa akin.
Ngunit nang matanaw ko si Lazarus sa kabilang dulo naka-upo sa wheelchair habang nakasandal at nakapikit ay nagbagsakan ang aking luha. Hindi man lang siya makikita kung gaano ako kaganda at pinaghandaan ang gabing ito. Napatingala ako sa buwan na ngayon ay kaunti na lang tuluyan na itong magiging pula. Hinawakan ko ang medalyon na bigay niya sa akin.
Nagumpisang patugtugin ang violin ni Clara. Nag-umpisa din akong humakbang sa gitna patungo sa kinaroroonan niya. Nakikita ko ang mga kaibigan kong umiiyak na rin. Pinigilan ko ang aking sarili ngunit ayaw paawat ng aking luha. Hangang sa nakalapit na ako kay Lazarus. Humarap kami sa lalaking maputi ang buhok na nakasuot ng itim na kapa. May hawak siyang makapal at itim na libro. Hinawakan ko ang malamig at isang kamay ni Lazarus habang nakikinig kami sa pangaral niya. At nang matapos ito ay yumuko ako sa kanya.
Kinuha ko ang singsing na mula pa sa aking amang vampira na ibinigay sa akin ni Elifera at sinuot ko sa kanyang daliri.
“Bone from my bone, flesh from my flesh I am yours Lazarus, and your mine until the end of my time. I’ll accept you as my husband until the last drop of my blood.”
Pagkatapos kong isinuot ang singsing ay hinalikan ko siya sa labi. Ilang segundo ring naglapat ang labi naming dalawa hangang sa narinig ko ang pagtibok ng kanyang puso. Napadilat ako at awang ang labi nang makita kong nakadilat din ang kanyang mapulang mga mata.
“And I choose you to become my vampire wife.” Nakangiting sambit niya. Kinabig niya ang aking batok at muling naglapat ang labi naming dalawa. Lumandas ang aking luha sa pisngi. Ang buong akala ko ay hindi na talaga siya mabubuhay pa. Ngunit heto siya ngayon. Hinahalikan ako na parang kami lang ang tao at walang ibang nakakakita sa amin.
“Dito pa talaga kayo magmumukbangan!” Narinig kong sabi ni Lea na ikinangiti kong humiwalay kay Lazarus.
“Buhay ka.” Sambit ko sa kanya. Hinawakan niya ang kamay ko ay dinala sa kanyang puso.
“Binuhay ako ng pagmamahal mo Serene, at dahil sa pagpula ng buwan at sa propesiya na natupad nang piliin mong pakasalan pa rin ako. Kaya ngayon ay ganap na akong immortal gaya mo. Magsasama na tayo habang buhay.”
Tumayo siya sa harapan ko at pinahid niya ang aking luha.
“Huwag ka ng umiiyak mas lalo kang gumaganda sa paningin ko.”
Napalitan ng ngiti ang aking labi at muli niya akong hinagkan. Natapos sa isang masayang seremonya at pagkabuhay ang aming kasal. Masaya ang lahat ng aking mga kaibigan dahil sa wakas ay nabuhay siyang muli.
Pagkatapos ng aming kainan ay ipinahatid na namin ang aming mga kaibigan. Baka kasi nag-alala na ang kanilang mga magulang. Kaya naiwan kaming dalawa ni Lazarus sa mansyon.
“Wala ng storbo sa ating dalawa.” Nakangiting sabi niya sa akin nang makapasok kami sa malaking silid niya. Napansin ko agad ang mga talulot ng pulang rosas sa sahig. At ang mga nakasinding kandila sa palibot nito.
“Huwag mo nang itanong ko paano ko ito hinanda. Hindi lang ikaw ang may supportive na mga kaibigan.” Sabi pa niya sa akin. Bigla akong kinabahan nang makita ko ang malawak at kulay itim na kama. Puno din ito ng pinaghalong puti at pulang rosas.
“Relax ka lang naririnig ko ang pagtibok ng puso mo.” Nakangising sabi niya sa akin.
“Paano ako magrerelax? Sigurado naman akong hindi lang tayo matutulog dito ngayong gabi.” Litanya ko na lalong ikinangiti niya. Hinawakan niya ang dalawang kamay ko at tumitig siya sa mga mata ko.
“Hindi talaga tayo matutulog ngayong gabi mahal ko.” Pagtatama niya sa akin. Hinawakan niya ang aking pisngi at bawat daanan ng kanyang daliri ay sumusunod din ang maganda niyang mga mata. Kung tignan niya ako ay parang ako na ang pinakamagandang babae na nakilala niya.
“Te iubesc sotia mea.” Mahinang sambit niya.
“Mahal din kita Lazarus.” Sagot ko sa kanya. Ngumiti siya at inilapit niya sa akin ang kanyang mukha. Inangkin niya ang aking labi at buong puso akong nagpaubaya.
Hindi ko alam kung saan kami dadalhin ng tadhana ni Lazarus pagkabalik namin sa Romania ngunit kahit ano pa man ang mangyari ay nasisiguro kong magiging masaya ako sa piling niya…
~~~The END~~~