Ilang ulit na sinubukan ni Mikael ang pagbubukas ng portal pabalik sa Spirit World pero ayaw niyon bumukas.
"May problema ba?" tanong ni Alyana.
"Hindi ko mabuksan ang portal. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari," sagot ni Mikael.
Nagkatinginan sina Alyana at Alysus.
"May kinalaman kaya ito sa nangopya sa pagkata mo?" tanong ni Alysus.
"Hindi ko alam, pero isa lang ang tiyak ko, hindi maganda ang plano nila sa Spirit World." Umunat nang tayo si Mikael. "Puntahan natin si Master Penn. Siya lang ang makatutulong sa atin.
"Mag-teleport na tayo para makarating agad doon," suhestyon ni Alyana.
"Tara." Sabay-sabay silang naglaho. Sumulpot si Mikael sa dojo ni Master Penn. Kasalukuyang nagti-training ang mga Earth Guardian nang dumating sila.
"Mikael, Alyana, Alysus," bati ni Maya sa kanila. "Nasadya kayo?"
"Si Master Penn?" tanong ni Mikael dito.
"Nasa opisina niya. Dumiretso na kayo roon. Naroon din si Gian." Itinuro nito ang gawi ng opisina ni Master Penn.
"Salamat." Tinawid na nila ang malawak na training hall patungo sa dulo kung nasaan ang opisina.
Tatlong katok ang ginawa ni Mikael bago niya binuksan ang pinto. "Master."
Lumingon sa kaniya si Gian at si Master Penn.
"Mikael?" gulat na sambit ni Gian sa pangalan ng pinuno ng Timog ng Spirit World. "Akala ko ba ay may aasikasuhin ka pa sa nasasakupan mo?"
Kunot-noo ang isinagot ni Mikael dito.
Suminghot-singhot sa hangin si Gian. "Teka, ikaw ang tunay na Mikael!" Napatayo ito sa pagkabigla.
"Alam mong may kumopya sa akin?" nagtatakang tanong ng guardian.
"Iba ang amoy ng Mikael na ilang ulit kong nakaharap. Amoy lupa, gano'n," natatawang sambit ni Gian. "Ang amoy mo ay powder scent na may pagka-spicy. Hindi nila ako maintindihan."
"Teka, ibang Mikael nga ang nakakaharap natin?" kunot-noong tanong ni Master Penn.
"Ilang ulit ko nang sinabi sa 'yo, Master, iba ang amoy ng Mikael na nakita ko sa gubat at may kausap na itim na maligno," buong pagmamalaking sambit ni Gian. "Magtiwala kayo sa ilong ng isang werewolf."
"Ano ang nangyari sa 'yo, Mikael? Bakit may iba kaming Mikael na nakakaharap?" tanong ni Master.
"Hindi ko rin alam, pero matagal akong nawalan ng malay matapos akong makaramdam nang matinding sakit sa dibdib ko. Paggising ko ay nasa Masalukot na ako at may Kinnari na tumulong sa akin para mabalik ang alaala ko," paliwanag ni Mikael.
"Ako ang magpapatunay niyan," sagot ni Alyana. "Si Inang Reyna ang nagbalik ng alaala niya."
Sunud-sunod na tumango si Alysus bilang pag-sang-ayon.
"Kailangan nating magbalik sa Spirit World para balaan sila na may impostor sa paligid nila," sambit ni Master Penn.
"Ayan ang problema kaya kami nagtungo rito." Napabuntong-hininga si Mikael.
"Bakit?" tanong ni Gian.
"Ayaw magbukas ng portal patungo sa Spirit World."
"Ano?!" sabay na bulalas nina Gian at Master Penn. Napatayo ang mga ito sa pagkaalarma at pagkabahala.
"Wala tayong komunikasyon sa mga naroon sa Spirit World," dugtong ni Mikael, "Alam n'yo ba kung nasaan si Lexi?"
"Ang sabi nila ay nasa ibang dimensyon kasama si Master Rapier," sagot ni Gian.
Nakahinga nang maluwag si Mikael sa narinig. Kahit paano ay malayo ang kaibigan sa kapahamakan.
Napayuko si Alyana. "Si Lexi pa rin ang nasa isip niya." Tumulis ang nguso niya. Hindi niya maiwasang magselos sa pinsan. "Napakaswerte niya dahil sa kaniya lang naka-focus ang mga mata ni Mikael. Sayang at hindi ako naging siya."
"Si Duncan, wala ba siyang napapansing kakaiba sa gumaya sa itsura ko?" tanong ni Mikael.
Umiling si Gian. "Wala siguro. Kampante siya eh. Abala siguro siya dahil sa dami ng iniisip niya kaya't hindi niya napapansin ang kakaiba sa Mikael na nakakaharap niya."
"Delikado 'yon. Paano kung bigla siyang saksakin no'n habang nakatalikod siya?" nag-aalalang tanong ni Mikael. "Kailangan nating makabalik sa Spirit World."
"Paano?" tanong ni Gian.
Hindi alam ni Mikael ang isasagot sa tanong na iyon.