Naubos na ang malignong sumugod sa Komunidad. Ang natira ay ang ilang napaslang, mga sunog na bahay at ang mga tumatangis na naiwan sa buhay.
Nilapitan ni Mikael ang Kinnari na tinulungan niya kanina. "Ano'ng nangyari? Bakit kayo ginugulo ng mga itim na maligno?"
"Sila na raw ang mamumuno sa lahat. Maging ang mga werewolf ay ginugulo nila pero malalakas ang mga iyon kaya nakakalaban sila. Kaming mga Kinnara at Kinnari ay mga mapayapang lahi na nais lang mamuhay ng tahimik." Nagpahid ng luha ang Kinnaring kaharap.
"Kinnari ay babae at Kinnara ang lalaki, tama ba?" paglilinaw ni Mikael.
"Tama ka. Pero iilan na lang ang Kinnara sa aming lahi dahil nauubos sa pakikidigma sa mga maligno." Nilingon nito ang paligid. "Ang mga bagong sibol na Kinnara ay aming pinoprotektahan upang hindi kami tuluyang malipol. Pero paano namin sisimulan ang pag-aayos sa mga sinira ng mga maligno?" Nanlulumo itong napasalampak sa damuhan.
"Huwag po kayong mag-alala. Kaya ko po itong ayusin," singit ni Alysus habang papalapit ito kina Mikael at ang kausap na Kinnari.
"Kaya mong lahat ito?" hindi makapaniwalang tanong ni Mikael.
"Kabaligtaran ako ng kakayahan ni Kuya Alwyn. Destruction at opensa ang kakayahan niya. Reconstruction at depensa ang sa akin." Iniumang nito ang mga kamay. Itinapat sa ilang punong natumba at mga halamang nasira. Unti-unting nagbalik ang mga ito sa dati nitong anyo bago nasira.
Lumakad si Alysus sa gitna ng Komunidad. Pumikit ito ang naglabas ng kakaibang enerhiya. Enerhiyang banayad, nakakapagpa-kalma. Unti-unting naglaho ang apoy na tumutupok sa ilang kabahayan at nagbalik ang mga bahay sa orihinal nitong anyo bago natupok.
Ibinaba ni Alysus ang dalawang kamay at dumilat. "Natapos ko na." Nagpalakpakan ang mga Kinnara at Kinnari na nakapalibot sa kanila.
Patakbong tinungo ni Alyana ang kapatid. "Ang galing talaga ng kapatid ko!" Ginulo nito ang buhok ni Alysus, pero nanlambot ito at muntik nang bumagsak sa damuhan. Nasalo ito ni Alyana. "Alysus!"
Patakbong lumapit ang kausap ni Mikael kanina. "Maraming salamat sa inyo. Halika sa aking tahanan. Doon n'yo siya ihiga. Marahil ay napagod dahil sa laki ng pinsalang inayos niya." Binuhat ni Mikael si Alysus at dinala sa bahay ng itinuro nito. "Ako nga pala si Agatha. Ako ang namumuno sa Komunidad ng mga Kinnara at Kinnari dito."
"Ako si Mikael, ito sina Alyana at Alysus, ang prinsipe at prinsesa ng Fantazija." Pakilala ni Mikael kay Alyana at sa walang malay na Alysus.
Napasapo ang dalawang kamay ng Kinnari sa bibig nito. Lumuhod ito at nagbigay-pugay kina Alyana. "Ipagpaumanhin n'yo ang pagiging lapastangan ko."
"Ha? W-Wala 'yon. Naku po, tumayo po kayo." Inalalayan ni Alyana si Agatha para tumayo.
"Kayo po ang aming ninuno. Kami ay inyong tagasunod, Prinsesa." Yumuko si Agatha bilang pagrespeto sa Prinsesa ng Fantazija.
"Ay, hindi naman po ako ang magmamana ng trono, ang Kuya Alwyn ko po. Saka Alyana na lang po ang itawag n'yo sa akin, at Alysus sa kapatid ko." Naaasiwang saad ni Alyana. Ayaw niyang itinuturing siyang angat sa iba.
"Sige po, kung iyon ang inyong kahilingan, Alyana. Maraming salamat sa pagsagip n'yo sa aming lahi." Pasasalamat ni Agatha kay Alyana. "Maging sa'yo, Anghel."
"Mikael na lang." Napakamot sa ulo si Mikael. Masyadong polite ang mga ito. Kaya siguro naaabuso eh. "Sila nga po pala si Amara at Maya. Isa rin silang Kinnari, pero si Maya ay kalahating tao."
Tipid na ngiti ang namutawi sa mga labi ni Amara.
"Natutuwa akong makilala ka, Amara." Inabot ni Agatha ang palad nito. "Kay ganda ng iyong anak. Ilang taon ka na?"
"Labin-limang taong gulang na po." Nahihiyang sagot ni Maya.
"Marahil ay hindi pa nagbabago ang iyong wangis, subalit pagtungtong mo ng disisais, maglalabas ka ng mga pakpak, iba sa mga braso naming nagiging mga pakpak."
"Ano po ang ibig n'yong sabihin?" Tanong ni Amara.
"Pakpak na katulad ng kay Mikael. May mga bisig at may pakpak siya. May ilang kalahating tao at Kinnari rito, mamaya ay makikita mo rin sila." Paliwanag ni Agatha.
"Ang akala ko'y nag-iisa lang ang anak kong kalahating tao, mabuti naman at marami pala siyang katulad dito. Siya nga po pala, k-kilala n'yo po ba ang aking ina, si Lupita?" Nananalangin si Amara na buhay pa ang kanyang ina. Kung susumahin, nasa isandaan at limampu pa lamang ang edad nito ngayon, maaaring buhay pa siya.
"Ikaw ay anak ni Lupita?" Umiling si Agatha. "Wala na sila dito. Nagsilikas kami noong sinugod kami ng mga maligno no'ng isang taon, kasama niya ang iyong ama na si Lorong. Kami lamang ang bumalik dito. Ito lamang ang itinuturing naming tahanan."
"Saan kaya sila nagtungo?" Napatingin sa kawalan si Amara.
"Narito pa ang iyong kapatid, si Almira."
"Nasaan siya?" Napasapo sa kanyang dibdib si Amara.
"Baka pabalik na iyon mula sa paghahanap sa inyong mga magulang." Tumayo si Agatha. "Maiwan ko muna kayo. Sisilipin ko lamang ang Komunidad." Lumabas na ito ng kubo.
"Amara, maaari na ba namin kayong iwan oras na magising si Alysus? Kailangan na rin naming magtungo sa Spirit World. Nanganganib ang mga mahahalaga sa buhay ko," paalam ni Mikael kay Amara.
Tumango si Amara, ginawaran ng maluwang na ngiti si Mikael. "Oo naman. Kaya na namin ito. Susubukan ko ring humingi ng tulong sa werewolf clan, baka sakaling maki-isa sila sa amin para labanan ang mga itim na maligno."
"Ehem...." singit ni Alyana. "Gising na si Alysus." Inalis na ni Alyana ang kamay niya sa ibabaw ng dibdib ni Alysus. Ginamitan niya ito ng kapangyarihan upang mabilis na mapanumbalik ang lakas nito. Masyado na silang nagtatagal kasama ni Amara. May kirot sa puso niya habang iniisip kung paano magpalitan ng ngiti sina Mikael at Amara.
"Ayos ka na ba?" tanong ni Mikael kay Alysus.
Bumangon si Alysus. "Ayos na ako. Aalis na ba tayo?"
"Kailangan na nating magmadali. Maraming manganganib kapag hindi nalaman ni Duncan na peke ang Mikael na kaharap nila." Nagpatiunang lumakad palabas ng kubo si Mikael. Sumunod na rin sina Alyana at Alysus sa kanya. Hinatid sila nina Amara at Maya hanggang sa labas ng kubo.
"Pakisabi kay Agatha na nauna na kami. Salamat 'ka mo sa pagpapagamit ng bahay niya upang makapagpahinga si Alysus," habilin ni Mikael.
"Sige. Maraming salamat din sa inyo sa pagliligtas sa amin at sa aming komunidad. Mag-iingat kayo." Kumaway si Amara sa kanila bilang pamamaalam.
Nagbukas na ng portal si Mikael patungong Spirit World. Hindi niya alam kung bakit, pero nababagabag siya sa mga oras na 'yon....