Kasaluluyang nag-iisip ng paraan para makabalik sa Spirit World sina Mikael at Gian sa tanggapan ni Master Penn nang humahangos na sumulpot ang isang guardian gamit ang teleport.
Yumukod ito. "Master Penn."
"Irenea, ano'ng problema?"
kailangan namin ng tulong ninyo. Nilusob ng mga itim na maligno ang baryo sa dulo ng San Roque."
"Ano?!" gulat na bulalas ni Master Penn.
"Hindi na natin maitatago pa sa mga tao na may ibang nilalang na nasa paligid maliban sa mga mortal," patuloy na sambit ng babaeng guardian. "Kailangan namin ng tulong ninyo para tulungan ang baryo na 'yon."
"Hindi maaaring mawalan ng bantay dito dahil baka itong lugar naman namin ang maisipan nilang salakayin." Napatingin si Master Penn kina Mikael at Gian.
Naunawaan ni Mikael ang ibig hilingin ng Earth Guardian. "Sige, kami na ni Gian ang bahala." Tumayo si Mikael para maghanda. "Mamaya na natin isipin kung paano makapupunta sa Spirit World. Alyana, Alysus, halika na."
Agad na silang naglaho. Sumulpot sila sa liblib na baryo na nasa dulo na ng San Roque. Lupa pa ang kalsada roon at mapuno pa. Nasa bandang itaas iyon ng kapatagan malapit sa bundok ng San Roque.
"Mag-iingat kayo," paalala ni Master Penn.
Nadatnan nila ang mga itim na maligno na sinusunog ang mga bahay ng mga tao roon, habang ang iba ay nakikipagsagupa sa mga Earth Guardian.
Agad na inilabas ni Mikael ang dalawang espada niya saka nilusob ang dalawang maligno na sinisilaban ang isang kubo. Iwinasiwas nila ang dalawang espada sa mga ito. Pugot ang mga ulong bumagsak ang mga ito sa lupa.
"Alysus, Alyana, mag-iingat kayo," sugaw ni Mikael.
"Kaya na namin 'to!" sagot ni Alyana. Inilabas niya ang berdeng espada na pamana ng kaniyang ina.
Hinarap ni Alyana ang tatlong itim na maligno, pinalibutan siya ng mga ito pero hindi siya natakot. Agad niyang sinugot ang nasa harapan saka inundayan iyon nang saksak. Papasugod na sa kaniya ang dalawa pang maligno na nasa likuran kaya't umikot siya sabay wasiwas ng espadang hawak; tinamaan sa tiyan ang dalawang kalaban.
Nilingon niya ang kapatid na ginamit ang kapangyarihang magmaniobra ng mga puno at halaman. Ilang baging ang pumulupot sa kaharap nitong limang maligno. Sinakal ng mga baging ang mga ito hanggang sa malagutan ng hininga.
"Ang powerful talaga ng kapatid ko," bulong ni Alyana.
"Ang dami nila, Ate!" sambit ni Alysus.
Nagpalit-anyo si Gian saka nilusob ang malaking naligno na may sakal-sakal na tao. Kinagat niya iyon sa leeg kaya't napugot iyon at agad na bumagsak sa lupa ang katawan ng maligno.
Iginala ni Alyana ang tingin sa buong paligid. Maraming klase ng mga maligno ang naroon pero sila ang angkan ng mga itim na lamang-lupa. Mga tuso, ganid, taksil, traydor, at kumakain ng laman ng tao. Ang pinakapaborito nila ay ang mga murang katawan ng sanggol.
May mga maliliit na maligno, may matataba, may payat na matatangkad, at mayroong golem na alaga ng mga maligno. Malalaki at matitibay ang mga katawan ng ganitong uri ng halimaw na gawa sa lupa. Itim din ito at kumakain din ng laman ng tao.
Nakita nila ang bilis at lakas ni Mikael habang kinakalaban ang dalawang golem. Walang laban ang mga ito sa bangis ng mandirigma ng Timog ng Spirit World.
"Ang galing talaga ni Mikael!" sambit ng tila nananaginip na si Alyana.
"Hoy! Mamaya ka na managinip, Ate! Marami pa tayong kalaban!" Inilabas muli ni Alysus ang kapangyarihan at tinawag ang maraming ugat ng puno mula sa ilalim ng lupa.
Nagawa nitong pigilan ang ilang maligno na nasa malapit sa kaniya. May ilan pang ugat ang lumabas at tumulis ang mga dulo nito na nagmukhang kutsilyong gawa sa kahoy. Tumusok ang mga iyon sa hindi mabilang na mga malignong na-trap sa mga ugat ng puno.
Walang nagawa ang mga maligno sa lakas ng magkapatid na engkanto, at sa pinuno ng Timog ng Spirit World. Ang mga mata ni Mikael ay mabalasik, handang tapusin ang sinumang gumagawa ng kaguluhan sa mundo ng mga tao.
Nagawang tapusin ni Mikael ang buhay ng dalawang golem. Naglaho ang mga ito sa hangi matapos malagutan ng hininga.
Nilapitan niya ang isang nakahandusay na malingong maliit pero malaki ang tiyan. Sinakal niya iyon saka iniangat sa ere.
"Sino ang may utos sa inyo na sugurin at guluhin ang mga tao?" tanong nito sa maligno.
"H-hindi ko alam!" sagot ng maligno na namimilipit sa pagkakasakal sa kaniya. Hawak niya ang braso ni Mikael para mapigilan ang higpit ng pagkakasakal nito pero walang nagawa ang maligno sa lakas ng mandirigma.
"Hindi mo alam? Hindi mo alam na may kumopya ng katauhan ko at naroon sa Spieit World ngayon?"
"H-hindi ko talaga alam... Ark!" daing ng maligno. Kinakapos na siya ng hangin at naglalagutukan na ang leeg niya. "Patayin mo na ako, wala kang makukuha sa akin!"
ㅤㅤㅤ
Walang makuhang matinong sagot si Mikael kung kaya't inihagis niya sa ere ang katawan ng maligno saka iyon pinaghahati gamit ng espada niya.
Napapikit si Alyana dahil sa nakita. Malupit si Mikael kapag sa kalaban, pero malambot ang puso sa kaibigan lalo na sa babaeng napupusuan.
"Mikael..." pabulong na sambit niya sa pangalan ng itinatangi.
"Tulungan natin ang mga tao na nakaligtas at ilipat sa evacuation site pansamantala. Naka bumalik pa ang mga maligno na iyon at targetin ulit sila,"suhestiyon ni Mikael.
"Maraming salamat sa pagsama ninyo sa akin," sambit ni Irenea. "Malaking tulong kayo sa amin. Napakarami nilang sumugod dito."
"Baka may iba pang maligno na sumugod sa mundo ng mga tao. Magtalaga kayo ng pwedeng magpapayrolya sa bawat sulok ng San Roque. Hindi natin alam kung ano ang talagang layunin nila," sambit ni Alyana.
Iginala ni Mikael ang paningin sa palibot ng baryo. Nasira ang lahat doon maging ang pangkabuhayan ng mga residente roon.
"Kailangan na rin naming humanap ng paraan para makabalik sa Spirit World," sambit ni Mikael. "Posibleng diversion tactics lang nila ito para hindi sila mahadlangan sa plano nila sa Spirit World."
"Bakit? Ano ang problema?" tanong ni Irenea.
"Hindi namin mabuksan ang portal patungo sa Spirit World. Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari doon"
Napatda si Irenea. "Ang Spirit World ang nagkokonekta sa lahat ng mundo. Kapag nasakop iyon ng mga kalaban, maaari na silang tumawid sa lahat ng dimensyong naisin nila at wasakin ang mundong iyon."
"Tama ka riyan." Lalong nabahala si Mikael. Hindi niya maaaring hayaang patagalin pa na walang kontak man lang sa Spirit World Nanganganib ang mundong iyon at si Duncan. "Bumalik na tayo sa dojo ni Master Penn, kailangan nating makahanap ng paraan para makatawid sa Spirit World."