"Amara, sasamahan ka muna namin patungo sa komunidad ng mga Kinnara at Kinnari," suhestiyon ni Alyana habang naglalakad sila patungong lagusan. Hiniling ni Maya na lakarin na lang upang makita niya ang kagandahan ng paligid ng Fantazija.
Ang mga puno ay nagsasayawan sa saliw ng musika na hatid ng hanging amihan. Ang mga maliliit na lambana ay nagliliparan; nagpapaulan ng pixie dust sa palibot ng kagubatan. May mga iba't ibang tanim ng bulaklak at halaman; sari-sari ang kulay at iba-iba ang laki.
Ngumiti nang matamis si Amara. "Maraming salamat, Prinsesa Alyana."
"Alyana na lang. Hindi naman ako ang tagapagmana kundi si Kuya Alwyn. Ayoko ring maging Reyna ng Fantazija. Mas gusto ko ang adventure." Pinagdaop pa ni Alyana ang mga kamay sa tapat ng dibdib nito habang nangangarap.
"Ate Alyana! Saan ka pupunta?" Humahangos sa pagtakbo si Alysus papalapit kina Alyana.
"Heto na naman ang bawang." Umingos si Alyana. "Pupunta kami sa Spirit World pero dadaan muna kami sa Komunidad ng mga Kinnari."
"Sama ako!" masiglang pagboboluntaryo ni Alysus saka napatingin kay Maya. "Sino siya? Ang ganda niya!"
Nagtago si Maya sa likod ni Amara.
"Huwag kang matakot, hindi naman ako nangangagat. Nagagandahan lang ako sa'yo. Ako si Prinsipe Alysus, pero tawagin mo na lang akong Alysus." Maluwang na ngiti nito kay Maya.
"S-Salamat," nahihiyang sagot ni Maya habang nakasiksik pa rin ito sa likod ng ina.
"Pagpasensyahan mo na, Prinsipe Alysus. Hindi kasi sanay na may ibang kahalubilo ang anak ko," hinging paumanhin ni Amara.
"Ayos lang po!" Maluwang pa rin ang ngiti nito at nagpapungay ng mga mata kay Maya.
"Alysus, mamaya ka na magpa-cute kay Maya. May pupuntahan pa kami," natatawang suway ni Mikael dito.
"Ah basta! Sasama ako!" maktol ni Alysus. Ngumuso pa ito.
"Alysus, delikado sa pupuntahan namin," pangungumbinsi ni Alyana sa kapatid. "Maiwan ka na lang dito."
"Hindi naman ako mahina. Prinsipe ako ng Fantazija at may kakayahan ako higit kanino man. Alam mo 'yan, Ate Alyana." Liyad pa ang dibdib habang binubuhat ang sariling upuan.
"Oo na, sige na. Sumama ka na." Alanganing tiningnan ni Alyana si Mikael. Narinig kaya niya ang sinabi ni ina kanina tungkol sa sikreto ko? Ang alam ko'y wala siyang maririnig sa paligid habang pinapatulog ng Bato ng Buhay. "Isama na natin siya. Hindi tayo makakaalis dito dahil mangungulit lang 'to hanggang mamaya."
"Ikaw ang bahala. Bantayan mo ang kapatid mo. Delikado ang ating lakad," paalala ni Mikael kay Alyana.
"Mikael, makapangyarihan si Alysus tulad ni Kuya Alwyn," paniniyak ni Alyana. "Iyan ang katangian ng lalaking dugong-bughaw."
"Sige, halika na. Sa tingin ko'y dapat na rin tayong mag-teleport. Baka matagalan pa tayo kapag nilakad natin mula dito hanggang lagusan." Hahawakan na sana ni Mikael si Amara para makapag-teleport ngunit humarang si Alyana at hinawakan agad ang Kinnari.
"Ako na ang bahala sa kaniya. Alysus, ikaw na ang bahala kay Maya." Naglaho na sina Alyana at Amara.
"Hahawakan kita ha? Kailangan eh," paalam ni Alysus kay Maya. Inilahad niya ang palad sa dalagitaa, nag-atubili man ay iniabot din nito ang kamay sa prinsipe. Naglaho na rin ito, kasunod ni Mikael na napapailing na lang.
Nagkita-kita sila sa lagusan patungo sa mundo ng mga tao. Lumabas sila sa lagusan at nakarating sa harap ng malaking punong pinasukan nina Mikael kanina.
"Mag-teleport na ulit tayo patungong Komunidad ng Kinnari. Naroon iyon sa tuktok na bahagi ng bundok na ito, lagpas pa sa tahanan ng mga werewolf." Hinawakan muli ni Alyana si Amara at naglaho. Sumunod na rin agad sina Alysus, Maya at Mikael.
Sumulpot sila sa gitna ng Komunidad ng mga Kinnara na nagkakagulo!
"A-Ano'ng nangyayari?" Nababahalang nilingon ni Amara ang buong Komunidad. Nasusunog ang ilang kabahayan habang nakikipaglaban ang mga Kinnara at Kinnari sa ilang itim na maligno.
Inilabas ni Mikael ang kanyang sandata at sumugod sa isang itim na maligno na tangkang tapusin ang sugatang Kinnari. Iniwasiwas ang espada, pugot ang ulo ng malingo. Nilingin ni Mikael ang sugatang Kinnari. "Ayos ka lang?"
"A-Ayos lang ako, s-salamat." Inilahad ni Mikael ang palad para alalayan itong tumayo. Itinapat ang kamay sa sugat ng Kinnari upang paghilumin ito.
"May kakayahan kang manggamot? Isa kang anghel?" Tiningnan nito ang mga pakpak ni Mikael.
"Isa akong Spirit Guardian." Nilingon ni Mikael ang isang itim na maligno na papasugod sa kanila. Nagpakawala siya ng energy ball patama sa maligno. Tumalsik ito ng ilang dipa. Agad na sinugod ito ni Mikael saka inundayan ng saksak.
Hinagilap ni Mikael sina Amara. Bumagsak ito sa sipa ng itim na maligno. Tinulungan ito ni Alyana, naglabas ito ng dalawang ginintuang baston. Nakipaglaban ito sa malgno. Mahusay ang kilos at matinik sa labanan. Bawat tama rin ng ginintuang baston ay may kuryenteng dumadaloy sa kalaban.
"Hindi niya kakailanganin ng tulong ko." Nagpinga-linga si Mikael, sinugod ang tatlong maligno na tangkang paslangin ang ilang Kinnari na nakalugmok dahil sa takot, yakap ang mga batang Kinnara. Agad sinugod ni Mikael ang mga ito, nagpakawala ng malakas na energy ball patama sa matabang maligno, tinadyakan ang payat at sinaksak ng espada ang matangkad. Pinaulanan niya ng energy ball ang sinipa niya hanggang sa nalugmok na ito. Sing-bilis ng kidlat na sinugod ang matabang maligno saka ito pinugutan ng ulo.
Nakarinig ng tili si Mikael. Si Maya! May malingo na hawak ito sa kamay. Pasugod na sana si Mikael nang lumitaw si Alysus sa likod ng maligno at inundaya ito ng saksak.
"S-salamat," sambit ni Maya.
"Wala iyon, basta ikaw," may pagmamalaking tugon ni Alysus.