Nagbagong anyo ang mga pakpak ni Amara at nagbalik sa pagiging braso nito. Ang asul na mga mata ay naging itim muli at ang ginintuang buhok ay naging itim din, subalit ang mga mata nito ay kulay bughaw pa rin.
Ang mahabang tainga nito ay bumalik sa normal. "Ang aming mga bisig ay nagiging pakpak ano mang oras na naisin namin. Ang tunay kong anyo ay ang nakita mo kanina." Sinulyapan nito si Maya saka bumalik ng tingin kay Mikael. "Hindi totoong kapatid ko si Maya. Anak ko siya."
Napatingin si Mikael kay Maya. Si Amara ay kulay bughaw ang mga mata at ginintuan ang buhok kanina. "Nagbabago ka rin ba ng anyo?"
"Hindi, Kuya. Ito na talaga ang itsura ko, mukhang tao," tanggi ni Maya. Kunot-noong tumingin si Mikael kay Amara.
"Anak ko si Maya sa isang tao. Isa siyang kalahating Kinnari at tao. Hindi ko alam kung kailan siya magsisimulang magbago ng kaanyuan." Hinagod nito ang buhok ng dalagita. "Labin-limang taon na ang nakakaraan nang maligaw ang isang binata rito sa aming lugar. Kami'y nagka-ibigan subalit iniwan din niya ako. Hindi ko alam kung nasaan na siya."
"Ikinalulungkot ko, Amara. Pasensya na't nanghimasok ako sa pribado mong buhay," paghinging paumanhin ni Mikael.
Umiling si Amara. "Ayos lang. Masaya naman ako dahil narito si Maya sa piling ko. Siya lang ay sapat na." Nagyakap ang mag-ina. "Ikaw? Ang mga pakpak mo ay kakaiba. Tila pakpak ng isang anghel."
Pinagmasdan muli ni Mikael ang mga pakpak niya. "Hindi ko alam kung bakit mayroon ako nito. Hindi ko rin tiyak kung ano ako." Pumikit si Mikael at sa isang iglap ay naglaho ang kanyang mga pakpak. "Tila bihasa ang katawan ko sa pakikidigma. Hindi ko maintindihan."
"Maaaring may nangyari sa 'yo na hindi maganda kung kaya't nakalimutan mo ang iyong nakaraan," konklusyon ni Amara.
"Nais kong malaman ang aking nakaraan, pero hindi ko alam kung paano at saan magsisimula." Napatingala si Mikael habang nag-iisip kung paano hahanapin ang kanyang sarili.
"Huwag kang mag-aalala. Tutulungnan ka namin, kapalit ng pagliligtas mo sa buhay naming mag-ina." Hinawakan ni Amara ang braso ni Maya saka inaya si Mikael na bumalik na sa kubo. "Subukan nating humingi ng tulong bukas sa Fantazija. Baka sakaling may alam sila tungkol sa 'yo."
"Sige, salamat, Amara." Lumakad na sila pabalik sa kubo.
Spirit World
"Lord Duncan, ayon sa kawal na nakatakas, may pumaslang sa mga kasamahan niyang kawal sa Timog ng Spirit World. Isang nilalang daw na hindi nila kilala ang namumuno sa grupo ng Spirits ang pumaslang sa kanila," pagre-report ni Elisse kay Duncan habang nakayukod sa pinuno ng buong Spirit World. Si Elisse ang pinuno ng hilagang bahagi.
"Paanong nakapasok ang nilalang na sinasabi mo sa Spirit World?" nababahalang tanong ni Duncan.
Masyadong malaki ang Spirit World at marami pang lugar ang hindi pa naaabot kahit ng mga naninirahan dito. "Kung napasok na ito ng kalaban at nakapagkuta rito, mahihirapan na tayong galugarin ang kasuluk-sulukan ng mundong ito. Kahit ako ay hindi pa nalilibot ang kabuuan ng Spirit World."
"We still don't know yet, Lord Duncan," saad ni Mikael. Nakangisi ito nang palihim habang minamasdan ang pinuno nila.
"Ipatawag ang ating hukbo at galugarin ang Spirit World para mahanap ang may gawa ng kaguluhang ito," mariing utos ni Duncan.
"Masusunod." Yumukod muli sina Elisse at Mikael bago naglaho mula sa bulwagan ng palasyo ni Duncan.
Sumulpot si Lexi sa bulwagan at binati ang katipan. Si Lexi ay Kalahating tao, guardian at engkanto. Ang kaniyang ama ay isang kilalang Spirit Guardian, samantalang ang kaniyang ina ay anak ng engkano sa isang tao at kapatid ng kasalukuyang reyna ng Fantazija. Suot nito ang warrior costume niya pero nakatago ang mga pakpak. "Ano ang problema? Bakit nakakunot ang noo mo?"
"Wala ito. May nangyari lang sa Spirit World. Ginagawan na ng paraan ng mga kawal." Inilahad ni Duncan ang palad upang anyayahan si Lexi na lumapit sa kaniya. Lumapit naman ang dalaga rito.
"Nagmamadali nga akong magtungo rito dahil nakaramdam ako ng itim na enerhiya sa loob ng palasyo, pero wala na ngayon." May pagtatakang bumahid sa mukha ni Lexi pero ipinag-kibit-balikat na lang niya ito.
"Baka nasagap mo lang ang ibang espiritu na malayang makapamuhay dito sa palasyo." Iniyakap ni Duncan ang mga braso kay Lexi.
"Baka nga." Masuyong tinitigan ni Lexi si Duncan. "Nasaan nga pala si Mikael? Hindi ko pa siya nakikita. Ilang araw na siyang wala."
"Narito siya kanina kasama si Elisse, nautusan kong pamunuan nila ang maghanap sa dayo na pumaslang sa mga kawal sa Timog." Hinawi ni Duncan ang buhok ni Lexi saka hinagkan ang dalaga sa mga labi.
Tumugon ang dalaga at naging mas malalim ang halik na iyon. Gumapang ang isang kamay ni Duncan sa katawan ng dalaga at dumako iyon sa tuktok ng kanyang mayamang dibdib.
"Duncan..."
"Bagay na bagay talaga sa'yo ang suot mo," papuri nito kay Lexi.
"D-Duncan, ang sarap," ungol ni Lexi sa pangalan ng katipan. Hinagod ni Duncan ang bahaging iyon kaya napasinghap si Lexi. Muling gumapangang palad ng binata patungo sa laylayan ng palda niya saka iniangat iyon nang unti-unti.
"W-Wait. Nasa bulwagan tayo, baka may makakita sa atin. Nakakahiya."
"Iyon lang ba?" Pumitik si Duncan at naglaho sila patungo sa silid ng pinuno.
Master Penn's Dojo
"One, two, three...." pagbibilang ni Master Penn habang nagtratraining ng mga bagong sibol na Earth Guardian.
"Love, hinahanap ka ni Gian," pukaw ni Maika kay Master Penn. Si Gian ay isang kalahating tao at kalahating werewolf na naging kaibigan na rin ng mga guardian mula nang matulungan ito noon nina Lexi at Mikael.
"Sige, susunod na ako." Lumingon ito sa mga nagti-training. "Ipagpatuloy n'yo ang ginagawa n'yo. Saglit lang ako."
Tinungo ni Master Penn ang opisina niya at doon natagpuan ang half-werewolf. "Ano'ng atin, Gian?"
"H-Hindi ko alam kung saan ako tutungo para sabihin ito kaya ikaw ang naisip ko," nababahalang saad ni Gian habang malikot ang mga matang tila naghahanap ng mga salita sa bawat sulok ng opisina ni Master Penn.
"Tungkol ba saan ito?" Itinabi ni Master ang mga nakakalat na folder sa mesa nito.
"Nakita ko si Mikael sa gubat... may kausap na itim na maligno." Napasabunot sa buhok si Gian bago muling nagsalita. "Lalapitan ko sana sila pero sabay na silang naglaho."
"Baka naman namalik-mata ka lang? Bakit naman makikipag-usap sa maligno si Mikael? Alam naman nating tuso ang mga 'yon at sila ay mga itinakwil ng Fantazija." Napailing si Master. "Nagsha-shabu ka ba?"
"Hindi ako namalik-mata at hindi rin ako nagsha-shabu. Half-werewolf na nga ako, magsha-shabu pa ako? Ano na lang ang mangyayari sa akin no'n?" Tumawa nang mapakla si Gian. "Seryoso ako. Siya ang nakita ko, pero may isang weird akong napansin sa kaniya."
"Ano 'yon?" kunot-noong tanong ni Master Penn.
"Kaming mga werewolf ay may natatanging kakayahan, alam mo 'yan, Master. Iba ang amoy ni Mikael kanina," tugon ni Gian.