"Baka barado lang ang ilong mo kaya iba ang pang-amoy mo?" natatawang biro ni Master Penn.
Suminghot-singhot si Gian. "Medyo cloggy nga ang ilong ko lately."
"Nakita mo na? Na-malik-mata ka lang. Na-mi-miss mo lang yata si Elisse eh. Hindi ka pa ba sinasagot?" pang-aasar ni Master.
"Mailap, Master. Ayaw sa werewolf. Baka raw magkaroon ng pakpak ang Werewolf na magiging anak namin, masagwa raw." Tinuktok-tuktok ni Gian ang ballpen sa ibabaw ng mesa ni Master Penn.
"Nagkaka-anak ba ang guardian na babae? Hindi naman eh." Umiling-iling si Master.
"Pero buntis na si Cyrie, Master."
Napamulagat si Master Penn sa narinig. "H-Ha? Paano'ng nangyari 'yon? Hindi pwedeng mag-conceive ang babaeng guardian."
"Ang sabi ni Lexi, pinayagan si Cyrie sa taas dahil technically, isang tao ang napangasawa niya kahit na-convert na ito bilang guardian. Iyon din ang hiniling na reward ni Lexi, regalo niya sa mag-asawa."
Tumango-tango si Master. "Kaya pala...."
Napalingon sa gawi ng pinto sina Gian at Master nang may kumatok at sumungaw sa pinto. "Master, may masamang balita." Si Raf, isa sa trainees ng Dojo ni Master Penn.
Napatayo si Master dahil sa pag-aalala. Bakas sa mukha ni Raf ang problema. "Ano'ng problema?"
"May dalawang Earth guardians ang natagpuang patay sa kakahuyan kaninang umaga." Bumakas ang takot sa mukha nito.
Napapitlag si Master dahil sa narinig. "Ano?!"
Napatayo rin si Gian, kagagaling lang niya kanina do'n, kaparehong oras nang mamataan niya si Mikael.
Tumingin si Master kay Gian. "Gian, nasa kakahuyan ka kamo kanina. Wala ka bang napansin?"
Umiling-iling si Gian. "Wala, Master. Dumaan lang ako ro'n para bisitahin ang ilang pamilya ng werewolves sa kabundukan na aming pinamumunuan. Do'n ko rin namataan ang tingin ko'y si Mikael kasama ang itim na maligno."
"Puntahan natin ang mga bangkay. Sasama ka ba?" aya ni Master kay Gian.
"Tara po." Humawak si Gian kay Master. Nag-teleport ang dalawa patungong kakahuyan kung saan natagpuan ang dalawang bangkay. Nadatnan nila sa kakahuyan si Cyrie kasama si Efraim.
"Master. Nakarating sa amin ang tungkol dito kaya pumunta kami agad." Nakapamaywang si Cyrie habang minamasdan ang dalawang Earth Guardians na nakalugmok sa damuhan.
"Cyrie, buntis ka raw. Hindi ka dapat nagpupunta sa ganito. Paano kung makasagupa mo ang gumawa nito? Delikado 'yon sa kalagayan mo," sermon ni Master dito.
Napakamot sa ulo si Cyrie. Sumang-ayon naman si Efraim dito. "Matigas ang ulo, Master, eh."
"Master, alam mong instinct na ng isipan at katawan ko ang makipaglaban. Hindi naman ako baldado, buntis ako. Kaya kong protektahan ang anak ko." Hinawakan nito ang tiyan na flat pa rin naman hanggang ngayon.
"Kahit na. Mabuti na ang nakakasiguro na hindi kayo mapapahamak. Unahin mo ang kapakanan niyan." Napailing na lang si Master sa katigasan ng ulo nito. Pinagmasdan na lamang nito ang dalawang bangkay sa damuhan. "Ano ang sanhi ng pagkamatay?"
"Mukhang napalaban sa kung kanino, Master. May ilang tama ng sandata sa katawan." Lumuhod si Cyrie at itinuro ang saksak sa tagiliran at ang manipis na laslas sa leeg ng isang guardian.
"Sinong may masamang budhi ang gagawa nito sa mga mabubuting Guardian na tagabantay ng mga tao at ng kapayapaan dito?" Napailing si Master.
Ilang saglit ang lumipas bago nagliwanag ang mga katawan ng bangkay. Babalik na ang mga ito sa Source. "Pang-limang kaso na ito ng pagpaslang sa Guardians. Sino ang nakatagpo sa kanila?" Nilinga-linga ang ilang Guardian na nasa paligid.
"Ako po." Nagtaas ng kamay ang isang babaeng Guardian na hindi kilala ni Master Penn subalit pamilyar ang mukha sa kanya. "Ako si Irenea, isa po akong kasapi sa grupo ni Master Eliseo. Pinapunta niya ako rito at ang kakambal kong si Isarea para dumagdag sa pagbabantay sa inyong nasasakupan dahil sa hindi mabilang na karahasang nagaganap."
Napatda si Gian sa kagandahang kanyang nakikita. Maganda ang katabi nitong kakambal niya ngunit angat sa kanyang paningin itong si Irenea. Matangkad, balingkinitan, kayumanggi ang kutis, may golden brown na buhok at halos ginintuang mga mata.
"Kayo ang Notorious Twins sa Hilaga ng Rehiyon? Gano'n na ba kalala ang sitwasyon para kayo ang ipadala rito ni Master Eliseo?" Gumuhit sa mukha ni Master ang pagkabahala. Kadalasan ay mga kawal na Guardian ang ipinapadalang tulong ni Master Eliseo, pero ngayon ay ang matinik na Guardians nito ang ipinadala.
"Apparently, yes. Nakarating sa amin ang balita tungkol sa pagpatay sa mga Guardian kaya naisipan ni Master na magpadala ng tulong. May ilang Guardians pa ang paparating dito para dumagdag sa magbabantay sa area ninyo." Napatingin ito kay Gian. "Hindi ka isang Guardian."
"H-Ha? Ah, eh, oo. Isa akong half-werewolf. Kaibigan ko sila." Itinuro sina Cyrie at Master Penn.
"Ngayon lang ako nakarinig na may kaibigang Werewolf ang mga Guardian," saad nito habang nakangiwi.
"Huli ka na sa balita. Close ko rin ang Princess ng Spirit Hunters at ang pinuno ng Spirit World kaya huwag kang magtaka," iritableng sagot ni Gian. Maganda nga, mapangmata naman. 'Di bale na lang.
"Si Lord Duncan? Maniwala ako sa 'yo." Namaywang pa ito, nasa tono rin na hindi ito naniniwala.
"Eh 'di 'wag kang maniwala. Pakialam ko naman," sagot ni Gian sabay ingos dito.
"Kailangang i-report ko ito kay Lord Duncan para makapag-padala ng Spirit Hunters. Maaaring Spirits ang may gawa nito. Halika na, Love," aya ni Cyrie kay Efraim.
"Sasama ako. Kailangan kong makausap si Lord Duncan. May mahalaga akong sasabihin sa kaniya." Napatingin si Gian kay Master Penn, humihingi ng pag-sang-ayon. Tumango naman ito.
"Halika na." Hinawakan ni Cyrie sa balikat si Gian.
"Sandali, magdadala kayo ng Half-Werewolf sa Spirit World?!" Gilalas na tanong ni Irenea kay Cyrie.
"Wala namang kaso 'yon. Hindi ito ang unang beses na nakapunta ako ro'n." Sabay dila ni Gian dito.
"Maiwan na namin kayo." Nagbukas ng portal si Cyrie saka tumawid doon patungong Spirit World.