"Ina, ang ganda!" bulalas ni Maya.
"Ang karaniwang tao at iba pang uri ng nilalang ay hindi agad matatagpuan ang mahiwagang punong ito. Nagkataon na kaming mga Kinnara at Kinnari ay nagmula rin sa lahi ng mga engkanto at diwata," paliwanag ni Amara.
Lumusot ito sa pagitan ng mga halaman at lumapit sa puno, kasunod niya si Maya at si Mikael.
Sinipat-sipat ni Mikael ang puno. "Pakiramdam ko ay nanggaling na ako rito."
"Kung gayon ay mas mainam. May makakilala sana sa 'yo dito. Halika na." Kumapit si Amara sa katawan ng puno, hinawakan si Maya sa braso saka humakbang sa puno.
Namangha si Mikael sapagkat lumusot ang isang paa ni Amara paghakbang nito at tila hinigop ito ng puno, kasunod si Maya.
Ginaya na rin ito ni Mikael at kumapit sa puno, lumagos ang paa at buong katawan patungo sa kung saan.
Nakatawid sila sa kabilang panig ng mundo---ang Fantazija.
Ang paligid ay puno ng naggagandahang bulaklak at iba't ibang uri ng puno't halaman. Maraming paro-paro ang palibot ng kagubatan ng Fantazija.
"Ina, ang ganda rito! Ibang-iba sa atin!" Tinakbo ni Maya ang magandang bulaklak na nakita.
Tangka sana nitong amuyin ang halimuyak nito nang pigilan siya ng ina.
"Maya, mag-iingat ka. May mga halaman na hindi mabuti sa katawan ng ibang nilalang," paalala ng ina sa anak.
"Opo, ina." Nahintatakutang lumayo si Maya sa bulaklak.
"Mikael?" pukaw ng tinig ng isang napakagandang dilag. May puting pakpak ito na para sa isang fairy at may mga nalalaglag na pixie dust sa bawat kilos nito.
"Kilala mo ako?" kunot-noong tanong ni Mikael.
"Hala ka, Mikael. Saglit lang tayong hindi nagkita eh. Ako si Alyana, ang pinsan ni Lexi." Tinapik nito sa braso si Mikael.
"Alyana?" pukaw ni Amara, "ipagpaumanhin mo subalit walang maalala si Mikael sa kaniyang nakaraan."
"Ha? Paanong.... eh no'ng isang araw lang ay naroon tayo kina Lexi sa San Roque pero umalis ka agad nang malaman mong wala siya ro'n?" nagtatakang tanong ni Alyana.
"Malabo ang iyong sinasabi, kasama namin siya at ilang araw na siyang nasa amin dahil natagpuan namin siyang walang malay sa kagubatan ng Masalukot at tatlong araw siyang tulog," paliwanag ni Amara kay Alyana.
"Pero paano'ng nangyari 'yon? Saka wala ka 'ka mong maalala?" nagtataka pa ring tanong ni Alyana.
Umiling si Mikael. "Wala eh."
"Ang mabuti pa'y doon tayo sa palasyo. Baka may magawa ang Bato ng Buhay upang maibalik ang iyong alaala," suhestyon ng engkantada.
"Maraming salamat, Alyana," tipid na sagot ni Mikael. Natutuwa siya na may nakakakilala sa kaniya.
"Naaalala mo pa kung paano mag-teleport?" tanong ni Alyana kay Mikael pero umiling ito.
Napabuntong hininga si Alyana. "Naku po, siguradong ang bigat n'yo."
Hinawakan ni Alyana si Mikael at si Amara habang hawak nito ang anak. Nag-teleport sila patungo sa bulwagan ng palasyo.
"Ama, Ina." Humihingal na tawag ni Alyana sa mga magulang dahil sa bigat ng mga dala niya sa pag-teleport. "Kailangan namin ng tulong ninyo," bungad agad ni Alyana sa mga magulang.
"Alyana, mabuti't kasama mo si Mikael. Salamat naman at napasyal ka dito," magiliw na bati ng Inang Reyna.
"Ina, nawala ang alaala ni Mikael. Kailangan namin ng tulong n'yo," pakiusap ni Alyana.
"Ha? Kailan pa? Eh hindi ba't nagkita pa tayo no'ng isang araw sa hacienda nina Lexi?" May bahid ng pagtataka ang gumuhit sa mukha ng Inang Reyna.
"Ina, iyon din po ang sabi ko pero ang sabi ng kasama niyang si Amara ay kasama nila si Mikael dahil tatlong araw siyang tulog at wala ring maalala," paliwanag ni Alyana sa kanyang ina.
"Kung gano'n, sino ang nakita natin sa hacienda nina Lexi?" nababahalang tanong ng Inang Reyna.
Lumapit ito kay Mikael at itinapat ang kamay sa dibdib nito. Nagliwanag ang kamay ng Inang Reyna. "Ikaw ang tunay na Mikael. Kung gano'n ay sino ang...." Natigilan ito saka tumalikod.
"Bakit, mahal kong esposa?" tanong ng Mahal na Hari.
"May nagpapanggap na nilalang na siya si Mikael. Kukuhanin ko ang Bato ng Buhay upang pagalingin ang binatang ito." Lumakad ang Inang Reyna patungo sa lagakan ng Bato ng Buhay.
"Natutuwa ako, Mikael. Makababalik ka na kung saan ka nagmula," masayang pahayag ni Amara.
"Maraming salamat sa 'yo, Amara. Napakalaking utang na loob ang tatanawin ko sa 'yo." Hinawakan ng binata ang mga kamay ni Amara upang iparamdam dito ang taos-pusong pasasalamat niya.
Napatitig si Alyana sa magkahawak na mga kamay nina Mikael at Amara. Lumamlam ang mga mata niya.