Tulala si Yvonne at nakatingin lamang siya sa kawalan. Nakaupo siya sa kama na nasa loob ng hospital room kung saan siya naka-admit.
Nakakabingi ang katahimikan sa apat na sulok ng kwarto. Nag-iisa lamang si Yvonne at walang kasama.
Puno ng sakit ang makikita sa kanyang mga matang lumuluha. Ang namumutla niyang mukha ay kakikitaan din ng matinding sakit na kanyang nararamdaman.
Pakiramdam ni Yvonne, kalahati niya ang biglang nawala sa isang iglap lamang. Hindi siya makapaniwala na mawawala na lamang ng ganun-ganun na lang ang baby na nasa sinapupunan niya ng limang buwan. Ang baby na inaasam niya.
Sobrang sakit ng pakiramdam ni Yvonne. Hindi niya mapigilang sisihin ang sarili kung bakit nangyayari ito sa kanya.
Patuloy lamang sa pagluha ang mga mata ni Yvonne. Nagluluksa siya sa pagkawala ng sana’y bubuo sa kanila ni Eiann.
Si Eiann. Simula nang mangyari ang hindi inaasahan ay hindi na nito pinuntahan pa si Yvonne. Walang alam si Yvonne kung nasaan ang asawa niya. Ito sana ang karamay niya sa madilim na yugtong ito ng buhay niya ngunit kahit anino nito ay hindi niya nakita. Tila bigla itong naglaho na parang bula at kailanman ay hindi na babalik pa para pasayahin siya.
Mas lalong lumuha si Yvonne. Isa pa si Eiann sa dumadagdag sa sakit na nararamdaman ni Yvonne. Sa tingin niya, masama rin ang loob nito sa kanya dahil sa nangyari.
---
“Ako ba ang sinisisi mo?” may himig ng lungkot na sambit ni Yvonne habang diretso ang tingin niya kay Eiann na nakatayo sa tapat ng bintana at nakatingin sa labas.
Nasa loob sila ng kwartong mag-asawa at masinsinang nag-uusap. Ginusto ni Yvonne na mag-usap sila ni Eiann dahil sa totoo lang, pakiramdam ni Yvonne ay tumatakbo na palayo sa kanya si Eiann at ayaw na nitong habulin pa niya.
“Sinong gusto mong sisihin ko?” malamig ang tono ni Eiann na hindi man lamang tinapunan nang tingin si Yvonne. “Ang doktor ba o ang baby na hindi kumapit?” sarcastic na tanong pa nito.
“Hon,” ang nasabi lamang ni Yvonne na nakatingin pa rin kay Eiann. Nakakaawa ang itsura ni Yvonne.
Naalis ang tingin ni Eiann sa labas at diretsong tiningnan niya ng malamig si Yvonne. Nagtagpo ang tingin nilang mag-asawa.
Mas naging malamig ang tingin ni Eiann kay Yvonne. Tila nawala bigla ang nararamdaman nitong pagsamo sa asawa.
Ramdam ni Yvonne ang panlalamig ni Eiann, bagay na ikinasasakit ng kanyang damdamin.
“Ilang beses kitang sinabihan na tumigil ka na muna pansamantala sa pagtatrabaho para matutukan mo ang sarili mo at ang baby natin sa tiyan mo. Hinayaan mo sana akong pagkatiwalaan mo nang sabihin kong ako na munang bahala sa lahat,” may himig ng lungkot na sambit ni Eiann. “Tanda mo? Nagmakaawa pa ako sayo para sundin mo ako at kulang na lang ay lumuhod sa harapan mo ngunit… n-ngunit hindi mo ako sinunod,” nasasaktang sambit ni Eiann at nakikita iyon sa mga mata nito.
Nangilid ang luha sa mga mata ni Yvonne. Ramdam niya ang sakit sa mga salita ni Eiann.
“Hindi lang naman ikaw ang nasasaktan dahil sa pagkawala ng baby natin-”
“Alam ko!” Nagtaas ng boses si Eiann. “A-Alam kong nasasaktan ka din ngunit kung may dapat sisihin kung bakit tayo nasasaktan pareho ngayon… walang iba kundi ikaw iyon,” madiin na singhal pa nito. “Ikaw na mas inuna pa ang ibang bagay kaysa sa sarili mong laman,” nasasaktang sabi pa niya. “Nasasaktan ako dahil alam ko na ginawa ko ang lahat para sayo ngunit ng dahil rin sayo, nasayang lang ang lahat ng pinaghirapan ko.”
Tuluyang tumulo ang luha sa mga mata ni Yvonne. Nakaramdam nang awa si Eiann ngunit mas nangingibabaw ang galit at sama ng loob para sa asawa.
“Mas mahalaga pa sayo ang kumpanya mo kaysa sa pamilya natin,” nasasaktang bulalas ni Eiann. “Mas inuna mo pang buuin ang sarili mong pangarap na mas mapalago ang kumpanyang binuo mo kaysa sa pangarap nating bumuo ng pamilya,” sabi pa nito. “Ano pa at nagpakasal tayo kung mas mahal mo pa ang kumpanya mo kaysa sa akin at sa sana ay magiging anak natin?”
Nasasaktan si Yvonne sa mga sinasabi ni Eiann. Sobrang sakit kasi may katotohanan ang mga sinabi nito.
“Alam mo naman kung ano ang dahilan kung bakit pursigido ako sa kumpanya, ‘di ba?” pagtatanong ni Yvonne. “Para din iyon sa atin-”
“Para sa atin?” tanong kaagad ni Eiann na pumutol sa sinasabi ni Yvonne. “Para ba sa kinabukasan ng baby natin?” tanong pa nito. “Eh paano ‘yan? Wala na ang baby natin… wala na iyong baby natin na dahilan nang sinasabi mong pagpupursigi mo!” galit na sigaw ni Eiann. “Wala na iyong baby natin na bubuo sana sa masaya nating kinabukasan!” nagagalit na dugtong pa niya. “Wala na siya! Wala na siya!” Nangilid ang luha sa mga mata niya.
Lalong napaluha si Yvonne sa mga sinabi ni Eiann.
“Wala namang masama na buuin ang kinabukasan ngunit dapat ang mas mahalaga pa rin sayo ay iyong ngayon… ngayon na kailangan mong tutukan para ang kinabukasan, mapakinabangan ng mas maayos,” madiin na sambit pa ni Eiann. “At isa pa, nandito naman ako… ako ang padre de pamilya kaya dapat inisip mo noon na no’ng sinabi kong ako ang bahala… inisip mo sanang magtiwala ngunit wala… hindi ka nagtiwala na kaya ko. Hindi ka nagtiwala sa kakayanan ko bilang asawa at bilang ama,” nasasaktang sambit pa nito.
Mariing napailing-iling si Yvonne sa sinabi ni Eiann. Patuloy sa pagluha ang mga mata niya.
Ngumiti ng may pait si Eiann habang diretso pa rin ang tingin ng mga malalamig nitong mata kay Yvonne.
“Kaya walang dapat sisihin kundi ikaw… oo ikaw,” madiin na sambit ni Eiann. “Ikaw ang sinisisi ko sa lahat dahil ginawa ko ang lahat para alagaan ka ngunit nagpabaya ka,” nasasaktang wika pa niya.
Kumuyom pabilog ang mga kamay ni Yvonne. Sobrang sakit nang nararamdaman niya dahil sa mga sinabi ni Eiann.
Mabagal na umiling-iling na lamang si Eiann saka ito naglakad at nilagpasan si Yvonne na napasunod naman ang tingin sa kanya. Marahas niyang pinunasan ang kumawalang luha mula sa kanyang kaliwang mata.
“Saan ka pupunta?” pagtatanong ni Yvonne.
Huminto sa paglalakad si Eiann. Hindi nito nilingon si Yvonne.
“Gusto ko lang huminga,” mahinang usal ni Eiann saka muli na itong naglakad.
Kinagat ni Yvonne ang ibabang labi niya. Nakasunod ang tingin niya kay Eiann na lumabas na ng kwarto at pabalag na sinara ang pintuan.
Biglang nanghina ang tuhod ni Yvonne kaya naman napaluhod siya sa sahig. Lalong kumuyom pabilog ang kanyang mga kamay na nakapatong ngayon sa kanyang mga tuhod. Ipinikit niya ang kanyang mga mata saka humagulgol.
Pinunasan ni Yvonne ang tumulong luha mula sa kanyang mga mata. Nakatayo siya ngayon sa rooftop ng kanyang kumpanya. Umiihip ang malamig na hangin na ramdam ng kanyang balat.
Naalala niya ang masakit na tagpong iyon sa pagitan nila ni Eiann. Labis na sinisi ni Eiann si Yvonne sa pagkawala ng kanilang unang anak. Galit na galit ito sa kanya kaya nagagawa nitong saktan siya ng sobra ngayon.
Tumingala si Yvonne. Nakita niya ang maaliwalas na kalangitan. Bumuntong-hininga siya ng malalim. Tinaas niya ang kanyang kanang kamay na tila inaabot ang kalangitan.
Nasa itaas na si Yvonne ngunit hindi siya masaya. Madali niyang nakukuha ang mga bagay na kayhirap makuha ng iba ngunit ang mga bagay na gustong-gusto talaga niya, tila isang kalangitan na kahit abutin man lang niya ay hindi niya maabot.
Isang taon na ang nakakaraan, kakasimula pa lamang ng kumpanyang itinayo ni Yvonne nang ipinagbuntis niya ang unang anak sana nila ni Eiann kaya naman hands-on siya pagdating sa kumpanya. Hindi naman kasi laki sa mayamang pamilya si Yvonne. Actually, laki siya sa bahay ampunan na sinuwerte na makapag-aral sa magandang unibersidad dahil sa scholarship at makapagtapos with flying colors.
Advance mag-isip si Yvonne. Gusto niya na kaagad lumago ang kumpanyang itinayo niya ng buong sikap at gamit ang perang naipon niya sa ilang taong pagtatrabaho. Iniisip niya kasi na ayaw niyang maranasan ng magiging anak niya ang hirap na naranasan niya. Wala siyang kinikilalang magulang at tanging ang mga madre lamang ang siyang nag-alaga at naging ina niya. Ayaw niyang iparanas sa anak ang buhay na kinalakihan niya.
Kaya naman sobrang ligaya niya at pati na rin si Eiann nang magbuntis siya at mas lalong nagsikap para sa mga pangarap niya at para na rin sa pangarap nilang pamilya.
Sobrang nagsumikap si Yvonne. Hindi siya umasa sa yaman ni Eiann na lumaki namang marangya at namahala kaagad ng family business ng ito’y magtapos sa pag-aaral. Lumaking independent si Yvonne kaya hindi siya palaasang tao.
Nagbuga nang hininga si Yvonne. Ibinaba na niya ang kanyang kamay at nanatiling nakatingin na lamang sa kalangitan.
“Marahil hanggang ngayon ay ako pa din ang sinisisi niya,” mahinang sambit ni Yvonne. Mapait siyang ngumiti. “Tama, galit na galit pa rin siya sa akin hanggang ngayon,” malungkot na sabi pa niya. “Siguro nga… tama lang na habang-buhay siyang magalit sa akin dahil ako ang dahilan ng pagkawala ng sana’y magiging kaligayahan naming pareho.”
At nasasaktan si Yvonne dahil doon.
Ngunit hindi magpapadaig si Yvonne sa nararamdaman niyang sakit. Kailangan niyang lumaban at ipaglaban ang kanila ni Eiann. Hanggang sa huli, gagawin niya ang lahat para manatili silang magkasama ng lalaking pinakamamahal niya.
Ang lalaking una niya sa lahat.
Ang lalaking una at marahil ay huli niyang mamahalin.